AKALA

1707 Words
Revenge of a Battered Wife By: JOEMAR P. ANCHETA (Pinagpala) Pangalawang Kabanata “Aba gusto mo talagang makatikim ng bugbog kang bata ka ah! Halika rito nang matikman mong hinahanap mo!” pinulot ni Tatang ang tali ng kalabaw. Alam kong iyon gagamitin niyang panghampas sa akin. Bumalik sa aking alaala ang ginawa ni Tatang sa akin noong sampung taong gulang ako na pamamalo dahil sa muntik nalunod ang isang kapatid ko sa ilog dahil sa kapabayaan ko. Nakaramdam ako ng takot. Bumalik yung nginig ko noon. Binitiwan ko ang kumpay na hawak ko. Umatras ako at mabilis na naglakbay ang aking mga luha sa aking pisngi. Sumasabog ang aking dibdib sa sakit ng loob. Hindi nila ako maintindihan. Hindi nila ako naiintindihan! Lakad takbo akong umalis. Kahit saan ako dadalhin ng aking mga paa basta gusto kong lumayo sa kanila hanggang sa mawala ang nararamdman kong sa sama ng loob.                Tumakbo ako nang tumakbo papunta sa ilog hanggang nakarating ako sa may kakahuyan. Kumakaripas ako dahil sa inis at nang alam kong hindi na ako nasundan ni Tatang ay tumigil ako. Naglakad-lakad hanggang sa napagod ay umupo muna ako. Palubog na noon ang araw. Pagabi na ngunit wala akong balak pang umuwi.                 Nagtapos ako bilang Valedictorian sa Elementary. Nagkamit ng maraming karangalan sa mga contest na aking ipinananalo at sinalihan. Tahimik naman ako, tinatanggap lang ang lahat ng hirap, hindi nagrereklamo ngunit napupuno rin naman ako. Kailangan ko pang pinakiusapan si Nanang na sumama sa akin sa graduation ko dahil hindi ko mapilit si Tatang na pumunta para sabitan ako ng aking mga medalya. Kagaya ni Tatang, hindi rin nakatapos si Nanang sa Elementary. Grade 2 lang ang inabot nito. Pero bakit pati pagpunta sa school para sa aking tagumpay ay pahirapan pa silang kumbinsihing pumunta? Akala ko kasi matutuwa sila. Akala ko karangalan ang hatid no’n sa kanila na may anak silang makatapos. Inakala ko na kahit papaano ay tataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Ngunit parang wala lang iyon. Kinahapunan nga, inutusan na agad akong pumunta sa bukid na parang wala lang nangyari. Dumaan na parang normal na araw ang pinaghirapan kong karangalan.                 Hindi naman ako naghahanap ng handa o regalo, kahit kaunting pagkilala lang sana sa aking tagumpay. Masaganang luha ang bumaybay sa aking pisngi. Kailan kaya nila ako maipagmamalaki? Hanggang kailan ko maramdaman ang kanilang suporta sa aking ambisyon na makatapos. Gusto kong yumaman kami, gusto kong magkaroon ng maraming pera hindi para sa akin kundi sa aking pamilya ngunit paano ko iyon makakamit kung ako lang ang parang nanghahangad ng ganoong buhay? Paano kami aangat kung parang wala nang pag-asa at pangarap pa ang aking mga magulang na magbago pa ang aming pamumuhay? Madilim na ang paligid. Iba’t ibang mga tunog ng kulisap sa gabi at mga kahol ng aso ang pumupunit sa katahimikan ng gabi. May mga huni ng ibon na lalong nagpatindig sa balahibo ko. May narinig rin akong hampas ng pakpak. Nakaramdam ako ng takot ngunit mas matindi ang takot kong umuwi sa bahay. Nagpahinga ako sa silong ng isang puno ng akasya. Humagulgol ako nang humagulgol at doon. Kinausap ko ang aking sarili para lang sandaling mawala yung takot ko. Bakit gano’n sila? Nang gumawa ako ng tama, nagsisikap para makapag-aral sa sarili kong kayod, nagbigay ng karangalan sa kanila  pero parang wala lang sa kanila. Ano bang mali? Anong kulang? Nagiging mabuti naman akong anak. Alam naman nila na ako’y masipag at maasahan sa lahat ng gawaing bahay pero bakit ganoon pa rin sila kawala ng suporta sa akin? Bakit hindi nila napansin ang lahat ng aking mga ginagawa? Bakit hindi ako nakita o naramdaman man lang? Ngayong sinasabi ko ang aking niloloob, ngayong humihingi ako sa kanilang tulong sa aking pag-aaral ay ngayon lang ako napansin? Sabi ng teacher ko, kapag daw nagagalit ang mga magulang namin sa amin ay mahal na mahal daw nila kami. Sa nariinig ko kanina kay Tatang na parang walang balak na igapang ako sa aking pag-aaral at sa p********l niya sa akin, ibig bang sabihin ba no’n ay mahal na mahal niya ako? Simbolo ba ng p*******t na iyon ni Nanang sa akin ang pagmamahal na sinasabi ni teacher? Para kasing ang hirap kong paniwalaan. Umiyak ako nang umiyak. Naiinis ako sa sarili ko. Biglang nakaramdam ng pagsisisi. Sana kinimkim ko na lang ang lahat. Sana hindi na lang ako nagsalita pa. Sana tiniis ko na lang ang hirap at gumawa ng sarili kong paraan para makapagpatuloy sa aking pag-aaral na hindi na sila sinasabihan pa. Nagagalit ako sa mga magulang ko. Sana hindi na lang sila ang mga magulang ko. Sana hindi na lang din ako ipinanganak sa mundo. Sana hindi na lang ako nabuhay. Sana pinatay na lang nila ako nang sanggol pa lang ako kung ganito rin lang pala ang hirap ng buhay na pagdadaanan ko? Dumaan pa ang ilang oras at gabing-gabi na. Nagugutom na rin ako. Nagsimula nang magtago ang buwan sa makapal na ulap na lalong nagpadilim sa gabing tahimik. Kanina pa ako pinapapak ng mga lamok. Noon ko lang naranasang umupo ai silong ng kahoy at inabot ng ganito kagabi. Natatakot ako sa tinaguan ko ngunit natatakot pa rin naman akong umuwi. Wala akong maisip pang ibang mapuntahan. Nagigimbal din ako dahil bigla kong naalala ang mga kuwento ng mga kalaro ko tungkol sa puno ng balite na tanaw lang sa kinauupuan kong puno ng akasya. Tumatayo ang mga balahibo ko sa nililikha ng utak kong mga haka-hakang may dambuhalang babae raw doon na may karga karagang bata na parehong namumula ang mga mata at lumilipad sa ere,  kabaong na humahabol sa gabi, may paring walang ulo at dahil hindi ko na makayanan pa ang takot na nilikha ng aking isipan ay bigla akong kumaripas ng takbo palayo roon. Ang tanging alam kong tanging mapupuntahan ay ang aming munting kubo. Huminto ako sa katatakbo ko nang malapit na ako sa aming kubo. Hindi ko magawang lumapit at umuwi. Nauuhaw na ako, nagugutom at pinapapak ng lamok ngunit natatakot pa rin akong umuwi o pwede rin dahil sa aking pride. Alam kong malalim na ang gabi. Matagal na kasi ang paglatag ng dilim at halos lahat ng mga ilaw ng mga kapit-bahay namin ay nakapatay na rin. Ngunit bukas pa ang gasera sa aming bahay. Narinig kong parang may lumabas sa bahay. Nanginginig akong sumilip mula sa pinagtataguan ko. Nakita ko si Tatang. Kasabay ng pagsilip ko ang kayang paglabas sa aming sira-sirang pinto. Panaog paakyat si Tatang habang nasa loob lang si Nanang at nakaupo. Halatang para ring hindi mapakali si Nanang dahil panay ang pagsilip-silip nito sa bintana. Patayo-tayo at paikot-ikot sa aming kubo. Si Tatang naman ay umupo sa unang baitang ng aming hagdanan. Malayo ang kanyang mga tingin. Nang alam kong ako ang kanilang hinihintay ay lumabas na rin lang ako sa pinagtataguan ko. “Tang…” garalgal ang boses kong tumawag sa kanya. Hanggang sa tuluyan na akong naiyak ngunit nangangatog din ako sa takot sa kanya. “Ivy anak!” mabilis itong lumapit sa akin. “Ano bang pumasok sa isip mong bata ka! Saan ka ba nagpunta?” mabigat ngunit may lambing ang pagkakabigkas niya doon. “Pumasok ka nga rito? Nag-alala kami sa’yo. Hindi ka mahanap ng tatang mo? Anak, ano bang nangyayari sa’yo? Bakit mo ginawa ito?” “Sorry po.” Walang tigil ang pagdaloy ng mga luha ko. “Pinag-aalala mo kami. Hindi maganda ang ginagawa mong ‘yan. Babae ka. Dalagita na. Paano kung may nangyari sa’yo? Sa tingin mo ba, hindi ka mapapahamak sa ginawa mong ‘yan?” mataas ang boses ni Tatang nang sinabi niya iyon ngunit ramdam kong dala lang iyon ng pag-aalala at pagmamahal sa akin. “Kumain ka na ba?” tanong ni Nanang. “Anong tanong naman ‘yan, Nelly. Saan naman kakain ‘yan? Ipaghain mo na lang at baka nagugutom na.” Kumuha si Tatang ng tubig sa tapayan. Inabot niya sa akin. “Uminom ka na muna.” Mabilis kong inabot ang plastic na basong inabot ni Tatang sa akin. Inubos ko ang laman no’n sa uhaw. “Saan ka ba nagtago?” “Sa gubat. Doon sa malaking puno ng akasya.” “Ano? Paano kung kagatin ka ng ahas o kung may mangyari sa’yo roon?” “Natatakot po kasi akong umuwi, Tang.” “Ano ba kasi ang gusto mo? Anak sinabi ko ba na hindi kita susuportahan? Sinabi ko bang hindi ka mag-aaral?” Hindi ako sumagot. “Ang sa akin lang, mag-aral ka pero sana hindi mabago ng talino o diploma  mo ang ugali mo sa amin at sa mga kapatid mo. Huwag ka sanang makakalimot.” “Opo Tang. Hindi ho ako gagaya sa mga kapatid po ninyo.”                 “Mabuti naman kung ganoon. Sige na. Pumasok ka na sa loob at nang makakain ka na muna.” “Hindi na ho ba kayo galit sa akin, Tang.”                 “Hindi ko lang gusto ang inasal mo kanina, hindi ako galit sa’yo. Sige na, kumain ka na ro’n at pag-uusapan natin ang pag-aaral mo habang kumakain.”                 “Talaga ho?” akmang yayakapin ko si Tatang pero siya na ang yumakap sa akin.                 “Anak, noong nagtapos ka, pumunta ako. Pinanood kita,” garalgal ang boses ni Tatang na para bang naiiyak. “Nakita ko kung paano ka sabitan ng Mayor ng medalya. Kung paano ka sinabitan ng Nanay mo ng ribbon mo. Anak, nahihiya ako sa mga tao. Alam mong hindi ako marunong magbasa at magsulat kaya wala akong lakas ng loob na humarap sa mga nakapag-aral. Nanliliit kasi ako sa sarili ko dahil sa ipinamukha sa aking ng mga kapatid ko na ganito na lang ako. Hanggang ito lang ang kaya ko at alam kong gawin sa buhay. Kaya, patawarin mo ako, anak. Alam ng Nanang mo na nanood ako. Pumapalakpak sa malayo. Sinasabi sa mga katabi kong “anak ko ‘yan… anak ko ‘yang pinakamatalinong ‘yan.” Nakita ko ang pagkislap ng gilid ng mga mata ni Tatang. Unang pagkakataon na nakita kong umiyak siya kaya naiyak na rin ako. Mahigpit kong niyakap si Tatang.                 Mali pala ako ng hinala. Maling-mali ako sa tingin ko sa aking ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD