Chapter 3
Clyde's Point of View
“Iwasan mo ang boy friend ko kung ayaw mong masira ang buhay mo!" panduduro ko sa mukha niya. Buhos-buhos ang pagbulwak ng naipon sa dibdib kong galit. Wala akong matandaan na expression sa mukha ng bagong bakla niya. Dahil sa isang iglap ay isang malakas na suntok sa panga ko ang dumapo na dahilan para mapaupo ako dahil sa lakas at dala na rin siguro ng aking pagkalango. Aambaan pa sana ako ni Mark ng sipa ngunit mabilis na umawat ang mga guwardiya at ako naman ay pinagtulungang ilayo ng aking mga kaibigan. Ngunit tuluy tuloy lang ang aking pagsisigaw. Kahit pa tinakpan na ang aking bibig ay hindi nila mapigilan ang talas ng aking dila. Minura ko sila. Paulit-ulit. Hanggang tuluyan na akong inilabas ng aking mga kaibigan sa bar at pinagtulungang iuwi sa bahay.
Kinabukasan ay ginising ako ng malakas na tapik sa pisngi. Agad kong naramdaman ang kirot ng aking ulo. Pagdilat ko ng aking mga mata ay nakita ko ang mukha ng lalaking pinakamamahal ko. Sa kabila ng sakit na ginawa niya sa akin, mahal na mahal ko pa rin siya. Hindi pa man siya humihingi sa akin ng patawad ay iginawad ko na agad iyon sa kanya. Napangiti ako. Pagkatapos nang hindi magandang nangyari kagabi ay pinuntahan pa din niya agad ako.
“Kanina ka pa?” tanong ko. “Gusto mo bang mag-almusal? Magluluto ako.”
“Baliw k aba? Pagkatapos mong magwala kagabi pakikitaan mo ako ngayon na parang wala lang nangyari?”
“Galit ako kagabi dahil anniversary natin hindi mo ako sinipot.”
“Paano ka nakasisigurong hindi kita sisiputin? Tapos na ba ang anniversary nang bigla kang sumulpot at magwala sa bar?”
Huminga ako ng malalim. Bakit parang lumalabas na kasalanan ko pa.
"Heto ang susi ng bahay mo at lahat ng mga binigay mo na gamit sa akin."
"Ano 'to? Bakit?" naguguluhan kong tanong lalo pa't parang naalimpungatan pa rin ako.
"Bakit? Tatanungin mo pa ako kung bakit?” napailing siya. Nang-iinis ang kanyang ngiti. “Yung mga pera na inibigay mo sa akin, bayad mo na iyon sa paggamit mo sa katawan ko.”
“Ano bang pinagsasabi mo?
“Siguro naman wala ka nang hahabulin sa akin mula ngayon. Alis na ako." Tinungo na niya ang pintuan. Mabilis akong tumayo at niyakap siya mula sa kanyang likod.
"Sandali nga! Mag-usap nga muna tayo.”
“Mukha mo!” tinanggal niya ang mga kamay kong nakapulupot sa kanyang katawan. “Bitiwan mo nga ako!”
“Pag-usapan natin ito beyb! Please?" pakiusap ko sa kaniya. Hindi ko yata kakayanin na mawala siya sa akin.
"Wala na nga tayong pag-uusapan.”
“Tungkol ba ito sa nangyari kagabi?”
“Natural, may iba pa ba?”
“Lasing ako no’n saka galit na galit ako.”
“Talaga ba? Kung nagawa mo iyon sa baklang kagaya mo, kaya mo ding gawin iyon sa girl friend ko.”
“Ano ka ba, sa bakla lang ako galit. Tinanggap ko naman ang sa inyo ng girl friend mo ah. Ilang beses ko na kayong nakita ng girl friend mo na nagde-date, sinugod ko ba siya? Hindi naman di ba?”
“Binabalaan na kita ngayon palang, huwag na huwag ka nang magpapakita sa amin o kahit kausapin ang girlf riend ko.”
“Hindi ko naman gagawin ‘yon. Kung gusto kong gawin napakaraming pagkakataon na pero ginawa ko ba?”
“Ginawa mo na nga kagabi hindi ba?”
“E, di mo naman girl friend yung baklang ‘yon e.”
“Yung baklang ‘yon, siya ang nauna sa inyong dalawa ng girl friend ko. Kaya lumugar ka. Kilalanin mo muna kung sino ang iiskandaluhin mo.”
Napalunok ako. Noon ko napagtanto kung bakit parang kilala ko ang baklang iyon kagabi. Iyon pala ang sumundo sa kanya nang gabing naging kami.
“Akala ko ba tropa mo lang ‘yon.”
“Anniversary din namin noong sinundo niya ako at unang gabi na nagkasama at naging tayo. Hindi ba pwedeng sa kanya lang ako ng ilang oras at sa’yo naman ako uuwi at matutulog? Hindi ba mas okey ‘yon sa’yo?”
“Okey sa akin? Dapat ba magpasalamat pa ako? Mark, pinagsabay mo kami nong bakla. Pinagsasabay mo kaming tatlo. Ta’s sasabihan mo ako na okey lang ‘yon kasi sa akin ka naman matutulog? Sana una palang umamin ka nan a kayo pala nong baklang ‘yon para alam ko. Para kahit papaano hindi ako nagugulat.”
“Andami mo laging drama. Pasalamat ka sa bakla mo lang ginawa ‘yon. Kung sa harap ng girl friend ko ginawa mo ‘yon, baka mapatay kitang bakla ka.”
“Hindi ko na alam kung anong iisipin ko. Hindi ko na alam kung anong mga totoo.”
“Tama na. Hindi mo na kailangang mag-isip. Hindi mo dapat alamin pa kung anong totoo. Hindi pa ba malinaw? Wala kang kuwentang kausap. Wala kang kuwentang tao." Pagkasabi niya niyon ay tumalikod na siya.
Parang bigla ay nawala ang sakit ng ulo ko. Muli, hinabol ko siya. Pababa na siya noon sa hagdanan nang maabutan ko. Mahigpit ko siyang niyakap.
"Huwag ka namang ganyan beyb. Huwag mo naman akong iwan.” Pagsusumamo ko.
“Bitiwan mo ako, isa!”
“Hindi ko kayang mabuhay ng wala ka. Ikaw na lang ang kasama ko sa buhay ta's iiwanan mo pa ako."
"Bitiwan mo ako, dalawa!”
Binitiwan ko siya.
“Tang ina ka! Dahil sa iyo ay muntik na kaming nagkahiwalay ng girl friend ko. Napanood niya ang video kagabi ng ginawa mong kawalang-hiyaan. Kaya bago pa niya ako hihiwalayan, dapat mawala ka na muna sa buhay ko. Ayaw kong mawala sa akin ang girl friend ko."
"Hindi. Ayaw ko! Tayo parin!" pagsusumamo ko.
"Sinong nagbigay sa'yo ng karapatang magdesisyon para sa ating dalawa? Tapos na tayo sa ayaw mo't sa gusto!"
"Patawarin mo na ako. Hindi ko na uulitin pa. please!”
“Hindi ka na talaga makakaulit pa, gago!”
“Sige na please. Nagmamakaaawa ako. Hindi na ako manggugulo. Pangako 'yan. Huwag mo lang naman akong iwan beyb!" Pilit kong inilapit ang mukha ko sa mukha niya.
"Sama ng hininga mo! Huh!" nilayo niya ang mukha niya. "Magmumog ka nga!"
"Sorry, pero pangako Mark, hindi ko na talaga uulitin pa iyon.
"Talaga ngang hindi na kita hahayaang makakaulit pa dahil wala ka nang karapatan pang gawin iyon ngayon dahil hinihiwalayan na kita.”
“Hindi pwede. Mahal kita e.”
“Pasensiya na pero di ko kayang ikompromiso ang pagmamahalan namin ng girl friend ko."
"Ayaw ko. Please huwag mo akong iwan. Lahat gagawin ko huwag mo lang akong iwan. Nagmamakaawa na ako sa iyo." Hindi ko na noon maintindihan ang sarili ko kung bakit ako nagpapakatanga. Lantaran na niya akong niloloko ngunit nandito ako’t nagmamakaawa sa isang taong hindi naman ako mahal.
"Para namang may magagawa ka pa kung talagang ayaw ko na."
"Luluhod ako. Kahit anong hilingin mo gagawin ko. Kahit anong kailangan mo, ibibigay ko. Huwag mo lang akong iwan please!"
"E di lumuhod ka. Alam mo, kahit pa ilang taon kang nakaluhod kung sinabi kong ayaw ko na, ayaw ko na talaga. Isa pa, pinapahiwalay ka na din sa akin no’ng baklang inaway mo. Mas malaki ‘yon magbigay. Mas mabait, mas mahaba ang pasensiya at hindi nagwawala kagaya mo. Alam niya kung ano ang lugar niya sa akin at iyon ang importante sa akin.”
“Hindi. Hindi ka aalis. Dito ka lang. Aayusin natin ‘to. Kung gusto mong maging kagaya ako ng un among bakla, gagawin ko. Please bigyan mo naman ako ng kahit huling chance.” Niyakap ko siya nang mahigpit.
“Tama na nga! Kulit naman e.”
“Please, one last chance. I’ll prove to you na kaya ko din ang ginagawa nang un among bakla, Please.”
“Huwag mo akong galitin dahil kagabi pa ako nanggagalaiti sa'yo."
Pilit niyang tinanggal ang kamay kong nakayakap sa kaniya ngunit sadyang ayaw ko siyang pakawalan. Lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap ko. Ngunit lalo din siyang pilit kumakawala.
"Bitiwan mo ako, Clyde!”
“Ayaw ko, dito ka lang please. Huwag kang umalis!”
“Tang-ina, makakatikim ka na sa akin!"
"Di ba nga sabi mo mahal mo din ako. Sabi mo masaya ka din sa akin?"
"Mahal?" tumawa siya.
“Oo, sinabi mo ‘yan sa akin.”
"Mahal kita?” muli siyang tumawa. “Ulol! Sinasabi ko lang 'yun kasi mahal ang sustentong binibigay mo.”
“Hayop ka!” bumitiw ako sa pagkakayakap ko sa kanya.
“Masaya din ba kamo?” pagpapatuloy niya. “Gusto mong marinig ang totoo? Oo masaya ako. Masaya ako dahil mula nang dumating ka naging magaan ang buhay sa akin dahil bukod sa ibibinigay nang unang bakla ko, may dagdag pa galing sa’yo ngunit sana huwag mong kalimutang lalaki pa rin ako at kahit kailan, hindi mo kayang ibigay ang tunay na ligayang maibigay ng girl friend ko. Nadinig mo na ang dapat mong marinig. Ano, di ka pa susuko? Bakla ka lang at di ako magmamahal sa kagaya mo kahit kailan!"
Isang malakas na sampal ang pinakawalan ko sa mukha niya. Oo naisip ko naman iyon. Ngunit walang kasinsakit kapag ipinamukha sa iyong kasinungalingan lang pala ang sinasabing mahal ka. Lalo pa't tuluyan kang pinaniwala. Kinalimutan ko ang dating takot ko na niloloko lang niya ako. Nagpakatanga ako. Nagpakamanhid ngunit iba pa din talaga kung ipinapamukha na ang katotohanan.
“Ano? Okey na? Nasampal mo na ako. Amanos na.” itinulak niya ako. “Alis ako at baka mabugbog pa kita!”
Sandali ko lang naramdaman ang galit na iyon. Parang napalitan agad ng takot na muli akong mag-isa sa buhay. Naalarma na ako ng husto nang makita ko siyang binubuksan na niya ang pintuan ng bahay. Mabilis kong pinigilan at paluhod kong niyakap ang kaniyang baywang.
"Ayaw ko beyb! Sorry na please!”
“Sipain na talaga kita!”
“Hindi ko kaya! Ayaw ko...ayaw ko...please..huwag mo akong iwan!" humahagulgol na ako. Mahal na mahal ko siya at hindi ko alam kung paano ko buuing muli ang buhay ko nang wala siya.
"Nasampal mo na ako, pinahiya mo na ako sa harap ng maraming tao, nalaman na ng girl friend ko ang tungkol sa’yo na muntik naming ipinagkahiwalay. Ano pa ba ang gusto mo ha?”
“Gusto ko akin ka lang. Gusto ko huwag tayong maghiwalay, please?”
“Hindi ka ba talaga nakukuha sa magandang pakiusap!" Malakas niyang tinanggal ang pagkayakap ko sa kaniyang baywang ngunit kahit anong mangyari ay ayaw ko siyang pakawalan.
Lahat ng pagsusumamo ay sinabi ko na at tagaktak na ang pawis namin. Pawis ko sa pamimigil ko sa kaniyang lumabas ng bahay at pawis siya sa pilit pagtanggal sa pagkakayakap ko sa kaniya. Nang naubos na siguro ang kaniyang pasensiya ay naging marahas na siya sa akin.
“Tang-ina mo ah! Ayaw mong mapakiusapan ah!” Sinipa niya ako. Napakalakas no’n na halos sumadsad ako sa sulok ng bahay. Hindi pa rin siya nakuntento. Nilapitan niya ako. Muli ko siyang niyakap. Sinuntok niya ako sa aking mukha ngunit hindi pa din ako bumibitiw. Hanggang sa ubod ng lakas niyang tinadyakan ang aking sikmura dahilan para tumigas iyon na para ko nang ikamatay dahil nahihirapan akong huminga. Nang matanggal niya ang kamay ko ay nagmamadali na siyang lumabas. Sapo ko ang aking sikmura at pilit ko siyang sinundan. Wala na akong pakialam noon sa mga kapitbahay kong nakatingin. Hindi ko na inisip pa ang aking kahihiyan. Ang tanging bumabalot sa akin noon ay ang muling mag-isa. Hindi na ako sanay na ako lang. Hindi ko na alam kung paano pa magsisimulang muli. Mahal ko siya. Hindi man siya nagiging fair sa akin pero masaya ako sa mga ipinaramdam niya sa akin. Hanggang sa sumakay siya sa naka-park na sasakyan. Nakita ko ang baklang iyon. Ibig sabihin alam ng bakla na siya ang talunan. Iniutos ng bakla na hiwalayan na lang niya ako. Ramdam ko ang pagkatalo. Hindi ko lang alam kunng paano ko tatanggapin.
Bumalik ako sa kuwarto ko. Iniiyak ko ang lahat. Isinigaw ko ng paulit-ulit ang galit. Minura ko siya at ng baklang kasama niya. Minura-mura ko ang sarili kong nagpapakatanga. Alam kong katagahan na ang ginagawa ko pero bakit hindi ko kayang kontrolin ang aking sarili? Bakit hindi man lang ako nag-iwan ng kahit katiting na respeto? Tinungo ko ang aking banyo. Pinagmasdan ko ang duguan kong labi. Umiyak pa rin ako ng umiyak sa harap ng salamin. Gusto kong makita ang mukha kong nasasaktan. Baka sakaling kapag nasaksihan ko na ang sarili ko sa kalunos-lunos na katangahan ay magigising na agad ako sa katotohanan. Ngunit bakit parang hindi pa rin? Bakit ang kulit pa rin ng ng aking puso? Bakit hindi kayang gapiin ng damdamin ko ang tama at dapat na naiisip ko?
Hindi ko alam ang gagawin ko noon. Laging siya pa rin ang nasa isip ko. Mabilis akong nagbihis. Kinuha ko ang mga gamit niya sa bahay. Isinilid ko iyon sa bag. Lahat ng luma niyang damit, lumang sapatos at tsinelas. Gusto kong may dahilan ang pagpunta ko roon kahit alam ko sa sarili kung bakit ako pupunta. Desperado pa rin akong makausap at mapabalik siya sa akin. Pinuntahan ko siya sa madalas kong pinaghahatiran sa kanya. Kumatok ako. Umaasang hinatid lang siya ng bakla niya. Na sana nakauwi na siya. Pinagbuksan ako. Kilala ako nang nagbukas ng pintuan dahil madalas na siya din ang nagbubukas kapag dinadaanan ko si Mark. Isa pa, estudiyante ko rin siya sa isang subject kaya nahihiya din siya sa akin.
“Nandiyan si Mark?” seryosong tanong ko.
“Wala siya sir.”
“Pwede bang hintayin ko na lang siya sa kwarto niya. Tutal ako naman ang nagbayad diyan.”
“Sarado ‘yon sir.”
“Sarado o ibabagsak kita?”
“Sir malilintikan ho ako kay Mark niyan sir.”
“Mamili ka, malilintikan ka sa kanya o malilintikan ka sa akin.”
“Sir huwag na sir. Sabihin ko na lang pong dumalaw ka sir,” pakiusap niya.
“Tumabi ka. May karapatan ako sa kwarto niya dahil akong nagbayad niyan.”
Walang nagawa ang binatilyo. Pailing-iling lang siyang tumingin sa akin.
Hindi na ako kumatok pa. Mabilis kong binuksan ang di naman pala naka-lock na kwarto. Nagulat ako sa naabutan ko. Walang pang itaas na damit si Mark at nakakandong ang girlfriend niya sa kaniya. Naglalambingan silang dalawa.
"Tang-ina, anong ginagawa mo dito!" gulat na sambit ni Mark.
"Akala ko ba hiniwalayan mo na 'yang baklang 'yan! Ano pang ginagawa niya rito?" saad ng girl friend niya. Tumayo ito mula sa pagkakandong niya kay Mark. Masakit ang tingin niya sa akin.
"Nagkalinawan na nga tayo di ba? Anong bang gusto mong mangyari ha!”
“Dinala ko mga gamit na naiwan mo sa bahay.”
“Sige akin na ‘yan at makakaalis ka na.” kinuha niya ang bag.
Ngunit imbes na ibagay ko ang bag sa kanya, sinunggaban ko na ang pagkakataong iyon para hilain siya at mabilis na mayakap.
“Balikan mo na ako please.” Bulong ko. Puno iyon ng pakiusap.
“Tang-ina naman e. Bakit ba ang kulit mong bakla ka! Ilag beses ko ba sa’yong sasabihin na hindi kita mahal at wala akong pakialam sa’yo putang ina mo!”
“Okey na ako, kahit anong gusto mo, handa kong gawin ang lahat. Please. Sabihin mo lang kung anong gusto mo.”
“Pathetic!” singhal ng babae.
Nakakainsulto ang kanyang ngiti. Parang napakasarap lang niyang sabunutan pero nagpigil ako. Naroon ako para makipag-ayos kay Mark at hindi ang lumikha pa ng panibagong gulo.
“Puwede ba Clyde! Tigilan mo na kasi ako! Utang na loob dahil baka kung ano pa ang magawa ko sa'yo."
"Huwag mo naman gawin sa akin ito, Mark. Please? Nakikiusap ako."
"Umalis ka na dito!" tinulak niya ako. “Hindi ipinapakiusap ang pagmamahal. Matalino ka e. Instructor ka di ba? Oh, nasaan na ‘yong pagiging edukado mo?”
"Mark, hindi ko alam. Basta ang nasa isip ko lang ay yung ayaw kong mawala ka sa akin. Hindi ko kakayanin na isiping tuluyan ka nang hindi akin.”
“Hindi ako kailanman naging iyo. Tinitikman mo lang ako. Hanggang doon na lang tayo. Hayan ha, tao na akong nakikiusap sa’yo. Tama na Clyde. Please!
“Paano ba ako hihingi ng tawad sa'yo. Sabihin mo please. Gagawin ko lahat patawarin mo lang ako!"
"Honey," tawag niya sa girlfriend niya. "Tumawag ka nga sa barangay. Dahil kung ako ang maglalabas nito ay baka bugbog sarado ang aabutin nito sa akin." Marahas akong itinulak palabas ng apartment nila. Pinilit kong humawak sa lahat ng puwede kong mahawakan ngunit malakas niya akong itinulak na may kasamang sipa. Narinig ko ang tawanan ng mga estudiyanteng kasamahan niya sa apartment. Pinagtatawanan nila ako. Noon ko sinimulang nagsisigaw.
“Mga putang ina ninyo! Anong pinagtatawanan ninyo! Ibabagsak ko kayong lahat mga bobo kayo!” sigaw ko.
“Mga bobo daw? E, ano yang ginagawa niya, katangahan din naman.” Narinig kong sinabi iyon ng isang estudiyante.
“Tang-ina, sinong nagsabi no’n? Sino!” singhal ko.
Nakita kong may nagvi-video sa akin. Hahablutin ko sana iyon nang mabilis silang nagtakbuhan sa kanilang mga kwarto.
Muli akong hinarang ni Mark nang pigilan ko ang girl friend niyag magtawag ng barangay.
“Alam mo, ito na yung pinaka-worst na relasyon ko sa bakla. Ikaw na ang pinaka-worst na baklang nakilala ko.”
“Talaga? Naisip mo ba kung bakit ako ganito ngayon? Alam mo ba kung anong pinagdaanan ko sa buhay? Alam mong mahal na mahal kita at ikaw lang ang meron ako. Sa’yo lang ako kumakapit. Sa’yo lang akong sumaya ng ganito. Hindi gano’n kadali na basta mo na lang ako bibitiwan. Madali sa’yo kasi hindi mo ako mahal pero paano naman ako. Bakit parang lahat ng nangyayari ngayon sa akin ay pinalalabas mong kasalanan ko? Hindi ako madali maggive-up, oo, pero tang-ina sobra lang akong nagmahal kaya ako nagkaganito.”
“Kaya nga, di ba lahat ng sobra nakakasama. Kaya please, umalis ka na.”
Hindi na ako sumagot pa. Humahagulgol na lang ako. Ramdam ko na noon ang pagod. Alam ko sa sarili kong hirap na hirap na din naman ako.
Kalmado na ako nang dumating ang mga barangay. Sumama ako sa kanila ng maayos. Hindi na nagreklamo pa si Mark kaya ilang oras lang akong namalagi doon at pinauwi rin kalaunan.
Kahit pagod na pagod na ako, dumadating pa rin yung lungkot ko at pangungulila. Sa tuwing tinatamaan ako ng depresyon ay bumabalik pa rin ako sa apartment nina Mark. Paulit-ulit ding sinasabi nang mga kasamahan niyang lumipat na si Mark kasama ng girl friend niya. Para maniwala ay pinapasok pa nila ako. Ipinakita nila ang bakante na ngang kwarto.
Hanggang sa sumuko na ako na dapat noong gabi ng annibersary pa naming dapat kong ginawa. Ganoon pala kapag lulong ka na sa maling pag-ibig? Tuluyan na akong iniwasan ng lalaking unang minahal ko. Mahirap, masakit at halos para kong ikamatay. Bumaba ang timbang ko. Napabayaan ko ang pagtuturo ko hanggang tuluyan akong natanggal dahil na rin sa mga kumakalat na video na pagwawala ko sa bar at ang pagwawala ko sa mismong apartment nina Mark. Pinagpistahan nila ang buhay ko. Kinutya ng netizen ang katangahan ko. Napakaraming basher sa f*******: ko. Pinagtatawanan nila ang aking pagkatao. Nag-deactivate ako para lang tigilan na nila ako. Hindi ako nag-f*******: ng Ilang buwan para lang makaiwas na mabasa ang kanilang mga pamba-bash. Ang lahat ng sakit na ginawa ni Mark sa akin ang naging sandata ko para makapag-move on. Buwan din ang binilang bago muling nakabangon. Tinanggap ko na lang na hindi na nga ako babalikan pa ni Mark. Na hindi naman talaga niya ako minahal. Na pera-pera lang namang yung sa amin. Ako lang yung tangang nagmahal. Ang nagpakagumon sa di naman talaga akin.
Nang pakiramdam ko, okey na uli ako. Naisipan kong mag-aaply na uli ng trabaho. Natanggap ako bilang IT sa isang malaking telecom company. Mas malaking sahod, mas magaang buhay. Nakalimutan ko na ang pagmamahal kay Mark ngunit hindi ang sakit ng kanyang ginawa sa akin. Ang tanging alam kong paraan para gantihan siya ay ang ayusin ang aking buhay. Gusto kong ipakita na hindi pa din ako talunan. Gagantihan ko siya sa paraang lalo pang pagpapayaman.
Umayos ang buhay ko kasabay ng pag-angat ng aking career. Hindi nga talaga natutulog ang Diyos. Pinagpapala niya ang mga sinaktan at inapi. Napalitan ko ang lumang kotse ko na minana ko pa sa aking mga magulang. Isang magara at mamahaling SUV ang napili ko. Nang minsang may nakita akong nagtitinda ng buko juice ay ipinarada ko ang aking sasakyan. Ibinaba ko ang salamin.
“Kuya, pabili hong buko juice.”
“Tigsampu po ba o… Clyde? Tang-ina ikaw nga Clyde!”
Napalunok ako. Hindi ko inaasahang makita ko siyang muli sa ganoong pagkakataon. Natameme ako. Wala akong maapuhap na sasabihin.