INALIPIN

1987 Words
Revenge of a Battered Wife By: JOEMAR P. ANCHETA (Pinagpala) Pangatlong Kabanata                       Mali pala ako ng hinala. Maling-mali ako sa tingin ko sa aking ama.                Sardinas lang ang ulam ngunit iyon na ang pinakamarasap na hapunan ko. Nakaupo sina Nanang at Tatang sa harap ko. Parang nakapatagal nang panahong hindi nila ako nakita.                 “Malapit lang sa paaralan ang bahay ng Tiya Cynthia mo. Nakiusap ako na doon ka na muna tumira para hindi ka na mapagod mag-uwian. Ang sabi ng Tita mo, tutulong ka raw sa kanilang karinderya at sila na lang ang bahalang magpaaral sa’yo.”                 “Talaga ho? Ibig sabihin Tang, mag-aaral ako?”                 “Oo anak. Mag-aaral ka. Sana anak, maintindihan mo dahil marami kayong magkakapatid at hindi ko alam kung paano ko kayo igagapang lahat.”                 “Okey na ho ako do’n, Tang. Magsisipag ako. Mag-aaral ho akong mabuti para sa ating lahat.”                 “Sige anak. Kung hindi mo kaya roon, kung hindi maganda ang trato sa’yo ng kapatid ko at mga pinsan mo, uuwi ka rito. May pamilya kang uuwian. Kahit mahirap, igagapang ka namin ng Nanang mo kahit high school lang ang matapos mo.”                 “Sige Tang. Samalat po. Salamat po Nang.”                 Dahil kamag-anak, malayo sa isip kong alilain ako ng panganay na kapatid ni Tatang. Nang una, mabait naman ang Tiya Cynthia at ang asawa nito sa akin ngunit nang naglaon lumabas din ang kanilang masamang ugali. Ang Sabado at Linggo na dapat pagtulong ko sa carinderia ay naging araw-araw na. Kailangan kong magising ng madaling araw para samahan ko ang tauhan nila sa karinderya para mamalengke. Pinapabitbit sa akin ang mabibigat na pinamili. Tumutulong pa ako sa pagluluto. Madalas, nahuhuli ako sa pagpasok sa klase. Kahit sa tanghali, bago ako makapananghalian ay kailangan ko pa rin munang tumulong sa pagese-serve sa mga kakain at makapaghugas ng mga pinggan samantalang ang mga pinsan ko ay naroon at katulong rin ang turing sa akin. Kahit nga tubig lang nila o kaya mga simpleng gawain sa bahay ay sa akin lahat iniaasa. Pagdating ko sa hapon ay sa carinderia pa rin ako didiretso at doon ako hanggang sa wala ng customer na kakain. Ang masaklap, wala na akong panahon pa para mag-review. Hanggang sa mismong carinderia na ako pinatira dahil kailangan raw may magbabantay o tatao doon sa gabi kasama ng kusinero at iba pang mga serbidora sa iba’t ibang branch ng kainan nila. Ang mga kasama ko sa carinderia ang tanging saksi kung paano ako tratuhin ng aking mismong kamag-anak. Hindi pamangkin o pinsan ang turing sa akin. Masahol pa sa kasambahay o tauhan. Kahit may sakit ako ay wala silang pakundangan na utusan ako sa carinderia man o sa mismong bahay nila Tita. Nagsabi ako na may sinat at trangkaso ako ngunit pinalabas na nagdadahilan lang para makaiwas sa trabaho. Gumaling lang ako dahil sa gamot na ibinigay sa akin mga kasamahan ko sa trabaho. Mabuti pa ang ibang tao, nagagawang pagmalasakitan ako ngunit ang mismo kong mga kadugo walang pakialam sa akin.                 Hindi lang pang-aalila ang ginagawa sa akin. Higit pa ang emosyonal na pagpapahirap ang pinagdaanan ko sa piling ng kapatid ni Tatang. Sa harap kasi ng ibang mga tao ay sinisigawan nila ako. Utos dito, utos diyan at kung nagkamali, may kasunod pang sabunot o kaya pambubulyaw. Sa gabi napapaluha na lang ako, naghahanap ng kalinga, ng pagmamahal. Oo nga't masarap ang mga pagkain, may ibinibigay silang pera ko araw-araw ngunit hindi naman makatao ang turing sa akin. Isa pa, pinagtrabahuan ko naman ang lahat ng iyon. Naiinggit ako sa mga pinsan ko sa tuwing nakikita ko silang nagdidiwang sa kanilang mga birthday. May bagong mga damit, mga regalo na bubuksan, mga laruan at cake. Ni minsan hindi ko pa  naranasang mag-birthday, ni hindi pa nga ako nakatanggap kahit isang regalo lang. Ang mga suot kong damit ay mga napaglumaan na ng mga pinsan ko. Kapag sumasapit noon ang pasko ay gustung-gusto kong  umuwi sa amin dahil namimiss ko rin ang mga kapatid ko at mga magulang ngunit sinabihan ako ni  Tiya Cynthia na kung babakasyon ako, wala na akong babalikan pang trabaho. Hindi na raw ako muli pang tatanggapin doon at di na ako papag-aralin pa. Kaya kahit umiiyak ako sa pagkasabik ko kay Tatang, Nanang at sa mga kapatid ko, mas pinili kong magtiis at gugulin ang mga bakasyon tulad ng pasko at iba pang mga araw na wala siyang pasok sa pagtulong sa kanilang carinderia. Tinitiis ko ang pagpapaalila para sa pangarap kong maiahon ang aking mga magulang sa kahirapan.                 Masakit yung nakikita kong masaya ang buong pamilya ng kamag-anak ko ngunit dahil katulong ang turing sa akin ay hindi ako naging bahagi ng pamilyang iyon. Bumubunot na lang ako ng malalim na hininga nang nakikita kong nagbibigayan sila ng regalo at ako ay naroon lang, nakatingin sa kanila habang ang mga pinsan ko ay nagbubukas ng kani-kanilang regalo mula kina Tiyo at Tiya. Pangalawang pasko na kasing ganoon ang sitwasyon. Noong nakaraang pasko sobrang sakit at kinaiinggitan ko ang mga ganoon ngunit nang sumunod na pasko, kinakaya ko na lahat kahit papaano. Tahimik lang ako sa tabi at pangiti-ngiti kahit nakaramdam ako ng inggit at pagkaawa sa aking sarili. Ni hindi ko alam kung napapansin ba ako o sadyang pilit kinakalimutan. Inisip ko na lang na nakapagpadala naman ako ng pera sa bahay namin at nakabili ng regalo sa aking mga kapatid kapalit ng paninilbi ko sa mga kamag-anak ko. Hindi ako pinayagang umuwi dahil nga sa kailangan daw nilang tigaligpit. Pera ang kapalit ng pangungulila ko sa aking pamilya. Ang tatlong libo na inabot sa akin ni Tiya ay ibinigay ko agad kay Tatang nang sunduin ako para uuwi sana sa pasko. Nakiusap akong huwag na lang umuwi dahil kailangan nila ako. Ang akala ni Tatang ay maayos ang trato sa akin. Hindi ko masabi ang pinagdadaanan ko dahil ayaw kong umuwi at tumigil sa pag-aaral. Pilitin kong kayanin ang lahat. Matatapos rin lahat.  Dumadalaw man ang Nanang ko roon ngunit iyon ay kung hihiram lang ito ng pera at sa tuwing kinakausap ako ni Nanang ay pinipilit kong ipinakikita na masaya ako para mapagtakpan lang ang hirap na aking  pinagdadaanan.                 "Nakita mo ‘yon, Ivy? Bumale na naman ang Nanang mo. Mahirap pa kayo sa daga kaya sa amin na lang kayo laging umaasa. Punum-puno na ako sa walang tigil ninyong panghuthot sa amin. Kulang pa ang pinagtrabahuan mo sa mga kinukuha ng Nanang mo sa amin kaya doblehin mong magsipag. Kulang na na lang ibenta ka nila sa amin. Aba, hindi madaling kumita ng pera. Palibhasa kasi mga inutil kayo at mangmang!" patutsada ng Tiya ko na binabale-wala ko na lang. Paano ko ba pagsasabihan ang Nanang na itigil na niyang lumapit at humingi ng tulong kung alam ko namang lumalaki na ang mga kapatid ko kaya lumalaki na rin ang gastos nila sa bahay.                 Nang una, nasasaktan akong marinig ang patutsadang iyong ng Tiya ko ngunit nang naglaon, tinanggap ko na lang. Hindi dahil nasanay na ako kundi iyon naman talaga ang totoo. Mahirap lang kami at wala naman akong puwedeng ipagmalaki. Ngunit darating din ang araw na aangat ako. Hindi ko nga lang alam kung paano ngunit umaasa akong giginhawa rin ang buhay ko.                 Kahit mahirap kami ay dama ko ang kahalagahan at pagmamahalan naming pamilya. Kahit salat ang aming hapag-kainan ay siguradong lahat naman kami ay nagbabahagian ng pagmamahal at matutulog na may ngiti sa labi. Iyon na lang kasi ang mayroon kami, ang pagmamalasakit at pagmamahal namin sa isa't isa bilang pamilya. Hindi nagkulang ang Nanang at Tatang ko sa pagtatanong kung maayos lang ba ang kalagayan ko kina Tiya at kung hindi ba ako nahihirapan pero alam kong walang mabuting maidudulot ang pagsusumbong ko. Ako kasi ang mawawalan. Ako ang madedehado. Pang-apat nang pasko na nasa kanila ako. 16 years olad na ako. Sanay na sanay na ang katawan ko sa pagiging alipin. Naiugali ko na ang pagiging tahimik lang at matiisin. Wala na sa pagkatao ko yung palaban. Binago ng kahirapan ang aking dating ugali na palasagot at ipinagtatanggol ang sarili. Kaya kahit anong pagod, hirap at pang-iinsulto sa aking pagkatao at buong pamilya ko ay kakayanin kong magtiis ay kinakaya ko para lang makatapos. Kaya nga para hindi na ako lulunurin ng lungkot at inggit sa nakikita kong saya ng mga pinsan ko sa mga natanggap nilang mga regalo ay sinikap kong balikan ng alaala ang sarili kong pamilya. Ang malulutong na tawanan naming mag-anak kapag magkakasama kami sa bakasyon ko. Natanggap na kaya ng mga kapatid ko ang mga regalo ko sa kanila ngayong pang-apat nang pasko na di ko sila kasama? Binuksan na kaya ni Nanang at Tatang ang pinag-ipunan kong regalo ko sa kanila? Iba na kasi ang sitwasyon ko nang naging alila na ako ng mismong kamag-anak ko. Hinubaran na kasi ako ng karapatang magsaya at ang tanging bumubuhay na lang sa akin ay ang aking mga pangarap at pag-asa. Doon na lang ako humuhugot ng lakas. Tumayo ako. Maluha-luha na akong umalis doon sa sala kung saan nagkakasiyahang nagkukumpulan ang aking  mga kamag-anak. Nagdesisyon akong matutulog na lang at gigising kapag maulinigan kong tapos na sila sa kanilang kasiyahan para maglinis at maghugas ng kanilang mga pinagkainan. “Ivy, sandali lang,” boses iyon ng pinsan kong si Kuya Joshua. Nag-aaral kasi ito sa Manila at bihirang-bihira umuwi. May kasama itong bisita, Mukhang mayaman at gwapo rin. Hindi ko pinapansin at kinakausap ang lalaking iyon kasama ni Kuya Joshua.                 “Bakit po kuya? May iuutos ka po ba?”                 “Naku wala. Hindi mo na ba hihintayin na mag-alas dose?" "Hindi na ho. Gigising na lang ho kuya kung tapos na kayong kumain para hugasan ko ang mga pinagkainan ninyo at magligpit." Nahihiya kong tugon dahil kanina ko pa napapansin ang bisita niyang malagkit ang tingin sa akin.                 "Ano? Halika nga at mag-usap tayo sa labas."                 Hinila ako sa kanilang terrace. Sumunod pa rin ang kanyang kaibigan.                 "Inaalila ka ba rito sa bahay, insan?"                 "Hindi ho kuya."                 "Huwag kang magsinungaling. Dalawang araw palang ako rito pero napansin ko ang trato nila sa'yo."                 "Wala ho 'yun kuya. Ayos lang po 'yun." Pinilit kong pigilan ang sariling mapahikbi.                 "Hindi ayos 'yun sa akin. Bukas na bukas, umuwi ka muna ha? Sa inyo ka magbagong taon."                 "Ho? Hindi ho puwede kuya. Magagalit ang Mama at Papa mo. Mawawalan ho ako ng trabaho. Titigil ako sa pag-aaral ko."                 "Ako ang bahala sa kanila insan. Kailangan mong gugulin ang bakasyon mo kasama ang mga kapatid mo at sina Tito at Tita. Heto, may pasalubong at regalo rin ako sa'yo." Iniabot ni Kuya Joshua ang regalo sa akin. Nahihiya at nagdadalawang isip akong tatanggapin iyon. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako makatanggap ng ganoong regalo at pagpapahalaga ng isang kamag-anak.                 “Salamat kuya.”             “Walang anuman. Siya nga pala, si sir Jaxon. Kaibigan at boss ko. Pangalawang beses na siyang kasama ko ritong umuwi at dalawang beses na rin niya akong kinukulit na ipakilala raw kita sa kanya dahil may pagkasuplada ka raw.”               “Hi, Ivy,” inilahad ni Jaxon ang kanyang kamay. Titig na titig siya sa akin. Hindi ko alam kung tatanggapin ko ang maputi at mukhang napakalambot niyang palad. Naamoy ko agad ang kanyang kabanguhan. Napakaguwapo rin pala niya sa malapitan. Alangan na alangan ako sa kanyang kakisigan. Nanginginig ako. Nanlalamig.               “Ano insan? Nakikipagkilala si Sir Jaxon oh. Milyonaryo ‘yan baka ‘kala mo.”               “Hindi ko ito ibababa hangga’t hindi mo tatanggapin.” Ngumiti siya. Nakita ko ang biloy niya, ang mapuputi niyang ngipin. Lalo akong nakaramdaman ng kakaiba. Para akong hinihimatay sa kilig.               “Ivy. Ako po si Ivy,” mahina kong tugon kasabay ng pagtanggap ko sa kanyang pakikipagkamay.               Siya na ba ang lalaking babago sa buhay ko? Ang lalaking aahon sa akin sa kahirapan o siya ang lalaking lalong aapak sa akin para lalong lumublob sa putikan?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD