CHAPTER 3

1965 Words
Tulala si Dominic habang nakaupo ito sa may kataasang upuan. Nasa library pa rin siya at sa halip na matapos ang kanyang ginagawa na kanina pa niya dapat natapos ay hindi niya matapos-tapos dahil tulala siya na nakapangalumbaba sa front desk. Hanggang ngayon ay hindi makalimutan ni Dominic ang nangyari. Muli na naman silang nagharap ng taong ang lakas-lakas ng epekto sa kanya. Alam naman ni Dominic sa kanyang sarili na sa paglipas ng panahon ay mas lumalalim pa ang nararamdaman niya. Mula sa simpleng paghanga, napunta iyon sa mas malalim pang lebel at iyon ay ang pagiging laman na ito ng kanyang puso. Humugot siya ng hininga. Ewan rin ba niya sa kanyang sarili kung bakit mas lumalim pa sa ganoon ang nararamdaman niya. ‘Hanggang sa pagtingin lang naman ang nagagawa ko, hanggang sa pasulyap-sulyap lang ang tanging ginagawa ko sa kanya. Minsan lang naman kami nagkakatagpo at minsan ko lang rin naman siya nakakausap pero bakit naging ganito na kalalim ang nararamdaman ko?’ sa isip-isip ni Dominic na puno nang pagtataka. Hindi rin alam ni Dominic kung bakit naging ganoon ang pagtingin niya rito. Pakiramdam niya, isa iyong misteryo. Kung ano ang dahilan nang paglalim ng nararamdaman niya. Dahil ba sa hangang-hanga siya sa itsura nito? Kasi sa totoo lang, sa muli nilang pagkikita at paghaharap kanina, napansin niyang wala naming nagbago, mukha pa rin itong anghel at gwapo pa rin at ang nagbago lang ay mas lalo lang itong tumangkad at bahagyang lumaki pa ang katawan. Kumbaga, sumasabay sa pagbibinata nito ang pisikal nitong itsura. Kaya nga hindi naging malayo na naging bahagi ito ng basketball team ng eskwelahan nila dahil bukod sa pisikal, may talento rin ito sa paglalaro. Naging dahilan rin ang pagiging bahagi niya ng basketball team para magkaroon ito ng maraming tagahangang karamihan ay babae at binabae. Gwapo naman kasi talaga at magaling maglaro ang binata. “Dominic.” Kaagad na bumalik sa totoong mundo si Dominic at napatingin sa taong tumawag at pumutol sa iniisip niya. Nakita niya si Bb. Minerva na head librarian. Hindi man lang niya namalayan na nasa tabi na pala niya ito. “Hanggang ngayon ay hindi mo pa natatapos ang pinagagawa ko sayo. Anong oras mo balak tapusin? Mamaya may klase ka na at hindi mo na matatapos ‘yan,” pagsusungit ng ginang. Palibhasa tumandang walang asawa kaya masungit. Hindi naman pangit si Bb. Minerva, nagkataon lang siguro na wala sa bokabularyo nito ang salitang pag-ibig at pag-aasawa at mas gusto nitong iaalay ang buong buhay sa pagiging head librarian kaya hindi napakinabangan ang kagandahan at hinayaan na lang na tumanda ito ng walang nakakasama sa buhay. Napaiwas naman nang tingin si Dominic. “Sorry po. Hayaan niyo at matatapos ko rin ito,” magalang na saad niya. Inismiran lang ni Bb. Minerva si Dominic at may kung ano nang ginawa sa harapan ng laptop na nakapatong sa may mesa nito. Tipid na napangiti na lamang si Dominic. Tinuloy na niya ang kanyang ginagawa na pagbibilang at pagche-check naman sa mga librong diniliver sa kanila kung may sira ba o wala. At habang ginagawa iyon ni Dominic, hindi na naman niya maiwasang isipin ang nangyari noon… ang una nilang paghaharap at pag-uusap. Simula ng unang beses na marinig ni Dominic ang boses at makita ang mukha ng binata, aminado siya na kahit sandali, hindi na ito nawaglit sa kanyang isipan. Kasabay nang pag-iisip niya sa binata ay ang mabilis at malakas na pagpintig ng kanyang puso na ng mga panahong iyon ay hindi niya pa alam kung bakit at anong dahilan ng nangyayari sa puso niya. Inisip niya pa nga noon na baka may sakit na siya sa puso at kailangan na niyang magpatingin sa isang espesyalista. Matahil ay napakatindi nga nang paghanga niya para sa lalaking iyon. Gusto nga ni Dominic na alamin na ang lahat ng tungkol rito sa pamamagitan nang pagsunod-sunod at pagtatanong-tanong sa mga taong pwede niyang pagtanungan na nakakakilala rito pero bukod sa wala pa siyang oras para gawin iyon, nakakaramdam rin siya ng hiya na magtanong sa iba. Baka kasi kung anong isipin ng iba oras na gawin niya iyon. Huminga si Dominic ng malalim. Nilagay na lamang niya ang huling librong hawak niya sa designated bookshelf na paglalagyan niya. As usual, nag-aayos siya ng libro sa library dahil ito ang trabaho niya sa school at bahagi ito ng scholarship niya. Simula nang mapasok siya sa eskwelahang ito, ito ang naging tambayan niya kapag free time. “Excuse me. Isa ka ba sa staff dito sa library?” Napatigil si Dominic. Mabuti na lamang at nailagay na niya ang librong hawak niya kanina sa bookshelf dahil kung hindi pa, siguradong mahuhulog niya iyon dahil sa gulat at lakas ng kaba ng dibdib niya. Boses pa lamang kasi nito ay alam na niya kung sino dahil isa ang boses nito sa mga hindi maalis-alis sa isipan niya. Ang timbre, ang tono, ang lalim nito na tila isang musika sa kanyang pandinig. Dahan-dahang lumingon si Dominic. Nakita niya ang lalaki na malapit na sa kanya. Suot ang uniporme nito. As usual, nakabukas ang first two buttons ng puting polo nito kaya nakikita na naman niya ang upper part ng chest nito. Nagpapadagdag iyon sa kagwapuhan nito pero ang ngiti nito ang pinakanagpapadagdag sa halos perpektong kagwapuhan nito. “A-Ah… E-Eh…” Hindi na naman makapagsalita si Dominic. Maya-maya ay ngumiti siya ng nag-aalangan saka tinango ang ulo. “Pwede ba akong magtanong?” tanong ng binata. Ang ganda talaga ng boses nito kapag nagsasalita. Mistulang nanlalambot naman si Dominic na napatango na lamang muli. Paano naman kasi, nanlalambot siya sa tingin ng binata sa kanya. Ang mga mata nitong bilugan na tila nangungusap. Doon rin niya nakita ng malapitan ang kulay ng gitnang mga mata nito. Kulay brown na lalong nagpaganda sa mga mata nitong tila butuin na kumikinang. “Hinahanap ko kasi iyong mga libro ni Paulo Coelho. Kanina pa ako naghahanap dito sa library pero wala akong makita. Meron ba kayo dito ng libro niya? Kung meron, saan nakalagay?” Sunod-sunod na pagtatanong ng binata. Doon nalaman ni Dominic na palabasa pala ito ng libro kaya marahil ay palagi itong nasa library. “Ah…” Kinalma muna ni Dominic ang sarili. Sana hindi siya nito mahalata na sobra ang kaba niya. Sana nga lang. Naghihintay naman sa sagot niya ang lalaki. “Hm… sa bandang dulo… sa ikalawang bookshelf sa kanan… nandoon ang mga libro ni Paulo at nakahilera sila doon.” Sa wakas ay nakasagot rin siya. Sa totoo lang kasi, parang natutuyo na ang lalamunan niya dahil sa kawalan ng laway at sa sobrang kaba. Mas lalo namang napangiti ang lalaki. Tuluyang natunaw si Dominic. “Salamat. Akala ko wala kayo dito sa library,” wika niya saka nagbaba ito ng tingin. May tiningnan ito. “Again… thank you, Dominic,” sabi nito saka tiningnan ulit si Dominic sa mukha na bigla namang nagtaka. Mas lalo tuloy dumagundong sa kaba ang puso niya dahil narinig niyang banggitin nito ang pangalan niya. Napatanong tuloy siya sa kanyang sarili. “Paano mo nalaman ang pangalan ko?” naitanong na rin niya sa lalaki ang tanong niya sa kanyang sarili. Napangiti ang lalaki saka ngumuso. Yumuko at tiningnan naman ni Dominic ang ninguso ng mamula-mula na manipis na labi ng binata. Nakita niya ang tinuturo nito. Ang nameplate na suot-suot niya na nakapin sa bandang itaas at kanan ng uniporme niya. ‘Okay. Akala ko naman ay inalam talaga niya ang aking pangalan. Medyo nag-assume ako,’ sa isip-isip ni Dominic. “Sige at puntahan ko na muna ang mga libro. Thank you again,” pagpapaalam ng binata. “And by the way, I’m Angelo, Tristan Angelo Torralba,” pagpapakilala niya sabay ngiti saka tumalikod na ito kay Dominic saka naglakad na palayo. Naiwan naman si Dominic na tulalang nakatayo. Muntik na siyang matumba dahil sa sobra niyang panlalambot pero mabuti na lamang at napakapit siya sa bookshelf na katabi lamang niya. Doon niya unang naranasan na manlambot dahil sa kaba. Dahil sa lakas at bilis ng t***k ng puso. ‘Tristan Angelo Torralba… Angelo,’ wika ni Dominic sa utak niya. Unti-unti siyang napangiti. Sa wakas, nalaman na niya ang pangalan ng binatang hindi maalis-alis sa utak niya. Hindi mapigilan ni Dominic na hindi mapangiti sa tuwing maaalala niya iyon. Saksi ang library na ito sa naging unang pagkikita at pag-uusap nilang dalawa. ‘Hay! Ang tindi talaga ng epekto mo sa akin Angelo. Ang tindi talaga,’ salita ni Dominic sa utak niya. Napapangiti lalo ang labi niya. Aminado siyang masaya dahil sa mga naaalala tungkol sa pagitan nilang dalawa at sa mga nangyayari ngayon. Mga alaalang tanging nagbibigay ngiti sa kanyang labi at puso. Mabagal na tinutulak ni Dominic ang trolley. Doon niya isa-isang nilalagay ang mga libro at iba pang gamit na kinuha ng mga estudyante sa shelves. Lumapit si Dominic sa isang mesa. Isa-isa niyang niligpit ang mga libro at iba pang gamit na hiniram ng mga estudyanteng umokupa ng mesa at umalis na. Matapos ligpitin iyon ni Dominic ay lumapit pa siya sa isang mesa at niligpit din ang mga gamit na naroon at inilagay sa ibabaw ng trolley. Muling naglakad si Dominic. Tumitingin-tingin siya sa paligid at naghahanap nang maliligpit. Hindi niya namalayang sa paglalakad niya ay napupunta na siya sa dulong bahagi ng malaking library. Ilang sandali pa ay napahinto sa paglalakad si Dominic. Kumukunot ang kanyang noo habang nakatingin sa isang mesa na nasa dulong bahagi ng library at malapit sa bintana. May isang binata na umookupa sa mesang iyon na nakaupo sa kaliwang upuan at nakayuko sa mesa at sa tingin niya ay natutulog. Pamilyar sa kanya ang binata kahit na medyo magulo ang ayos ng itim na buhok nito. Tumingin pa siya sa malaking bintana ng library at nakita niya na pumapasok ang sinag ng araw at tumatama ang liwanag nito sa binatang natutulog. Iniwan na muna ni Dominic ang trolley saka nilapitan ang binata na malapit sa bintana. Nang makalapit siya rito ay sinilip niya kung sino ba ito at nanlaki na lamang ang mga mata niya nang makita ang mukha ni Angelo. ‘Tama nga ako… siya nga,’ sa isip-isip ni Dominic. Sa unang kita pa lamang niya sa binata kanina, nahulaan na niyang si Angelo iyon. Hindi napigilan ni Dominic na mapatitig ang mga mata niya sa mukha ni Angelo na nagliliwanag dahil sa pagtama ng sinag ng araw. Ngumiti ang labi niya. ‘Grabe! Gwapo na siya kapag gising… mas lalo pa siyang gwapo kapag tulog,’ sa isip-isip ni Dominic. Kinikilig ang kalooban niya habang tinitingnan si Angelo. Nakita pa ni Dominic ang pagkunot ng noo at bahagyang paglukot ng bridge ng matangos na ilong ni Angelo. Pamaya-maya ay nakaramdam siya ng pag-aalala dahil tinatamaan ng sikat ng araw ang mukha ni Angelo. Lumingon-lingon si Dominic sa paligid. Wala namang nakatingin sa kanila. Ngumiti siya ng maliit saka tiningnan ang bintana. Dahan-dahang isinara ni Dominic ang kurtina sa bintana para hindi makapasok ang sinag ng araw. Tiningnan niya ulit si Angelo. Sumilay ang ngiti sa labi niya dahil sa tingin niya ay komportable na itong matulog dahil hindi na ito nasisinagan ng araw at naiinitan. Tiningnan pa ni Dominic ang mga gamit ni Angelo na nasa mesa. Nakita rin niya ang mga librong sa tingin niya ay tinapos nitong basahin at dala ng pagod sa pagbabasa kaya nakatulog. Muling tumingin si Dominic sa mukha ni Angelo. Ningitian niya ito. “Sige lang at matulog ka na muna diyan. Magpahinga kang mabuti,” bulong niya. Lumaki pa ang ngiti sa labi ni Dominic saka na siya umalis sa harapan ni Angelo. Bahagya pa siyang tumatalon-talon habang naglalakad palapit sa iniwan niyang trolley. Masayang-masaya ang pakiramdam niya dahil muli na naman niyang nakita ang binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD