MIKAELA MICHEL
ILANG ARAW na ba ang lumipas simula nang puntahan ako ni First ko. Iyong isang gabi na kahit may sakit ako naranasan kong maging sobrang saya. Mahalikan, mayakap, mapatawa at mas lalong mapamahal sa kanya.
Lumipas ang isang araw, isang linggo hanggang sa maging pangalawang linggo, hindi ko na ulit nakita ni anino niya. Gustuhin ko man, hindi ako makalabas at puntahan siya dahil umabot ng dalawang linggo ang sakit ko. Dinala ako sa hospital, inabot ako doon ng tatlong araw dahil kinumbulosyon ako.
Knowing my parents and the Castillion brothers, kulang nalang pati paghinga ko bantayan nila para hindi ako mabinat. Dalawang linggo akong naburo sa loob ng kwarto ko. Wala siya. Tanging naiwan lang ay 'yong alaala n'ong gabing 'yon.
"NASAAN PO si First ko?" Iyon ang unang tanong ko kay Nana Lily nang magising ako kinabukasan.
"Bakit iha nagpunta ba siya dito kagabi?" Halatang naguguluhan. Nilagay niya ang thermometer sa kili kili ko, mataas pa rin ang lagnat ko.
"Opo, yay," nakangiting sagot ko. Umiling siya.
"Ano ka ba naman iha ilang beses akong bumalik dito kagabi para kumustahin ang lagay mo pero wala akong nakita na ibang tao."
Sumikip ang dibdib ko, sigurado akong nandito siya kagabi. Hindi iyon panaginip dahil nahawakan ko siya. Gumalaw ako, napangiwi dahil tila binugbog ang buong katawan ko.
"Ganyan talaga ang mga taong matataas ang lagnat, nakakaranas ng panaginip na parang totoo, nagdedeloryo ka sa sobrang taas ng lagnat mo," sabi niya. Pinunasan niya ang katawan ko, binihisan ako.
"Nana, I know palagi kong pinapantasya si First ko, imagining perfect love story with him pero Na, I know the difference between dream and reality," ungot ko, ang sakit isipin na panaginip lang lahat.
Iyong halik, iyong yakap at iyong paglalambing niya panaginip lang? Hindi. Sigurado ako.
"Bahala ka kung ano ang gusto mong paniwalaan basta ngayon sarili mo muna ang isipin, may sakit kana't lahat ibang tao pa rin ang inaalala mo," sermon niya. Napayuko ako, umiyak ng tahimik.
Hindi iyon panaginip.
Kahit dalawang linggo na ramdam ko pa rin na parang kagabi lang 'yon nangyari. Napangit ako habang hawak ang kaliwang parte ng leeg ko kung saan siya nag-iwan ng marka. Ang kiss mark na nandito ang pinanghahawakan ko na totoo ang lahat. Dalawang linggo na rin, kaya kahit ayoko ay nabubura na ito sa balat ko.
"Hi, Princess Mimi," bungad sa akin ni Kuya Second n'ong araw na umuwi sila galing Cebu. Tatlong araw sila doon pero pag-uwi nila mataas pa rin ang lagnat ko.
"Kuya Second, where's First ko?" tanong ko. Nagmamadaling bumangon pero sa sobrang hilo nahulog ako sa kama. Nataranta siya pero wala akong pakialam dahil gusto kong makita ang First ko.
"Careful, nasa university si kuya nagtetraining ng basketball. Actually kasama namin siya sa Cebu pero paglapag ng eroplano kanina, nang malaman niyang dadaan muna kami dito humiwalay siya at sinabing may training siya." Inalalayan niya ako pabalik sa kama.
"Hindi kuya e, kasama ko siya noong first day niyo sa Cebu," angal ko. Bakit pakiramdam ko lahat gustong sabihin at ipamukha na panaginip lang na nakasama ko ang First ko?
Kumunot ang noo niya, nagsimula nang mamuo ang mga luha ko. "Pero nag-iinuman kami ng first day namin doon." Tiningnan niya ako sa mata kaya agad akong umiwas. "Look, Princess, just rest napakataas pa rin ng lagnat mo."
Umiling iling ako. "No, nandito kasi siya n'ong gabing 'yon e. Hindi iyon panaginip kung iyon ang iniisip mo." Halos sumigaw na ako sa sobrang inis. Napaupo ako sa kama dahil mas lalong lumala ang pagkahilo ko.
"Totoo kasi 'yon. Totoo," sabi ko, kahit halos hindi na ako makahinga dahil sa paninikip ng dibdib ko. "Inalagaan niya pa nga ako kahit hindi siya marunong."
Panay ang iyak ko hanggang sa narinig ko nalang ang nag-aalalang pagsigaw ni Kuya Second.
"Tita My, si Princess kinukombulosyon."
"TOTOO MAN 'yon o hindi ang importante kahit minsan lang nakasama kita. Kung panaginip ide tuloy sa panunuyo at kung totoo much better, tuloy pa rin ang panunuyo." Nakaharap ako sa salamin, nagsusuklay.
Ngayon magaling na ako, napakiusapan ko si mommy na kapag natatapos ang klase ko araw araw sa summer class dadaan ako sa CSU.
Sinipat ko ang suot kong plated brown skirt, pinaresan ko 'yon ng white crop top at white stilleto. Napangiti ako. Satisfied sa ayos ko. Hindi mukhang bata kundi mukhang nineteen years old.
"I'm on my way, First ko." Nakasakay na ako sa kotse namin kasama si Mang Beto. Hindi mawala wala ang ngiti ko. Sa wakas nakalabas ulit ako. Makikita ko na ulit siya.
Mabilis kaming nakarating sa university. Laking pasalamat ko na rin dahil hindi traffic. Tulad nang una kong pagpunta dito may napapatingin sa'kin.
"Nagagandahan ba sila sa'kin?" biro ko sa sarili ko.
"Epekto 'yan ng sobrang katalinuhan kaya pati sarili kinakausap." Napalingon ako. Napatalon nang makita si Kuya Third, nasa likod ko pala siya. Inakbayan niya ako. Nakauniform siya, halatang papasok palang.
"Hindi naman masama kausapin ang sarili e," angal ko. Benelatan ko siya.
"Nawala na ang pagiging dalaga e. Hindi ka pa rin talaga matured, Princess Mimi. Kahit anong pilit mo, sa pananamit oo pero sa kilos at isip, batang bata," pang-aasar niya. Nagsimula siyang maglakad, isinama ako.
"Siya ba iyong girlfriend ni Third?" Narinig kong sabi ng isang babaeng nadaanan namin. Haharapin ko sana para itama ang nasa isip nila. Sasabihin kong hindi ako girlfriend ni Kuya Third, kundi ni First ko. Kaso hindi niya ako binitawan.
"Pabayaan mo sila para walang gulo, baka makasapak ako ng babae sa unang pagkakataon kapag inaway ka," bulong niya. Nakangiti. Tumango ako.
"Bakit nila ako pinagtitinginan?" Bahagya ko siyang tiningala. "Sikat ka ba dito?"
Nagkibit balikat lang siya. "Nagpunta ka dito para gumala o hanapin si Kuya?"
"Alam mo naman ang sagot tinatanong mo pa." Napairap ako.
"Sasamahan muna kita, mamaya pa naman ang first subject ko. Baka madapa ka mabatukan ako ni Tita My." Napasimangot ako sa sinabi niyang madadapa ako. Gan'on kabata ang tingin nila sa'kin.
Ginulo niya ang buhok ko, tinampal ko ang kamay niya. Tawa lang siya nang tawa. "Lapitin ka pa naman ng gulo kaya kailangang may bantay lagi." Napailing siya. "Kapag nandito ka kami ang magbabantay sa'yo."
"Di na kailangan, malaki na ako. Kaya ko sarili ko." Malalaki ang hakbang na ginawa ko para mauna sa kanya. Pero balewala dahil sa laki niyang tao, mabilis akong naabutan.
"Gusto mo ata palagi kaming mapaaway ni Kuya Second dahil sa'yo. Wag na nating isali si Kuya First dahil alam naman nating wala siyang pakialam sa'yo." Agaw pansin ang malakas niyang tawa.
"Sige, isampal mo pa sa pagmumukha ko kung gaano siya ka walang pakialam sa'kin."
Ipinamukha talaga na ni katiting wala akong puwang sa puso ni First ko. Gusto ko mang sabihing may pruweba ako na may pakialam siya sa'kin, hindi ko masabi dahil alam kong tatawanan niya lang ako.
Bakit ako pupuntahan ni First ko n'ong may sakit ako kung wala siyang malasakit sa'kin? Walang naniniwala sa mga sinasabi ko, panaginip lang daw ang mga iyon. Pero hindi 'yon panaginip.
Inakbayan niya ulit ako. "Joke lang." Kinurot niya ang pisngi ko. "But seriously huwag mo nalang muna istorbohin si Kuya First, napakabusy niya ngayon may nilalakad daw na importante." Tango nalang ang isinagot ko.
Diretso lang ang tingin ko sa hallway na nilalakaran namin. Tumigil kami dahil sa lalaking lumapit sa'min. Tutuloy sana ako sa paglalakad kaso hawak hawak niya ako. Mukhang kilala niya ang lalaki. Nag-usap sila. Hindi ko siya pinagtuunan ng pansin dahil may pamilyar na bulto akong nakikita sa dulo.
Kumunot ang noo ko nang masiguro na kilala ko ang lalaking nasa dulo ng hallway, papaliko. Hindi ako pwedeng magkamali dahil kahit bilang ng nunal niya sa katawan kabisado ko. Si First ko?
"Hey, Princess, where are you going?" tanong ni Kuya Third. Hindi ko siya pinansin. Hinubad ko ang stiletto ko, itinapon 'yon kung saan bago tumakbo ng mabilis papunta sa direksyon niya. Hindi maganda ang kutob ko sa posisyon nila ng babaeng kasama nito. Wala akong pakialam kung pinagtitinginan na ako.
"Princess, bakit ka tumatakbo? Saan ka pupunta?" nag-aalalang tanong ni Kuya Second, nakasalubong ko.
Agad ko siyang hinalikan sa pisngi kahit hinihingal ako. "I need to go kuya, see you later." Muli akong tumakbo. Talo ko pa ang nasa marathon sa bilis ng galaw ng mga paa ko. Kahit ramdam kong medyo bumibigat na ang paghinga ko hindi pa rin ako tumigil. Kailangan silang maabutan.
Pagkarating sa dulo wala akong makitang tao. Hindi ko na sila naabutan. Tumigil ako. Napasandal sa pinto na tinapatan ko dahil hingal na hingal na ako. Bahagya pa ako umubo, taas baba ang dibdib ko. Kapag nalaman ito ni mommy siguradong pagagalitan ako. Ang hindi pagtakbo ang unang bilin niya sa'kin palagi, pero sinuway ko.
Sa kabila ng paghingal, napatingin ako sa katapat kong pinto. Bukas, bahagyang nakaawang. Humawak ako sa door knob para hindi tuluyang bumigay sa pagtayo. Siguradong para akong palakang nakatihaya kung nagkataon.
Kinilabutan ako nang makarinig ng halinghing at ungol ng babae. Nagmumula 'yon sa katapat na pinto. Dahan dahan akong naglakad patungo d'on. Pinag-iisipan ko kung titignan ko ang nasa loob o hindi. Umiling ako. Parang napaso na lumayo sa pinto. Baka makita ako at sabihing naninilip.
Hahakbang na sana ako paalis. Hingal na hingal pa rin, sapo ang dibdib ko pero natigilan ako sa muling pag-ungol nila.
"Fi-First, faster babe." Nagpantig ang mga tenga ko sa binanggit na pangalan.
Si First ko ba ang kaanuhan ng babae sa loob? No way. Umiling ako, humakbang ulit papalapit. Nanginginig man pinilit ko pa rin ang sarili na sumilip sa siwang ng pinto.
Parang literal na may humiwa sa puso ko bago iyon durugin ng pinong pino. Ang kaninang mabigat kong paghinga mas lalo pang bumigat hanggang sa halos hindi na ako makahinga. Ang sakit sakit, sobra.
Nakita ko kaninang may kahalikan siya sa dulo ng hallway. Kahit may kalayuan sigurado ako dahil malinaw ang vision ng mga mata ko. Kaya ako tumakbo para kumpirmahin, buhat niya ang babae kanina at nakapulupot ang mga hita sa bewang niya.
Hindi ko alam na para akong mamamatay sa kompirmasyon na makikita mismo ng dalawa kong mga mata.
Mariin na nakapikit ang babae habang nakatingala, siya naman ay humahalik sa leeg nito pababa. Ang isang kamay nakapasok sa skirt ng babae.
Konti nalang magtatalik na sila. Parang may sarili silang mundo, hindi manlang napansin ang presensya ko.
Hindi ko na kinaya, tuluyang bumigay ang mga tuhod kong nanginginig. Hawak hawak ko ang dibdib ko, pati paghinga ko halos mabilang na rin. Hinahapo ako habang walang hampat sa pagdaloy ang mga luha ko. Nanlalabo ang paningin ko sa halo halong emosyon na hindi na kayang dalhin ng puso ko. Parang sasabog pero hindi magawa.
Busy siya dahil may nilalakad? Hindi lang nilalakad kinakamay pa.
"Princess Mimi," narinig ko ang sigaw ng pamilyar na boses.
"Princess, wag kang pipikit. Please, hinga ng malalim." Naaninag ko ang mukha ni Kuya Second, namumutla siya sa takot. Maluha luha. Niyakap niya ako bago pa man ako bumagsak sa sahig.
"Take this inhaler." Nanginginig siya habang inilalagay sa bibig ko ang inhaler pero hindi ko na kayang gumalaw dahil sa hirap na paghinga.
Ilang mura ang pinakawalan niya. Natataranta. "Please Princess hold on, bakit ka kasi tumakbo alam mo namang may asthma ka." Hindi na ito magkandaugaga.
Hanggang sa tuluyang mawalam ako ng malay. Ni aninu ng taong inaasahan ko hindi ko nakita. Sobrang mahal pa rin kita kahit mamamatay na ang puso ko.