“Honey, tumawag sina Mama at Papa magtutungo daw sila dito dahil may mga papeles daw akong dapat na pirmahan.” wika ng kanyang Uncle Hendrick sa kanya ng makalapit ito.
Nasa veranda siya ng time na iyon at minamasdan ang kagandahan ng paligid. Ngayon lang kasi niya napagmasdan ng mabuti ang paligid ng bahay na iyon. Puno ng mga halaman na namumulaklak at may mga puno din na hitik sa bunga katulad ng mangga, bayabas at kung anu-ano pa.
Hapon na ng mga sandaling iyon at nagpapahanda na siya ng meryenda kina Manang dahil nais niya na sa may veranda magmeryenda kasabay si Hendrick. Kanina sabay din silang mag-lunch na dalawa pero napansinin niya na konti ang kinain nito mukhang hindi nito nagustuhan ang luto ni Manang Cory.
Pero kahit gano'n ay pinilit pa rin naman nitong ubusin ang pagkain iyon ang isa sa mga nagustuhan niyang ugali nito simula ng magka-amnesia, dahil noon kapag hindi nito nagustuhan ang pagkain ay talagang magsasalita ito ng masasakit na salita sa mga kasambahay hanggang sa maiyak na lang talaga ang kasambahay.
Pero ngayon pinagtiyagaan nito ang pagkain at hindi man lang pinagsalita ng hindi maganda ang mga kasambahay.
“Gano'n ba, tungkol daw saan ang papeles na pipirmahan mo?” Tanong niya dito.
Pero nagkibit balikat lamang ito at umupo sa harapang upuan niya.
“Ewan parang budget yata sa isang project nila. Teka diba ang mama mo kanina ang kausap mo, okay na ba kayong dalawa?” Tanong nito sa kanya.
Napailing siya sa sinabi nito duda siya sa sinasabi nitong budget na kailangan ng kanyang mga magulang. Mukhang nagsisimula na talagang lustayin ng kanyang mga magulang ang pinaghirapan ng kanyang Uncle Hendrick.
Nakokonsensya siya ng sobra pero hindi naman niya alam kung papaano niya pipigilan ang kanyang mga magulang. Lalo na at napakatigas talaga ng kanyang mga magulang lalo na ang kanyang mama.
Medyo kinakabahan din siya dahil alam niya na may gagawin na naman ito sa kanya kaya magtutungo ang mga it dito. Lalo pa at pinatayan niya ito kanina ng call at pinatay ulit niya ang kanyang phone para hindi na siya nito ma-contact.
Pero wala naman siyang pakialam sanay naman ang kanyang katawan sa pananakit nito at maging sa mga salita nito. Basta hindi lang talaga niya nais na makausap ito kanina dahil talagang sukdulan na ang kasamaan ng kanyang mama.
Baka kung pinilit niya na kausapin nito kanina ay tuluyan ng nawala ang paggalang niya dito.
“I suggest na huwag ka basta basta pumirma sa mga papeles na pinapapirmahan sayo ng aking mga magulang.” Hindi niya napigilang payo dito.
“Huh? But why? Hindi ba isa naman sa may-ari ang iyong mga magulang at isa pa magulang mo sila ah, wala ka bang tiwala sa kanila? Ang tingin ko naman ay mababait si mama at papa. Hindi naman siguro nila tayo lolokohin at saka malay mo kailangan lang talaga nila ng pera.” Pahayag nito sa kanya.
Hindi siya agad nakahimik sa sinabi nito. Bakit yata napakadali na nitong magtiwala ngayon? Nasama na ba sa pagkawala ng mga alaala nito ang ugali nito dati na hindi ito basta basta nagtitiwala agad kung kanino.
Iyon nga lang hindi talaga dapat niya iyon sinabi dahil syempre magtataka ito kung bakit sinabi niya iyon. Samantalang mga magulang naman niya ang pinag-uusapan nila.
Kahit kailan talaga hindi niya mapigilan ang kanyang bunganga pero kung sana papakinggan lamang siya nito ay siguradong hindi magtatagumpay ang mga magulang niya sa masamang balak ng mga ito sa kayamanan ng kanyang Uncle.
“Oo naman hindi ko naman sinabi na huwag ka sa kanila magtiwala talaga, syempre mas maganda pa rin yung babasahin mo muna ang nilalaman ng papeles bago mo pirmahan hindi ba? Tapos kung approve sa'yo halimbawa okay naman yung project na sinasabi nila. Eh 'di aprobahan mo ang hinihingi na budget para sa project na iyon. Pero kung hindi naman at hindi mo nagustuhan yung project pwede mo naman tanggihan iyon. Pero sabagay ikaw naman ang may-ari ng company kaya ikaw ang magpapasya kung ano ang nais mo.” Ipaliwanag na lamang niya dito para kahit papaano ay mawala sa isipan nito na against siya sa mga magulang.
“Sabagay honey mas okey nga naman yung gano'n. Teka may nabanggit ba sayo si Mama tungkol sa gamot ko na iniinom? Kanina kasing tanghali pag-inom ko ng isang gamot medyo nahilo ako at para pang sumama yung pakiramdam ko. Pero naisip ko na lang na baka yun talaga ang side effect ng gamot. Kabilin-bilinan kasi nila sa akin na huwag na huwag kong kakaligtaan ang gamot na iyon. Iyon daw kasi ang gamot na makakatulong sa akin para magbalik ang lahat ng alaala ko. Actually ilang araw pa lang akong umiinom noon pero medyo masama talaga yung epekto sa katawan ko. Gusto kong tanungin ang mga magulang mo kaya lang nakakahiya naman at saka sabi din ng doktor na gumamot sa akin iyon daw talaga ang makakatulong sa akin para bumalik lahat sa dati ang aking alaala. Kaya lang sa ilang araw kung pag-inom parang pakiramdam ko eh lalong nanghina ang aking katawan. Pero hayaan mo na siguro yun lang talaga ang epekto no'n sa katawan, sana nga bumalik na ang alaala ko para hindi na ganito. Para kasing may kulang hindi ko maintindihan.” Mahabang pahayag nito sa kanya hindi pa niya nakikita ang gamot na sinasabi nito at maging ang iba pang gamot na iniinom nito.
Basta binigyan lamang ito ng instruction ng kanyang mama sa dapat inumin ang mga gamot nito sa tamang oras at huwag magpapalipas. Pero medyo kinabahan siya sa sinasabi nitong epekto ng gamot na iniinom nito.
Napapaisip siya ng masama pero siguro naman hindi magagawa iyon ng kanyang mga magulang kaya pilit niyang iniwaksi iyon sa kanyang isipan.
Hindi siya naniniwala na magagawa ng kanyang mga magulang na lasunin o bigyan ng maling gamot ito para lamang sa pera. Siguro maaari pa na gawin sa kanya ng kanyang mama dahil ramdam naman niya na hindi siya nito mahal pero sa ibang tao at lalo na sa pinsan nito hindi siguro nito iyon magagawa.
Pero sa totoo lang, hindi na talaga nawawala ang kaba sa kanyang dibdib ng banggitin ng kanyang uncle ang tungkol sa gamot. Kaya lang ayaw niyang maniwala at mas naniniwala siya sa kanyang mga magulang na hindi naman gano'n kasama ang mga ito kaya na pilit na lamang niyang iwinaksi sa kanyang isipan.
Sasagot na sana siya ng dumating ang kasambahay na may dala-dala ang fresh lemon juice at linuto nitong meryenda para sa hapon na iyon. Saglit na nawala sa kanyang isipan ang tungkol sa gamot lalo pa at ang kulit ng kanyang Uncle Hendrick pinipilit siya nitong kumain na para daw madagdagan pa ang baby fats niya.
Natawa na lamang siya sa tinuran nito kung siya nga ay hate na hate ang baby fats niya na iyon, ito naman ay mukhang nai-enjoy na makita ang baby fats niya sa tummy.
“Ikaw talaga kung ano-anong kalokohan ang sinasabi mo, sige na kumain na tayo mamaya darating na sila Mama. Mas nais kong magkulong na lamang sa aking silid kaysa makaharap sila. Alam mo na, medyo nagkatampuhan kami ng mama kanina kaya kapag dumating sila hayaan mo na lamang ako sa silid ko ha ayaw ko kasi makausap muna sila lalo na ang mama.” Wika niya sa lalaki.
“Sige ako na ang bahala, sasabihin ko na lang sa kanila na masama ang pakiramdam mo. Pero sana kung ano man iyang samaan ninyo ng loob ng iyong mama ay magkapatawaran na kayo dahil kahit anong mangyari ina mo pa rin siya. Dapat hindi mo siya tinitikis or hindi ka nagtatanim ng sama ng loob sa kanya. Dahil alam ko na masakit iyon para kay mama dahil ang mga ina ay hindi kayang tiisin ang kanilang anak. Pero minsan ang anak kayang tiisin ang kanilang magulang sana hindi ka nabibilang sa mga anak na gano'n Alondra.” Pahayag nito sa kanya. At talagang pinangaralan pa siya ng hindi nito nalalaman ang sitwasyon.
“Huwag kang basta basta magsasalita kung hindi mo rin naman alam ang pangyayari, dahil hindi lahat ng ina ay hindi kayang tiisin ang kanilang mga anak. Minsan may mga ina rin na sila mismo ang nagpapahamak sa kanilang mga anak para lamang sa sarili nilang kapakanan.” Seryosong sagot naman niya dito.
Nais niyang mainis sa lalaki pero wala naman siyang dapat na ikainis dito dahil alam naman niya na nasabi lamang nito iyon dahil akala nito ay same sa sitwasyon ng sinasabi nito ang sitwasyon niya.
“Okey, mukhang nasira ko yata ang mood mo. Sorry, pero kahit anong mangyari syempre ikaw pa rin ang aking papakinggan at papanigan dahil asawa kita. At aalagaan kita hanggang sa abot ng aking makakaya. Kain ka na lang diyan, ang sarap talagang magluto ni Manang Celly ‘no? Sana siya na lang palagi ang magluto, si Manang Cory kasi, medyo sablay.” nakangiwing wika nito.
Natawa tuloy siya ng di sinasadya at agad na napalibot ng tingin sa paligid dahil natakot siyang baka nasa paligid lamang si Manang Cory. Hindi na nga naman ito prangka at harap-harapang magsalita. Pero patalikod naman ito kung magsalita. Patunay ang pagpintas nito sa luto ni Manang Cory.
“Pasaway ka, mas okey na iyon buti nga may nagluluto pa sa atin eh. Ikaw talaga Hendrick.” natatawang saway niya dito.
Napangiwi naman ito sabay peace sign sa kanya. Natawa na lang siya sa inasal nito, parang bata lang eh tapos ang cute pa. Pero medyo kinilig din siya sa sinabi nito.
"Gaga ka Alondra, pigilan mo! Uncle mo yan!" Palatak niya sa isipan.
ITUTULOY