NAPAIGIK si Zerus nang magmulat siya ng mata. Kumikirot ang kaniyang tagiliran pero hindi sapat na rason para siya ay bumangon at muling tanggalin ang swerong nakatusok sa kaniyang kamay. Nababagot siya sa isiping nakahiga siya sa kama na parang taong masakitin. Ilang segundo siyang napatitig sa kawalan bago nagpasya siyag bumangon. Bumaling ang kaniyang tingin sa bintana at dinig niya ang mga boses ng mga kabataan.
Walang emosyong tiningnan niya ang IV fluid, konti na laman nito. Hindi siya nagdalawang isip na tinanggal ang swero sa kamay at paika-ikang tinungo ang bintana. Wala siyang pakialam sa sugat niya sa kaniyang hita.
Hinawi niya ang manipis na kurtinang nakatabing at mula sa kaniyang kinatatayuan, nakikita niya ang mga batang nasa edad lima hanggang sampo na masayang naglalaro ng habulan. Sa paligid, may dalawang mga babaeng Madreng nagbabantay.
Nag-ikot siya ng tingin at hinanap ng kaniyang mata ang babae. Napangiti siya nang makita ito at kandong ang batang tingin niya, hindi nakakalakad. Sa tabi nito ang lumang wheelchair. Mapait siyang napangiti at bumalik sa kama at umupo ro’n. naalala niya ang batang si Caren na lagi niyang binibisita sa Hospital.
“Sister Blessy, sumama ka sa laro namin!”
Napatingin siya ulit sa bintana nang marinig niya ang boses ng mga bata at tinatawag ang babaeng Madre. May kung anong nagtutulak sa kaniyang lapitan ulit ang bintana at pagmasdan ang mga bata mula ro’n.
“Lindo, ‘wag masyadong magtatakbo. Baka madapa ka na naman at lagnatin,” paalala ng babae sa batang lalaki na payatin at may kaputlaan ang kulay.
Biglang lumamlam ang mata ni Zerus nang tumama ang kaniyang mata sa Madreng nagngangalang Blessy. Ilang beses siyang huminga ng malalim nang magpasya siyang lumabas sa silid na iyon.
Paika-ika siyang naglalakad habang sapo niya ang kaniyang tagiliran na malalim ang tamang natamo. Kailangan niyang sumagap ng preskong hangin at punuin ang baga. Titingnan niya sa labas kung gaano siya ka-secure sa lugar na ito dahil kung hindi, mapipilitan siyang umalis at magtago sa ibang lugar.
Natigilan ang mga bata sa paglalaro nang makita siyang nakatayo sa may pintuan at matamang nanonood sa mga ito. Mabilis nagsitakbuhan ang mga ito papalapit sa babae at nagtago sa likuran.
“Sister Blessy, sino po siya?”
“Hindi ko alam ang pangalan niya. Gusto niyo lapitan natin para magpakilala tayo?”
Sunod-sunod nagsitanguan ang mga bata at napangiti ang babae nang sulyapan siya. Nilagay nito sa wheelchair ang batang kandong nito kanina at mabilis na tinulak papalapit sa kaniya habang nakasunod ang mga bata sa likod. Lihim siyang napabuntunghinga sa mga takot na nakikita niya sa kislap ng mata ng mga bata.
“Magandang araw ho!”
Napatango siya sa magiliw na boses ni Sister Blessy. Hindi niya mahanap ang kaniyang boses kaya tumango lang siya at ‘di makuhang ngumiti.
“Okay na ho ba ang sugat niyo? Hindi na ba masakit?”
“Hindi.”
Tumango-tango naman ito habang ‘di pa rin mawala ang ngiti sa magandang mukha nito. Nag-iwas siya ng tingin at napatingin sa batang nasa wheelchair.
“What happened to her?”
Inosenteng nakatingin lang sa kaniya ang batang babae at napasulyap sa kasamang Madre. Nagtaas din siya ng tingin at seryusong napatingin sa babae.
“Siya si Raiza,” tipid na lumabas sa bibig nito.
Napatango siya at nakuha ang sagot ng Madre. Ayaw nitong pag-usapan ang sitwasyon ng bata sa harapan nito mismo.
“K-kuya, anong pangalan niyo?”
Napatingin siya sa batang babae. Nasa tabi ito ng Madre at mahigpit na nakahawak sa kamay nito. Halatang natatakot sa kaniyang presinsya.
“I’m Fender Hearst. Tawagin niyo na lang akong kuya Fender.”
Nagliwanag ang mga mata ng mga ito at sabay na binigkas ang kaniyang pangalan. Napangiti siya kahit papaano nang magpakilala isa-isa ang mga ito sa kaniya.
Minsan, masarap bumalik sa pagiging pagkabata. Pero nung kabataan niya, mas pinangarap niyang sana ‘di siya binigyan ng pagkakataon ng demonyo mamuhay sa mundo. Hindi mabilang na latay sa katawan ang kaniyang naranasan dati. Bahagya siyang napailing-iling nang maalala ang nakaraan ng kaniyang kabataan.
“Kuya Fender, bakit may ano ka sa labi? Ano po iyan, hikaw?”
Marahan siyang tumango. Pagkaraan ay napatingin siya sa Paring nakatayo sa unahan. Nakangiti itong nakatingin sa kaniya kasama ang dalawang Madre at halatang siya ang paksa ng mga ito. Nagbawi siya ng tingin at nagpasyang bumalik sa silid kung saaan siya nagpapahinga. Naintindihan naman ng mga bata at mabilis na itong lumayo. Kiming ngumiti sa kaniya si Sister Blessy at nagpaalam bago siya tumalikod pabalik sa loob.
Marahan siyang napabuntunghinga. Bumabalik ang ligaw na damdamin na nararamdaman niya para sa babae. Kailangan niyang makaalis sa lugar na ito at pakiramdam ni Zerus, nanganganib ang kaniyang puso kapag nagtagal pa siya. Alam niyang sa mga sandaling ito, hindi natatahimik si Dr. Hayes na hanapin siya at mapasakamay ang kaniyang ulo.
“Magandang araw sa inyo.”
Mabilis siyang napatayo at nagtungo sa gilid ng bintana nang marinig ang boses lalaki sa labas. Mula sa kaniyang kinatatayuan, nakita niya ang tatlong lalaki at nangunguna ang taong dumali sa tagiliran niya.
Damn! Where’s my gun?
Bigla siyang naging alarma. Ini-expect niya na itong mangyayari pero mahihirapan siyang makipaglaban ngayon kung wala siyang baril. Presko pa ang kaniyang sugat at mahihirapan siyang tumakbo.
“Ano ang sadya natin mga Hijo?”
“May hinahanap kaming tao, Father.”
Napamura siya nang may nilabas itong larawan. Alam ni Zerus na siya iyon at malaki ang posibilidad na ituturo siya ng simbahang ito. Mabilis siyang umatras at nag-isip ng gagawin. Oras na lumabas siya ng silid na ito, paniguradong babagsak siyang dilat ang mata.
Nagmadaling tinungo niya ang pintuan ang hinintay ang mga ito na pumasok. Kung mamatay siya ngayon, dapat kasama niya ang ang lalaking Doctor.
“Pasensya na kayo mga Ginoo, pero hindi pa namin nakita iyan dito.”
Natigilan siya sa sinabi ni Sister Blessy. Hindi siya makagalaw sa kaniyang kinakakatayuan.
“Baka nasa kabilang Baryo ang hinahanap niyong tao,” ganting sagot ng Pari.
“Sige ho, salamat po. Aalis na kami.”
Napasandal siya sa dahon ng pintuan sa narinig. Ilang beses siyang huminga ng malalim saka nagmadalaing tinungo ang bintana, sumilip siya mula ro’n. Nakita niyang tunmalikod na ang mga taong naghahanap sa kaniya. Napangising demonyo siya sa bahaging iyon at kasunod ang pagkuyom ng kaniyang kamao
Nang mapansin ni Zerus na papalapit sa kaniyang silid ang babae, nagmadali siyang kumilos pabalik sa kama at humiga ro’n. Pinikit niya ang kaniyang mata at nakiramdam kung ano ang gagawin ni Sister Blessy.
Kumatok ito pero hindi siya sumagot. Nakadalawang katok ito at nang walang makuhang tugon sa kaniya, umalis din ito. Saka siya nagmulat ng mata at napatitig sa kesame. Iisa lang ang pumasok sa kaniyang utak sa mga sandaling ito, pwede niyang gamitin ang simbahan para makapagtago at tuluyang gumaling. Ngiting demonyo siyang napatingin sa bintana. Magtutuos ulit sila ni Hayes!
NAGING normal ang buhay ni Zerus sa Baryo Felopina. Sa loob ng isang linggo niyang pananatili sa simbahan, kasama ang mga Madre at kabataang inabandona... Marami siyang napagtanto sa sarili. Pero sa ngayon, sa kaniya lang muna ito.
“Hijo...”
“Kayo pala, Manong.” Napasulyap siya sa matandang lalaki na unang tumulong sa kaniya. Kung hindi dahil dito, nasa ilalim na siya ng lupa ngayon at inaagnas.
“Lumalamig na ang kanin. Kanina pa kita hinahanap, andito ka lang pala sa talon malapit sa kweba.”
Hindi siya sumagot. Tumayo siya at kahit papaano, medyo gumagaling na ang kaniyang mga sugat. Wala siyang alalay nang humakbang siya papunta sa maliit na kubong pagmamay-ari ni Manong Ben. Mag-isa lang ito sa bahay at kakamatay lang ng asawa nito nung nakaraang taon. Hindi pinagpala ng anak kaya mag-isa lang sa buhay.
“Kumusta na ang sugat mo? Hindi na ba masyadong masakit? Katakot-takot ang ginawa mong pag-oopera sa sarili mo d’yan sa kwebang iyan! Naalala ko pa, halos mataranta si Sister Blessy sa ‘yo nang mawalan ka ng malay. Akala namin namatay ka na. Aba ay, nagtawag kami ng tatlong kasamahan sa simbahan para mailabas ka at madala pansamantala sa bahay ko.”
Tumango lang siya sa sinabi ng matanda. Alam niya iyon. Nagkwento sa kaniya ang babae nung minsan nakaupo siya sa ilalim ng mangga at nadaanan nito kasama ang mga bata. Kinwento nito ang lahat-lahat kung paano siya nadala sa simbahan at nagpasyang ‘di dalhin sa Hospital. Nalaman din niyang may alam sa larangan ng paggamot ang babae kaya ito na mismo ang nag-alaga sa kaniya nung nawalan siya ng malay.
“Gaano na kayo katagal sa lugar na ito, Manong?”
“Matagal na. Dito na ako nagmulat at lumaki. Bakit mo naitanong, Hijo?”
Hindi siya sumagot. Tumango lang siya bilang tugon. Patuloy sila sa paghakbang hanggang nasa bungad na sila ng bahay ng matanda. Nakita niyang may nakahandang simpleng pagkain sa maliit na mesang yari sa kawayan at upuan na yari sa kahoy. Nasa kanan bahagi ito ng bakuran at sa tabi ang puno akasya.
“Kumain na tayo, Hijo. Baka tuluyang lumamig.”
“Sige ho.” Nauna siyang nagtungo sa upuang kahoy at marahang umupo ro’n. Napangiti siya sa pagkaing bumungad sa kaniya. Inihaw na malaking isda at sawsawang maraming sili. Sa tabi ay ang umuusok na kanin.
Naghugas siya ng kamay at gano’n ang matandang kasama niya. Akmang kukuha na siya ng kanin at lagyan ang plato nang matigilan siya. May paparating. Mabilis siyang napalingon. Agad sumikdo ang kaniyang puso nang makita ang babaeng pinipilit niyang iwasan. Ilang metro pa ang layo nito at naglalakad papalapit sa kanila. Kaya nasa bahay-kubo siya ni Manong Ben natutulog para lang makaiwas sa babaeng Madre.
Mabilis niyang binawi ang kaniyang paningin. Binaba niya ang kaniyang kamay at hindi nag-abalang magsandok ng kanin.
“Bakit ka natigilan, Hijo? Ayaw mo ba sa kanin?”
“May paparating na bisita.”
Nagtaka naman ito at agad napatingin sa paligid, “Totoo nga! Papunta si Sister dito. Teka, may kapangyarihan ka ba, ha? Paano mo nalamang paparating si Sister Blessy rito?”
Nagkibit lang siya ng balikat at hinintay na makalapit sa kanila ang babae. Hindi na siya muling nagsandok pa ng pagkain. Biglang umurong ang kaniyang sikmura.
“Magandang araw ho sa inyo, Manong Ben at sa inyo rin Mr. Fender.”
Hindi siya tumango bilang tugon sa magiliw na na boses ng babae.
“Ang lakas ng pang-amoy nitong si Fender. Natunugan agad kayo Sister na paparating dito. Kain pala tayo Sister! Tamang-tama na mainit-init pa ang pagkain at ‘di pa kami nagsimula.”
Ngumiti naman ito at tumango. Saka lang napansin ni Zerus na may dala-dala itong basket na laman ay mga prutas.
“Sa tabi ka na ni Fender umupo, Sister. Nakakahiya kung sa ‘kin dahil galing pa ako sa palayan d’yan sa likuran.”
Nagpaunlak ito at walang arteng umupo sa kaniyang tabi. Nagbigay siya ng malaking espasyo sa kanilang dalawa. Hangga’t maari, iniiwasan niya ang babae. Nagpapagaling lang siya sa lugar na ito at mali itong sinisigaw ng puso niya. Wala itong patutunguhan.
“Okay lang ba kayo, Mr. Hearst?”
Hindi siya sumagot sa tanong na iyon. Pinili ni Zerus na abutin ang maliit na kaldero at nagsandok ng kanin do’n.
“Mr. Hearst, magdasal muna tayo bago kumain.”
Napalingon siya rito na nakakunot ang noo. Bago sa kaniyang pandinig ang salitang dasal. Hindi siya sanay sa ganiyang salita.
“Bakit?”
Natawa naman si Manong Ben sa kaniyang tanong. Habang nakangiti lang ang babae sa kaniya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Naiilang siya sa mga mata ng babae.
“Dahil lahat ng bagay, maliit man o malaki, dapat marunong tayong magpasalamat sa Diyos.”
Tumaas ang sulok ng kaniyang labi at hindi nakinig sa sinabi nito. Nagsimula siyang kumain mag-isa habang naiiling ang babae at walang magawa sa kaniyang inasal.
“Dahan-dahan at baka mabulunan ka, Hijo.” natatawang saad ni Manong Ben nang matapos magpasalamat si Sister Blessy.
Tumango lang siya bilang tugon. Nagmamadali siyang kumain para makabalik sa talon. Malamig ang hangin do’n at nakakapag-isip siya ng maayos. Nang walang iisiping iba na magpapagulo sa tahimik niyang utak.
“Mr. Hearst...”
Napasulyap siya sa babae pero mabilis din binalik ang tingin sa kaniyang plato. Konting subo na lang at matatapos na siyang kumain.
“Ikaw ho talaga ang sadya ko rito.”
“Pwede ba tumahimik ka muna? Kumakain pa ang tao.”
Nagbaba ito ng tingin at humingi ng pasensya. Hindi na ito muling umimik pa at tahimik na nagsimulang kumain. Ang nangyari, si Manong Ben na lang ang panay salita at paminsan-minsan ay nagbibiro. Mabibong matanda ito kaya hindi masyadong halata na nag-iisa lang ito sa buhay.
Agad siyang tumayo at nagmadaling tinungo ang talon. Paika-ika pa rin siyang naglalakad at alam ni Zerus nakasunod ang mata ng mga ito sa kaniya.
“Tingin ko Manong, malaki ang galit niya sa kaniyang puso. Ramdam ko iyon.”
Kahit nasa malayo na siya. Naririnig niya ang malungkot na boses na iyon ng babae. Nagkibit siya ng balikat at tuluyan ng ‘di pinansin ang anuman sasabihin nito.
NAKASANDAL siya sa malaking tipak ng bato at ang likod nito ay malaking kahoy, na siyang nagpadagdag ng kakaibang pakiramdam nang sino man taong magpapahinga sa lilim ng kahoy. Napapalibutan siya ng mga ligaw na bulaklak at sa kauna-unahang pagkakataon, payapa ang naramdaman ng kaniyang puso.
“Mr. Hearst...”
Hindi siya nagmulat ng mata. Alam niyang susunod sa kaniya ang babae.
“Mr. Hearst, pasensya kung sumunod ako rito. May itatanong lang sana ako...”
Hindi siya nagmulat ng mata. Natatakot siyang sa oras na buksan niya ang kaniyang mata, mas lalo siyang mahulog sa balon na kaniyang nararamdaman.
Isa siyang mamatay tao.
At isa itong Madre.
“Mr. Hearst? Tulog ba kayo?”
Pinigilan ni Zerus ang sariling ‘wag magmulat ng mata, kahit natutukso siyang buksan ang nakapinid niyang mata at pagmasdan ang inosenteng kagandahan ng babae. Mula sa malambing nitong boses na parang hinahaplos ang kaniyang malamig na puso at sa munting galaw nito na laging nagpapasinghap sa matagal ng patay niyang puso sa tuwing nasusulyapan ito.
Sa ilang araw niyang pananatili, isa lang ang gusto niyang mangyari. Ang makaalis agad sa Baryo Felopina. Mahaba na ang dalawang linggong pananatili. Hindi rin siya sigurado kung ligtas pa ba ang buhay niya sa mga darating na araw. Hindi basta-basta ang kaaway niyang si Hayes at Fortocarrero pero mautak siya. Mas mautak siya pagdating sa ganitong bagay.
“Mr. Fender Hearst...”
“Nakita mo ba natutulog ang tao?” paasik na tanong niya. Gumuhit pagkainis sa kaniyang boses.
“Mukhang hindi naman kayo natutulog. Nagsasalita kayo.”
Napabuntunghinga siya at eksaktong nagtama ang kanilang tingin dalawa nang magmulat siya ng mata. Nakatayo sa kaniyang harapan ang babae, isang dipa ang layo. Ang suot nitong mahabang itim na damit at belo ay nagbibigay ng angking kainosentihan. Mas lalong tumingkad ang angking ganda nito nang marahang sumayaw sa hangin ang suot nito at sandaling tumatama ang sinag ng araw rito.
Aaminin ni Zerus, para siyang nakakita ng isang anghel ng mga sandaling ito habang nagsasayawan ang mga punong kahoy sa paligid. Maganda ito. Napakaganda!
Mabilis siyang napakuyom ng kamao nang maalala ang kaniyang sitwasyon at agad nagbawi ng tingin.
“Go away”
“Mr. Hearst, may nais lang akong itanong.”
“Umalis ka. Hindi ko kailanman kailangan ‘yang mga tanong mo. Ang mga katulad mo, nasa kombento o sa simbahan sa ganitong oras. Hindi ka dapat nag-aaksaya ng oras para kausapin ako.”
Matagal ito bago nagsalita at nagbaba ng tingin, “Sige. Pasensya na kayo.”
Hindi siya sumagot. Hinayaan niya ang babae tumalikod habang nakasunod ang kaniyang paningin dito. Naiinis na maingat siyang tumayo mula sa pagkakaupo at tinungo ang unahan malapit sa talon kung saan malayang bumabagsak ang tubig.
Ilang araw lang itong mga sugat niya at gagaling na ito. Pwede na siyang umalis. Kaya imposible itong nararamdamang kakaiba ng kaniyang puso. Napailing-iling siya ng ilang beses sa naisip. Malabo itong nararamdaman ng kaniyang puso.