Chapter 4

2001 Words
BATID NI Autumn na yayayain lamang ulit siya ni Burn na sumabay sa pagkain sa mga ito kaya minabuti niyang lisanin nang maaga ang kanilang dormitoryo bago pa magising ang mga kasama. Masyado na ring napapalapit ang kanyang loob sa magpinsang Veraguaz at hindi na niya hihintayin pang dumating ang araw na pagsisisihan niya ang lahat. Sa Cafeteria ulit siya nag-umagahan, naglibot-libot saglit bago dumeretso sa kanilang silid. Mula sa kanyang puwesto ay muli niyang tinanaw ang Hecate Building. Natapos ang araw kahapon na walang lumabas na balita hinggil sa aksidente ng dalawang lalaki sa mismong gusali. Dahil dito ay tuluyang nakumpirma ang kanyang hinala na hindi naman talaga totoo ang mga kumakalat na balita tungkol sa lugar. Mas lalo lamang siyang nanabik na ibunyag ang mga sikretong itinatago ng Hecate Building. “Hey, Autumn. You’re already here. Bakit ba palagi kang nauuna sa pag-alis sa dorm? Ayaw mo ba kaming kasama?” bungad ni Burn pagkapasok pa lamang nito sa loob ng silid. “No,” diretso at prankang sagot niya. Humaba ang nguso ni Burn at padabog na naupo sa silya. Hindi na ito nagsalita pa kaya muling itinuon ni Autumn ang pansin sa labas ng bintana. “Hey, Mortal. Kumusta ang full moon experience mo kaninang hatinggabi? May nararamdaman ka na bang kakaiba sa sarili mo?” Agad na nabaling ang tingin ni Autumn sa nagsalitang si Lightning. Tumigil ito sa paglalagay ng lipstick saka siya tinitigan. Isang manipis na ngisi ang sumilay sa mga labi nito bagay na ikinainis ni Autumn. Kahit hindi man ito magsalita, alam niyang sinusubukan ni Lightning na pigtasin ang pagtitimping ginagawa niya. Batid niyang hinahamon siya nito ng laban. “Lightning, itigil mo nga ‘yan. Autumn, pagpasensyahan mo na itong pinsan ko. Sumabay ka na lang ulit sa aming mag-lunch mamaya. Magluluto ako,” nakangiting sabi ni Burn. Napahugot ng malalim na paghinga si Autumn bago muling ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Walang silbi kung papatulan pa niya si Lightning. Hindi ito karapat-dapat na pagtuunan ng pansin. Nang sumapit ang break time ay agad na lumabas ng silid si Autumn. Kanina pa siya tinatawag ng banyo kaya agad siyang tumungo sa CR ng mga babae. Dahil sa maraming babae ang naroroon ng mga sandaling iyon ay wala siyang nagawa kundi ang pumila. “Hey, narinig n’yo na ba ang balita? Nawawala raw si Xavier.” “Oo, nga. Ang sabi ni Marco, lumabas daw ng boy’s dorm si Xavier kaninang hatinggabi pero hanggang ngayon ay hindi pa rin daw siya bumabalik. Ang usap-usapan nga sa buong Crescent ay baka patay na raw siya.” “Hoy! Grabe naman kayo! Bakit kailangang patay agad?” “Girl, aware ka naman siguro na marami na ang mga nawawalang estudyante rito sa Crescent University. ‘Yong iba, natatagpuang wala ng buhay at ang iba naman ay hindi pa rin nahahanap hanggang sa ngayon.” “Yeah, true. Kung hindi lang Professor sa school na ‘to ang Daddy ko, hinding-hindi talaga ako mag-aaral dito. Every year, naging mas creepy pa lalo ang eskuwelahang ito.” “Right. Hindi kaya, totoo ang mga kumakalat na balita tungkol sa mga demonyong nakatira sa eskuwelahang ito especially doon sa Hecate Building?” “Crap! Please drop the demons. Sa pagkawala pa nga lang ni Xavier ay kinikilabutan na ako. Pease, huwag mo nang dagdagan pa.” Hanggang sa makalabas ng banyo si Autumn ay puro usapan tungkol kay Xavier ang naririnig niya. Bigla siyang napaisip. ‘Lumabas kaninang hatinggabi pero hindi na nakabalik pa? Posible kayang si Xavier ‘yong lalaking nakita kong tumatakbo papasok ng gubat?’ bulong niya sa sarili. Naipilig niya ang kanyang ulo hanggang sa mapahinto nang mamataan ang ilang mga naka-unipormeng pulis na lumabas ng Dean’s Office. Ibig sabihin, may nangyayari ngang kakaiba sa eskuwelahang ito. “Tinawagan n’yo na ba si Blaze?” “Hindi siya sumasagot. Paniguradong naroroon na siya sa lugar sa mga oras na ‘to.” “Sana nga. Tara, bilisan n’yo. Baka maabutan pa natin siya.” Sinundan ni Autumn ng tingin ang mag-pinsang Burn, Lightning, Flames at Thunder na nagmamadaling bumaba ng hagdan. Kahit ang mga ito ay apektado rin sa pagkawala ni Xavier. “This is interesting,” sambit niya bago pinagbalingan ng tingin ang direksyon papuntang gubat. Ang advantage lamang niya sa lahat ay dahil alam niya kung saan mismo pumunta si Xavier bago ito nawala. Umikot ang paningin ni Autumn sa paligid. Nang mapansin niyang walang nakatingin sa kanya ay mabilis siyang tumakbo papunta sa gubat. RESTRICTED AREA. Ito ang bumungad kay Autumn nang marating niya ang pasukan ng gubat. Sa halip na bumalik dahil sa nakalagay na babala ay ipinagpatuloy niya ang pagpasok sa loob ng masukal na kagubatan. Tahimik ang buong lugar at halatang siya lamang ang naroroon ng mga oras na ‘yon. Kahit ang paghampas ng hangin ay masyado ring mailap. Kahit mga ibon ay wala rin siyang nakikita. “This place is weird,” sambit nito habang iginagala ang kanyang paningin. Maraming punongkahoy ang naroroon at halos lahat ay magkakamukha. Hindi siya sigurado kung tama pa ba ang direksyon na tinatahak niya o kung naliligaw na. Ipinagpatuloy ni Autumn ang paglalakad kahit walang kasiguraduhan kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa. Malayo-layo na rin ang kanyang nararating kaya hindi na siya puwedeng bumalik nang hindi nalalaman ang tunay na dahilan nang pagkawala ni Xavier. Malakas ang kanyang kutob na talagang si Xavier ang nakita niyang tumatakbo kaninang hatinggabi. Narinig niya itong humihingi ng tulong pero hindi niya iyon pinansin dahil wala naman siyang nakitang humahabol dito. Subalit nawawala na ito sa ngayon at hindi pa rin bumabalik. Paano kung may humahabol nga sa lalaki ngunit hindi lamang nakita ng kanyang mga mata? Posible kayang totoo ang tungkol sa mga demonyo na laman ng usap-usapan sa buong eskuwelahan? “Demonyo? Imposible,” wika niya at ilang beses na umiling. Napahinto sa paglalakad si Autumn nang sumalubong sa kanya ang masangsang na amoy sa hindi kalayuan. Agad niyang tinakpan ang kanyang ilong at dahan-dahang sinilip ang mga nakaimbak na tuyong dahon sa unahan. “The f*ck!” malakas niyang mura nang mamataan ang nakahandusay na katawan ng isang lalaki. Nagmadali siyang lapitan ito. Muli siyang napamura nang makumpirmang ito nga ang lalaking nakita niyang tumatakbo noong nasa rooftop siya. The man was brutally killed. Wasak ang dibdib nito at may mga kagat sa leeg. “Wait, is that a vampire’s bite?” bulalas niya. Marahan siyang umiling. Alam niyang hindi totoo ang mga bampira. Tanging sa mga libro at pelikula lamang nabubuhay ang mga ito kaya imposibleng ito mismo ang pumatay sa lalaki. Kung gano’n, posible kaya na inataki ito ng mabangis na hayop? “Xavier!” Mabilis ang ginawang paglingon ni Autumn nang marinig ang malakas na sigaw mula sa kanyang likuran. Isang lalaki ang bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan. Dumako ang paningin nito sa kanya at matalim siyang tinitigan. “Ikaw ba ang pumatay sa kanya?!” galit na galit nitong sigaw. Napaatras si Autumn nang makita niya ang dahan-dahang pag-iba ng hitsura ng lalaki. Ang kaninang itim na itim nitong mga mata ay bigla na lamang naging pula. Tumalim ang mga kuko nito at sumilip ang mahaba nitong mga pangil. Dahil sa sobrang gulat ay hindi na nagawa pang makagalaw ni Autumn. Umawang ang kanyang mga labi nang mabilis itong nawala sa kanyang paningin. Doon lamang niya nagawang ihakbang ang kanyang mga paa para sana tumakbo palayo ngunit hindi na natuloy pa dahil sa biglang pagtilapon ng lalaki sa kanyang harapan. Tumama ito sa malaking puno at malakas na bumagsak sa lupa. Nanatiling nakatayo si Autumn habang pinapanood ang dahan-dahang pagtayo ng lalaki. Mayro’n itong malaking sugat sa braso na unti-unti rin namang naghilom. Pinagbalingan siya nito ng tingin kaya muli siyang napaatras. “P-Prince Blaze.” Biglang nagbago ang hitsura ng lalaki at muling bumalik sa pagiging tao. Pabagsak itong napaluhod sa harapan ni Autumn kaya dahan-dahan niyang iginala ang kanyang paningin. Isang nakapamulsang lalaki ang nakita niyang nakaupo sa sanga ng malaking puno. Tumalon ito mula roon at dahan-dahang lumapit sa kinaroroonan nila. “She’s a human. Alam mong mahigpit na ipinagbabawal sa mga immortal ang pumatay ng tao. Umalis ka na bago pa dumating ang mga hunter,” sabi nito sa malalim na boses. “Pero si Xavier—” “Malalaman din ng mga hunter kung sino ang pumatay sa kanya. Maghintay ka na lang.” Immortals. Hunters. Interesting. Tumayo ang lalaki mula sa pagkakaluhod at mabilis na tumakbo palayo. Para itong isang hangin na mabilis na nawala sa kanilang paningin. “This place is not the right place for human. Huwag na huwag ka na ulit bumalik dito,” sabi ni Blaze bago siya tinalikuran. “Sandali. Blaze? Blaze Veraguaz? Ikaw ba ang sinasabing pinsan ni Burn?” tanong niya. Hindi sa pakialamera siya pero matapos niyang masaksahan ang pagbagong anyo ng lalaking bampira kanina ay mas lalo lamang siyang naguluhan. Tinawag nitong ‘Prince’ si Blaze. Ibig sabihin, isa rin itong bampira? At sina Burn at Lightning, posible kayang gano’n din ang mga ito? “Paano mo nakilala si Burn?” Tumigil ito sa paglalakad at bahagya siyang nilingon. “We’re roommates.” Pagkasabing iyon ni Autumn ay bigla na lamang siyang sinakmal ng sakal ni Blaze. Mabilis itong nakalapit sa kanya at agad siyang isinandal sa isang puno. Namilog ang kanyang mga mata nang masaksihan kung paano naging pula ang mga mata nito. Lumabas ang dalawang pangil sa gilid ng labi nito kaya ilang beses siyang napalunok. Tama ang kanyang hula, isa nga itong bampira. “Hinding-hindi nagpapapasok ng mortal si Burn sa room nila. Tell me, who are you?” tanong nito at matagal siyang tinitigan. Pinag-aralan nito nang mabuti ang kabuuan ng kanyang mukha. Ngayon lang lubos na naunawaan ni Autumn kung bakit ‘mortal’ ang tawag ni Lightning sa kanya. ‘Yon ay dahil mga immortal ito. Mga bampira. ‘D*mnit! Mga bampira ang kasama ko sa room. Hilarious!’ Nang walang makuhang sagot si Blaze mula sa kanya ay kinuha nito ang kanyang kamay. Napakislot siya nang biglang tusukin ng matalim nitong kuko ang dulo ng kanyang daliri. Sunod nitong tinikman ang kanyang dugo at matagal na natigilan. “Imposible. Bakit hindi ko malasahan ang dugo mo? Ano’ng klaseng nilalang ka?” tanong nito bago siya binitawan. Umikot ang mga mata ni Autumn at naghalukipkip. Of course, she’s a human. Walang kuwentang bampira pala ang Blaze na ‘to. Paanong hindi nito malasahan ang kanyang dugo? “Baka nawalan ka ng panlasa, stup*d,” sambit niya bago ito tinalikuran. Narinig niya ang mahina nitong pagtawa pero hindi na lamang niya ito pinansin. Kailangang makalabas agad siya sa gubat bago pa man siya makasalamuha ng panibago na namang bampira. “Hindi kaya ikaw talaga ang pumatay sa kanya?” Agad na napalingon si Autumn nang makitang nakaturo si Blaze sa walang buhay na si Xavier. “Excuse me? At bakit ko naman siya papatayin? I’m not a murderer!” malakas niyang sigaw bago binalikan si Blaze. Akma niyang hahablutin ang damit nito ngunit mabilis nitong nahawakan ang kanyang palapulsuhan. “You found his corpse,” sagot nito at tinitigan siya nang maigi. “What?! Because I found his corpse ay ako na agad ang ituturo mong pumatay sa kanya? He was chased last midnight by. . . I don’t know, wala naman akong nakitang humahabol sa kanya,” depensa niya. “O baka naman ikaw talaga ang humahabol sa kanya?” “What?! Hell no!” “I’ll be watching you, Missy. Siguraduhin mo lang na wala kang kinalaman sa pagkamatay niya dahil kapag napatunayan kong ikaw nga ang pumatay sa kanya, ako mismo ang maghahatid sa ‘yo sa mga hunter. Tandaan mo ‘yan,” wika nito bago siya binitawan. Sa isang kisapmata lamang ay bigla itong nawala sa kanyang paningin. Halos sabunutan ni Autumn ang sariling buhok dahil sa sinabi nito. Paano nito naisip na isa siyang mamamatay tao?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD