Austeja
Now I know why my father looks like someone shitted on his face. Ang dalawang bisita pala namin ay ang mag-inang Archeron.
Magkahalong tuwa at pangamba ang nararamdaman ko. Dapat sana ay purong tuwa lang, subalit hindi ko mapigilan ang nerbyos na umarangkada sa sistema ko.
Ano ba ang kahihitnan namin pag-alis nila dito? Kapag naiwan na ulit kami sa ama ko? Kahit hindi nagsasalita si Papa, makikita mo naman sa mukha niya na hindi welcome dito sa bahay niya ang dalawa. Ni hindi man nga niya pineke ang ekspresiyon niya sa mukha. Kahit nagpanggap lang sana siyang natutuwa, hindi.
"You have grown up into a beautiful lady, Austeja," ani tita Elizabeth habang nakaupo ako sa tabi niya. Hawak nito ang kamay ko sa isa niyang kamay, habang iyong isa ay ang kamay ni Althea ang hawak.
At sinabi rin niya iyon sa kapatid ko.
Hindi nga ako makapaniwala na siya na itong kasama ko sa upuan. Akala ko pa kaninang sabibin niya sa anak niya na pinsan niya ako, ibang kamag-anak sila ni Mama na natunton kami rito.
Ang layo ng hitsura niya sa nanay ko. Parang hindi sila magkapatid. Siya ang matanda sa kanilang dalawa subalit mas mukha pang panganay si Mama dahil sa stress at pagmamaltrato ni Papa sa kanya. Si tita Elizabeth ay mukhang walang problema sa asawa niya o sa kung ano mang bagay.
Sabagay, mayaman ang pamilya nila. Para siyang nanalo sa lotto dahil sa napangasawa niya. Samantalang iyong nanay ko, parang pinagsakluban ng langit at lupa. Pero kung hindi lang siguro nalugi ang negosyo ni Papa, maayos rin sana ang pamumuhay namin. Maayos pa rin siguro ang pakikitungo niya sa amin.
Hindi ko naman nakakalimutan iyong mga mabubuting ginawa niya, iyon nga lang ay dahil sa ugaling mayroon siya ngayon, parang kulang pa ang mga iyon.
"Thank you po, tita," nahihiya kong sabi. Hindi lang dahil doon sa papuri niya sa akin kung hindi pati na rin sa suot ko.
Naka-ayos rin naman ang nanay at kapatid ko, ngunit itong suot ko, para akong mag-aabang ng lalaki sa may kanto. Bukod pa doon, nahihiya rin ako sa anak niya--na pinsan ko.
Sa bawat dadapo kasi ang paningin niya sa akin ay hindi ko alam kung pinagtatawanan niya ako o pinandidirihan. May kutob ako na naiisip niyang pariwara ang pinsan niya dahil ganito ang ayos ko. Para niya akong hinuhusgahan.
"Sakto ang pagdating niyo," biglang sabi ni Papa. Ang hula ko ay ngayon pa lamang siya nagsalita simula kanina. "Makikilala ninyo ang magiging bagong parte ng ating pamilya." Matamis itong ngumiti sa mga bagong dating.
Mahinang umismid si Althea. Pasimple namang bumuntonghininga ang nanay ko, samantalang si tita Elizabeth ay mukhang naguluhan. Iyong anak naman niya ay mukhang naging interesado sa kung ano ang ibig sabihin ng tatay ko dahil nakangisi ito habang nakataas ang mga kilay.
Pilit naman akong ngumiti, hindi lang sa ama ko kundi pati na rin sa sarili ko. See? Wala rin namang magagawa ang tita at pinsan ko dahil matutuloy pa rin naman ang kasunduan pagdating ng mga Salcedo, at masasaksihan nila iyon.
"Ano ang ibig mong sabihin, Felix?" Halata pa ring naguguluhan ang tiyahin ko.
"Mayroon kaming darating na mga bisita ngayon." Inayos ni Papa ang suot niya at itinuwid ang likuran. "Si Ivan Salcedo, ang mapapangasawa ng anak ko, kasama ang pamilya niya. Pag-uusapan namin ang nalalapit nilang kasal."
Sa tono ng pagkakasabi niya sa salitang 'anak ko', parang siya lamang ang may karapatan sa akin. Siya lang ang mayroong karapatan na magdesisyon para sa akin. Para bang iyong mga salitang lalabas mula sa bibig niya ay ang mga batas na kapag hindi mo sinunod, ikaw lang rin ang masasaktan.
Nagpalipat-lipat ng tingin si tita Elizabeth sa akin, kay Mama, at kay Althea. Puno ng pagtatanong ang mga mata nito. Medyo humigpit rin ang pagkakakapit ng kamay niya sa kamay ko.
At kahit gusto kong ipakita ang tabang sa mukha ko, hindi ko magawa lalo na't pinapanood rin ng tatay ko ang reaksiyon ko. Kailangan kong peke-in ang tuwa ko. Kailangan kong palabasin na gusto ko iyong ipinagkakasundo niya ako sa mga lalaking hindi ko naman gusto o lubos na kilala. Dapat ay hindi mahalata ng mga bisita namin na may pagtutol ako sa sinabi niya.
Ngunit ang sabi Mama ay naipaalam na niya sa kapatid niya ang kalagayan namin dito at kung ano ang mga ginagawa sa amin ni Papa. Posible kayang umaarte lang si tita na wala siyang ideya tungkol doon? O baka iyong pagmamaltrato lang ni Papa sa amin ang nai-kuwento niya pero iyong pamimilit sa akin ng ama ko sa akin o iyong ipinagkakanulo niya ako sa mga lalaki, hindi niya nabanggit?
"Hindi ba't ang bata pa ng pamangkin ko para ipakasal siya?" Bahagyang nagsalubong ang mga kilay ni tita Elizabeth. Sumulyap pa ito ng tingin sa akin. Hindi mo rin maikukubli ang pagtutol sa tinig nito.
"Bata?" Natatawang ulit ni Papa. "Nasa tamang edad na siya, Beth. At gusto na rin naman niyang magpakasal." Makahulugang tingin ang iginawad sa akin ng tatay ko. "Tama ba ang Papa, Austeja?" Seryoso nitong sabi.
Lumunok ako at mabilis na tumango kahit na ang gusto kong gawin ay itanggi iyon. Kung iilingan ko siya, mapapahiya siya. At ayaw niya ng gano'n. Alam ko ang magiging kaparusahan niya sa sandaling gawin ko.
Sigurado akong walang magagawa ang mag-ina na bisita namin. Aalis rin naman sila at maiiwan pa rin kami sa puder ng tatay ko. I couldn't take the risk. Hindi rin ako puwedeng magkamali sa isasagot ko.
"Tama po si Papa, tita," usal ko saka pineke ang matamis na ngiti. "Gusto ko na pong magpakasal. Gusto ko na pong mag-asawa--" napahinto ako sa pagsasalita dahil sa isang mapaklang tawa.
Lahat kami ay napatingin sa pinsan ko na prenteng pinapanood at nakikinig sa usapan.
"You don't look like you want to get married," puna nito habang umiiling sa akin. Namilog ang mga mata ko sa tinuran niya at mabilis na tumingin sa ama ko. "Are you forcing your daughter to marry someone for your own benefit, Uncle?" Dagdag pa ni Zigger. Muli kong itinuon ang atensiyon ko sa kanya. Walang ngiti ang mukha nito, at pinantayan niya ang kaseryosohan ng tinig ni Papa.
"Bastos kang bata ka!" Alma ni Papa na halos mapatayo pa. "Bakit ko pipilitin ang sarili kong anak na magpakasal, huh?" Galit nitong sabi.
Napasinghap ako sa takot at nabuhay ang pag-aalala sa dibdib ko. Baka bigla niyang sugurin ang pinsan ko at saktan sa harapan namin. Hindi magdadalawang isip si Papa na gawin iyon lalo na't mukhang nainsulto siya sa sinabi ng bisita niya.
Subalit itong si Zigger ay mukhang hindi nasindak. Lumabi lang ito saka itinungkod ang siko sa armrest ng inuupuan niya. Diretso pa ring nakatuon ang mga mata niya kay Papa na wari mo'y walang inaalala.
"Totoo naman, Pa, 'di ba?"
Mas lalo akong nangamba sa biglaang pagsingit ng kapatid ko. Hindi ko malasahan ang takot sa tinig nito. Parang mas lalo pang lumakas ang loob niya ngayon dahil sa mga bisita.
"Pinipilit mo lang naman talagang magpakasal si Austeja sa kung sino diyan! Wala kang pakialam kung anong klase ng lalaki ang napili mo basta handa silang magbayad sa halagang gusto mo kapalit niya!"
"Thea!" Saway ko sa nanginginig na tinig. Nilingon ko pa si Mama para hingan ng tulong na bawalan ang bunso niyang anak ngunit taas-noo lang itong nakatingin kay Papa.
Hindi ko rin makitaan ng takot ang mukha niya, katulad ni Althea. Bakit ba ang lakas ng loob nila sa mga sandaling ito? Dahil ba sa mga bisita namin? Gaano na ba sila kasigurado na may gagawin ang mga ito para sa amin? Mapo-protektahan ba nila kami sa mga kamay ni Papa? Isasama ba nila kami sa pag-alis nila rito?
"Althea..." may pagbabantang sambit ni Papa. Agad akong tumingin sa kanya kahit na nanginginig na ang mga labi ko.
Madilim itong nakatingin sa kapatid ko. Para bang anumang oras ay susugod na ito sa kanya. Naniningkit naman ang mga mata ni tita Elizabeth habang nakatingin sa ama ko. At ang lalaking nagbukas ng usaping ito ay mukhang nag-e-enjoy sa mga narinig at nasasaksihan niya.
Gusto kong magalit sa kanya. Gusto ko siyang murahin dahil siya ang dahilan kung bakit na-trigger na sumagot ang kapatid ko. Kung hindi na lang sana niya ibinuka ang bibig at pinanatiling tikom ang mga labi, hindi naman lalakas ang loob ni Althea na sumagot.
"Totoo ba na pinipilit kang magpakasal ng Papa mo, Austeja?" Tanong ni tita Elizabeth. Ngunit sa tono ng boses niya ay alam na niyang totoo iyon. Gusto lang siguro niyang marinig galing mismo sa bibig ko.
Malakas ang kabog ng dibdib ko nang tingnan ko si Papa. May konting ngiti sa mukha niya, at alam ko na babala iyon. Sa segundong patunayan ko ang mga sinabi ni Thea, hindi siya magdadalawang isip na saktan ako kahit na may iba kaming mga kasama rito. Kanina pa siya napapahiya. Ayoko nang pitikin pa ang pasensiya niya dahil kabisado ko kung papaano siya magalit.
"Sabihin mo na ang totoo, Aus!" Ani Thea nang ilang saglit ang lumipas ay hindi ako nagsalita. "Huwag kang matakot. Hindi na tayo masasaktan ni Papa. Isasama tayo nila tita sa pag-alis nila."
Maakas na humalakhak si Papa.
"Sinong isasama nila? Kayo?" Umismid ito. "Ni isa sa inyo, walang aalis dito!" Matigas niyang saad. Mukhang nauubos na talaga ang pasensiya nito dahil hindi na rin niya nagawang dumepensa doon sa sinabi ni Althea na hindi na niya kami masasaktan.
"Austeja..." tawag ni Zigger. Mabagal ang pagkakasambit niya sa pangalan ko, at halos kilabutan ako. "Sinasaktan ka ba ng tatay mo?" Itinaas nito ang mga kilay.
At hindi ko maintindihan kung bakit gusto kong sabihin sa kanya ang lahat ng pagmamaltrato sa amin ng ama ko. May kung ano sa tinig niya na parang inuudyok akong magsumbong. Gusto ko ring ipakita sa kanya ang mga peklat ko sa may likuran para mabigyan siya ng ebidensiya.
Humugot ako ng isang malalim na hininga.
"K-Kaming lahat," pahayag ko sa mababang tinig. "P-Para rin akong isang candy...na inaalok niya sa mga lalaki." Magkahalong takot at hiya ang dumaloy sa mga ugat ko nang sabihin ko iyon.
Isang malutong na mura ang pinakawalan ni Papa kaya agad akong napatingin sa kanya. Galit itong humakbang palapit sa kinaroroonan ko ngunit mabilis rin siyang napahinto nang magsalita ang isang tinig.
"One more step, Uncle," may pagbabantang wika ni Zigger. Kaming lahat ay napatingin sa kanya.
Marahas kong nahigit ang hininga ko nang makita ang hawak ng isang kamay nito. Biglang nanlamig ang dugo ko sa katawan. Naka-point iyon sa direksiyon ng ulo ng tatay ko. Ni hindi man lang siya tumayo. Itinuwid lang niya ang likuran niya habang naka-stretch ang kanang braso kung saan hawak niya ang baril.
"W-why are you...pointing gun at me, Zigger?" Naramdaman ko ang takot mula sa tinig ng ama ko na pinilit niyang ikinukubli.
"Take another step, and I'd be happy to see your blood roll down between your eyes," nakangiti nitong sabi.
Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya dahil sa takot na baka iputok nga niya iyon sa ulo ng tatay ko.
At bakit ba siya may baril? Bakit siya may hawak na baril? Pinaghandaan ba nila ang pagpunta nila dito?
Hindi ko alam kung matutuwa ako o lalong matatakot, hindi sa tatay ko kundi sa lalaking ito. Pakiramdam ko ay napaka-eksperto niya sa ganitong armas na isang kurap mo lang, may bala na pala siyang naitanim sa bungo mo.
"Kunin na natin ang mga gamit niyo. Aalis na tayo," usal ni tita Elizabeth na walang pakialam sa anak kahit na may hawak itong baril. Tumayo ito, kasabay ni Thea.
Nakipagsukatan pa ng tingin ang kapatid ko sa tatay namin at nakuha pang ngumisi. Hindi naman makakilos si Papa sa kinatatayuan niya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinababa ni Zigger ang baril niya.
Wala sa hitsura ng pinsan namin na nakikipagbiruan siya kahit na nakangiti ito. Hindi rin mukhang toy gun lang ang hawak niya.
Nang tumayo si Mama ay tumayo na rin ako para sumunod kay Althea at tita Elizabeth. Ramdam ko ang panginginig ng mga binti ko dahil sa tensiyong nararamdaman ko.
"Sit down, Uncle. Or I'll make you sit down myself," rinig kong sabi ni Zigger nang dumaan ako sa harapan niya. Sinikap kong hindi matamaan ang baril na hawak nito. "And, Austeja Laurice..." agad akong napahinto sa paglakad dahil sa pagtawag niyang iyon.
Marahan akong lumingon subalit naunang dumapo ang paningin ko sa tatay ko na papaupo na sa inuupuan niya kanina.
"B-bakit?" Utal kong tanong sa pinsan ko nang sa kanya ko ituon ang paningin ko.
Nakababa na rin ang baril nito at prente na siyang nakaupo sa sofa. Naka-de kuwatro pa ito na parang siya ang hari nitong bahay.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang sa mga suot ko sa paa. Pagkaraan ng ilang sandali ay bumuntonghininga ito.
"Change into something decent, will you? You look like a f*cking hooker," matabang nitong sinabi saka na nakipagtitigan sa tatay ko.
Mariin kong itinikom ang mga labi ko saka na lang tipid na tumango. Tama naman siya dahil mukha nga akong gano'n.