PUPPY LOVE (CHAPTER 5)

3942 Words
Chapter 5   Jinx Point of View   Ako si Jinx. Lumaki ako sa isang masaya at kumpletong pamilya. Ako ang panganay sa tatlong magkakapatid. Dalawang taon lang ang agwat namin ng kapatid kong si James at anim na taon sa bunso naming si Vicky. Sundalo si tatay kaya palagi siyang wala sa bahay namin at si nanay lang ang kinalakhan naming kasa-kasama. Noong mga bata pa kami, mapagmahal sa amin si tatay. Sa tuwing dumadating siya kahit gabing-gabi na ay hindi niya nakakaligtaang puntahan kami sa aming mga kuwarto. Magigising na lang kami na may dala siyang pasalubong sa amin. Kaya naman, labis naming ikinatutuwa kung sasabihin ni Nanay sa amin na uuwi si Tatay. Hindi na kami no’n matutulog. Excited na kami sa pagdating ni tatay. Pinagpupustahan pa namin ni James kung ano kaya ang pasalubong sa aming pagkain at laruan. Iyon ang mga masasayang alaala ko sa aming kabataan. Unang pagkakataong pinalo ako  ni tatay ay nang pinakialaman namin ni James na damitan ang mga Barbie ni Vicky. Nagkataon lang kasi na hawak na ni James ang robot na laruan niya nang makita kami kaya ako lang ang pinagdiskitahan ni tatay. Sa lahat daw ng ayaw niya ay ang magkaroon siya ng anak na bakla. Binantaan niya ako. Sa murang gulang ay naikintal sa aking isipan na bawal ang babak-bakla sa kaniyang pamamahay. Lagi niyang sinasabi Gusto niyang tularan ko si James na mahilig maglaro ng mga laruang panlalaki. Astig kumilos at puro mga lakaki din ang mga kalarong bata. Ngunit kahit anong pilit kong gawin, magkaiba talaga kami ni James ng interes. Hindi siya ako. Noong nasa elementary na  kami, kung ang hilig ni James ay magbike kasama ang tropa niyang si Xian, ako naman ay maglaro ng bahay-bahayan o kaya Chinese garter kasama ng mga babae kong kaibigan. Nang nagkahilig si James sa paglalaro ng basketball ako naman ay varsity na ng Volleyball. Nang naglandi si James sa babae, ako naman ay nagkaroon na ng mga crush na lalaki sa campus namin. Iyon ang malayong pagkakaiba namin. Puwede lang siyang manligaw at magdala ng babae sa bahay ngunit ako, hanggang sa lihim lang na paghanga sa lalaki. Ayaw kong pagalitan ako ni tatay. Natatakot ako sa kaniyang mga banta. Ngunit kahit siguro gustuhin ko pang magdala ng babae, hindi kaya ng aking damdamin. Noon palang alam ko na, bakla ako. Isa ako sa kinasusuklaman ni Tatay. Dahil sa magkaiba naming mga hilig ng kapatid kong si James, hindi na kami nagiging close. Sa kabilang banda, naging sobrang close naman namin ni Vicky. Kung si James ay sobra kung sumunod sa lahat ng mga patakaran ni tatay sa bahay, ako ay kaya ko lang sundin ang ilan. Bata pa lang ako, alam kong masaya ako sa pagkatao ko. Wala akong pakialam kung ano ang itawag nila sa akin, bakla, syokla, bading, badash, paminta at kung anu-ano pa. Ngunit kahit alam kong bakla ako, tigasin akong kumilos, magsalita at manamit. Hindi dahil takot ako kay Tatay kundi iyon talaga ang level ng kabaklaan ko. Kung sakaling pipilitin ni tatay na baguhin ako, alam kong hindi ko iyon kayang sundin. Hindi ko siya mapagbibigyan. Masaya ako sa pagiging ako. Kung gusto niyang magkaroon ng anak na lalaki, nakikita ko iyon kay James ngunit hindi sa akin. Dahil na rin siguro sa higpit ni tatay kaya hindi ako naging boses at kilos bakla. Oo nga't may mga kaibigan akong mga bakla at baklang babae ngunit nanatili ako sa kung ano ako dapat kumilos. Kahit man lang sa paraang ganoon ay maipakita kong iginagalang ko pa din ang kagustuhan ni tatay. Hindi ako durog o kaya pinolbong paminta. Buum-buo akong paminta kaya maraming mga katulad kong bakla ang nahuhumaling sa akin sa pag-aakalang straight ako. Maraming mga patakaran si tatay sa bahay. Isa na dito ang dapat pagtulong sa lahat ng mga gawaing bahay. May curfew kami kaya hindi puwedeng umuwi ng lagpas alas otso na ng gabi. Kailangan laging magpaalam sa tuwing lalabas sa pintuan ng bahay. Kailangan din alam ni Nanay kung anong oras kami umuwi. Ayaw din niyang magpapatulog kami sa aming kuwarto ng hindi namin kamag-anak o hindi niya kilala. May mga sari-sarili kaming kuwarto na magkakapatid ngunit parang wala din naman kaming privacy kasi hindi kami pinapahintulutang magkandado ng aming mga kuwarto. Nang bata ako lahat naman ng mga bilin ni tatay ay sadyang sinusunod ko. Ngunit nakasasawa din pala. Nakakasakal. Ako kasi yung tipong kung saan ako masaya, iyon ang gagawin ko. Masama na kung masamang anak ako pero masaya ako sa tuwing wala si tatay sa bahay. Nagagawa ko ang mga gusto kong gawin. Nakakauwi ako ng lagpas alas-otso ng gabi. Kung gaano kahigpit si tatay ay siya namang kabait sa akin si nanay. Nagtitiwala siya sa akin. Alam niyang mabuti din naman akong anak. Sa kaniya ko naramdaman ang pagmamahal na hindi naibibigay ni tatay sa akin. Batid din naman kasi ni nanay na hindi ko napapabayaan ang pag-aaral ko at ini-enjoy ko lang ang aking pagiging kabataan. Pinapayagan din naman niya akong magpatulog ng mga barkada ko sa bahay lalo na kung sigurado naman akong hindi uuwi si tatay. Marami din naman nagkakagusto sa aking mga babae. Ngunit basted sila sa akin. Hindi ko naman sila masisi dahil alam ko namang naka-aangat ako sa karamihan kung hitsura lang din ang pag-uusapan. Sabi nila, guwapo ako, matangkad at may maayos na pangangatawan. Madalas nga, kinikilig ang mga ibang baklang kamag-aral ko sa tuwing nakakasalubong nila ako. Kailan ba ako unang nagkagusto? Kung tama ang pagkakatanda ko, nagsimula ang damdaming ito noong First Year High Shool ako. Yung bang pakiramdam na parang hinahanap ko siya lagi mula sa flag ceremony hanggang sa flag retreat. Yung palakad-lakad para mapansin niya ako o makita ko siya. May kung anong kaba akong nararamdaman kapag nakikita ko at nahihiya naman akong kausapin siya. Kung nakakaharap ko siya ay umiiwas ako saka ako maiinis sa sarili ko kung bakit di ko siya kayang harapin. Si Bruce. Siya ang unang nagpatibok sa aking puso. Unang araw namin noon sa high school nang mapansin ko siya. Flag ceremony namin nang mahuli ko siyang nakatingin din sa akin. Guwapo din siya ngunit siguro mas guwapo pa din naman ako sa kaniya. May kayabangan lang pero iyon lang sa tingin ko at sa tingin ng mga tsismosa kong mga kaklase. Hindi siya kaputian at halos magkasingtangkad lang kami noon. Hindi din naman matangos ang kaniyang ilong ngunit binabagayan ito ng maganda na pagkakahulma ng kaniyang mga labi. Mapungay ang mga mata na lalong binigyan ng may kakapalan niyang kilay. Hindi ko alam kung bakit nang magtama ang aming mga paningin ay kinakabahan ako. Nahihiya akong salubungin ang kaniyang mga tingin. Kung hindi siya nakatingin ay tinititigan ko siya ngunit oras na tignan niya ako ay mabilis kong ibaling sa iba ang aking mga tingin. Nakakakaba kasi. Nakakawala ng sarili. Basta may kung anong humihigop sa aking pagkasino. Ngunit kadalasan nahuhuli ko din siyang nakatitig sa akin at mabilis din niyang ibinabaling ang kaniyang tingin sa iba. First year high school lang  kaming dalawa noon, magkaiba nga lang kami ng section. Gustung-gusto ko kapag oras ng recess namin kasi madalas ko siyang makita kasama ng mga tropa niya. Kung dumadaan ako sa kaniya ay napapansin kong napapatahimik siya. Ako naman ay sobrang lakas ng kabog ng dibdib. Namumula. Natataranta. Ang mahirap pa ay hindi ko siya magawang kausapin o kahit ngitian man lang. Natotorpe talaga ako. Tinatanong ko sa aking sarili kung pag-ibig na nga ba ito? May pagkakataong lumapit siya sa kinakainan kong table sa canteen ngunit hindi ko alam kung anong katangahan meron ako. Nang umupo siya ay saka naman ako tumayo at mabilis na umalis. Nahihiya kasi ako at parang hindi ko matagalan na nasa harap ko siya. Nanginginig ako. Ninenerbiyos. Nahihirapang huminga. May kung anong malakas na kabog sa aking dibdib. Mula noon ay parang umiiwas na din siya. Kapag uwian nga tinitignan ko siya ng palihim ngunit may mga sandaling nahuhuli pa din niya ako na para bang alam na alam niya kung saan ako lihim na nagmamasid sa kaniya. Saka lang ako uuwi kung alam kong dumaan na siya sa aming classroom o kaya ay kapag lumabas na siya sa gate namin. Hinihintay ko siya para kahit sa huling saglit sa maghapon ay makita ko man lang muna siya. Ngunit kahit ganoon lang kami ay masaya na ako noon. Kahit hindi ko siya nakikilala ng husto bukod sa pangalan niya ay kumpleto na ang araw ko. Masaya na ako kung minsan sa isang araw magtama ang aming mga paningin. Siya ang unang naging secret crush ko. Nang second year high school kami ay bigla na lang siyang nawala. Hindi ko iyon noon matanggap. Lahat ng classroom ng second year high school ay nasilip ko na. Sa flag ceremony halos maputol na ang leeg ko sa kahahanap kung nasaan siya. Kahit sa flag retreat ay sinasadya kong mauna at tumambay sa gate para makita ko agad kung nadaan siya. Kulang na lang ng uniform ng security guard para sana palitan ko na ang SG namin sa school. Ngunit nang lumipas na ang isang linggo at wala pa rin ay nakaramdam na ako ng lungko. Hindi ko man lang siya nakausap. Ni hindi ko man lang nalaman ang apilyido niya. Nanghihinayang ako. Nawalan ako ng ganang pumasok. Nabawasan ang saya ko sa maghapon. Naramdaman ko talagang may kulang. Hindi na buo ang aking mga araw. Hanggang sa nasanay na din lang ako. Natanggap kong hindi ko na nga siya makikita pang muli. Ganoon pa man, hindi ko din naman siya nakalimutan kahit sabihing wala naman kaming personal connection at hanggang mga panakaw na tingin lang kaming dalawa. Minsan bago ako matulog ay pilit kong inaalala ang kanyang mukha. Ang kanyang mga ngiti. Ang tunog ng kanyang mga tawa. Ang boses niyang buo at mababa. Ang pasimpleng titig niya sa akin. Mapapaidlip akong nakangiti. Iniisip kong darating din ang araw na magkikita muli kami. Tinatanong ko ang aking sarili, gusto din kaya niya ako? Kung hindi ako umalis noong nilapitan niya ako sa table, nagkakilala kaya kami’t naging matalik na magkaibigan? Hindi kaya pwedeng maging kami kahit pa sabihing nasa murang edad lang kami? Ngunit dahil sa kaniya, nakilala ko ang sarili ko. Dahil sa kanya, nasigurado kong bakla nga talaga ako. Sa lalaki ako nagkakagusto at hindi sa babae. Sana matanggap ni tatay kung sino talaga ako. Sana mahalin pa rin niya ako sa kabila ng pagiging iba ko kay James. 4th year high school na ako noon nang unang araw na naman ng pasukan. Siksikan at pilahan sa canteen. Dahil gutum na gutom ako ay nakipagsiksikan din ako. Dahil sa nagkakatulakan ay hindi ko napansin ang dumaan na may hawak ng tray ng pansit at nakabasong coke. Natabig ko iyon at natapon sa uniform niya. "Tang-ina! Di kasi tumitingin..." nakayuko ang estrangherong natabig ko kaya hindi ko namukhaan. "Sorry!" paghingi ko agad ng paumanhin. Mabilis kong inilabas ang panyo ko. Nagulat ako nang tumingin siya sa akin. Si Bruce! Tang-ina tama, si Bruce nga! Siya nga ang matagal ko nang hinahanap at ang nawawala kong crush noong first year high school pa lang ako. Kapwa kami hindi nakapagsalita. Nagkatitigan kami. Gulat na gulat ako kasabay ng malakas na kabog sa aking dibdib. Isang lumang damdamin na dalawang taon ko nang hindi naramdaman. Siya man din ay nakatitig lang sa aking mukha.  Bigla akong natauhan at sobrang napahiya ako sa nangyari. Kaya para makabawi ay yumuko ako para pulutin ang tray at ang plato ng natapong pansit. "Aray!" muli niyang sigaw. Tumama na naman ang ulo ko sa kaniyang labi kaya nakagat niya ito at dumugo. Sabay pala kaming yumuko kaya naiumpog ang ulo ko sa kaniyang labi. "Sorry!" nanginginig kong paghingi ng paumanhin sa pangalawang pagkakataon. Palpak na naman ang naisip kong diskarte. "Please! Huwag ka ng kumilos. Ako na." mabigat niyang sinabi iyon. Halata ang galit lalo pa’t dalawang magkasunod na atraso ang ginawa ko sa kanya. Kinuha niya ang panyo niya sa kaniyang bulsa at dinampian ang dumudugo niyang labi. "Papalitan ko na lang yung natapon mong pagkain.” “Okey na.” nakasimangot siya. Dinadampian niya ng panyo ang pumutok niyang labi. “Hindi, okey lang. Ibibili na lang kita ng kapalit niyan kasi ako naman ang may kasalanan." "Huwag na nga. Ako na lang.” “Sorry ha, hindi ko talaga sinasadya.” “Kalma lang brad, alam kong natataranta ka lang." "Hindi ba pwedeng palitan ko na lang yung natapon para naman hindi ako makaramdam ng guilt?" "Huwag na nga. Pipila ka pa e, anong oras ka na makabili uli. Basta kalma lang. okey?" Pagtanggi niya. Ngumiti siya sa akin at tinapik niya ang balikat ko. “Okey na ‘yon.” “Sige, bawi ako promise.” Muli niya akong nginitian. Tumingin sa paligid na parang may hinahanap. "Kuya, palinis naman ho ito." Tawag niya sa janitor naming sa school. "Ako nga pala si..." pagpapakilala ko sana sa sarili ko pero may eksenadorang dumating. "Bhie, ano? Antagal mo!” nakapamaywang ang maganda at mataray kong kaklase. Ang kalaban ko sa pagiging first honor. Si Jane. “Natapon ang inorder ko e.” Sagot niya. “Oo nga no, naku basa pa ng coke ang uniform mo oh. Sino bang tangang bumangga kasi sa’yo? Napaka-careless naman!" pagmamaldita ni Jane. Nakatingin siya sa akin. Halatang mainit talaga ang dugo sa akin dahil bukod sa kami ang magkalaban ay nabasted ko pa nang nagparamdam ng pagkagusto sa akin. Nginitian lang ako ni Bruce. Parang sinasabi ng mga mata niyang pasensiyahan ko na lamang ang girlfriend niya. "Ano ka ba, akong nakabangga kay... ano na uli pangalan mo brad?” inilahad niya ang kamay niya sa akin. Hindi ko alam kung tatanggapin koi yon lalo pa’t nanlalamig ako. Isa pa, hindi ako sanay sa pakikipagkamay. Hindi naman kasi uso iyon sa amin sa school. Dahan-dahan kong tinanggap ang kanyang kamay. “Jinx.” Maikli kong pagpapakilala. “Yon, ako ang nakabangga kay Jinx. Di bale, uwi na lang muna ako para magpalit.” Hindi niya binibitiwan ang palad ko at nakaramdam ako ng kuryenteng pumapasok sa kaibuturan ko. Ako na ang humila sa kamay ko. “Uuwi ka pa? Anong oras na oh,” ipinakita ni Jane ang orasan niya kay Bruce. “Aabot pa naman siguro ako kasi may 30 minutes pa naman. Buti na lang dala ko 'yung motor ko.” “Sige, bilisan mo ha.” “Sige, hintayin mo na lang ako sa classroom mamaya bhie." paalam niya sa nagmamagandang si Jane. Hindi ko alam kung niyayabangan niya ako o may pagtingin pa rin siya sa akin at pinapaselos lang din ako. "Sorry uli Bruce." Pahabol ko. "Ayos lang. Aksidente lang yun brad." “Brad? Close na kayo?” Sabay kaming sumagot. Sablay nga lang dahil ang sagot niya ay OO at ako ay HINDI. Nang palitan ko ng OO PALA ay pinalitan din niya ng HINDI PALA. “Ano ba talaga? Sige na bhie. Umuwi ka na muna at magpalit.” “Tara.” Inakbayan niya ang girl friend niya. “Hatid mo ako kung saan ako nagpark.” Naiwan ako doong nagulat. Bhie ang tawag niya kay Jane. May girlfriend na pala siya? Biglang nawalan ako ng ganang bumili ng aking miryenda. Alam kong hanggang sa crush na lang ako sa kaniya dahil malimit ko silang makita na magkasama ng girlfriend niya. Sa tuwing makakasalubong ko siya ay umiiwas ako kahit titig na titig siya sa akin. Nang minsang aksidente natabihan ko siya sa aming library ay ako ang kusang umiwas at umalis kahit panay ang papansin niya sa akin. Napakarami niyang tinatanong kahit alam kong alam naman niya ang mga tinatanong sa akin. Kung bakit ako naiwas at naiinis, hindi ko alam. Siguro dahil nahihiya pa din ako sa nangyari noon sa canteen o kaya umiiwas lang akong masaktan dahil may girlfriend na nga siya o maari ring natatakot akong pagalitan ni tatay. Umiiwas man ako ngunit hindi ang nararamdaman ko sa kaniya. Siya parin ang laman ng aking pangarap bago ako igupo ng antok sa gabi at siya pa din ang iniisip ko na sana masulyapan ko pagpasok ko sa aming campus kinabukasan.   Nang naglaon ilang araw bago ang graduation namin ay nalaman ko din ang buong pangalan niya at ilang mga detalye tungkol sa kanya. Kahit pa kaklase ko si Jane, hindi din naman kami close. Isa pa, ayaw ko din naman na pag-isipan ako kung bakit interesado ako sa buhay ng boyfriend niya. Nakilala ko lang siya ng lubos dahil sa slumbook na pinagpapasa-pasahang ipapirma ng mga babaeng kaklase ko. Dahil campus crush kaming dalawa kaya kalimitan ay kami ang binibigyan ng pagkakataong mag-sign sa sangkatutak na slumbook. Ang iba ay humihingi pa ng ID picture o whole body picture na idikit nila sa tabi ng aming pangalan. Binasa ko ang mga nilagay niya sa slumbook. FULLNAME (optional): Bruce Cruz NICKNAME (optional): Bruce lang din. ADDRESS (just the city!): Makati City BIRTHDAY (optional): January 30 BIRTHPLACE: San Pedro, Laguna AGE: 16 ZODIAC SIGN: Aquarius AMBITION: To be a lawyer LET'S GET PERSONAL!MOTTO: Life isn't about finding yourself, life is about creating yourself." DEFINE 'LOVE': Love is like rosary that full of mystery WHO IS YOUR CRUSH? I have a fiancée now and I love her. (I love you Jane) Crush* J.R. WHERE DID YOU MEET?- School WHEN DID YOU MEET?-School WHO IS YOUR FIRST LOVE?- Jane UNFORGETTABLE MOMENT: Natapunan ang damit ko ng coke at natapon ang pansit na order ko. WHEN? First of day of classes this school year WHERE? Canteen   Nahiwagaan ako sa sagot niya sa crush. J.R. Ang buong pangalan ko ay Junixson Reyes kaya nga ang palayaw ko ay Jinx. Kung kukunin ang inisyal, J.R. Pero maaring ang girlfriend din niya na ang pangalan ay Jane Retuta. Crush kaya niya ako? Muli kong binasa ang kanyang Unforgettable Moment. Doon ako ako nagkaroon ng palaisipan. Bakit iyon pa? Siguro naman madami na silang masasayang moment ng girlfriend niya. Nang JS nga namin sila ang napiling sweetest pair. Kaya naman ako sobrang nasaktan kahit wala naman akong karapatan. Wala na akong ibang tinitignan noon kundi sila. Masama ang loob ko. Kahit pa napapansin kong nakatitig siya sa akin ngunit alam kong wala namang kuwenta dahil bantay-sarado naman siya ng kapit-tuko niyang girl friend. Ngunit kung yung pagbangga ko sa kanya sa canteen at natapunan siya ng pansit at coke ang kanyang unforgettable moment, anong meron doon? Di ba dapat ang inilagay niya as Unforgetable Moment ay noong JS Promenade? Nang nag-eensayo kami ng aming graduation song ay panay ang lingon niya sa akin kahit magkatabi sila ng nobya niya. Ako na lang yung laging nagbababa ng tingin kasi nahihiya pa din ako. Sigurado kong ramdam na niya na gusto ko siya dahil kahit sabihing iniiwasan ko siya ay panay naman ang lingon ko sa kaniya kung may mga school activities kami. Nilakasan ko na talaga ang loob kong makipagtitigan. Wala na akong pakialam kung anong mapapansin niya basta gusto ko kahit sa tingin ko lang ay maramdaman niyang gusto ko siya. Na may pagtingin ako sa kanya. Ngunit nang dalawang araw bago graduation namin ay madalas ko na siyang nakikitang mag-isa. May mga sandaling alam kong gusto niyang lumapit sa akin ngunit dahil sa nerbiyos na nararamdaman ko ay ako ang parang lumalayo. Hindi ko alam kung bakit natotorpe pa rin ako kahit pa nagkausap na kami. Tuloy naiinis ako sa sarili ko kung bakit iyon madalas ang ginagawa ko na hindi naman talaga dapat umiwas o lumayo. Araw ng graduation namin nang naabutan ko siya sa Comfort Room. Nanginginig na naman ako noon lalo pa't napansin kong nakatingin siya sa akin. Mabuti nga at tumuloy pa rin ako. Nagawa ko nang labanan yung madalas kong ginagawang pag-iwas. Nang lingunin ko siya ay nginitian niya ako at kinindatan. Bago ko binawi ang aking tingin ay alam kong ngumiti din naman ako sa kanya. Kung sana puwede ko lang pigilan ang aking pag-ihi para makaalis na ako doon kasi sobrang kabog na ng dibdib ko ay ginawa ko na. Mabuti na lamang at nauna siyang umalis. Nakahinga ako ng maluwag. Nakaihi din ang ng maayos. Paglabas ko sa Comfort Room ay nasa pintuan lang pala siya at naghihintay. "Congrats brad! Ikaw pala ang Valedictorian. Astig!" Nagulat ako kaya hindi agad ako nakasagot at napalunok na lang ako lalo na nang akbayan niya ako. Amoy ko ang kanyang pabango. Natitigan ko siya ng malapitan. Bigla na lang akong pinagpawisan ng malagkit. Nautal ako. Hindi ko maigalaw ang aking dila. Para akong pipi na katitig lang sa makinis at maputi niyang mukha. "Bruce pala at dahil ikaw ang pinakamatalino sa klase natin at sikat sa mga chicks, kaya kilalang kilala kita, ikaw si Jinx di ba?" Ngumiti ako. Huminga ako ng malalim. Kailangan kong sumagot.  “Nagpakilala naman ako dati sa canteen di ba? Nakalimutan mo bang pangalan ko?” Titig na titig ako sa nakaguwapo niyang mukha. “Sinabi mo bang pangalan mo no’n?’ “Oo, kinamayan mo pa nga ako.” “Talaga? Hindi bale, magkakilala na din naman tayo ngayon. Congrats ha!" nginuso niya ang palad niyang kanina pa pala nakalahad. Nanlalamig ako ngunit tinanggap ko pa rin ang kamay niya. "Nanlalamig ka yata ah. Okey ka lang?" tanong niya. "Ayos lang ako." Matipid kong sagot. Halatang nanginginig ako dahil sa boses ko. "Papunta ka na ng gym?" tanong niya. Nakangiti pa rin. "Oo" matipid ko paring sagot. Medyo tumila na ang kabog ng aking dibdib. Huminga ako ng malalim. Bakit ganito ang nararamdaman ko kapag nakikita o malapit lang siya sa akin. Nauutal ako at parang laging kinakabahan. "Sorry pala uli 'yung nangyari nang natapunan kita sa canteen" pamamasag ko sa katahimikan habang naglalakad kami. "Ano ka ba? Tagal na no'n.” Ngumiti lang ako. “Kasalanan ko 'yun at hindi ikaw. Sa'n ka mag-aaral niyan?" tanong niya. "Sa College?" balik tanong ko. "Bakit after high school ba may iba pa bukod sa college?" Napangiti ako sa sinabi niya. Valedictorian nga pero tanga lang. "San Sebastian siguro. Ikaw?" "Doon na din siguro ako.” “Talaga? Ayos yan.” “Para makita pa kita.” Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko man binigyan ng malisya ngunit totoong kinilig ako. Binibiro lang siguro niya ako pero umasa pa ring sana di lang nambobola. "Anong kukunin mong course?"   "Baka Accountancy.Hindi ko pa sure e. Ikaw?" "Yun na din lang siguro ako." Sagot niya. Napakunot ako ng noo. Pinagtritripan lang yata niya ako. Pwede ba naman yung gaya-gaya lang ng kurso ng iba? Malapit na kami sa gym nang inakbayan niya ako. "See you at Baste” “Baste?” “San Sebastian? Di ba doon tayo mag-aaral?” “Ah, oo nga, Baste.” “Hope we can be real buddy in there!" Nanlaki ang aking mga mata. Nananaginip lang ba ako? Wish niyang maging magkaibigan kami doon? Sana totoo. Sana hindi lang ako mapapaasa sa wala. Pagkatapos ng aming graduation ay nakita kong kumaway siya sa akin bago umalis kasama ng pamilya niya. Kinawayan ko din siya kahit medyo nahihiya ako. Naisip ko. Bakit ngayon lang kung kailan magkakahiwalay na kami ng landas? Niyaya na ako nina tatay na umuwi dahil may kaunting salu-salo sa bahay. Proud na proud sa akin noon si James dahil hawak-hawak niya ang aking medalya. Masayang masaya si nanay at si tatay sa aking nakamit na karangalan. Sana pati pagkatao ko ay magiging proud din sila pagdating ng araw na handa ko nang sabihin sa kanila ang totoo. First day noon, nang first year college na ako ay pumili ako ng mauupuan sa likod at malapit sa pintuan. Mahiyain kasi talaga ako kaya iniwasan kong umupo sa harap. Bakante pa ang katabi kong upuan sa kanan noon. Nang dumating ang aming instructor ay tumahimik ang lahat. May hawak siyang classcards naming. “I will be calling one by one and when I call on your name, please stand and introduce yourself, okey?” “Yes, ma’am.” Sabay-sabay na sagot ng aking mga kaklase. Hindi ko man lang nagawang ibuka ang aking labi. Inisa-isa niyang tinawag ang mga pangalan.Tumayo ang natawag. Nagpakilala at nagtanong ng ilang impormasyon. Hindi ko alam kung bakit nahihiya ako. Ito kasi yung ayaw ko. Magpakilala, titignan ng karamihan. Ngunit wala naman akong magagawa. Kailangan kong sumunod sa utos ng aming Instructor. Natigilan ako nang tinawag ang pangalang Bruce Cruz. "Here ma'am." Boses malapit sa pintuan. Napalingon ako. Biglang bumilis na naman ang t***k ng aking puso. Hindi ako makahinga. Ibig sabihin seryoso siya sa sinabi niya noong Graduation. Noon alam kong may kasangga ako. Kasanggang nagiging dahilan ng pagkawasak ng aking pamilya.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD