Revenge of a Battered Wife
By: JOEMAR P. ANCHETA (Pinagpala)
CHAPTER 4
“Ano insan? Nakikipagkilala si Sir Jaxon oh. Milyonaryo ‘yan baka ‘kala mo.”
“Hindi ko ito ibababa hangga’t hindi mo tatanggapin.” Ngumiti siya. Nakita ko ang biloy niya, ang mapuputi niyang ngipin. Lalo akong nakaramdaman ng kakaiba. Para akong hinihimatay sa kilig.
“Ivy. Ako po si Ivy,” mahina kong tugon kasabay ng pagtanggap ko sa kanyang pakikipagkamay.
“Ano? Maiwan ko na lang muna kayo rito ha? Magkuwentuhan muna kayo?” pamamaalam ng pinsan ko.
“Kuya…” sambit ko. Nakikiusap ang mga mata kong huwag kaming iwan. Hindi dahil natatakot ako kundi nahihiya ako at ngayon lang sa tanang buhay ko ang makipag-usap ako sa isang lalaki at sa kagaya pa ni Jaxon na tiga-Maynila at sobrang guwapo. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko alam kung ano ang pwede naming pag-usapan.
“Okey lang ‘yan. Kilala ko ‘yan. Mabait kaya huwag kang mag-alala. Boss ko ‘yan. Mayaman. Respetado. Sumama lang ‘yan uli ngayon dito para makilala ka ng husto.”
“Pero kuya, baka magalit sina Tiyo at Tiya.”
“Akong bahala sa kanila. Pinsan kita at hindi ka rito katulong. Enjoy the holiday.” Tumingin siya kay Jaxon. “Ikaw na ang bahala sa pinsan ko Sir Jaxon ha?”
“Oo naman. Ako na ang bahala sa kanya.”
Tumingin sa akin si Sir Jaxon nang nakaalis na si Kuya. Lumapit siya sa akin. Ramdam ko ang balikat niyang nakadikit sa balikat ko kaya umusog ako palayo.
“Natatakot ka ba sa akin?” tanong niyang nakangiti.
Oh my God, nakita ko na naman ang biloy niya. Ang kanyang makinis, guwapo at maputing mukha.
“Hindi mo ba ako kakausapin?”
“Ahm kasi… kuwan eh, nahihiya ako sa’yo, Sir.”
“Nahihiya pero hindi naman takot.”
“Hindi ho Sir. Nahihiya lang ho.”
“Good. Akala ko natatakot ka eh?”
“Bakit naman ho ako matatakot sa inyo Sir. Hindi lang ho kasi ako sanay.”
“Sanay saan?”
“Sa pakikipag-usap po sa lalaki.”
“Ah, ibig sabihin, wala ka pang boyfriend?”
“Wala pa akong naging boyfriend, Sir.” Nanlalamig ako. Nanginginig, actually.
“Talaga? Manliligaw?”
Huminga ako ng malalim. Gusto kong mawala yung kabog sa dibdib ko.
“Wala bang masasaktan kung sakali?” tanong niya uli.
“May mga nagpaparamdam pero gusto ko kasing mag-aral muna Sir. Gusto ko hong makatapos. Saka wala rin naman akong oras pa para harapin ang pakikipag-boyfriend sa dami ng trabaho.”
“Pwede bang humiling?”
“Ano ho ‘yon, Sir?”
“Hindi mo naman ako siguro teacher ano? Hindi rin naman kita tauhan. Baka naman pwedeng Jaxon na lang? Cut the formalities please?”
“Pero, boss ho kayo ni Kuya.”
“Boss niya ako. Boss mo ba ako?”
“Sige ho, Kuya Jaxon.”
Tumawa siya. Hindi mo nga ako tinatawag na Sir, Kuya naman. Jaxon lang, please?”
Huminga ako nang malalim. Tumingin ako sa kanyang nahihiya. “Sige po, Jaxon.”
“That’s good. Ahm, Ivy, pansin ko lang, iba ang trato nila sa’yo rito. Okey ka lang ba?”
“Okey naman ho ako.”
“Okey lang ako. Tanggalin mo na yung po, opo at ho please?”
“Okey lang ako.” Paglilinaw ko.
“Inaalila ka ba rito?”
“Hindi,” pagsisingaling ko.
“Huwag ka ng magkaila. Narinig ko rin sa usapan nila nang nakaraang araw na hindi ka na papag-aralin sa kolehiyo. Paano ‘yan?”
“Babalik na lang siguro ako sa bahay. Tutulong kina Tatang at Nanang sa pagbubukid,” malungkot kong sagot.
“Sayang naman. Balita ko pa naman, magtatapos kang Salutatorian kahit pa wala ka nang oras sa pag-aaral. Balita ko rin na hikahos kayo sa buhay. Na kaya ka nandito kasi hindi ka makapag-aral kung sa inyo ka lang.”
“Paano mo alam lahat ng tungkol sa akin?”
“Gusto kita Ivy. Hindi na ako magpatumpik-tumpik pa?”
“Ano?”
“When I saw you the last time na umuwi kami ni Joshua rito nagustuhan na kita pero sabi ko, pag-aaralan ko ang nararamdaman ko kung totoong gusto kita at nang nasa Manila ako at ikaw pa rin ang iniisip ko, nalaman ko at sigurado na ako, totoo ang nararamdaman ko sa’yo.”
Yumuko ako. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Laking probinsiyana ako. Pambahay lang at luma lagi ang suot kong damit at kapag tumitingin ako sa harap ng salamin, hindi ako maganda dahil wala akong oras mag-ayos. Napapatanong tuloy ako sa aking sarili. Bakit ako?
“Oh natahimik ka yata? Hindi mo ba ako gusto?”
Bumuntong-hininga ako.
“Okey. Ganito na lang, wala ba akong pag-asa sa’yo?”
“Hindi naman sa gano’n. Nagugulat lang kasi ako.”
“Anong nakagugulat ro’n?”
“Bakit ako? Alam ko namang mas marami pang magaganda sa akin na tiga-Manila. Anong nakita mo sa akin?”
“Sorry ha, pero tatapatin kita. Maganda ka, seksi, matangkad, maputi, mabait, masipag, submissive and timid. Those are the qualities I saw in you. The qualities I like the most.”
“Maganda? Sexy? Saang banda?” natawa ako.
“Hindi mo alam?”
Umiling ako at natatawa pa rin.
“Gusto mo bang bukas, patunayan ko sa’yo na maganda ka?”
“Paano?”
“Kung sasama ka sa akin sa Mall, patutunayan ko sa’yo na maganda ka.”
“Mall? Sa Tuguegarao pa iyon ah? Saka hindi pa ako nakakapasok ng Mall. Baka mapahiya ka lang kung isasama mo ako. Wala akong maisusuot na pwedeng ipantay sa magagara mong kasuotan.”
“May sasakyan ako. Pwede tayong umalis dito bukas ng umaga. Papasyalan natin ang mga magulang mo. Para makahabol ka sa pasko sa inyo.”
Parang ang hirap tanggihan yung panghuli niyang sinabi. Yung makahabol ng pasko sa amin, iyon talaga ang plano ko pero walang masakyan. Okey na deal pero nahihiya ako.
“Hindi ako papayagan nina Tiyo at Tiya.”
“Oh, don’t worry. Naipagpaalam na kita sa kanila. I hate to say this pero binili ko ang oras mo sa kanila ng isang buong Linggo.”
“Ano? Seryoso ka ba?”
“Lahat ay may katapat na halaga, Ivy. Nakita ko iyon sa mga magulang ni Joshua.”
“Ibinenta nila ako sa’yo?”
“No,” natawa siya, “Of course not. Nagbigay ako ng business deal para samahan mo ako at hindi ka muna papasok sa trabaho mo. Hindi alam ng Kuya Joshua mo ito. Kami lang ng mga magulang niya. At hindi kita binibili. You are priceless. A precious one that cannot just be bought. Walang mangyayari sa atin kasi baka iyon ang kinatatakutan mo. Hindi kita pipiliting makipag-s*x sa akin kung iyon ang iniisip mo. Gala lang tayo bukas sa Mall. Uuwi ako sa inyo, magpakilala para doon kita liligawan. Gusto kong makuha ka sa tama at dapat na paraan.”
Kinilig ako sa narinig ko. Unang pagkakataong makaramdam ako ng ganoon. Too good to be true pero wala naman yatang mawawala sa akin kung pagbibigyan ko siya. Isa pa, gusto ko siya. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito kabilis na t***k ng puso. Ngayon lang ako napapatitig sa isang lalaki at alam kong kahit nang unang araw na nakita ko siya noon, gustung-gusto ko na siya pero hindi pinangarap. May mga bagay kasi na nakaakit ngunit pinipilit huwag gustuhin dahil masasaktan lang dahil hindi mapapasa-atin pero ngayon na siya na mismo ang bumababa para abutin ako, sinong tangang babae ang hindi magbubukas ng pintuan para papasukin ang magandang pagkakataon?
“Ano? Papayag ka ba? Just give me a chance. A week to be with you to know each other better. Ayaw kong bumalik sa Manila na hindi pa kita nakikilala ng husto, na hindi ko pa nakikilala ang pamilya mo at hindi ko pa nakukuha ang matamis mong “oo”.”
“Makakatanggi ba ako?”
“Hindi na. As I’ve said, bayad ko na ang one week mo to be with me.”
Huminga ako ng malalim. Nasaktan pa rin naman ako. Hindi man lang ako kinausap nina Tiyo at Tiya. Basta na lang din sila nagdesisyon. At kung totoong binili niya ang one week ko, ganoon na ba talaga sila kagahaman?
Sumilip si Tita sa labas.
Nakita niya kami.
Ngumiti siya.
Lumapit sa amin.
Dumistansiya ako kay Jaxon.
“Ano sir? Nakausap mo na ang pamangkin ko?”
“Not yet really. I am still trying to convince her though.”
“Sandali Sir ha? Kausapin ko lang ang pamangkin ko, kung okey lang? Ako na ho ang bahala sa kanya.”
“Sure, I’ll just get a drink inside.”
“Thank you, sir.”
Umalis si Jaxon. Naiwan kami ng Tiya ko sa labas at gusto ko siyang tanungin kung paano niya nagawang ibenta ako ng one week kay Jaxon. Kung totoo ang sinasabi nito dahil kahit ganoon sila sa akin, parang ang hirap pa rin kasing paniwalaan na kaya niyang gawin iyon sa sarili niyang pamangkin.
“Totoo ba Tiya? Ibinenta ninyo ako sa kanya ng one week?”
“Iyon ba ang sinabi niya?”
“Totoo ho ba?”
Huminga ng malalim si Tiya. “Nang unang punta niyan dito sinamahan lang ni Jaxon dahil may gustong bibilhin na lote sa Tuguegarao na papatayuan ng business. Nakita ka niya. Nagustuhan. Tumanggi ako. Masyado pa kasing bata. Ilang taon ka na ba ngayon?”
“Mag 17 na ho.”
“Pwede na.”
“Pwede nang ano, Tiya?”
“Huwag ka nang umarte. Mayaman ‘yan. Bilyonaryo nga yata ‘yan eh. Hindi ka ba natutuwa na sa dami ng magagandang babae, sa’yo nahumaling? Ni hindi ko nga makita eh kung bakit. Kaya lag nandiyan na. Mabuti nga may kagaya ni Sir Jaxon na nagkagusto sa’yo.” Huminga siya ng malalim saka siya tumingin sa akin. “Sige ganito. Para hindi mo naman isipin na lugi ka. Kung papayag ka, ipapasaka ko nang hindi na magbibigay pa ng porsyento sa akin ang Tatang mo ang lupa ko na sinasaka niya. Lahat ng ani sa kanya na. Sayang kasi yang si Jaxon eh. Gusto niya kasing mag-invest sa karinderya namin. Bibigyan ng niya ng kakaibang brand. Magiging isang fine dine-in ang carinderia ko at mangyayari lang iyon kung papayag kang samahan siya ng one week na mag-ikot ikot sa Cagayan. Hindi mo kailangan ibigay ang sarili mo. Samahan mo lang siya. Mag-enjoy kayo. Huwag kang gaga. Kung seryoso ‘yan sa’yo at pakasalan ka maging instant bilyonarya ka. Mga ganitong pagkakataon, hindi mo dapat pinakakawalan.”
“Pero…”
“Ay naku! Huwag nang pero pero. Pasasalamatan mo ako pagdating ng araw Ivy na pakakasalan ka niya. Hindi mo na kailangan maghugas ng pinggan ng ibang tao, hindi mo na kailangan magpaalila para makapag-aral lang. Kung gusto lang niya sana ang mga pinsan mong si Yeng eh di pinsan mo ang ipagtulakan ko. Swerte ka at ikaw ang gusto. Magpakatotoo ka naman. Gamitin mo ang isip mo. Hindi ka mapapakain at hindi uunlad ang buhay ninyo diyan sa kaartehang ganyan. Wala na nga kayong makain, aarte-arte ka pa.”
Nakita kong lumabas na si Jaxon hawak ang isang kopita ng alak. Nakangiti siyang nakatingin sa amin.
“Okey na. Payag na siya. Bukas, sasama siya sa’yo.” Nakangiting sinabi iyon ni Tiya.
“Talaga? Wow. That’s good to hear!” nakangiting sambit ni Jaxon.
Tinignan ko siya sa kanyang mga mata. Sana lang hindi ako mapapahamak sa kanya. Sana lang siya na ang aking knight in a shining armor.