Chapter 1
Prologue
“Mahal na mahal kita Angelie Gonzales. Walang sapat na salita, o depinisyon ang makakapagpaliwanag ng nararamdaman ko para sa iyo. Hindi ko rin mabibigyan ng dahilan kung bakit kita mahal. Basta ang alam ko lang mahal na mahal na mahal kita. Ikaw lang sapat na para mabuhay ako.”
Kayanin kaya nila Aga at Angelie ang mga pagsubok na darating sa kanilang relasyon? Malagpasan kaya nila ang mga problemang kahaharapin nila?
Angelie Gonzales, 25 years old, relationship status is complicated. Bakit? Eh basta complicated ‘wag kang ano riyan. Job description, currently Chief Kitchen staff in BSC.
Describe yourself: Cute… when I say cute, it means everything. Height and face value, isama mo na rin ang boses kong cute. Long hair, bilugang mata, cute na ilong, cute lips, and proportion naman ang katawan. Ayaw kong sabihing sexy, baka sabihin niyo kasi feeling ako.
I dedicate this story to my friend Mrs. Angelie Gonzales Donor. ‘Nay, this is for you. Sana po magustuhan mo ang kwento mo (hehehe). I love you.
To my readers, thank you in advance.
Love Lots,
Jersey Garielle
Chapter 1
“New order, one plain omellete, choco French toast, and frittata.” Busy kami ngayon kasi Saturday. Pero kung kailan naman mag-isa lang ako sa kusina, saka dumagsa ang orders hayst. Call ko, gawa ko rin.
“Ate Angie, okay na po ba ‘yong order ng table 101?” tanong ni Leila sa akin, siyempre hindi pa. Kaya ito na nga, iple-plate ko na nang matapos na.
“Lei, ito na. Sorry naka-break kasi si Ayen, kaya mag-isa lang ako.” Nag-dahilan pa ako ‘di ba? Eheheh…
“Okay lang po. Medyo masama lang ang ugali noong sa table 101 na ‘yon eh,” sabi naman ni Leila, at kinuha na ang order nitong pasta. Ako naman siyempre tuloy ang pagluluto.
Makalipas ang ilang sandali, sa wakas, natapos din ang walang tigil na orders. Nang bumalik na si Ayen mula sa break nito, nag-endorse lang ako, saka nagpa-alam na ako naman ang magbe-break. Opening kasi ako ngayong buong lingo, kaya ang duty ko mula six ng umaga hanggang alas tres nang hapon.
Pinauna kong mag-break si Ayen kahit na seven ng umaga naman siya pumasok. Bakit? Gusto ko lang ehehehe. Matagal-tagal na rin kaming magkaibigan ni Ayen, at palaging sabay ang duty namin. Kaya naman palagi rin kaming naghihintayan.
Nagtanggal na ako ng hairnet at apron ko, at saka nag-umpisang ilabas ang baon ko. May maliit kaming kainan malapit sa locker. Madalas naman akong may kasamang kumain. Kasi isang dining, isang bar, at isang kitchen staff, ang nagkakasabay-sabay ng break.
“Ate, anong ulam mo?” tanong ni Nica sa akin.
“Breakfast bhe. Hot-dog, at itlog. Ikaw? Baka mas masarap ang ulam mo, pahingi,” sabi ko naman kay Nica.
“Mungo ate. Share na lang tayo.” Sabay latag namin ng mga pagkain namin sa mesa.
Pagkatapos naming kumain siyempre, siesta time. May thirty minutes pa kami, kaya nilatag na namin ang aming mahiwagang higaan sa maliit naming locker room. Nakakatulog kami ng ganoon, imagine? Nag-alarm muna ako bago pumwesto nang patagilid at naidlip.
No’ng tumunog ang alarm ko, agad ko naman itong pinatay, saka bumangon. Nag-freshen up na ako siyempre bago sumabak sa harapan ng lutuan. Pagpasok ko ng kusina, busy na si Ayen at parang ang dami niyang orders. Kaya naman nag-punch in na ako, at saka tiningnan ang orders na nakasabit. Pumwesto na ako sa harapan ng kalan, at tinanong si Ayen kung alin pa ang hindi nagagawa.
“Playmate, ‘yung table twenty eight, at thirty hindi pa tapos,” sagot naman ni Ayen sa akin nang tanungin ko siya.
“Okay Playmate, coming up!” sabi ko naman, at nag-umpisa nang lutuin ang mga orders ng dalawang table na sinabi niya sa akin.
Makaraan ang ilang sandaling pagluluto, nailabas naman namin lahat ang pagkain nang maayos. Sa wakas, humupa rin ang mga orders namin. Siya namang pasok ni Juliet, late na naman ang bruha.
“Wala na, uwian na tayo playmate! Nandito na si Julieta, tapos na ang bakbakan,” pabiro kong saad na sinakyan naman ni Ayen.
“Oo nga halika na playmate!” nakabungisngis pang gatong ni Ayen sa sinabi ko.
“Ha? ‘Nay, sorry na! Nagpaalam naman ako kay Ma’am Chel, kasi may emergency.” Niyakap pa ako ng bruhang babaeng ito!
Trainee ko siya kaya inay ang tawag niya sa akin. Actually, lahat naman ng nagte-training sa akin, inay ang tawag nila sa akin. Kaya madami na po akong anak.
“Tse! Sige na magbantay ka nang order diyan, at mag-mis-en-place ka na para hindi tayo malagege (maubusan ng gamit/mataranta) mamaya. Ayyy mali! Kayo lang pala kasi malapit na kaming umuwi," tatawa-tawa pa kami ni Ayen habang sumasayaw.
Nakasimangot naman itong sumunod sa amin. Lalo naman kaming natawa sa itsura niya. Mag-iinventory na rin kasi ako, at gagawa ng order ng mga gulay, at cold items for the following day. Habang si Ayen naman, ay itinutuloy ang naudlot niyang pagpo-portion ng mga anik-anik (kung anu-ano) para standard ang sukat ng mga orders namin.
Matapos akong mag-inventory, at mag-ayos ng freezer, tinulungan ko na si Juliet sa pagluluto, at paggawa ng mga orders. Nagsulat naman si Ayen ng love letter sa aming log book for endorsement. Minsan puro kalokohan lang din ang naiisip naming ilagay roon, at nilalagyan pa namin ng mga puso-puso para sweet.
At sumapit na nga ang uwian! Yes! Pero hihintayin ko pa pala si Ayen ng mga isang oras pa, kaya naman nagbasa muna ako ng mga messages sa cellphone ko, at ako’y na-shock sa dami ng pumasok na mga mensahe. Puro sa aking partner galing. Excited kong binuksan iyon at binasa isa-isa. Mula sa sweet massages to grumpy ones.
Hindi naman pala exciting, kasi inaway ako sa bandang huli. Minsan hindi ko maintindihan kung bakit pa ako nagtitiyaga sa taong iyon. Samantalang ako lang naman ang matiyagang umiintidi sa kaniya palagi.
Dred: Mahal, Good Morning. Message mo ako ‘pag may time ha? I love you. 6:30am
Dred: Mahal, kumain ka ‘pag break mo. I luv u. 7:30am
Dred: Mahal (sad emoji) 8:00am
Dred: Sumagot ka naman para na akong engot eh. 8:27am
Dred: Maaahhhhaaallll… huhuhu 9:01am
Dred: Bakit ba ayaw mo akong sagutin?! 11:05am
Dred: Sige pagbutihin mo ang pande-deadma sa akin. 1:06pm
Dred: ‘Wag mo na akong kakausapin kahit kailan. 2:54pm
Grabe siya ‘di ba? Parang hindi ako nagta-trabaho kung maka-demand nang reply. Oh well, hindi naman na ito bago sa akin, kaya deadma na lang ako. Kasi kahit lambingin ko siya ngayon, mag-aaway pa rin naman kami mamaya. Parang nasanay na ako sa ganoong set-up, kaya mamaya ko na siya po-problemahin.
Dumating na ang oras nang uwian ni Ayen. Siyempre magbibihis pa ang lola niyo, kaya another fifteen minutes to wait. Nagsi-datingan na rin ang mga pang-gabi, kaya magulo na sa locker. Nang mtapos si Ayen magbihis, kami’y gumora na.
“Playmate may gagawin ka ba? Daan muna tayo sa Master Mall, palamig lang, window shopping ganoon.” Yaya niya sa akin.
“Sige. Tutal mag-aaway lang din naman kami ni Dred pag-uwi ko, lulubus-lubusin ko na,” natatawa ko pang sagot sa kaniya.
“Na naman? Bakit? Ah alam ko na, kasi hindi mo siya ni-reply-an sa mga messages niya?” Kilalang-kilala na nga talaga ako ng kaibigan ko.
“Malaking check!” sabi ko naman sa kaniya na sinamahan ko pa nang pagkumpas ng aking kamay.
“Alam mo, ang tiyaga mo rin eh ‘no? Grabe, malapit na kitang bigyan ng award!” saad pa niya sa akin.
Nagkibit balikat na lang ako, dahil magpapa-ulit-ulit lang din kami nang sermon ahahaha. Nakarating kami sa mall, at gaya nga nang sabi niya, literal na window shopping lang ang ginawa namin. Nang mapagod, kumain kami sa Jolly House. At nang mabusog, umuwi na kami. Magkahiwalay kami nang uuwian, kaya magkahiwalay rin ang bus na sinakyan namin. Ako ay papuntang Fairview, habang siya naman ay papuntang Monumento. Nagbeso kami sa isa’t-isa bago nagkani-kaniya nang sakay sa bus na magdadala sa aming mga bahay.
Kagaya nga nang sabi ko kanina, tama ang aking hinala. Malayo pa lang ako ay nakita ko na si Dred na nakasandal sa motor niya at nag-aabang sa akin. Dumiretso lang ako nang lakad at hindi siya pinansin.
“Bakit ngayon ka lang? Hindi mo man lang ako tinext, kahit isa wala kang reply!” galit na sabi niya sa akin.
Dahil sa narinig kong iyon, huminto ako at hinarap siya. “Galing akong trabaho, pagod ako, at wala akong energy makipagtalo sa iyo,” iyon lang ang nasabi ko sa kaniya. Tatalikod na sana ako nang muli siyang magsalita.
“Hanggang alas tres ka lang ah. Alas syete na oh!” salubong ang kilay nitong sabi sa akin.
“Alam mo naman pa lang hanggang alas tres ako, eh bakit nag-message ka pa kada oras? As if makakasagot ako sa mga iyon. Saka alam mo Dred, I’m fed up! Palagi na lang kasi tayong ganito. Palagi mo na lang akong inaaway kahit sa napakaliit na mga bagay. Palagi naman kitang inintindi kahit pa hindi na kainti-intindi iyong mga rason mo minsan. Pagod na ako!” mahabang pahayag ko sa kaniya.
Sa wakas! Nagkaroon din ako ng lakas ng loob ihayag sa kaniya ang aking saloobin. Oras na siguro talaga para gawin ko ang bagay na ito. Nakakasawa na kasi talaga. Pakiramdam ko, sakal na sakal na ako.
“So ano? Makikipaghiwalay ka na sa akin? Ganoon ba ‘yon? Sige, kung iyan ang gusto mo!” nanghahamong saad niya sa akin.
Sumakay siya sa motor niya, at pinatakbo na iyon palayo sa lugar namin. Well, ganoon naman kasi talaga siya ever since. Parang palagi niyang gusto na siya lang ang masusunod sa relasyon namin. Mahal ko naman siya kaso nakakapagod siyang mahalin. Sabi nga, it takes two to tango. Kaso sa relasyon namin, parang ako lang naman ang nagbibigay nang effort. Mabuti na rin siguro na ganito. Separate lives na kami para mas peaceful ang life.
Pumasok na ako sa aming munting tahanan. Inabutan ko si baby na nanonood kasama sina TJ, at ang aking magandang ina. In short complete with zinc and iron ang aking pamilya. Nagmano ako sa aking ina bago pumasok sa aking kuwarto para magbihis. Katatapos ko lang magbihis nang sumungaw si baby sa aking kuwarto.
“Ate Gel, kain na raw po sabi ni Mama,” tawag sa akin ng aking bunsong kapatid, kaya naman tumayo na ako at sumunod na ako sa kaniya.
“Kain na nang maagang makapagligpit. Anak pang-umaga ka pa rin ba bukas?” tanong ni mama sa akin.
“Opo Ma, ganoong oras pa rin po ako,” sagot ko naman sa kaniya, habang nagsasalin ako ng pagkain sa aking plato.
“Nakita ko si Dred sa labas kanina ah. Pinapatuloy ko nga, pero sabi niya sa labas ka na lang daw niya hihintayin. Nagkita ba kayo?” tanong ni TJ sa akin. Tumango lang ako saka sumubo nang kanin.
“Bakit daw?” tanong naman ni mama.
“Wala naman Ma. May sinabi lang tapos umalis na,” sagot ko sa kanila.
Ang alam kasi nila ay magkaibigan lang kami ni Dred, as in BFF ganoon. Kasi minsan sa amin siya natutulog. Okay para po hindi kayo maguluhan, si Dred po ay isang lesbian. Totoo naman pong magkaibigan kami since college. Tapos noong mag-break kami ng ex ko, umeksena siya tapos ayun basta na lang naging kami. So okay na po? Malinaw na? Ayun, kaya nakakatulog siya sa amin ng walang tanong mula kila mama, at mga kapatid ko.
“Ahhh, akala ko naman kung ano na. Para kasi siyang galit kanina kaya natanong ko lang,” sabi pa ni mama.
Hinayaan ko na lang sila at buti naman bumalik na sila sa pagkain. Matapos kumain naghugas na ako ng mga pinagkainan namin, bago pumasok na muli sa aking kuwarto. Nakita kong umiilaw ang cellphone ko, kaya kinuha ko iyon at tiningnan kung kaninong mensahe iyon. Siyempre kanino pa nga ba, kundi kay Dred.
Hindi ko na pinansin iyon at natulog na ako. Malamang sa malamang kasi, ang laman ng mensahe ay ‘Sorry na bati na tayo’ o kaya naman ‘Gel, mag-usap naman tayo. Ayusin natin ito.’ Kabisado ko na ang mga linyahan niya. At kapag hindi ko iyon pinansin, aawayin niya ulit ako, at susumbatan. Kaya mabuti na rin ‘yong ganito. Magalit na siya kung magagalit siya. Wala na akong pakialam, sarili ko muna this time bago iba.