Prologue
MIKAELA MICHEL
HINDI NAMAN masama ang maghabol hindi ba? Lalo kung mahal na mahal mo ang isang tao. Para sa akin hindi uso ang sinasabi nilang kapag babae ka hihintayin mong lalaki ang maunang gumawa ng hakbang para mapalapit sa'yo.
Ako? Hindi naniniwala sa ideyang 'yon dahil bukod sa moderno na ang panahon, malayong malayo tayo sa kinagisnang panahon nina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Kapag hindi ako kumilos siguradong walang mangyayari dahil kahit magunaw ang mundo ay hindi magpapahayag ng matibo ang isang First Castillion.
Mas mahal pa n'on ang libro at unan niya kaysa sa akin. Minsan nga nahiling ko na sana isa nalang akong libro o unan para mapansin niya ako. Malalim akong napabuntong hininga.
"Ma'am parang ang tanda tanda niyo na kung magbuntong hininga ha? May problema ba?" Napanguso ako dahil sa sinabi ni Mang Beto, ang family driver namin.
"Gusto ko na nga pong maging dalaga para naman mapansin na ako ni First, ayaw niya kasi sa bata. Hindi na naman ako bata e."
Tumawa si Mang Beto, "Wag kang magmadaling tumanda darating din 'yon. Hindi dapat minamadali ang pag-ibig, iha. Sa edad mong seventeen dapat ini-enjoy mo ang kabataan mo." Mas lalo lang akong napasimangot sa payo niya.
"Matanda na po ako," aniya.
"Pero mas matanda pa rin po sa inyo si First, mahal na prinsesa."
Biglang nag-iba ang mood ko dahil sa sinabi niya. Kapag iyon ang pinag-uusapan nakakaramdam agad ako ng inis. Hindi ko mapigilan.
Pinili ko nalang na manahimik, ibinaling ang atensyon sa labas ng bintana. Ayoko ng magsalita kung edad ang pag-uusapan.
"Pasensya ka na iha sa sinabi ko," hinging paumanhin niya. Napansin siguro ang pagsimangot ko.
"Pasensya na rin po alam niyo naman pong wala akong ibang gusto kung hindi si First diba?" Tumango ito. "Ayoko pong binabanggit ang tungkol sa edad dahil parang sinasabi niyong hindi kami pwede."
Ngiti nalang ang isinagot niya. Ilang sandali pa ay naging maaliwalas na ulit ang mood ko dahil tanaw ko na ang malaking bahay ng mga Castillion. Makikita ko na ulit ang First Castillion ko. Wala pa man ay kinikilig na ako.
"Nandito na tayo." Napapalakpak ako ng ihinto na ni Mang Beto ang sasakyan pagkatapat sa gate.
"Mang beto pakisundo nalang po ako after lunch ha?" sabi ko. Kinuha ko ang dalawang paper bag at isinuot ang Hermes purple sling bag ko.
Mabilis akong tumakbo papasok. Binabati ako ng mga guard at mga katulong na nakakasalubong ko at nginingitian ko naman sila. Kilalang kilala na ako dito kaya hindi na kailangang magpaalam para makapasok.
"Napakagandang bata talaga."
"Ang cute niya sa purple bag niya."
"Prinsesa ang dating ng batang ito."
"Salamat po," masayang sigaw ko sa lahat. Napabungisngis ako ng sa wakas ay makalapit na ako sa main door.
"Hi, Kuya Second," masiglang bati ko ng buksan niya ang pinto. Nakatingala ako sa kanya dahil sa halos six feet niyang taas.
"Oh, princess, tumakbo ka na naman ano?" Tumango ako. Napasimangot dahil kinurot niya ang pisngi ko.
"Kuya Second naman, masakit kaya. Baka masira ang mukha ko ayaw pa naman ni First sa pangit."
"Ikaw talagang bata ka sa akin may kuya tapos kay kuya, First lang tawag mo, gumalang ka nga," pang-aasar niya kaya mas lalong nalukot ang mukha ko.
"Ayoko siyang tawaging kuya dahil magiging asawa ko siya. Ikaw naman dapat may kuya dahil magiging bayaw kita," katwiran ko.
Napabumunghalit siya. Palagi niya nalang akong pinagtatawanan.
"Diyan ka na nga." Inirapan ko siya at iniwan na namumula sa kakatawa. Nakakainis!
Pumasok na ako sala at agad hinanap ang taong pakay ko.
"Good morning mga gwapo," sigaw ko. Nanonood sila ng T.V na magkakapatid except kay kuya Second na hindi pa rin siguro natapos sa kakatawa sa labas.
"Ano ba ang tinis ng boses mo," angal ni Seven. Bunso sa pitong magkakapatid magkakapatid. He's twelve years old. Limang taon ang tanda ko sa kanya.
"Tumahimik ka hindi ka naman kasali sa mga binati ko. Sabi ko mga gwapo, gwapo ka ba?" Inirapan ko siya at inirapan niya rin ako. Parang bakla.
"Purple brat," asar niya. Binelatan ko.
"Pitong bansot."
Nagtawanan ang mga kuya niya maliban kay First ko na busy sa pagbabasa ng libro na parang may sariling mundo. Ang gwapo niya talaga kahit nakaside view, ang tangos ng ilong tapos ang pouty ng lips at mapula.
"Yuck, para kang manyak sa kanto kung makangisi," singit ni Seven. Mukha talaga siyang nandidiri pero wala akong pakialam sa bansot na ito.
Nakangiti akong kumaway kay Kuya Third, Kuya Fourth, Kuya Fifth at Kuya Six. Tumango sila sa akin at nakangising itinuro si First ko. Sanay na sila sa akin at kapag asar sila sa katahimikan ni First ko ako ang tinatawag nila para bulabugin ito.
"Pumunta na naman siya dito para guluhin ang buhay ni kuya," bulong pa ni Seven. Hindi ko siya pinansin kahit nakakainis siya. Naglakad ako papunta sa pwesto ni First ko. Kahit kailan talaga papansin ang bansot na ito.
Bansot ang tawag ko kay Seven dahil sa pitong magkakapatid siya ang pinakamaliit. I know normal iyon dahil siya ang bunso pero mas mataas ako sa kanya ng konti. Nasa likod na ako ng gwapo kong future hubby syaka ko siya dinamba ng yakap mula sa likod.
"Happy weekend First ko," malambing kong bulong sa kanya. Mabilis kong hinalikan ang leeg niya dahilan para mapasigaw ito. "Mikaela." Bumungisngis lang ako, ang cute niya kasi.
"Ang bango mo," biro ko pa sabay peace sign dahil ang sama talaga ng tingin niya sa'kin.
Bumalik siya sa pagbabasa, hindi na ulit ako pinansin tulad ng lagi niyang ginagawa pero dahil ako si Mikaela Michel hindi ako tumigil sa pangungulit at wala akong balak na tigilan siya.
Umakyat ako sa likod ng couch para mapunta sa harap niya. Medyo may kataasan kaya tumaas ang laylayan ng dress ko hanggang sa dulo ng hita ko at bumagsak ako sa tabi niya.
"Umayos ka nga parang hindi ka babae," madiin ang mga salita nito. Lagot galit na talaga siya.
Pabalang niyang hinila pababa ang dress ko at inis na bumalik sa pagbabasa. Kapag ganyan siya alam kong gusto na niya akong sakalin.
"Sorry na." Ngumuso ako para magpacute pero tulad ulit ng dati wala siyang pakialam. "Ito oh may gift ako sa'yo." Iniabot ko sa kanya ang dalawang paper bag pero hindi niya pinansin.
Napakamot nalang ako sa pisngi ko. Inilabas ko ang dalawang unan mula sa paper bag na ang print ay picture naming dalawa. Kuha ito n'ong beach party ng family namin last week kasama ang mga pamilya nila.
Nakasimagot siya sa picture habang ako kulang nalang mapunit ang labi kakangiti habang yakap siya sa bewang. Nakasando siyang kulay itim at swimming short samantala ako nakaone piece na pinatungan ng short. Kulay itim din ang suot ko dahil ginaya ko sya para soulmate kami. Hindi nga sana siya papayag na magpapicture kasama ako kung hindi lang siya sinabihan ni Daddy.
"Ito palagi ang gamitin mo ha? Meron din ako nito sa bahay para may couple pillow tayo," masayang sabi ko. Itinataas ko ang ulo niyang nakasandal sa couch at doon inilagay ang isang unan para iyon ang higaan niya.
"Ayan para hindi mamanhid ang batok mo." Mag-isa lang akong nagsasalita, siya nakatuon lang ang atensyon sa libro. Parang hindi buo ang araw niya kapag hindi niya agad 'yon natapos.
Napabuntong hininga nalang ako na niyakap ang isa pang unan. Agad nawala ang bigat ng kalooban ko sa hindi niya pagpansin sa akin dahil sa larawan na nasa unan. Parang tanga ko iyong tinitigan habang ngingiti ngiti.
"Bakit ang gwapo gwapo mo kahit nakasimangot? Ang macho macho mo pa. Kapag asawa na kita naku, naku, kakagatin talaga kita para sulit naman ang pagtiyatyaga ko sa kasungitan mo," pabulong kong pagkausap sa picture. Nanggigigil kong hinalik halikan pero dahil naiinis na naman ako kinagat ko na ng tuluyan.
"What are you doing, Mikaela?" Napaigtad ako dahil sa pagsasalita ng gwapo kong katabi. Naniningkit sa inis ang kanyang mga matang nakatingin sa unan na kagat ko. Mabilis kong inalis ang mga labi ko doon at mariin na kinagat para pigilan ang kilig. Bakit ba? Kinikilig ako dahil kinausap niya ako kahit pa nakasimangot atleast pinansin niya ako. Bilang lang sa mga daliri ko sa kamay ang kausapin niya.
"Ano kasi--ang gwapo mo dito nanggigil ako." Umiwas ako ng tingin para hindi niya makita ang pamumula ng mukha ko. Kinurot kurot ko pa ang ibabang labi para mabawasan ang kilig.
"Go home," seryoso niyang utos, napasimangot ako pero tumayo na rin.
Lahat naman ng utos niya sinusunod ko kahit ayaw ko basta huwag lang ang layuan at tigilan siya dahil kahit anong taboy niya sa'kin hindi ako titigil. Para niya na ring sinabing huwag na akong huminga.
"Babalik nalang ako bukas after school." Nakangiti kong sabi sa kanya at mabilis na inayos ang gulo niyang buhok. Ang gwapo niya talaga.
"May pasok ka bukas Princess? I thought start na ng summer vacation niyo," tanong ni Kuya Fifth, sandali akong bumaling sa kanya.
"Start na nga po pero gusto ko pong mag-apply ng summer class para maging advance ako sa mga schoolmates ko."
"Hindi ka ba nagsasawa sa kakaaral?"
"Nope, para sa future namin ni First ko 'yon e."
Nagtawanan na naman sila at nagkantiyawan. Pinigil ko ang ngiti ko dahil ramdam ko ang matalim na tingin na ipinupukol sa'kin ni First ko. Bago pa man niya ako mapagalitan sa kakulitan ko mabilis na akong tumalikod at lumabas.