Chapter 14

1893 Words
PAGKATAPOS ibalik ni Burn sa dati ang buong Hecate Building ay sunod itong naglabas ng itim na usok na hindi kalaunan ay naging portal. Ayon sa dalaga ay ito ang lagusan pauwi sa kanila. Naikuwento rin nito ang hilig sa mga portal lalo na tuwing naglalakbay ito sa iba’t ibang lugar at panahon. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin si Autumn sa mga kayang gawin ni Burn bilang mangkukulam. Malawak ang saklaw ng kapangyarihan nito at anuman ang nais nitong gawin ay nangyayari agad. Naalala niya tuloy ang unang araw ng kanilang pagkikita. Takang-taka siya noon kung paano ito nauna sa kanya sa pag-akyat sa third floor. Ngayon lamang niya lubos na naunawaan ang mga kakayahan nito bilang isang immortal. Dahil mas excited si Burn kaysa sa kanya ay nauna na itong pumasok sa portal. May bahid man ng pag-aalinlangan ay sumunod na rin si Autumn. Natagpuan niya ang sarili na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay. Hindi agad siya nakagalaw dahil parang nanghina ang kanyang mga tuhod. Namiss niya nang husto ang kanilang lugar, gano’n din ang kanyang pamilya. “Let’s go,” pagyayaya ni Burn na siya mismong kumatok sa pinto. “Ano’ng itsura ko, Autumn? Maganda ba ako?” tanong ni Burn na hindi niya pinansin. Mayamaya pa ay bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang kanyang Kuya Winter na agad na natigilan habang nakatitig sa nakangiting si Burn. “Lucent!” bulalas ng babae at agad na niyakap ang kanyang kapatid. “Burn, hindi ka nagpasabing pupunta ka rito. Sana nakapaghanda ako,” malambing na sabi nito bago binitawan ang babae. Tumaas ang kilay ni Autumn nang bigla na lamang naghalikan ang dalawa. Hindi niya alam na may relasyon pala ang mga ito. At dahil sa mukhang walang balak na tumigil ang dalawa ay malakas siyang napatikhim. Natigilan ang mga ito at napalingon sa kanyang gawi. “Bunso,” nakangiting bati ng kanyang kapatid at sunod siyang niyakap. Niyaya sila nitong pumasok at agad na iniwan sa living room. Nagpaalam ito na pupunta muna sa kusina upang maghanda ng meryenda para sa kanilang dalawa. Hindi na muna umakyat si Autumn sa kanyang silid, sa halip ay nilapitan niya si Burn at hinila nang malakas ang braso nito. Halatang nagulat din ito sa kanyang ginawa. “Ano’ng ibig sabihin nito, Burn? Bakit kung makipaghalikan ka kay Kuya Winter ay parang matagal n’yo nang ginagawa ang bagay na ‘yon?” matalim ang tinging tanong niya sa babae. “Autumn, mate ko ang Kuya mo,” sagot nito. Natigilan siya sa narinig. Mayamaya pa ay tuluyan na niyang binitawan si Burn at pabagsak na naupo sa sofa. Hindi na siya kokontra pa kung talagang mag-mate nga ang mga ito. Bilang babae, alam niya ang pakiramdam na manabik sa kanyang mate. At isa pa, okay naman si Burn, bagay rin naman ito para sa kapatid niya. “Sorry kung hindi ko agad sinabi sa ‘yo ang tungkol dito. Are you mad?” nahihiya nitong tanong. “No,” tipid niyang sagot. Hindi na ulit ito nakapagsalita pa dahil sa pagdating ng kanyang kapatid. May bitbit itong pagkain na agad nitong inilapag sa ibabaw ng center table. Sa halip na maupo sa kanyang tabi ay lumapit ito kay Burn at muling hinalikan ang babae. “Dito ka na matulog ngayong gabi,” sabi ng kapatid niya. Agad na tumango si Burn. “You still have a lot of explaining to do, Kuya. About sa pagiging bampira natin, pagiging magkapatid at tungkol sa propesiya,” aniya dahilan para matigilan ang dalawa. “Bunso—” “Ako na ang magpapaliwanag.” Sabay silang napalingon. Mula sa pinto ay pumasok ang kanyang Tiyo Spring, kasunod nito ang Mama niya na halatang kagagaling lamang sa grocery store dahil sa bitbit ng mga ito. “Mama,” sambit ni Autumn at agad na nilapitan ang ina. Niyakap niya ito nang mahigpit na agad naman nitong tinugunan. Itinabi lang ng mga ito ang mga ipinamili bago naupo sa kanilang harapan. “Crystal Benignus, ‘yan ang tunay mong pangalan, Autumn. Si Winter, ang kapatid mong si Lucent at ako ang iyong ama, si Ice Benignus, ang hari ng mga Benicastrian,” pagsisimula ng kanyang Tiyo Spring. “Paano nangyari ‘yon? Magkapatid kayong dalawa ni Mama,” angal niya. “Si Cassidy. . .” sambit nito bago ibinaling ang tingin sa kanyang ina. Hindi niya akalain na ‘yon pala ang tunay na pangalan ng Mama niya. Lumaki kasi siyang kilala ito sa pangalang Summer Anderson. “Hindi si Cassidy ang tunay mong ina.” “What?! No!” Niyakap niya nang mahigpit ang ina. Hinihintay niyang sasabihin nito na nagsisinungaling lamang ang kanyang Tiyo Spring subalit hindi iyon nangyari. Nanatili lamang itong tahimik. “Si Cassidy ang pinakamahusay na mangkukulam sa kaharian ng Benicastrum. At upang manatiling lihim sa lahat ng mga bampira ang tungkol sa ‘yo ay pansamantala niyang tinanggal ang lahat ng mga kakayahan mo bilang isang bampira. Gamit ang kanyang kapangyarihan at sa tulong ng sinag ng buwan ay ginawa ka niyang normal na tao, Autumn. At upang masigurado na patuloy kang mapoprotektahan ay inatasan ko siya na pansamantalang tumayo bilang ina mo.” Nabitawan ni Autumn ang ina. Marahan siyang umiling habang pinagmamasdan itong nakayuko sa kanyang harapan. “Paano n’yo nagawa sa akin ang bagay na ito?” humihikbi niyang tanong. “Prinsesa, patawarin mo ako kung nagsinungaling ako. Pero nangako ako sa iyong ina bago siya namatay na gagawin ko ang lahat para protektahan ka. At ito lamang ang tanging paraan para mabigyan ko ng katuparan ang kanyang hiling. Patawad. Alam mong itinuring kitang tunay na anak at totoo ang pagmamahal na ipinaramdam ko sa ‘yo. Kaya patawarin mo ako,” humihikbi nitong sagot sa kanya. Sunod na nabaling ang tingin ni Autumn sa kanyang Tiyo. “Sino ang tunay kong ina?” tanong niya. Dumako ang paningin nito sa malaking litrato na nakasabit sa pader. “Si Auntie Skylar?” tanong niya habang pinagmamasdan ang nakangiting mukha ng Tiyahin. Nakagat niya ang kanyang labi ngunit hindi no’n napigilan ang muling pag-alpas ng kanyang mga hikbi. Matagal nang patay ang kanyang Tiya kaya paano niya ito magagawang yakapin kung ito nga ang tunay niyang ina? Ni hindi man lamang siya binigyan ng pagkakataon na makita ito. “Bunso.” Nilapitan siya ng kanyang kapatid at niyakap nang mahigpit. Dito niya ibinuhos ang lahat ng sakit na kanyang nararamdaman. May kakaibang enerhiyang dumadaloy sa katawan ng kanyang kapatid na unti-unting nagpapalma sa kanya. Kahit gustong-gusto na niyang sumigaw at magwala ng mga sandaling iyon pero hindi niya magawa. Hanggang sa hindi kalaunan ay tuluyan na ring gumaan ang kanyang pakiramdam. “Pasensiya na kung nagawa naming magsinungaling sa ‘yo, Autumn. Gusto lang naman naming siguraduhin ang kaligtasan mo laban kay Savage Veraguaz,” sabi ng kanyang ama na ikinabaling ng tingin niya rito. “Savage Veraguaz? Ang ama ni Blaze? Ano’ng kinalaman niya rito?” nagtataka niyang tanong. “Si Savage ang bampirang matagal ka nang gustong patayin, Autumn,” sagot nito. “Wait, bakit niya ako gustong patayin?” “Dahil isa ka sa mga punlang ipinadala ni Hecate para patayin siya.” “’Yon ang sinasabi kong propesiya,” singit ni Burn. “Wala akong maintindihan. Puwede bang ipaliwanag n’yo nang mas malinaw? Ano’ng propesiya? Ano’ng punla? Sinong Hecate?” sunod-sunod niyang tanong. “Maraming taon na ang nakalipas nang patayin ni Savage ang ilang mga Maharlikang bampira sa iba’t ibang kaharian. Nagdulot ito nang malawakang digmaan na ikinamatay ng maraming immortal. Hindi natanggap ng mga mangkukulam ang mga nangyari kaya sama-sama silang nagdasal sa kanilang Diyosa na si Hecate na bigyang wakas ang kasamaan ni Savage. Makalipas ang ilang araw na ginawang sakripisyo ay pinakinggan ng Diyosa ang kanilang dasal. Nagpadala ito ng dalawang punla na siyang mamumuno sa pagpatay kay Savage pagdating ng takdang panahon. At kayong dalawa ni Blaze ang mga punlang ipinadala ni Hecate, Autumn,” paliwanag ng kanyang ama. “Noong araw na ipinanganak ka ay pinagtangkaan ni Savage na kitilin ang iyong buhay, Prinsesa. Nagawa kitang iligtas noon ngunit hindi ang iyong ina.” Kumuyom ang mga kamay ni Cassidy at kitang-kita niya ang galit na lumandas sa mukha nito. “Simula noon ay hinanap ka na ni Savage. Kaya wala kaming nagawa kundi ang gawin kang normal na tao nang sa gano’n ay hindi niya maamoy ang iyong dugo. Ngunit malapit nang maganap ang propesiya at kailangan mo na ring mabawing muli ang iyong kapangyarihan, Autumn. Ipinadala kita sa Crescent University kahit pa na alam kong malapit iyon sa kaharian ni Savage. Kinausap ko si Burn na bantayan kang mabuti at panatilihing ligtas hanggang sa tuluyan mong mabawi ang nararapat sa ‘yo,” paliwanag ulit ng kanyang ama. “Direkta kasing tumama sa Crescent University ang sinag ng buwan, Bunso kaya mas mapapadali ang pagsibol ng mga katangian mo bilang isang bampira kapag nanatili ka sa lugar na ‘yon. Tinanggal ng buwan ang kapangyarihan mo, kaya ito rin ang magbabalik nito sa ‘yo,” sunod na paliwanag ng kanyang kapatid. Umiling si Autumn habang tahimik na lumalandas sa kanyang pisngi ang maiinit niyang luha. Sa totoo lang ay wala siyang pakialam sa huling sinabi ng mga ito. Ang tanging naintindihan lamang niya sa lahat ay pinatay ni Savage ang tunay niyang ina. At maghihiganti siya. Gagawin niya ang lahat para makamit ang hustisyang nararapat para sa ina. “Kaya bilisan mong magpalakas, Autumn. Nalalapit na ang araw ng mating ritual ninyong dalawa ni Blaze. Sa mismong araw na ‘yon magaganap ang propesiya. Kailangang maging isa na kayo bago pa muling kumilos si Savage para patayin kayong dalawa,” dagdag ng kanyang ama. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya. “Ibig sabihin, kailangan mong isuko ang sarili mo kay Blaze nang sa gano’n ay pareho n’yong makukuha ang kapangyarihan ng isa’t isa. Hindi lang double, kundi triple ang idadagdag ng kapangyarihan n’yo ‘pag nangyari ‘yon. Ibig sabihin, magagawa n’yo na ring talunin si Savage,” paliwanag ni Burn. “Wala na bang ibang paraan maliban sa mating ritual? Mga mangkukulam kayo, ‘di ba? Baka may iba pang kayong magagawa,” aniya. Sabay na umiling sina Burn at Cassidy. “Pero hindi pa ako handa para sa bagay na ‘yon. Kakikilala ko lang kay Blaze tapos hihilingin n’yo na ibigay ko agad ang sarili ko sa kanya? Are you stup*d?!” angal niya. “Huwag ka munang magsalita nang tapos, Autumn. May ilang linggo ka pa para pagnilayan ang lahat. Matagal ka nang hinihintay ni Blaze na piliin mo siya. Kapag nagawa mo ‘yon ay saka lamang pormal na magaganap ang ritual. At paubos na ang oras natin dahil malapit na ring maisakatuparan ang nakasaad sa propesiya,” paliwanag ng ama. “Maraming bampira ang umaasa sa inyong dalawa ni Blaze, Autumn. Umaasa kami na hindi mapupunta sa wala ang maraming buhay na nawala nang dahil kay Savage,” wika ni Burn. Napabuga ng malalim na paghinga si Autumn. Hindi niya talaga alam kung ano ang iisipin. “Isipin mo na lang si Mom. Kailangan mong gawin ‘to para sa kanya, Bunso.” Natigilan si Autumn sa sinabi ng kapatid. Dahan-dahang kumuyom ang kanyang mga kamay. Tama, para sa kanyang ina. Kailangan niyang makamit ang hustisya para sa ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD