Isang lingo na ang nakalilipas mula no’ng mangyari ang kadramahan namin ni Dred. So far, wala pa naman siyang paramdam ulit sa akin. Mabuti na rin iyon at least peaceful life ako ngayon. Walang praning na ex na nanggugulo.
“Playmate, off mo na bukas ‘no?” tanong ni Ayen sa akin.
“Oo playmate bakit?” balik tanong ko sa kaniya.
“Wala naman, mami-miss lang kita,” nakalabing saad niya sa akin.
Natawa naman ako sa inasal niyang iyon. Akala mo naman matagal kaming hindi magkikita eh, isang araw lang naman iyon. Ayyy mali! Dalawang araw pala kasi pagkatapos ng off ko, siya naman ang off.
“Okay lang iyan playmate, minsan hiwa-hiwalay rin tayo at baka magkapalit na tayo ng mukha,” bumubungisngis kong saad sa kaniya.
“Naku, naku kayong dalawa akala mo naman mangingibang bansa si Angie. Haller?! Ang drama-drama niyong mag-playmate!” singit ni Kuya Raffy na nakasilip sa maliit na bintana sa bandang dishwashing area.
Nilingon namin siya ni Ayen, saka kami lumapit sa kinaroroonan niya, at doon na gumawa ng mga mis-en-place namin.
“Alam mo kasi Kuya Raffy, nasanay na kami ni Ayen na magkasama. Kulang na nga lang magsama kami sa iisang bahay eh,” sagot ko kay Kuya Raffy.
“Ewan ko sa inyong dalawa. Pero maiba tayo, kumusta ka naman na?” pag-iiba ng usapan ni Kuya Raffy.
Hindi naman sa tsismoso si Kuya Raffy, pero parang ganoon na nga. Ehehehe, joke lang po. Si kuya Raffy ang isa sa mga malalapit kong kaibigan sa trabaho. In fact, magkumpare nga kami eh. Inaanak ko kasi ang isa sa mga anak niya.
“Okay naman ako Kuya. Free like a bird!” tugon ko sa kaniya.
“Talaga ba?” paniniguro pa niya sa akin habang nakangisi.
“Yes, Kuya sure manure!” pabiro ko pang sagot sa kaniya.
“Huwag mo nang usugin Kuya Raff. Baka mamaya maging hindi okay iyan, lagot ka!” sabad naman ni Ayen.
“Ayyy, oo nga ‘no?” Tinakpan pa ni Kuya Raffy ang kaniyang bibig. “Erase, erase, erase na,” dugtong pa niya habang ikinukumpas ang mga kamay na parang nagbubura.
“Hayyy naku! Okay na nga ako! Promise!” itinaas ko pa ang kanang kamay ko para manumpa sa harapan nila.
“Oo na playmate, naniniwala naman kami sa iyo. Si Kuya Raffy kasi eh!” Kunwa’y sinisisi pa niya si Kuya Raffy.
“Sorry!” nakangising sagot naman ni Kuya Raffy habang naka-peace sign.
“Werk, werk, werk na nga tayo,” sabi ko naman sa kanila sabay talikod.
Iyong totoo, I’m trying my very best to be okay. Aba hindi naman ganoon kadaling mag-move on ‘no. Hindi rin naman ordinaryong break up iyong sa amin ni Dred. We broke up as lovers and as friends. Masakit kaya iyon! Saka mahirap, lalo pa’t nawala sa isang iglap iyong friendship na inalagaan ko nang matagal na panahon. But what can I do? Ayaw niyang maging friends kami eh. Isang malalim na buntong hininga na lang ang aking pinakawalan, bago muling nagtrabaho.
Ilang oras pa kaming gumulong sa kusina ni Ayen. Kung kailan naman malapit na kaming mag-uwian, saka dumagsa ang mga Jurasic naming guests. Ang masaklap pa roon, puro special orders sila! My gulay naman talaga! Kaya nang matapos ang matinding bakbakan namin sa kusina, feeling ko na-drain ako nang husto. Nanghihina akong napasandal sa pantry area pagkatapos kong uminom ng tubig.
“Nakakapagod! Grabe sila, may mga buwaya ba sa tiyan ng mga guests natin?” komento ni Ayen nang matapos itong uminom ng tubig.
“Oo nga, baka nag-marathon sila, kaya napagod at naisipang dito kumain,” sagot ko naman kay Ayen habang ipinapaypay ang aking mga kamay sa aking mukha.
Ang init kaya sa hot kitchen. Halos hindi nga kami mag-usap ni Ayen kanina habang nagtatrabaho. Nakakaloka talaga ang mga guest namin. Nagkatinginan kami ni Ayen nang muling tumunog ang POS, tanda na may panibago kaming order. Kalahating oras pa bago matapos ang shift ko.
“Tama na!” reklamo ko nang tatlong mahahabang tickets ang lumabas mula sa machine.
“Wahhhh!!! Playmate, limang shrimp tempura salad, anim na spicy shrimp and spinach pasta, sampung chocolate french toast, dalawang chicken teriyaki rice, tatlong tonkatsu rice, at fifteen coffee parfait! Hindi sa atin iyon, kay Janice iyon. Bakit dito lumabas?” sabi ko saka ibinigay kay Ayen ang tickets.
As usual kagaya kanina, wala na naman kaming imikan pareho. Hindi ako magkandatuto sa pagpiprito ng tempura para kay Ayen, at pagsalang ng mga rice plate. Inihuli ko ang french toast dahil may mga pasta at rice meal pa ako. Nang matapos si Ayen sa mga salads, tinulungan na rin niya ako sa hot kitchen. At eksaktong uwian ko nang humupa na ang giyera sa kusina.
“Playmate, ayaw ko na talaga! Out na me! Pero kung dagsain ka ulit diyan, just call my name. Kahit nakabihis na ako tutulungan kita,” hapong-hapong sabi ko sa kaniya.
“Sige na playmate. Wala naman na sigurong madaming orders. Ako nang bahala rito,” nakangiting sabi niya sa akin.
Kumaway ako saka nag-punch out. Dumiretso ako sa mini dining namin at doon naupo. Sumasakit kasi ang mga paa ko kakatakbo, paroo’t parito sa kusina. Tinanggal ko ang clog shoes ko at minasahe ang aking paa. Ahhh, heaven! Ilang minuto rin akong nanatiling ganoon saka ako nagpasyang magbihis na. Mukhang tahimik naman na sa kusina eh.
Pagkabihis ko, muli akong bumalik sa mini dining upang doon na hintayin si Ayen. Nagbukas ako ng aking cellphone at nakita kong madami-dami na naman akong messages. Pero hindi naman galing kay Dred. Galing kay pareng Smart. Ehehehehe. Wala na raw akong load. Isa-isa kong binura iyon saka muling isinilid sa aking bag. Sumandal ako sa pader at ipinikit ang aking mga mata. May kalahating oras pa naman bago mag-uwian si Ayen eh.
Nagising ako sa mahihinang tapik sa aking pisngi. Napabalikwas pa ako ng tayo na ikinatawa ni Ayen at Kuya Raffy. Nakatulog pala ako habang hinihintay si Ayen.
“Playmate, sarap?” nang-aasar na tanong pa sa akin ni Ayen.
Nginitian ko sila habang tumatango-tango bilang tugon sa tanong niya sa akin. Kinusot-kusot ko pa ang aking mga mata, saka tinakpan ang aking bibig upang humikab. Nag-inat pa ako bago dinampot ang aking bag.
“Tara na playmate. Para maituloy ko ang tulog ko sa bus,” yaya ko naman sa kaniya.
“Baka naman lumagpas ka sa bababaan mo playmate ha?” sabi naman niya sa akin.
“Eh ‘di sasakay ulit pabalik,” nakangisi ko namang sagot sa kaniya.
“Tara na nga,” natatawang sabi na lang niya sa akin.
“Sasabay na ako sa inyo at wala iyong bike ko. Pero sino ang sasabayan ko sa inyo?” napakamot sa ulong sabi ni Kuya Raffy. Sa Cubao lang kasi ito bababa dahil taga Antipolo si Kuya.
“Ganito na lang Kuya, kung sinong unang makasakay ng bus, sa kaniya ka sumabay,” suhistiyon ko sa kaniya.
“Good idea!” sang-ayon naman nito at itinuro pa pataas ang hintuturo niya.
At iyon na nga, magkakasabay na kaming naglakad patungong sakayan. Siyempre si Ayen ang unang nakasakay, kaya sa kaniya sumabay si Kuya Raffy. Hindi naman din nagtagal at may dumating na ring bus pa-Fairview. Agad akong sumakay at pumwesto sa pangatlong upuan, sa may window side. Nakakapagod talaga ngayong araw, pero carry lang, off ko naman na bukas eh. Nakangiting sumandal na ako sa upuan at hinintay ang pag-andar ng bus. Sana tuloy-tuloy na ang pag-mo-move on ko kay Dred. Ayaw ko na kasing makulong sa ala-ala niya.
Napabuntong hininga ako saka ipinikit ang aking mga mata. Alam ko namang hindi talaga magiging madali ang kalimutan ang isang taong naging parte na ng buhay mo sa mahabang panahon. Pero kailangan kong gawin iyon dahil kung hindi, ako rin ang talo sa labang ito. Ayaw ko nang makulong sa isang relasyong nakaka-suffocate. Masakit man, alam kong ngayon lang ito. Makaka-move on din ako. Hindi man agad-agad, darating din ako roon. Magkikita rin kami ni pareng move on sa finals.