PROLOGUE
Nakakabingi ang katahimikan. Mag-isa lamang siya ngayon sa loob ng isang kwarto na namamayani ang kaputiang kulay. Makikita sa kwartong iyon ang iba’t-ibang kagamitan na tanging makikita lamang sa isang kwarto ng ospital.
Tulala siyang nakatingin sa kawalan habang nakaupo ng tuwid sa kama na kanina’y kanyang hinigaan. Balot ng benda ang kanyang buong mukha at ang kanyang katawan naman ay nakasuot ng hospital gown na sinusuot ng mga pasyenteng nasa ospital.
Ilang buwan na rin siyang nasa loob ng kwartong ito at nagpapagaling. Tatlong araw bago siya nagkaroon ng malay.
Ilang sandali pa ay huminga siya ng malalim. Sa totoo lang, ilang araw na siyang nakakaramdam nang pagkainip at pagkabagot dahil wala naman siyang ibang ginagawa.
Pamaya-maya ay bigla siyang lumingon sa pintuan ng kwartong iyon ng kanyang marinig ang pagbukas nito. Sumilay ang maliit na ngiti sa kanyang labi na bukod sa mata ay tanging ito lang ang walang takip na bahagi sa kanyang mukha. May kasiyahan sa loob niya na makita ang lalaking nakasuot ng pang-doktor na uniporme. Gwapo ito, matangkad sa taas na anim at matikas ang tindig. Maamo ang mukha at binagayan ng suot na eyeglass nito ang chinito nitong mga mata. Maganda ang pangangatawan na humuhubog sa kasuotan nito. Nakapatong lang ang mahaba at puting coat na suot nito na pang-doktor at hindi naka-butones kaya kita naman niya ang kaswal na damit nito na suot panloob. Plain na short-sleeve polo na kulay maroon na bukas ang first two buttons at naka- tuck-in sa suot nitong slim-fit na slacks na kulay itim at nakasuot din siya ng black shoes. Umbok ang malapad nitong dibdib sa suot nitong polo.
Pero hindi ang pisikal na itsura nito ang ikinatutuwa niya sa doktor. Natutuwa siya rito dahil… ito ang tumutulong sa kanya ngayon.
Napangiti sa kanya ang doktor nang tingnan siya nito. Lumabas ang perfect set of white teeth nito na lalong nagpagwapo sa doktor.
“How’s your day? Are you feeling well?” pagtatanong ng doktor sa kanya. Pati ang boses, ang gwapo dahil buo at malalim. Lalaking-lalaki.
Tumango-tango na lamang siya bilang sagot. Tipid naming napangiti ang doktor sa naging sagot niya.
“Good,” ani ng doktor. Inilapag nito sa katabing mesa ang dala nitong metal folder at muling tumingin sa kanya. “So, handa ka na ba?” tanong nito. “Handa ka na bang masilayan ang bagong ikaw?” pagtatanong ulit ng doktor. “Tanda mo? Sinabi ko sayo na ngayong araw iyon,” dugtong niya pa sa kanyang sinasabi.
Napatango na lamang muli siya. Ayaw niyang magsalita dahil baka may masira sa ginawa sa mukha niya. Mahirap na dahil pinaghirapan pa naman itong gawin ng gwapong doktor na ito. Alam naman niyang magaling na ang mukha niya, okay na ang mga sugat pero naninigurado lang siya para hindi masayang ang paghihirap nito sa kanya.
Bahagyang natawa naman sa kanya ang doktor. Mukhang nakuha nito ang dahilan kung bakit hindi siya nagsasalita.
“Huwag kang mag-alala dahil hinding-hindi na ‘yan masisira kahit magdadaldal ka pa kaya pwede kang magsalita,” wika ng doktor.
Ngumiti siya. “Pasensya na po, Doc. Naninigurado lang po ako,” wika niya.
Napangiti na lamang sa kanya ang gwapong doktor.
“Balik tayo sa kanina,” saad ng doktor. Tumango naman siya. “Handa ka na bang masilayan ang bagong ikaw?” tanong pa ng doktor.
“Opo, Doc,” sagot niya.
“Handa ka na bang maging ibang tao habang nasa iyo ang mukhang ginawa ko?” tanong pa ng doktor ng may diin sa tono nito.
Tumango-tango siya. Matagal na siyang handa.
“Handa ka na bang mamuhay bilang ibang tao at hindi bilang tunay na ikaw?” tanong pa ng doktor. Gusto nitong manigurado na hindi siya nagkamali ng taong gagamitin para sa kanyang mga balak.
Mabilis siyang tumango-tango. “Opo, Doc!” matigas na sambit niya.
“Handa ka na bang pagbayarin ang mga taong nagwalang-hiya sa kanya at sayo? Handa ka na bang maghiganti sa kanilang lahat?” madiin na tanong pa ng doktor. Bumabakas na sa mukha nito ang galit. Tumatakbo ngayon sa kanyang isipan ang mga alaalang nagpapasiklab ng poot at galit sa puso niya.
“Opo, Doc! Handang-handa na akong gawin ang lahat para magbayad sila sa akin!” malakas na sigaw niya habang nakatitig ang mga matatalim niyang mga mata sa doktor. Naalala rin niya ang lahat. Ang lahat-lahat na hanggang ngayon, sobrang sakit pa rin para sa kanya. Mas masakit pa sa mga hiwa at tusok ng mga karayom na natanggap ng kanyang mukha. Mga alaalang patuloy na humihiwa sa kanyang kalooban at nagiging dahilan ng pagdurugo ng kanyang puso.
Napangisi ang doktor. “Mabuti naman kung ganun… dahil iyon ang mga dahilan kung bakit may ibang mukha ka na,” mahinang sambit niya na kanyang narinig.
Tumango-tango siya. Kumuyom pabilog at madiin ang mga kamay niya.
“Sige at humanda ka na dahil masisilayan mo na ang bago mong mukha na siguradong sasambahin at magpapaluhod sa kanilang lahat,” saad ng doktor.
Hindi na siya nagsalita pa. Naghihintay siya ng hudyat.
Nakita niyang tumawag ito sa teleponong nakadikit sa may pader. Pamaya-maya ay may pumasok na isang nurse na babae na may dala-dalang tray.
“Ipatong mo na lang diyan Nurse Jaime,” kalmadong utos ng doktor.
Tumango-tango naman ang nurse sa doktor. “Okay, Doc.” Pinatong nito sa isa pang mesa na mayroon sa kwartong iyon ang tray. Naglalaman iyon ng mga kagamitang gawa sa stainless gaya ng kutsilyo at gunting.
“Sige at makakaalis ka na,” wika ng doktor.
Tumango naman ang nurse saka lumabas na ito.
Nilapitan naman ng doktor ang tray. Kinuha nito ang gunting na siyang gagamitin para ipantanggal sa bendang nakabalot sa kanyang mukha.
Muli sa kanyang napatingin ang doktor. Nilapitan na siya nito.
“Ito na. Ihanda mo na ang sarili mo,” wika ng doktor habang diretso siyang tinitingnan nito. “Sa pagtanggal ko sa bendang ito… tanggalin mo na rin sa sarili mo ang kabaitan at punuin mo ang puso mo ng galit. Lagi mong itatatak sa isipan mo ang mga dahilan kung bakit ka nasa sitwasyong ito,” saad niya pa.
Tumango-tango na lamang siya.
Lumipas pa ang sandali ay sinimulan nang tanggalin ng doktor ang bendang bumabalot sa kanyang mukha.
Nakakaramdam siya ng sobrang kaba at the same time, excitement. Gustong-gusto na niyang masilayan ang panibagong kabanata ng buhay niya.
Ilang sandali na lamang ay masisilayan na niya ang bago niyang mukha. Magbabago na ang lahat sa kanya. Ang buong buhay niya. Ang buong lahat sa kanya.
At sa malaking mga pagbabagong iyon, iisa lang ang hindi magbabago at iyon ay ang kagustuhan niyang maghiganti.
Sisiguraduhin niyang pagbabayarin ang lahat ng mga taong nagkasala sa kanya.