Nakahiga sa kanyang matigas na kama si Dominic. Tulalang nakatitig ang malabo niyang mga mata sa pinagtagpi-tagping yero na nagsisilbing kisame ng tinitirhan niyang bahay. Hanggang ngayon ay hindi siya makatulog dahil sa kakaisip sa isang taong ilang taon na ring nagiging laman ng kanyang isipan at pati na rin ng puso.
Kahit anong gawin niyang pagpapaantok sa sarili ay ginawa na niya. Nariyan na nagbasa-basa siya ng libro, tumingin sa kalangitang nagkalat na ang dilim at binilang ang mga bituin, nagbilang ng letrang meron sa libro pero wala pa ring naitulong ang mga iyon para antukin siya.
Paano naman kasi aantukin si Dominic kung hindi naman siya pinapatulog ng kanyang mga iniisip? Paano siya makakatulog kung kahit gustuhin niyang matulog na ay may bahagi pa rin sa kanya ang ayaw dahil hindi niya gustong maalis kahit sandali sa isipan niya ang mga nangyari kanina sa klase.
Hindi mapigilan na ngumiti ni Dominic ang labi niya at kiligin na rin ang lamang-loob niya. Iba talaga ang nagiging epekto sa kanya ni Angelo. Hindi siya makapaniwala na magiging kaklase niya ito. Pakiramdam nga niya, umaayon ang tadhana sa kanilang dalawa. Tila pinaglalapit na ngayon ang kanilang mga mundo.
At hindi niya maikakaila na sobrang masaya siya dahil dun. Siyempre, mahal niya si Angelo.
Ngumiti ulit si Dominic. Kailan nga ba niya na-realize na mahal na niya si Angelo? Bigla siyang napangiti ng may halong pait.
Na-realize niya kasi iyon nang malaman niyang may… girlfriend na ito. Girfriend na naging dahilan ng kalungkutan niya at naging dahilan din ng kanyang sleepless nights at kawalang ganang kumain.
“Can you be my girlfriend?” nakangiting sambit ni Dominic sa kaharap na babaeng tinatanong niya. Kumikinang ang mga mata niya habang nakatingin sa magandang babaeng nangingiti naman ang labi habang tinitingnan rin siya sa mga mata.
“Yes,” ngumingiting sagot ni Arya na nililigawan ni Angelo ng ilang buwan. Lumaki pa ang ngiti na nakasilay sa manipis na labi nito.
Ngiting-ngiti naman si Angelo. Natuwa siya sa narinig na sagot ng babaeng gusto niya. “Yahooo!!!” tuwang-tuwa na sigaw niya pa at dahil sa tuwa ay binuhat niya pa patayo ang babae na girlfriend na niya ngayon.
“Uy! Angelo! Ibaba mo kaya ako!” natatawang utos ng girlfriend ni Angelo sa kanya ngunit hindi naman siya nito pinakinggan.
Sa kabilang dulo naman ng hallway, nakatayo lamang si Dominic na pupunta sana ng restroom para umihi pero hindi natuloy. Tila nanunuod siya ng romantic scene ng isang pelikula ngunit sa halip na kiligin siya, ramdam niya ang pagkadurog. Walang emosyon ang kanyang mukha habang nakatingin kay Angelo at sa girlfriend nito na panay ang lambingan sa kabilang dulo ng hallway.
Napaka-sweet ni Angelo sa girlfriend nito, bagay na lalong ikinalulungkot ng damdamin ni Dominic. Kinagat pa niya ng madiin ang kanyang ibabang labi para mapigilan ang nagbabadyang pagtulo ng kanyang luha.
Pamaya-maya ay yumuko ang ulo ni Dominic. Umatras ang kanan niyang paa at sumunod ang kaliwa pagkatapos ay tumalikod siya saka naglakad palayo. Marahas niya pang pinunasan ang luhang kumawala mula sa kaliwa niyang mata na nakakita sa hindi niya inaasahang eksena.
Litong-lito si Dominic ng mga panahong iyon sa mga nararamdaman niya. Alam niya kasing kakaiba ang mga ito kumpara sa iba pa niyang nararamdaman bukod pa roon, bago lamang ang mga iyon sa kanya.
Hindi man kasi aminin noon ni Dominic, alam na niya na unti-unti na siyang nahuhulog kahit na patingin-tingin at pasulyap-sulyap lamang ang nangyayari. Ang bilis nga para sa kanya ng lahat pero ganu’n nga yata siguro kapag nahulog sa isang taong sa una pa lamang ay nagustuhan na, parang pagkahulog sa hagdanan, mabilis at kahit kumapit ka pa sa mga baiting na meron ito ay wala ka ng magagawa pa at hindi na mapipigilan pa ang pagkahulog. Mahuhulog at mahuhulog pa rin hanggang sa ibaba at sasadlak.
Alam naman ni Dominic na may mali sa mga nararamdaman niya noon na hanggang ngayon ay nararamdaman niya pa rin. Lalaki si Angelo at sa panlabas, lalaki rin naman siya pero kahit pigilan naman niya ang kanyang sarili na ginawa naman niya ay wala ring nagawa. Nahulog at nahulog pa rin siya.
Bakit nga ba siya nahulog kay Angelo? Dahil ba hangang-hanga siya sa kagwapuhan nito? Dahil ba… biglang umiling si Dominic. Siguro ng una… hanga talaga siya sa kagwapuhan nito, nainggit pa nga siya. Pero habang unti-unti siyang nahuhulog rito, na-realize niya na wala siyang naging mga dahilan, basta nahulog lang siya and eventually, minahal na niya. Tunay ngang totoo ang kasabihan na kapag nagmahal, wala itong nagiging dahilan. Basta nahulog at nagmahal, iyon na ‘yun. Tapos at wala ng dahilan pa.
Second year high school ng magkaroon ng first girlfriend si Angelo at nang nalaman at nasaksihan pa niya iyon, sobra siyang nasaktan. Marami siyang what ifs na naitanong sa kanyang sarili gaya ng what if kung nakipagkaibigan na lang kaya ako sa kanya? May chance kaya na may mabuo? What if kung ganito o ganyan. Pero hanggang sa pagtatanong na lang ng what if sa kanyang sarili ang kanyang nagawa.
Doon na-realize ng todo ni Dominic na hindi na lamang simpleng pagkahulog ang nangyari sa kanya kundi… mahal na nga talaga niya si Angelo. Mahal na ito ng puso niya. Sinakop na nito ang buong puso niya ng hindi man lamang niya namamalayan at hindi nito namamalayan.
Masaya siya na minahal niya ito, pero masakit rin kasi alam naman niya sa kanyang sarili na hindi nito matutumbasan ang nararamdaman niya lalo na at hindi naman sila personal na magkakilala at nagkakausap. Isa pa… pangit siya. Paano siya mamahalin kung ang pangit ng panlabas na anyo niya? Bigla tuloy siyang nalungkot pero ang pinakamatindi sa lahat na dahilan ay… parehas pa silang lalaki. Ang hirap na mahalin siya nito dahil lalaki siya. Pero bakit siya? Ang dali niyang minahal ito kahit nakikita niyang lalaki ito? Bakit ang dali niyang nahulog sa binata?
Pero hindi mapigilan ni Dominic ang sarili na umasa. Umasa na darating rin iyong panahon na maglalapit rin ang kanilang mga mundo at magsisimula ang kwento nilang dalawa na kung saan sa huli, matutumbasan ang nararamdaman niya at mamahalin rin siya nito kahit ganito siya. Ganun naman talaga kapag nagmamahal, nananaginip kahit ng imposible at inaasam na maging totoo ang panaginip na iyon. May bahagi pa rin na aasa kahit ayaw o hindi pwede dahil walang kasiguraduhan kung may katuparan ba ang pag-asang iyon. Aasa at kakapit pa rin kahit ang daming nagkalat na mga dahilan sa paligid para hindi matupad ang iyong gusto.
Ewan ba ni Dominic, pag-aaral ang nasa top priority niya pero nang makita niya si Angelo… biglang pumangalawa ang nasa top priority niya at naging una na ito. Naging una para sa kanya ang nararamdaman niya para sa binata. Naging una si Angelo sa buhay niya.
Masama ba kung matuwa siya noon? Sobrang matuwa dahil nagkahiwalay rin sila ng girlfriend niya? Naging talk of the school rin kasi ang relasyon nila Angelo at ng magandang girlfriend nito na hindi naman niya kilala ng lubusan at sa pangalan lang niya kilala. Sobra siyang natuwa dahil after five months ay naghiwalay rin ang mga ito. Talagang nagbunyi siya dahil sa hiwalayan. Nagtatatalon pa nga siya sa sobrang saya. Masama man ang tingin ng iba sa dahilan ng saya niya noon, wala na siyang pakiealam basta sobrang saya niya noon na naging single na ulit si Angelo.
Ngunit nalungkot din siya sa nangyaring iyon kay Angelo. Nakita rin kasi niya na nalungkot ang binata sa pakikipaghiwalay nito. Na-guilty din siya dahil sa maikling oras ay naging masaya siya sa kabiguan nito sa ex-girlfriend.
Simula noon ay hindi na nasaktan si Dominic ng dahil kay Angelo dahil wala na siyang nabalitaang naging girlfriend nito. Hindi man sila nagkakausap o nagkikita pero masaya pa rin siya kasi nakikita niya ito mula sa malayo. Hanggang doon lang. Minahal niya ito mula sa malayo.
Dahan-dahang bumangon at umupo sa kanyang kama si Dominic. Sumilay ang maliit na ngiti sa labi niya.
‘Ganito ba talaga kapag inlove na ng matagal na panahon? Sobrang nagiging masaya dahil hindi ko na lamang siya matitingnan at masusulyapan mula sa malayo kundi medyo malapitan na? Kunsabagay, ilang taon ko na rin iyong ginagawa at ilang taon ko na rin siyang lihim na minamahal kahit sa malayo,’ sa isip-isip ni Dominic.
Lumaki ang ngiti sa labi ni Dominic. Hindi niya maitago na sobrang saya niya dahil ang lapit na ni Angelo sa kanya. Umaasa siya na hindi magtatagal… mas lalo silang magkakalapit. Hindi niya alam kung paano pero ramdam niyang matutupad ang pag-asa niyang iyon.
Muling nahiga si Dominic sa kanyang kama. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at ngumiti ulit ang medyo nanunuyo na labi niya. Sa dilim ng kanyang pagpikit, nakikita niya ang mukha ni Angelo at ang nakangiti nitong labi na lalong nagpapasaya sa pakiramdam niya.