ILANG BUWAN ANG matuling lumipas. Nasa labas pa lamang ng bahay si Isabelle pero alam na niyang wala roon ang ina. Saan nanaman kaya nagpunta ito? Nang makapasok siya ay nabungaran niya si Tomas na nakahilata sa maliit na sofa na yari sa bamboo at nanonood ng TV.
Nang makita siya nito ay nagsalita ito ngunit hindi inalis ang tingin sa pinapanood mo. “Bakit ang tagal mo? Kanina pa kitang hinihintay, ah! Bilisan mo, ipaghanda mo ako ng pagkain nagugutom na ako.” utos nito sa kaniya.
Hindi maiwasan hindi mainis ni Isabelle. Kung makautos ito sa kaniya akala mo ay pinapasahuran siya at amo niya ito. Kung tutuusin, sakanilang tatlo ay siya ang naghahanap buhay sakanila, kasi siya naman ang nagtitinda sa palengke. Ni bawal nga siya magkasakit, kasi walang aasahan sa ina niya. Tulad ng ina, palamunin din pala ang nakuhang asawa nito. Batugan at wala yatang pangarap sa buhay. Wala itong trabaho at may bisyo pa. Pala-utos pa. Hindi na nga alam ni Isabelle kung kailan matatapos itong delubyo ng buhay niya.
Dahil hindi na siya nakatiis, at talagang naiinis siya kay Tomas ay sinagot niya ito. “Bakit naman hinintay mo pa ako? Alam mo namang galing pa akong palengke. Pwede namang ikaw ang magasikaso ng pagkain mo kung nagugutom ka na. May pagkain naman sa kusina,”
Nagulat ito sa pagsagot niya. Unang beses lang kasi siya nagtapang na sumagot lalo na’t wala ang ina. “Lakas ng loob mong sagutin ako ha? Matapang ka na? Bakit, dahil wala ba si Layla o dahil sa boyfriend mong si Greg?” nakangising tanong nito.
Kakadalaw lang ulit kasi sa kaniya ng binata. Pero magkaibigan lang talaga sila. “Ang akin lang naman ho, sana hindi niyo na ako hinintay. Hindi niyo ba naisip na pagod din ako? Samantalang wala ka namang ginagawa dito, pwede mong pagsilbihan ang sarili mo,”
Inis na tumayo ito at lumapit sa kaniya. Hinaklit siya ng mariin sa braso. Napapiksi siya sa sakit, at pakiramdam ay magkakapasa siya dahil doon. “Wala kang karapatang sagut-sagutin ako ha? Sino ka ba sa akala mo? Nagyayabang ka purque ikaw ‘yong nagtatrabaho? Ano bang pinagmamalaki mo, ang pagtitinda sa palengke?” tila demonyong ngumisi ito.
“B-Bitawan mo ako,” natatakot na sabi niya.
“Sige, hindi ko isusumbong kay Layla ang pagsasagot-sagot mo sa akin. Basta ba, pagbibigyan mo ako…” at malisyosong tinignan nito ang buong katawan niya. Pinagapang nito ang isang kamay sa braso niya. Nanginig sa takot si Isabelle. Hindi siya tanga, ramdam ni Isabelle ang malisyosong tingin na binibigay sa kaniya ni Tomas simula noong una pa silang nagkita. Dangan lamang ay ayaw naman niyang mag-assume, at wala naman itong ginagawa sa kaniya. Isa pa, alam niyang hindi maniniwala sa kaniya ang ina at siya pa ang lalabas na masama. Bakit hindi, patay na patay ito kay Tomas. Halos sambahin na nito ang lalaki.
“Huwag kang magalala, hindi malalaman ni Layla ‘to…” mabuway na sabi nito.
“Bitiwan mo ako! Ano ba!” malakas na pumiglas si Isabelle mula sa pagkakakorner nito sa kaniya.
Pero dahil sadyang mas malakas at malaki si Tomas ay nagawa nitong iyuko ang ulo sa mukha niya at halos tumama ang labi nito sa pisngi niya. Nanginig na sa kaba at takot si Isabelle. Kung hahayaan niya ito, alam niya ang magiging kahahantungan niya! At hindi siya papayag!
Naiyak siya sa sitwasyong dinadanas. Ano ba ang naging kasalanan niya bakit kailangan maging ganito ng buhay niya? Pero kailangan niyang magpakatatag! Malakas na tinuhod niya ito sa pagitan ng hita nito at nabitawan siya, napaigik ito sa sakit habang sapo-sapo ang kaselanan. “Punyeta ka talagang babae ka!” galit at gigil na sigaw ni Tomas sa kaniya.
Mabilis na pumasok siya sa kwarto ng ina at nilock iyon. Hinarangan niya pa iyon ng cabinet.
Nang mapagisa siya sa kwarto, doon bumuhos ang mainit at masaganang luha niya. Awang awa sa sarili. “Greg…” sambit niya sa pangalan ng binata sa pagitan ng paghikbi.
~
KINABUKASAN, habang nasa palengke sila ng ina ay sinubukan ni Isabelle sabihin sa ina niya ang nangyari kinagabihan. Ang maitim na balak sa kaniya ni Tomas. Pero tulad ng inaasahan niya, hindi ito naniwala sa kaniya. Sinampal siya nito sa harap ng maraming tao at hindi pa ito nakuntento at nginudngod pa ang mukha niya sa mga isda. Galit na galit ito sa kaniya at sinabing nilalandi niya ang asawa nito.
Kung hindi lamang may mga mabubuting loob at mga kapwa tindera at tindero ang umawat sa ina niya, malamang Hospital ang abot niya sa pananakit nito. Nagwalk-out ang ina at alam niyang umuwi na. Siya naman ay naiwan sa pwesto nila nang umiiyak.
Awang awa sa kaniya ang mga naging kaibigan na ring tindera. Niyakap pa siya ng isa. “Grabe talaga ‘yang nanay mo, Isabelle. Hindi na naawa sayo. Aba, ikaw na nga ang naghahanap buhay sainyo. Ganyan ka pa tratuhin? Anak ka ba talaga niya?” napailing pa na komento nito.
“Kung may maitutulong lang kami, Isabelle. Kung may pera lang sana kami, kami na ang kukupkop sa’yo. Walang kwenta ‘yang ina mo. Ngayon lang ako nakakita ng ina na kayang pagbuhatan ng ganoon ang sarili niyang anak. Napakaswerte niya sayo. Napakabait at masipag kang anak.” sabi naman ng isa roon.
Naluha siya hindi dahil sa mga sinabi ng mga ito, kundi ang realisasyong kahit ibang tao pala ay nakakapansin sa ibang pakitungo sa kaniya ng ina.
“Sigurado ka bang ayos ka na, hane? Si Beth nalang muna pagtatauhin ko sa pwesto mo. Tignan mo itsura mo, namamaga ang bibig mo at mata mo,” concern na sabi ng isang matandang tindera.
Pinunasan niya ang luha at sipon gamit ang damit. “H-Hindi na ho, okay na ho ako. Salamat ho. Pasensiya na sa istorbo,” nakayukong sabi niya.
Naiiling na lang ang mga ito sa kaniya.
~
ILANG LINGGO ulit ang lumipas. Hindi na nagparamdam si Greg sa kaniya simula noong dumalaw ito sa kaniya na nakita ni Tomas. Nagaalala na si Isabelle sa binata kung napaano na ito. Alam niyang hindi natitiis ng binata na hindi siya dalawin. At nakakapagtakang ilang linggo na itong walang paramdam.
“Hinihintay mo ba ang boyfriend mo? Naku! Huwag ka nang umasa. Hindi na ‘yon pupunta. Pinagsabihan ni Layla. At isa pa, huwag ka ngang ambisyosa. Ano naman ang akala mo? Seseryosohin ka ‘non? Ang yaman yaman ‘non. Langit ‘yon, at hanggang ‘dyan ka na lang. Huwag mo nang pangarapin ‘yon. Malamang ang mga babaeng nababagay sa kaniya eh ‘yong mga kaklase niya sa University at may sinasabi sa buhay.” Nakangising sabi ni Tomas sa likuran niya.
Kahit na kailan, demonyo talaga ito. At anong sinasabi nitong pinagsabihan ni Layla si Greg? Kinabahan siya dahil doon.
“Oh, huwag kang magalit sa akin. Nagsasabi lang ako ng totoo. Alam mo kaysa hinihintay mo ang prinsipe mo, bakit hindi nalang tayo magpakasaya? Sigurado naman akong nagamit ka na ‘non. Kung hindi, hindi ‘yon babalik balik dito. Sayang naunahan niya ako, pero pwede na rin.” naramdaman ni Isabelle ang init ng hininga nito sa mukha niya.
Naalarma siya at muling lumukob sa kaniya ang kaba. Napaurong siya ng lakad. “L-Lumayo ka sa akin, Tomas…” hinatakot ang mukhang sabi niya.
Ngumisi ito. “Kung noon nagawa mo akong takasan, ngayon hindi na. Wala si Layla, hindi ‘yon uuwi ngayon. Kaya solong solo kita,” tila aabot yata sa tenga nito ang ngiti nito.
“Isusumbong kita s-sa kaniya!”
Napahalakhak ito. “Ginawa mo na ‘yan, naniwala ba siya? Bugbog nga inabot mo hindi ba? Patay na patay sa akin ang ina mo kaya mas paniniwalaan niya ako,” hinaklit nito ang bewang niya papalapit sa katawan nito.
Sumaklaw sa kaniya ang kakaibang galit. “Napakahayup mo!”
Ngumisi lang ito. “Matagal na. At huwag ka na ngang maarte, mag-e-enjoy ka rin naman,” yumuko ito sa kaniya at pilit na hinahalikan siya sa leeg pero tinataboy niya ng maigi ang mukha nito. Sinubukan niya ring kumalas sa pagkakahawak nito sa bewang niya.
“T-Tulong…! Tulong!” sigaw niya na parang pinipilipit.
Tumawa lang ito ng pangdemonyo. “Wala nang makakapigil sa plano ko ngayon sa’yo, Isabelle.”
Muli itong yumuko at lumapat ang labi nito sa pisngi niya. Iyon ang naabutang eksena ni Layla. Sa galit nito ay malakas na hinablot nito ang buhok ng anak at pinagsasampal.
Pilit na nagpapaliwang si Isabelle, ngunit bingi ang ina sa galit at inggit. Tila hindi na ito ang ina niya. Demonyo na ang nakikita ni Isabelle sa sariling ina! Wala itong sawang sinaktan siya. Tinanggap nalang ng murang katawan ng dalagita ang lahat ng pananakit na iyon, nakahiga siya sa semento at nakatulala na lamang sa kalangitan. Umaagos ang mainit na luha.
“Malandi kang babae ka! Haliparot! Asawa ko na inaagaw mo pa!” ang huling dinig niya na sabi ng ina bago siya nito tinantanan. Halos hindi na makatayo si Isabelle sa sobrang sakit ng katawan niya.
Nang makakita siya ng salamin ay dumoble ang paghagulgol niya dahil halos hindi na niya makilala ang sarili sa salamin. Gulo-gulong buhok, may black eye, namamagang mata, duguang ilong at putok na labi. Kulay violet na rin ang mukha niya. Maraming galos, kalmot at sugat ang buong katawan.
Nanghihinang napadausdos na lamang siya sa pader at umiyak ng umiyak.
~
KINABUKASAN, INAAPOY ng lagnat si Isabelle pero maaga siyang ginising ng ina. Tumayo siya at naghanda ng dadalhin papuntang palengke. Pero pinigilan siya ng ina. “Bitawan mo na ‘yan, hindi tayo pupuntang palengke,” mahinahon naman ang boses nito na labis niyang pinagtaka.
Hindi na lamang siya kumibo at sumunod dito hanggang sa sumakay sila ng tricycle papuntang bayan. Kasama nila si Tomas.
Nabuhayan ng loob si Isabelle sa pagaakalang ipapagamot siya ng ina. Humantong sila sa isang bungalow na bahay sa bayan ng San Vicente.
Nagdoor bell ang ina sa bahay. Hindi naman nagtagal ay may lumabas na matabang bakla na tingin niya ay mas matanda lang ng kaunti sa ina niya.
“Siya na ba? Bakit ang pangit? Akala ko ba maganda?” tanong nito sa ina niya.
“Papasukin mo muna kami,”
Pinaunlakan nga sila nito sa loob. Maayos naman ang bahay nito. “Maganda ‘yan. Ganyan lang itsura kasi nabugbog ko,” sagot ng ina.
Napayuko siya. Hindi alam ano ang pinaguusapan ng mga ito.
“So, ako pa ang lugi? Kasi ipapagamot ko pa?” taas ang kilay na sabi uli ng bakla.
“Hems, huwag ka ngang maraming nirereklamo. Sinasabi ko sa’yo, tiba tiba ka ‘dyan kapag gumaling na ‘yan. Isa pa, mahal ang presyo ng birhen.” nakangising sabi ng ina.
Pinanlamigan ng kamay si Isabelle sa narinig. “Nay…?”
Hindi ito tumingin sa kaniya. “O sige, kung wala nang magiging problema pwede niyo na siyang iwan dito,”
“Ho?!” nanlalaki ang mga matang sabi niya.
Tinaasan siya ng kilay ng bakla. “Hindi ba nasabi sa’yo ni Layla? Ibinenta ka na niya sa akin, at magtatrabaho ka na sa club ko.”
Tinakasan ng kulay si Isabelle sa narinig at napatingin sa ina. Niyakap niya ito ng mahigpit at lumuhod. “Nay, huwag niyong gawin ‘to sa akin. Please, nakikiusap ako. Kahit ano ipagawa niyo sa akin, ayos lang. Kahit saktan niyo pa ako lagi, nay. Maaawa kayo sa akin.” luhaang pakiusap niya.
“Ah! Tigilan mo ako sa ganyan mo, hindi ako naaawa sa’yo. Dapat nga lang ‘yan sayo. Malandi ka kasi. O ‘dyan mo ilabas ang kalandian mo. Atsaka isa pa, ang laki ng bayad sa akin ni Hems para tumanggi pa ako ‘no? O siya, salamat naman at hindi na kita makikita pa.” tumalikod na ito.
Hindi na mabilang ni Isabelle kung ilang beses siyang nakiusap, maging si Tomas ay nilapitan niya pero ngumisi lang ito ng demonyo sa kaniya. “Tutal hindi ko rin naman mapakinabangan ang katawan mo, mabuti pang pagkakitaan ka na lang namin,”
Nang tuluyang umalis na ang mga ito ay tila wala nang maramdaman pa si Isabelle. Tila naging bato na ang pakiramdam niya. Wala na siyang ibang maramdaman kundi poot at galit.