TBND - 1
Nalikha ang story na ito habang nasa Angeles Pampanga ako at may isang lugar doon na nakakalungkot para sa mga kababaihan. Pagkauwi ko ng Maynila, sakay ng LRT ay nagsosoundtrip ako. At ang kanta ay ang Magda ni Gloc 9. Napakaganda ng mensahe ng kantang ito kaya naman naisip ko na gumawa ng istoryang kapaloob ng kantang ito. Ngunit sa istorya ito, ay ibibigay ko ang gusto kong ending ng kantang 'yon.
Avenue Hotel - Childhood memories, nakatira kami sa 12th Avenue. May Hotel doon na sa harapan eh nagtitinda ng mga hotdog sandwich at malamig na gulaman. Lagi kaming tambay ng bestfriend ko doon bago sumakay sa Jeep (college days).
Ang aking storya ay gawa sa aking imahinasyon. Ang plot, mga susunod na senaryo, mga lines o dialogue ay mula po saakin. Any resemblances to other stories, movie, tv show, telenovelas is purely coincidental.
••••
“MGA SUKI, bangus, tilapia bili na kayo! Sariwang sariwa pa!” Malakas na sigaw ni Isabelle sa mga taong dumadaan.
Hindi naman siya nahirapan makakuha ng atensyon ng customer dahil bukod sa umaga pa at dagsa ang tao, magaganda ang huli ng isda ngayon. Nakangiting tinanong ng aleng lumapit sa kaniya kung magkano ang kilo ng bangus. Naging busy siya, at halos wala nang pakialam sa itsura kung pawisan man at nagmamantika na ang mukha niya.
Dumaan si Aling Martha na isa sa mga pinakasuki niya. “Magandang umaga, Isabelle. Maaga tayo makakaubos ng isda ngayon ha? Bigyan mo ako ng 2 kilong bangus,” nakangiting sabi nito.
“Kayo ho pala, Aling Martha. Kamusta po kayo?” tanong niya habang nililinis at kinakaliskisan ang isda.
“Ayos naman. Kailan ka ba dadalaw sa bahay? Hindi na kayo nakakapagusap ng anak kong si Greg ha,” dagdag pa nito. Pagkarinig sa pangalan ng kababata ay agad na namula ang dalawang pisngi niya. Yumuko siya para itago ang hiyang iyon. May lihim siyang pagtatangi sa kababata. Bukod kasi na sa gwapo ito, mabait pa at lagi siyang inaalala. Kahit malayo ang agwat nila sa buhay at mayaman ito, hindi naging sapat iyon para hindi siya nito kaibiganin. Hindi ito matapobre. Ito rin ang madalas na tagapagtanggol niya.
“Pasensya na ho, Aling Martha. Medyo busy lang ho,” kiming sagot niya sa matanda.
Tumingin ito sa likuran niya at umismid. Lumapit ito sa kaniya at binulungan siya. “Busy? Bakit parang ikaw lang ang busy? Tignan mo ‘yang magaling mong ina, babad sa cellphone. Hinahayaan ka lang na ikaw ang magtinda dito lahat. Reynang reyna ang datingan,” bakas ang pagkadisgusto nito sa ina niya.
Mapait na napangiti na lang siya. Sa totoo lang ay katotohanan ang sinasabi ng ginang. Sinasamahan man siya ng ina sa pwesto nila sa palengke, pero nungkang tinulungan siya nito. Gawain niya lahat, mula sa pagsasalin ng isda sa batya, paglilinis ng isda at pagtitinda sa customer. At ang ina niya ay nagcecellphone lang magdamag, ang tanging trabaho lang nito ay bantayan siya at ito ang kumukuha ng bayad ng customer -- sinisiguradong hindi siya makakakupit. Na siyang hindi naman talaga niya gawain.
“Pagod ho kasi ang inay,” tanging rason na lang niya kahit alam niya ring hindi totoo. Kahit hanggang sa bahay, donyang donya ang ina at wala itong inaasikaso. Sa murang edad niya ay natuto na siya lahat sa gawaing bahay at siya ang nagasikaso ng lahat. Minsan nga gusto na niyang isiping hindi anak ang turing sa kaniya ng ina niya, kundi isang katulong.
Umismid uli ang ginang. “Duda ako sa sinasabi mo, Isabelle. Pagod? Mukha bang pagod ‘yang ina mo? Napakaswerte niya at nagkaroon siya ng anak na tulad mo, napakasipag, mabait at mapagmahal. Bakit kasi hija, hindi mo nalang ako hayaan na tulungan ka? Kukupkupin kita. Alam mo namang hindi ka na iba sa akin, isa pa, magkasundo kayo ng anak kong si Greg. Bakit mo tinitiis ang trato sa’yo ng ina mo?” bakas ang concern sa tinig nito pero mahina lang dahil baka marinig pa sila ng ina niya.
Minsan nangangati na siya na tanggapin ang inaalok ng matanda. Pero naiisip niya, silang dalawa na lamang ng ina sa buhay at hindi niya ito dapat talikuran. “Huwag ho kayo magalala sa akin, Aling Martha. Ayos lang ho ako,” pinilit niya ngumiti at inabot dito ang isda.
Bumuntong-hininga naman ito at nagabot sa kaniya ng bayad. Bumulong pa ito uli at inipit ang isang daan sa garter ng short niya. “Tip mo na ‘yan, para may pera ka naman kahit papano. Alam ko kasing hindi mo tatanggapin kapag nagbigay ako ng malaki,” tinanguan siya nito at umalis na.
Gusto namang maiyak ni Isabelle sa ginawa ng matanda. Hindi nito alam kung gaano kahalaga sa kaniya ang binigay nitong pera. Kahit papaano, makakabili siya ng pagkaing gusto niya. Sa bahay kasi, lagi siyang tinitipid ng ina sa pagkain at sa dami nitong pinapagawa at inuutos, ay mabilis siyang mawalan ng enerhiya at mabilis magutom.
“Akin na ‘yong binigay ni Martha sa’yo. Ano’ng akala mo sa akin, tanga? Alam kong may ibinigay siya sa’yong isang daan. Akin na,” aburidong wika ng ina.
Nanlaki ang mga mata niya. “Pero ‘nay--”
Pinanlisikan siya nito ng mata. “Kapag sinabi kong akin na, akin na. Hindi ka ba nakakaintindi o sadyang boba ka?”
Mabilis na naginit ang paligid ng mata niya. “Patago tago pa kayong nalalaman. At ikaw, wala kang karapatan magkapera. Tandaan mo ‘yan.” Kinuha ng ina niya ang isang daan na nakaipit sa garter ng short niya at umupo ulit at nag cellphone. “Bilisan mo paubusin ‘yan, gusto ko nang umuwi at nagugutom na ako. Magluto ka agad paguwi natin. At mamayang gabi may lakad ako, kaya kailangan mong labhan ‘yong dadamitin ko,”
“Opo ‘nay,” tanging nasagot na lamang niya.
~
MAAGA namang naubos ang paninda ni Isabelle. Siguro, mabait pa rin talaga sa kaniya ang Diyos dahil hindi na siya nito hinayaan na magtagal pa roon sa palengke upang mabenta ang isda nila. Bukod pa roon, ang dalagitang si Isabelle ay likas na may angking kagandahan na siyang nakakapukaw sa interest ng mga mamimili.
Pagkauwi sa bahay ay agad na dumaretso ng pasok ang ina sa kwarto nito. “Magluto ka ng masarap, at bilisan mo. Gisingin at katukin mo nalang ako kapag nakahanda na ang pagkain.” dagdag pa nito at isinara na ang pinto.
Sa maliit nilang bahay na iyon ay mayroon lang isang kwarto, ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi siya pinapayagang makishare roon ng ina. Kaya sa sala siya natutulog gamit ang banig. Wala namang problema roon si Isabelle.
Sakabila ng pagod ng dalagita, maliksi at mabilis ang kilos na naghanda siya ng makakain. Naghanda siya sarciadong tilapia, dahil iyon na lamang ang pwede niyang lutuin. Sa edad niyang kinse anyos, ay masasabi niyang wala na nga yatang hindi niya kayang gawin. Nang matapos magluto ay kinatok na niya ang ina sa kwarto at sinabing kakain na.
Akmang naghahanda siya ng dalawang plato para sakanila nang makita niyang tumaas ang kilay ng ina sa kaniya. “Oh, bakit dalawa ‘yang plato na hawak mo?”
“Po? K-Kakain po ako, nagutom po kasi--”
“Wala akong pakialam, hindi ba’t sinabi kong labhan mo agad ang damit ko? Gagamitin ko na ‘yon mamayang gabi!” malakas na sigaw nito.
Napalundag ang dalagita at napayuko. “S-Sige po ‘nay, ipaghahanda na lang po muna kita.” Kumilos ang dalaga papunta sa ina at nagsandok ng kanin.
Nang buksan nito ang nakatakip sa ulam ay nagalboroto nanaman ito. “Punyeta! Bakit isda ang niluto mo? Tanga ka ba talaga? Sawang sawa na ako sa isda! Iyon na ang paninda natin hanggang kakainin ‘yan pa rin? Alam mo ikaw? Napakatonta mo!” dinuro nito ang ulo niya.
Hindi napigilan ni Isabelle ang mapaiyak. “P-Pasensiya na po ‘nay. K-Kasi wala na hong ibang maluluto--”
“Wala akong pakialam! Sana gumawa ka ng paraan. Alam mo ikaw? Wala ka talagang utak e, ‘no? Ewan ko nga ba bakit nagaaral ka pa ng highschool eh lalaki ka rin namang alipin at tanga? Umalis ka na nga sa harapan ko bago pa magdilim ang paningin ko sa’yo! Layas!” sigaw nito sa mukha niya.
Nakipkip ng dalagita ang dibdib at humahangos na pumuntang bakuran. Doon siya umiyak ng umiyak. Ramdam niya ang bigat sa dibdib at paginit ng paligid ng mata niya. Hanggang ngayon, hindi niya rin alam kung bakit labis ang galit sa kaniya ng ina at kailanman hindi siya tinuring na anak o tao. Hayop ang tingin nito sa kaniya. Alam niyang siya ang sinisisi ng ina kung bakit hindi ito nakapagabroad, nagbuntis kasi ito sa kaniya. Bukod pa roon, siya ang habang buhay na nagpapaalala sa sakit ng nakaraan nito. Isang Canadian ang ama niya na kailanman ay hindi niya nakita. Nang malaman ng ama niya na nabuntis nito ang ina niya, ay iniwan ito at hindi na nagpakita pa. Itinakwil ng pamilya ang ina niya at halos lahat ay nawala rito. Kaya alam niyang malayo ang loob nito sa kaniya at hindi siya matanggap. Marami kasing nagsasabing kamukhang kamukha niya ang ama. Pero ang hindi niya maintindihan, bakit kailangan niyang madamay sa kasalanan ng ama niya? Wala naman siyang kasalanan. Bakit hindi siya kayang mahalin ng ina niya? Mabuti naman siyang anak at hindi maluho o mapaghanap sa buhay. Kontento na siya kung ano ang kayang ibigay na buhay sa kaniya, pero bakit hindi niya makuha ang inaasam asam na pagmamahal?