Nakatayo sa harapan ng lababo si Dominic. Tinitingnan niya ang sarili niyang mukha sa maliit na salamin na nasa loob ng banyo. Nangingiti ang kanyang labi dahil sa labis na kasiyahan.
Ilang sandali pa ay tiningnan ni Dominic ang sabon na ginagamit niya ilang araw na ang nakakalipas.
“Mabuti na lang pala at binili kita,” mahinang sambit ni Dominic na tila kausap ang sabon.
Tiningnan muli ni Dominic ang mukha niya sa salamin. Medyo natutuyo na ang mga pimples niya sa mukha dahil sa sabon na ginagamit niya ngayon. Nakita niya ito online at na-engganyo siya bumili. Hindi naman siya umaasa na eepekto ito sa kanya dahil ilang beses na rin siyang umasa ngunit palagi lang siyang nabibigo ngunit sa pagkakataong ito ay hindi siya nabigo dahil naging epektibo sa kanya ang sabon. Bukod sa epektibo, mura pa kaya mas nahikayat siyang bumili.
Hindi na rin masyadong oily ang mukha ni Dominic hindi katulad noon kaya naman labis rin ang tuwa niya sa paggamit ng sabon.
Ngumiti ulit si Dominic sa harapan ng salamin. Sa ngayon ay okay na sa kanya ang paunti-unting epekto ng sabon. Hindi naman siya masyadong umaasa na mawawala totally ang tigyawat niya pero at least, gusto niya itong matuyo at mabawasan.
---
Hindi na napigilan ni Dominic ang kanyang sarili. Sa araw-araw at sa gabi-gabing lumilipas ay hindi naaalis si Angelo sa kanyang isipan kaya naman hindi rin naalis sa kanyang sarili na gustuhin na makilala ito. Kaya naman nagmistula siyang stalker nito. Sunod dito, sunod doon. Pasulyap-sulyap sa binata. Talagang naglalaan siya ng kahit sampung minuto para masundan at lihim na makita ito.
May mga nalaman na si Dominic kahit papaano. Tama nga siya, transferee ito sa school nila kaya hindi niya ito nakikita noon. Nasa section two ito, second year katulad niya. Tama rin siya nang hinala noon na kasing edad lamang niya ito, aktibo rin ito sa mga extra curricular activities pero ang mas gusto nito ay ang basketball kaya kasali ito sa basketball team ng eskwelahan. Nalaman rin niyang marami na rin itong fans sa eskwelahan nila karamihan ay kababaihan, feeling babae at ilan ring kalalakihan dahil magaling itong maglaro ng basketball. Matalino rin ito at kung ano ang nakikita niyang maganda sa pisikal nito ay ganun rin kaganda ang ugali nito.
‘Yun lamang ang ilan sa mga nalaman ni Dominic at sa totoo lang, kahit kaunti pa lamang ang nalalaman niya ay hindi naging hadlang iyon para mas lalo siyang humanga sa binata. Sa bawat araw na lumilipas, palalim nang palalim ang paghanga niya kay Angelo.
Huminga nang malalim si Dominic. Nasa dulong bahagi siya ngayon ng cafeteria at nakaupo sa pandalawahang upuan. Mag-isa lamang siyang kumakain sa lunch break dahil sino ba naman kasi ang sasabay sa kanya? Wala naman siyang kaibigan at isa pa, wala talaga sa kanyang sasabay kumain dahil… muli na lamang siyang napabuntong-hininga ng malalim.
Maraming estudyante ngayon sa cafeteria. Kabilang na roon si Angelo na lihim na naman niyang tinitingnan mula sa malayo. Tumatawa kasama ang mga kaibigan nito na kasama niya sa basketball team. Hanggang dito lamang ang nagagawa niya, ang tingnan ito mula sa malayo.
Para itong isang bituin, nakikita nga niya pero hindi naman niya maabot. Gustuhin man niyang abutin ito ngunit alam niyang kahit na sungkitin niya pa ito ng panungkit ay wala naman iyong magagawa para mapalapit sa kanya.
Alam naman kasi ni Dominic sa kanyang sarili na hanggang dito lamang ang magagawa niya. Wala naman siyang lakas ng loob para makipaglapit rito kahit gustuhin niya. Ayaw niyang mahusgahan lalo na’t nakikita ng iba ang mali sa kanya. Pangit siya at ayaw niyang mahusgahan nito kahit na nakikita naman niyang wala sa itsura ni Angelo ang manghusga base sa pisikal na itsura.
Gusto niya itong maging kahit kaibigan man lang… ngunit ang tanong, gusto ba nito ang maging kaibigan ang isang gaya niya? Bahagyang napailing si Dominic at malungkot na ngumiti.
Kaya naman sapat na para kay Dominic ang makita ito kahit malayo siya. Kahit papaano gumagaan ang pakiramdam niya kahit iyon lang ang ginagawa niya.
Pero minsan, naitatanong rin ni Dominic sa kanyang sarili, bakit kaya kahit na ang layo nito sa kanya, kahit na hindi naman sila masyadong nag-uusap at nagkakaharap… bakit pakiramdam niya, mas lalong lumalalim pa ang kung anumang nararamdaman niya dito sa puso niya? Bakit mistulang sinasakop na ni Angelo ang puso niyang inosente pa pagdating sa ganitong pakiramdam?
Hindi naman siya ganun ka-inosente at katanga pagdating sa mga nararamdaman ng isang taong gaya niya. Kahit papaano’y nakakapanuod siya ng TV at nakakabasa ng mga nobelang may temang pag-ibig kaya medyo may alam siya. Pero bakit ganito ‘yung kanya? Kahit na walang physical contact na nangyayari… may nararamdaman pa rin siyang kakaiba hindi gaya ng sa mga nababasa at napapanuod niya na ilang beses nagkatagpo at nagkausap ang mga bida saka nagkaroon ng damdamin para sa isa’t-isa.
Hindi napigilan ni Dominic na matawa nang mahina dahil sa kanyang mga naiisip.
Muling ngumiti si Dominic. Ang saya-saya ng pakiramdam niya dahil nakikita niyang masaya si Angelo. Kahit papaano’y masaya siya dahil kahit malayo man ito… nakikita niya pa rin ito. Sapat na iyon para sa kanya.
Naputol ang malalim na pag-iisip ni Dominic ng biglang tumunog ng pagkalakas-lakas ang bell. Nakaupo pa naman siya sa sahig, sa gilid ng hallway at naghihintay ng susunod na klase.
Mabilis na tumayo si Dominic mula sa pagkaka-indian sit. Pagkatayo niya ay inayos niya muna ang suot na salamin sa mata, pinagpag ang uniporme niya at inayos ang pagkakasukbit ng bagpack niya sa magkabilang balikat niya saka naglakad na papuntang classroom.
Pagkarating ni Dominic ay kaagad na siyang pumasok. As usual, napatingin na naman sa kanya ang mga kaklase niya na may halong pandidiri. Napayuko na lamang siya. Wala na nga yatang magbabago sa mga kaklase siya hanggang sa magtapos siya kaya dapat sanayin na lamang niya ang kanyang sarili na hindi ito pansinin.
Lumapit na lamang si Dominic sa upuan niya. Uupo na sana siya pero may biglang lumitaw sa tabi niya at pinigilan siya.
“Hoy pangit!” Napatingin si Dominic kay Philipp na siyang pumigil sa kanya. Nakangisi itong nakatingin sa kanya. “Doon ka maupo sa dulo at huwag dito,” utos pa nito sabay turo sa isang upuan na nasa bandang dulo. Nasa gitnang row ang upuan na uupuan niya.
“Pero dito ang upuan ko-”
“Pero sinabi ko na doon ka maupo,” wika kaagad ni Philipp sa mayabang na tono. “Hindi ka ba marunong makaintindi? Pangit ka na nga, mahina pa utak mo,” maangas na tanong at sabi niya pa. May pagkasiga talaga ang lalaking ito kaya nga tinagurian rin itong bully sa school nila. Hindi lang naman siyang ang binu-bully nito pero madalas ay siya.
“Pero-”
“Doon ka na nga sinabi maupo! Mamaya ay may uupo na diyang iba,” mabilis na bulalas pa ni Philipp. “Saka hindi ka naman nababagay na diyan maupo kasi pangit ka. Dapat doon ka maupo sa dulo pa walang nakakakita sa kapangitan mo,” pang-iinsulto pa nito na ikinatawa ng buong klase dahil narinig ng mga ito ang sinabi ni Philipp. “Lumugar kang pangit ka, maliwanag?” Nagtawanan ulit ang buong klase.
Napayuko na lamang si Dominic. Nakaramdam siya ng hiya sa mga sinabi ni Philipp. Ngayon niya hinihiling na sana dumating ang teacher nila sa Math na mukhang late na naman yata.
‘Nakakainis talaga si Philipp,’ sa isip-isip ni Dominic. Palagi na lang siyang napapahiya ng dahil sa binata. Hindi naman niya mailabas ang pagkainis niya. Ewan din ba niya kung bakit parang mas lalo pang pinaglalapit ang mundo nilang dalawa dahil nalipat si Philipp sa first section at naging classmate niya pa. Nagulat na nga lang siya ng malaman iyon.
Nanatili na lamang na nakayuko si Dominic. Kung pwede nga lang na lumubog na siya sa lupa, ginawa na niya para maitago ang kahihiyang nararamdaman niya.
“Ano? Bilis! Doon ka na sa dulo-”
“Tama na ‘yan,” wika kaagad ng isang boses na kilalang-kilala ni Dominic. Hindi siya pwedeng magkamali. ‘Siya iyon. Siya,’ sa isip-isip niya pa.
Nanatiling nakayuko si Dominic. Gusto man niya itong tingnan pero nahihiya pa rin siya. Pero hindi niya maikakaila na lumakas at bumilis ang t***k ng puso niya dahil sa narinig niya ang boses nito.
Tiningnan naman ni Philipp ang nagsalita. Ngumiti siya. “Oh, Angelo!” natutuwang pagtawag nito saka nilapitan ang kaibigan. Oo, magkaibigan ang dalawa dahil magkasama ito sa Math club. Nakipag-high five siya rito. “Mabuti na lang at dito ka na sa klase namin.” Halata ang saya sa boses ni Phillip.
Napangiti naman si Angelo. “Oo nga. Hindi ko inaasahan na ililipat pa ako ng section kahit nasa huling taon na tayo ng high school,” aniya.
‘Ibig sabihin… magiging classmate ko siya?’ Hindi napigilang maitanong ni Dominic sa sarili. Naririnig niya ang usapan. Mas lalong bumilis at lumakas ang t***k ng kanyang puso. Section two kasi ito at ngayon… magiging section one na rin kasama niya. Hindi siya makapaniwala.
“Oo nga pala, nasa huling taon na tayo pero hindi ka pa rin nagbabago… bully ka pa rin,” natatawang sabi ni Angelo sa kaibigan.
‘Ang sarap talagang pakinggan nang pagtawa niya,’ sa isip-isip ni Dominic. Sa loob-loob niya ay kinikilig siya.
Naiirita na tiningnan muli ni Philipp ang nakayukong si Dominic. “Eh kasi naman pinapaalis ko itong pangit na ito sa uupuan mo pero matigas ang ulo dahil ayaw umalis,” naiinis na sabi nito.
Napangiti naman si Angelo. Tumingin siya sa nakayukong si Dominic.
“Hayaan mo na kasi siya. Okay lang naman sa akin kung sa dulo ako maupo. Baka kasi kaya ayaw niya dahil baka mahirapan siyang makita ang nasa harap lalo na ang nakasulat sa transparent board kung nasa dulo siya. Tingnan mo, malabo ang mga mata niya kaya nga nakasalamin,” mahinahong sabi ni Angelo na nakatingin pa rin sa nakayukong si Dominic. Aminado siyang kilala nito si Dominic sa pangalan at naalala niyang nakausap na niya ito sa library.
“Kahit na! Hindi siya nababagay na maupo diyan sa uupuan mo. Dapat doon siya sa dulo para hindi na rin natin nakikita ang kapangitan niya,” naaalibadbaran na wika ni Phillip. “Dapat nga hindi na lang ‘yan nag-aral. Panira sa pag-aaral ng ibang estudyanteng kagaya ko, eh!” pang-iinsulto niya pa kay Dominic.
Napailing-iling na lamang si Angelo. Tiningnan niya ang kaibigan saka dalawang beses itong tinapik sa balikat.
“Pabayaan mo na siya. Doon na lang ako mauupo sa dulo,” kalmadong saad ni Angelo saka tiningnan si Dominic na nakayuko pa rin. “At ikaw… sige na at maupo ka na diyan sa upuan. Baka nangangawit na ang mga paa mo sa kakatayo,” wika pa nito kay Dominic saka ngumiti nang maliit.
Hindi alintana ni Angelo na maraming kinikilig sa kanyang presensya, lalo na ang mga magiging kaklaseng babae at binabae. Palibhasa, kilalang-kilala ito sa pagiging gwapo at kalmado.
Lihim naman na tiningnan ni Dominic si Angelo. Hindi na ito nakatingin sa kanya dahil nakatingin na ito kay Phillip at nag-uusap ang dalawa. Pinagpipilitan pa rin ni Phillip na doon siya maupo sa dulo at si Angelo ang maupo sa upuan niya pero pinipigilan naman siya ng huli. Tipid siyang napangiti. Hindi man direkta pero parang pinagtatanggol siya nito. Bagay na lalong nagpapalalim sa kung ano mang nararamdaman niya.
“Sige na at maupo ka na bago pa magbago ang isip ko,” pagbibiro ni Angelo na nakatingin na pala sa kanya at nakangiti. Hindi iyon namalayan ni Dominic dahil nakatulala siyang nakatingin sa binata.
Kaagad na napaiwas si Dominic nang tingin kay Angelo at napayuko. Bigla siyang nahiya.
“Sa-Salamat,” nauutal na pasasalamat na lamang ni Dominic kay Angelo saka ito naupo sa upuan niya.
Inis namang tiningnan ni Philipp si Dominic. Pakiramdam kasi niya, natalo siya nito at ang dahilan ay si Angelo.
Tumingin naman ulit si Angelo kay Philipp. “Sige na at mauupo na ako baka dumating na ang teacher natin,” pagpapaalam niya sa kaibigan.
Umismid at tumango na lang si Philipp. Naglakad na si Angelo papunta sa upuan niya na nasa dulo, kanan katabi ng bintana.
Si Dominic naman ay lihim na napangiti habang nakaupo. ‘Ang bait talaga niya. Malayong-malayo siya kay Philipp,’ sa isip-isip niya. ‘Bakit sila naging magkaibigan?’ salita niya pa sa kanyang isipan.
Nagkibit-balikat na lamang si Dominic. Hindi na mahalaga sa kanya kung paano naging magkaibigan ang dalawa dahil ang mas mahalaga sa kanya ay masaya siya dahil tila pinaglalapit ng tadhana ang mundo nila ni Angelo.