Revenge of a Battered Wife
By: JOEMAR P. ANCHETA (Pinagpala)
CHAPTER 7
“Hindi pa ba ako nanliligaw? Well, siguro nga hindi pa pero nandito ako para tuparin ang lahat ng pangarap mo. Nandito ako to make your life easier. Let me love you and I hope you’ll give yourself a chance to love me too.”
Napabunot ako ng malalim na hininga. Sinong tangang babae ang hindi maglulupasay sa saya at hindi bibigay sa ginagawang ito ng isang lalaking bukod na sa gwapo, napakabait at napakamapagbigay pa.
Nang matapos kaming kumain sa mamahaling restaurant ay naglakad kami palabas ng Mall. Maraming kumakaway, may ilang lumapit para siya’y kausapin. Mga may sinasabi rin sa buhay. Mga mukhang mayayaman na may mga businesses sa loob ng kanyang Mall.
Hindi siya sa akin bumitaw kahit may ilang mga lumalapit sa kanya para kausapin. Hindi man ako pinakikilala pero hindi niya binibitiwan ang paghawak niya sa aking palad. Pakiramdam ko noon, isa akong nakapahalagang babae. Tinitignan din kasi ako ng mga nakakausap niya. Yumuyukod sila ng bahagya. Nagpakita ng paggalang. Paggalang na ni minsan hindi ko naman naramdaman.
Muli kaming sumakay sa kanyang malaking sasakyan. SUV daw ang tawag do’n sabi niya. May mga nagpresentang ipag-drive kami at mga mga bodyguard na gusto siyang samahan para sa kanyang kaligtasan ngunit lahat ay tinanggihan niya. Kaya daw niya ang sarili niya. Nakita kong may isinukbit nga lang siyang baril na ibinigay ng bodyguard niya. Naintindihan ko. Sa yaman niya, maaring may banta sa kanyang buhay at kailangan niya iyon para proteksiyonan ang buhay niya.
Hindi ko maipinta yung nasa loob kong kasiyahan nang tinatalunton na ng sasakyan niya ang mabatong daan papunta sa aming sitio. Hanggang sa pagdating naming sa tapat ng bahay ay sumilip sina Nanang, Tatang at mga kapatid ko. Pati na rin ang mga mayayaman naming mga kamag-anak na kapitbahay na wala naman sa akin pakialam noon. Hindi nga kami tinuturing noon na kamag-anak. Bakit? Simple lang. Wala kaming pera at wala silang pakinabang sa amin. Pinapansin lang kami kapag may handaan sila, hindi para maging bisita kundi ang maging katulong nila sa pagsisilbi sa mayayaman nilang bisita na kamag-anak din naming may mga posisyon sa politics o mga nasa gobyerno. Kami na walang wala ay nasa kusina, nasa hugasan ng pinggan, nasa katayan ng baboy at nagdadala ng pagkain ng mga mayayaman at nakapag-aral naming mga kamag-anak. Sila sila na nakapag-aral at maykaya sa buhay lamang ang nag-uusap at nagtuturingang magkakamag-anak at kami kami na mahihirap ang mag-uusap-usap na rin sa aming trono sa hugasan ng pinggan. Kakain sila sa may magagarbong telang mesa na pinalamutian ng mga fresh flowers at kami ay kakain lang sa mesa na walang sapin sa likod at pinag-aagawan pa namin ang kakarampot at mabutong mga handa. Yung bahagi ng baboy na hindi gustuhin ng mga mayayaman naming kamag-anak? Ganoon talaga ang buhay. Kung mahirap ka at di nakapag-aral, hindi ka belong. Hindi ka nila kilala. Masasarap na ang ulam nila, pinagsisilbihan mo pa sila, sila pa ang may ganang ulamin ka, pulutunin. Sarap na sarap silang laitin at pag-tsismisan ang pagiging mahirap namin.
Lahat sila, mga mapagmata kong kamag-anak at kapit-bahay ay nakatingin sa akin nang inaalalayan ako ni Jaxon pababa ng SUV. Pati yata mga magulang ko, nahirapang kilalanin ako. Iba na kasi ayos ng buhok ko. Hindi na “suggabba” na term naming mga Ilocano. May pagkakulot at may kulay na ito. Bumagay naman sa liit at ganda ng mukha ko. Nakasalamin pa ako ng malaki at makapal. Yung damit ko ang nagdala at mga alahas na ipinasuot sa akin ni Jaxon nang paalis kami sa Tuguegarao. Kumikinang na ang mga suot ko, kumikinang din ang ganda ko. Hindi ko tuloy alam kung paano ko haharapin ang aking mga mga magulang sa ganoong ayos. Hindi ako sanay. Hindi rin naman nila alam kung anong nangyari. Hindi ko kayang ipaliwanag sa kanila kung anong nangyari sa akin kasi tatlong araw pa lang nang huli nilang nakita at ako pa rin naman noon yung dating ako. Katulong ng mayamang kamag-anak. Ngunit ngayon, iba na. Biglang parang nagbago ako.
“Sino ti sap-sapulen ‘yu balasang…(Sino ang hinahanap ninyo, dalaga…”) tanong sana ni Tatang ngunit natigilan siya nang malapitan niya ako at hinubad ko ang aking salamin sa mata. “Ivy? Ivy, anak? Sika detan?” (Ikaw ba ‘yan?)
“Oo Tang. Ako ho ito.”
“Ania napasamak? Apay adda kadwam nga lalaki?” (Anong nangyari? Bakit may kasama kang lalaki?”
“Tang, magtagalog kayo para maintindihan po niya.” Tumingin ako sa naguguluhang si Jaxon pero nakangiti rin naman. Naghihintay siguro na ipakilala ko. “Jaxon, ang Tatang ko, Nanang ko at saka mga kapatid ko.” Itinuro ko ang mga kapatid kong bata pa. Yung bunso naming wala pang short at lumang malaking tshirt lang na butas-butas ang suot. Walang tsinelas. Halos lahat sila nakapaa at kung may tsinelas man, hindi magkapares. Yung mga damit, halatang pinagpasa-pasahan na naming mula sa panganay hanggang sa bunso. Lahat kami payat. Lahat mukhang salat. Maiitim. Iyon ang kahirapan hirap kong tiisin para sa aking pamilya.
“Jaxon ho, nandito ho ako para pormal hong manligaw sa anak ninyo.” Diretsahang sinabi iyon ni Jaxon. Hindi ko napaghandaan. Hindi rin siyempre inakala ng mga magulang ko na iyon ang dugtong ng pagpapakilala ni jaxon.
“Manliligaw ka, kay Ivy?” naguguluhan pa ring tanong ni Tatang. Nabigla kasi siya. “Sandali lang ha? Pwede ko bang kausapin muna ang anak ko sa loob? Ginulat ninyo ako eh.”
“Sige ho. Dito lang ho ako sa sasakyan. Kung nakapag-usap na ho kayo, baka pwede nating ibaba ang lahat ng nasa likod ng pick-up ko. Sa inyo ho kasi lahat ‘yan.”
Tinignan ni Tatang ang mga nasa likod ng sasakyan. Hindi siya makapaniwala kasabay ng hindi rin niya pagsasalita. Seryoso ang mukhang tumingin sa akin. Hinawakan niya ang braso ko at sabay kaming pumasok sa loob ng bahay.
“Ipaliwanag mo nga ito, anak? Anong nangyayari?”
“Tang, hindi ko rin ho alam kung paano ko sasabihin lahat.”
“Sino ‘yang Jaxon na ‘yan?”
“Boss ni Kuya Joshua. Pag-aari niya yung malaking Mall sa Tuguegarao.”
“Manliligaw mo?” tanong ni Nanang na mukha ring hindi natutuwa. “May manliligaw kang kasing-yaman niyan?”
“Sinabi nina Tiya na samahan ko lang daw siya ng one week dahil sa business proposal na palakihin ang negosyo-“
“Hindi mo sinasagot yung tanong ng Nanang mo, manliligaw mo?”
“Kaya raw ho siya nandito para pormal niya akong maligawan.”
“Anak bata ka pa. 17 ka pa lang hindi ba?”
“Pero mabuti ho siyang tao. Kaya niya akong pag-aralin. Kaya niyang ibigay lahat sa akin.”
“Naroon na tayo. Mayaman. Paano kung lolokohin ka lang?”
“Paano ho kung pakasalan niya ako? Paano ho kung seryoso naman din siya sa akin?”
“Paano mo nga alam na pakakasalan ka niya?”
“Kung makita niya sigurong papayag kayo. Kung alam niyang hindi ako sasama sa kanya hangga’t hindi kami ikinakasal.”
“Ibig mo bang sabihin? Kayo na?”
“Tang, hindi ho. Nandito ho siya para manligaw pa lang. Hindi ba? Iyon naman ang sinabi niya?”
“Kung manliligaw pa lang pala, bakit parang kayo na? Bakit napakarami na niyang dala?”
“Hindi ko ho alam. Hindi ko naman ho ‘yan hiningi sa kanya.”
“Nagdadalawang isip lang ako. Hindi ito normal. Parang may mali.” Kasabay iyon ng buntong-hininga ni Tatang.
Huminga rin ako nang malalim. “Tatanungin ko kayo, Tang, Nang. Mapag-aaral pa ba ninyo ako sa kolehiyo? Kasi sina Tiya at Tiyo nagsabi na sa akin na hanggang high school lang ang kaya nila. Kung kayo ninyo akong matulungang mag-aral sa kolehiyo, ngayon pa lang, pauuwiin ko na si Jaxon.”
Nagkatinginan sina Nanang at Tatang. Kahit hindi naman nila sasabihin alam ko namang hindi nila kakayanin.
“Ayaw ko hong magpaka-ipokrita. Nandito na ho yung pagkakataon, isinusubo na sa akin ang biyaya, tatanggi pa ba ako, Tang, Nang? Alam ko, iniisip ninyo ang sinasabi ng ibang tao pero mapapakain ba nila tayo? Matutulungan ba nila tayong umangat?”
Huminga nang malalim si Tatang.
“Mahal mo ba siya?”
“Gusto ko siya, Tang. Kung mahal ko siya, hindi ko alam pero sa kagaya ni Jaxon, hindi siya mahirap mahalin.”
“Sa tingin mo anak, magiging masaya ka ba sa kanya?” tanong ni Nanang na mukhang nag-aalala.
“Oo Nang. Magiging maayos at masaya ako sa kanya.”
“Okey. Kung ganoon na rin naman pala. Anong pang pagtataluhan natin. Sigurado ka bang mabuting tao ‘yan?”
“May masama bang tao na gagawa ng lahat ng ito?”
“Sige papasukin mo at maipaghahanda ng makakain.”
“Ano bang handa ninyo?”
“Patupat saka pancit lang.”
“May dala naman ho kaming pagkain. Puno rin ang sasakyan niya Nang ng mga kasangkapan sa bahay. TV, Ref, iba pang appliances. Nang, Tang mga ading (kapatid, bunso) ko, may TV na tayo sa wakas. Hindi na tayo pagsasarhan pa ng mga kapitbahay nating mga kamag-anak kapag nakikipanood kayo sa kanila. Iinom na rin tayo ng malamig na tubig. Hindi na masisira ang dinengdeng natin, Nang.” Natatawa ako na naiiyak nang sinasabi ko iyon. “Hindi na magpapaa lang si Junior. May mga bago na silang damit. Hindi na sila maiinggit sa de-bateryang laruan ng mga kapitbahay natin. Nang, Tang, alam ko nakakahiyang umasa, nakakahiya na nagkaroon tayo ng ganito dahil sa isang lalaking may gusto sa akin. Pero hindi ko matanggihan kasi iniisip ko kayo. Iniisip ko ang mga kapatid ko. May mga damit, sapatos, laruan at groceries din ho.”
“Hindi naman sa hindi ako masaya sa dala niya. Nakakahiya lang anak na hindi pa kayo pero nagbibigay na siya ng mga ganyang kamahal na mga gamit.”
“Sasagutin ko na ba siya para ho hindi na nakakahiya?”
Napangiti si Nanang sa sagot ko. Hinila niya ako at niyakap. “Salamat anak. Salamat dahil kami lagi ang iniisip mo.” Hinalikan niya ako. Tumingin siya sa akin. Ramdam ko ang magaspang niyang kamay sa aking magkabilang pisngi. “Ang ganda mo. Ang ganda ganda mo na hindi ka naming nakilala agad ng Tatang mo at mga kapatid mo kanina. Siya ba ang nagpaganda sa’yo?”
“Pera ho niya ang nagpaganda sa akin at salamat po Nang, Tang. Sana ito na ho. Sana nga si Jaxon na ang sagot ng aking mga panalangin.”
Lumabas kami. Sumenyaw ako kay Jaxon ng thumbs up. Alam niyang okey na. Nakita ko ang saya sa kanyang mukhang bumaba sa kanyang sasakyan. Kinamayan niya si Tatang at nagpakilala. Ganoon din kay Nanang na noon ay nahihiya. Pati sa mga kapatid ko. Inalam niya ang pangalan nilang anim dahil pito kamung lahat. Nakita ko ang hiya sa mukha ng mga kapatid ko.
Ang hiyang iyon ay napalitan ng saya nang ibinababa na ang mga gamit, damit , sapatos, appliances, groceries at iba pa na regalo niya sa lahat sa amin. Nakatanghod ang mga maykaya naming mainggiting kapitbahay. Kasabay ng kanilang pagtanghod ang kanilang pagti-tsismis ngunit wala akong pakialam. Mamatay ang mga inggitera. Hindi nila kami kilala noong wala kami. Ni hindi nga yata nila alam noon na may walang makain silang kamag-anak. Mga naturingang kapatid sila ni Tatang ngunit wala sa kanila ang sa amin ay nakapagbigay man lamang ng kahit anong sobra nilang ulam.
Nang naiayos na ang mga gamit. Nakapagkuwentuhan na sina Tatang at si Jaxon. Naging palagay na ang loob nila sa isa’t isa at puring-puri rin si Nanang sa kaguwapuhan at kabaitan ni Jaxon ay alam kong tulad ko. Nakuha na rin ni Jaxon ang loob nila. Parang sila na mismo ang nagtutulak sa akin na sagutin na si Jaxon. Hanggang may sinagot siyang tawag muli. Parang laging may kausap sa cellphone niya mula kanina pa sa Mall at iyon ang ay hindi ko alam. Naisip ko lang na dahil sa negosyo niya kaya hindi magkamayaw ang tawag niya.
Hanggang pagkaraan ng tatlong oras at magga-gabi na ay dumating ang nakamotor na si Kuya Joshua. Dala ang isang brown envelop. Ibinigay niya iyon kay Jaxon at nang nakita ni Jaxon ang laman niyon ay muli niyang ibinalik. Sandali lang nakipagkuwentuhan si kuya Joshua kina Nanang at Tatang ay umalis na rin siya agad. Tinapik pa niya ang likod ko sabay ng makahulugang ngiti.
“Tang, may sorpresa ho ako sa inyo.”
“Sorpresa?” tanong ni Tatang. Ako man ay lumapit kasi hindi ko alam ang tungkol doon. Lumabas din si Nanang mula sa kusina at lumapit.
“Heto ho. Buksan ninyo Tang.” Inabot niya ang brown envelop. Tumingin sa akin si Tatang. Nakita kong nagpapatulong dahil hindi nga siya marunong magbasa at hindi alam kung anong laman ng envelop na iyon. Lumapit ako. Ako na ang tumingin. Nagulat ako. Hindi ako makapaniwala. Totoo ba ang lahat ng ito?