Chapter 5

1940 Words
HUMINTO si Autumn sa paglalakad nang mapansing kanina pa siya pabalik-balik sa kanyang dinadaanan. Umikot ang kanyang paningin sa buong paligid. Hindi siya puwedeng magkamali, nadaanan na niya kanina ang bahaging ito ng gubat. Ayon sa mga kuwentong bayan ay posibleng naliligaw ang isang tao sa gitna ng masukal na kagubatan dahil pinaglalaruan ito ng mga nilalang na kung tawagin ay tikbalang. At upang makawala sa taglay nitong mahika ay kailangang baliktarin ng taong naliligaw ang kanyang damit. Umikot ang mga mata ni Autumn sa naiisip. Kahit kailan ay hinding-hindi niya gagawin ang bagay na ‘yon. Hindi siya baliw at mas lalong hindi siya tanga. Ngunit hindi rin imposible na mayro’n ngang gano’ng klase ng nilalang ang naninirahan sa gubat na ito. Dalawang bampira na ang nakasalamuha niya kanina na buong akala niya ay hindi nabubuhay sa mundong ito. Kaya simpleng bagay na lamang ang tungkol sa mga tikbalang. “Don’t be stup*d, Autumn,” bulong niya sa sarili bago ipinagpatuloy ang paglalakad. Saglit siyang natigilan nang maramdaman ang mga matang nakatingin sa kanya. Muling umikot ang kanyang paningin. Ngayon lang niya naalala ang tungkol sa mga hunter na sinasabi ni Blaze. Posible kayang nasa paligid na ang mga ito at minamanmanan ang bawat kilos niya? Ngunit hindi siya isang bampira. Ang alam niyang hinuhuli ng mga ito ay mga bampirang nagkasala o kaya ay gumagawa ng kasamaan. At isa pa, wala naman talaga siyang kinalaman sa pagkamatay ni Xavier kaya walang dahilan para hulihin siya ng mga ito. Ipinilig niya ang kanyang ulo bago lumingon sa direksyon na pinanggalingan niya. Tinandaan niya nang mabuti ang buong lugar at kung babalik pa ulit siya sa parteng ito ay nasisiguro niyang pinaglalaruan nga siya ng mga nilalang na nakatira sa gubat. Umayos siya ng tayo at humarap sa kanan. “D*mnnit!” malakas niyang sigaw nang bigla na lamang may sumulpot na isang lalaki sa kanyang harapan. Napaurong siya at pasimpleng sinapo ang kanyang dibdib. Kung katulad lamang siya ng ibang babae, paniguradong nahimatay na siya sa sobrang gulat. “Ang Prinsesa ng mga Benicastrian. Natutuwa ako at nagkita na rin tayo sa wakas, Prinsesa.” Bahagya itong yumuko tanda ng paggalang. Hindi umimik si Autumn at inalala ang boses nito. Hindi siya puwedeng magkamali, boses mismo ng lalaking ito ang narinig niyang bumulong sa kanyang tainga kaninang hatinggabi roon sa rooftop. Ngunit paano? “Isa ka ring bampira,” naisambit niya. Ngumiti ang lalaki at umayos ng tayo. Dahan-dahan itong lumapit sa kanya kaya muli siyang napaurong. “Hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili, Prinsesa. Ang pangalan ko ay Blast, ang unang Prinsipe sa Kaharian ng Veracastrum. Tama ang iyong naiisip, ako nga ang narinig mong nagsalita kaninang hatinggabi sa rooftop. Balak ko pa nga sanang makipagkwentuhan sa ‘yo kaso ay masyadong panira ang iyong kapatid. Noong nakaraang araw pa sana kita gustong lapitan kaso ay mahigpit ang ginagawa niyang pagbabantay sa ‘yo. Pero hindi bali, wala siya ngayon dito kaya makakapag-usap na rin tayo nang matagal.” Nagpatuloy ito sa paglapit sa kanya kaya muling napaurong si Autumn. Napatitig siya sa mga mata ni Blast at kitang-kita niya kung paano nagbago ang kulay nito. Bigla siyang napasigaw nang maramdaman ang pagdulas ng kanyang mga paa. Isang malutong na mura ang kanyang naibigkas nang matagpuan ang sarili na nahuhulog mula sa mataas na bangin. Imposible! Paano siya napunta sa lugar na ito? “NO!” sigaw niya nang masilip ang ilalim nito. Pulang-pula ang malakas na apoy na bumati sa kanya. Niyakap niya ang kanyang sarili bago tuluyang bumagsak sa gitna nito. Dahan-dahang naimulat ni Autumn ang kanyang mga mata nang maramdaman ang pagtama ng malambot na bagay sa kanyang pisngi. Dali-dali siyang bumangon at pinagmasdan ang buong lugar. Wala siyang nakikitang kahit na kaunting apoy, sa halip ay umuulan ng mga nagbabagsakang petals ang buong paligid. Mabango ang mga ito at sobrang ganda. “Autumn. . .” Napalingon si Autumn nang marinig ang malumanay na boses na tumawag sa kanyang pangalan. Kumunot ang kanyang noo nang makita ang kanyang ina na nakatayo hindi kalayuan sa kanya. Nagmadali siyang lapitan ito at agad na hinawakan ang mga kamay. “Ma, paano po kayo nakapunta rito? Saan po ang lugar na ‘to?” sunod-sunod niyang tanong. Puno ng mga nagagandahang bulaklak ang paligid at halos wala na siyang ibang nakikita bukod dito. Hindi na rin maabot ng kanyang paningin ang hangganan kaya hindi niya mawari kung paano sila makakaalis sa lugar na ito. “Autumn,” tanging sambit ng ina bago hinagkan ang kanyang pisngi. Bumaba ang mukha nito hanggang sa kanyang leeg. Napasigaw siya nang biglang bumaon ang ngipin ng ina sa kanyang balat. Naitulak niya ito palayo ngunit unti-unti rin siyang nawalan ng lakas. Bumagsak siya sa lupa at sinapo ang kanyang leeg na ngayon ay punong-puno ng dugo. Ang kaninang magandang lugar ay biglang nagbago. Ang mga bulaklak na hinahangaan niya kanina ay biglang gumalaw hanggang sa pumorma ito ng isang nakakatakot na nilalang. Kahit hinang-hina na ay nagawa pa rin niyang umurong palayo. Pinalibutan siya ng mga nakakatakot na nilalang. Iba’t iba ang hitsura ng mga ito na halos hindi niya alam kung paano ilalarawan. “Lumayo kayo!” malakas niyang sigaw nang dahan-dahan siyang hinawakan ng mga ito. Tinakpan ni Autumn ang kanyang mukha at paulit-ulit na sumigaw. “Hindi mo dapat siya pinaglalaruan, Blast!” Naimulat ni Autumn ang kanyang mga mata nang marinig ang boses ni Blaze na nagsalita sa hindi kalayuan. Wala na ang mga nakakatakot na nilalang at nakabalik na rin siya sa gubat na pinasukan niya. “’Wag na ‘wag kang tumingin sa mga mata niya. Gumagawa siya ng mga halusinasyon para takutin ka.” Hindi alam ni Autumn kung paano siya nalapitan ni Blaze pero agad siyang tumango. Mabilis itong nawala sa kanyang paningin at sinugod si Blast. Hindi mahabol ng kanyang paningin ang mga nangyayari sa dalawa. Mabilis ang bawat pagkilos ng mga ito at malalakas ang mga tunog na naririnig niya mula sa mga punong nababangga ng mga ito. Paminsan-minsan ay nahuhuli ng kanyang paningin ang laban ng mga ito at halatang lamang na lamang si Blaze. Agad na napayuko si Autumn nang tamaan ng mga ito ang puno na nakatayo sa kanyang likuran. Sa lakas ng pagbangga ay dahan-dahang naputol ang puno at bumagsak papunta sa kanya. “Sh*t!” bulalas niya at agad na tumakbo palayo. Ngunit hindi pa man niya nagagawang ihakbang ang kanyang mga paa nang bigla niyang maramdaman ang pares ng mga braso na pumulupot sa kanyang baywang. Sa isang kisapmata lamang ay malayo na siya sa bumagsak na puno. Nag-angat ng tingin si Autumn at sumalubong sa kanya ang seryosong mukha ni Blaze. Hawak-hawak siya nito sa baywang habang nasa dibdib naman nito ang parehong kamay niya. Doon siya tuluyang natauhan at agad itong itinulak palayo ngunit parang pader ito sa tigas na hindi man lamang niya napagalaw. “Let go of me!” sigaw niya at muli itong itinulak. “Bakit pakiramdam ko ay kailangan kitang protektahan? Hindi ko pa ‘to naramdaman kahit kailan kaya sabihin mo, sino ka ba talaga?” Bakas ang kalituhan sa mga mata nito. Sa halip na sumagot ay muling napasigaw si Autumn nang mamataan ang malaking bola ng apoy na papalapit sa kanilang direksyon. Mabilis niyang tinakpan ang kanyang mukha at nagkubli sa dibdib nito. Lumipas ang ilang saglit ngunit wala siyang naramdamang kahit na anong init. Dahan-dahan siyang sumilip at mas lalo siyang napapitlag nang makitang balot silang pareho ng mas malakas na apoy. Ngunit ang apoy na ‘yon ay nanggagaling sa mismong kamay ni Blaze na nakaangat sa ere. Kahit gaano ‘yon kalakas ay wala siyang nararamdamang kahit na ano. Wari’y kontrolado ni Blaze ang temperatura nito para sa normal na taong katulad niya. “Paano mo ginagawa ‘yan?” tanong niya saka ito pinagbalingan ng tingin. Nahuli niya itong nakatingin sa kanyang katawan at marahan siyang ininspeksyon kaya agad na nag-init ang kanyang ulo. Walang pasabi na sinuntok niya ito sa mukha. Ngunit hindi man lang tumabingi ang ulo nito. Wari’y isang pitik lamang para kay Blaze ang kanyang malakas na suntok. “p*****t!” sigaw niya. “Huwag kang assuming. Tinitingnan ko lang kung may sugat ka,” patay malisyang sagot nito. Biglang lumakas ang apoy na nakapaligid sa kanila at doon lamang napansin ni Autumn ang mga atake ni Blast. Galing dito ang mga bolang apoy na tumatama sa ginawang harang ni Blaze para sa kanilang dalawa. . . o marahil ay para lamang sa kanya. “Lucent,” rinig niyang sambit ni Blaze bago tuluyang tumigil si Blast sa pag-atake sa kanila. Nabaling ang pansin nito sa ibang direksyon. Mayamaya pa ay biglang lumakas ang hampas ng hangin. Natigilan si Blast at saglit na nakiramdam. Agad itong nawala sa kanilang paningin nang biglang maging yelo ang lupang kinatatayuan nila. Puno ng pagkamangha ang mga mata ni Autumn habang iginala ang buong paningin. Wari’y bigla siyang napunta sa ibang bansa na umuulan ng yelo sa dami ng snowflakes na bumabagsak mula sa itaas. Nabitawan siya ni Blaze at dahan-dahang nawala ang apoy na nakapaligid sa kanilang dalawa. Akala niya ay tuluyan nang mawawala ang apoy nito ngunit nagkamali siya. Lumiit lamang iyon pero naroroon pa rin sa kamay ni Blaze. “Takot ka ba sa yelo?” Hindi niya napigilan ang kanyang sarili na tanungin ito lalo na’t kitang-kita niya na hindi ito kumportable sa lugar. “What do you think?” seryosong tanong nito pabalik. Tumawa na lamang si Autumn at naupo para hawakan ang yelo. Kumunot ang kanyang noo nang hindi niya maramdaman ang lamig nito. Wari’y isang normal na bagay lamang iyon para sa kanya? Hindi ba dapat ay manginig siya sa ginaw? Pero bakit ganito ang kanyang nararamdaman? Bakit hindi siya nakakaramdam ng lamig? “Bakit hindi pa rin nawawala ang yelong ‘to? Hindi ko na nararamdaman si Lucent kaya— Hey! ‘Wag mong hawakan! Hindi ‘yan katulad ng yelo n’yo rito sa mundo. May mahika ‘yan. . .” Natigilan si Blaze nang makita nito ang tipak ng yelo na nasa kamay niya. Agad itong nabitawan ni Autumn nang bigla itong kuminang. Sinakop ng maganda nitong liwanag ang kanyang kamay hanggang sa matutop ang buo niyang katawan. “Ano’ng nangyayari sa akin?!” bulalas niya. Pinagpag niya ang kanyang sarili ngunit nagpatuloy sa pagkinang ang kanyang katawan. Wari’y kumapit na sa kanyang sistema ang kung anumang mahika ang mayro’n ito. “Isa kang Benicastrian,” hindi makapaniwalang sambit nito. “Ano?! Ano’ng Benicastrian?!” sigaw niya habang patuloy pa rin sa pag-pagpag sa sarili. “Benicastrian, lahi ng mga mabubuting bampira.” Nagsalubong ang mga kilay niya sa sinabi nito. “Stup*d! Mukha ba akong bampira?! Mukha ba akong mabuti para sa ‘yo?! Hell no!” “Then why are you glowing? Mga Benicastrian lang ang may kakayahang gumawa niyan.” “Shut up!” Sa sobrang galit ni Autumn sa paulit-ulit nitong kakasambit ng katagang Benicastrian ay nahampas niya bigla ang kanyang mga kamay. Natigilan siya nang may lumabas na yelo mula roon at direktang tinamaan si Blaze na nakatayo sa kanyang harapan. Tumilapon ito at tumama sa malaking puno. Napuno ng takot ang buong pagkatao ni Autumn nang makita ang purong yelo na bumalot sa kanyang mga kamay. Umiling siya. Hindi maaring mangyari ang bagay na ito sa kanya. “Hindi! HINDI!” malakas niyang sigaw at biglang umihip ang malakas na hangin. Hindi na niya alam kung paano pa kokontrolin ang sarili. Mukhang sakop na ng mahikang galing sa hinawakan niyang yelo ang buo niyang pagkatao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD