Katatapos lang ng day off ko, kaya naman pang-gabi na ako ngayon. Si Ayen naman ang off ngayon, kaya sa iba muna ako makikipagkulitan. Pagdating ko sa coffee shop, agad akong binati ng mga kasamahan ko. Dahil halos nandoon na kaming lahat na pang-gabi, maingay at magulo na sa locker. Parang palengke kung mag-kwentuhan, at magtawanan habang naghihintay ng oras.
Isa-isa na kaming nag-punch in nang malapit na ang oras. Noong nasa kusina na ako, siya namang pasok ni Ma’am Chel na may kasamang trainee yata. Astig noong trainee naka bandana pa ng panyo sa ulo.
“Ate Angie, bagong employee. Under probation pa siya, kaya sa iyo ko siya iba-buddy, tutal ikaw naman ang Chief dito,” sabi ni Ma’am Chel nang makalapit na sila sa akin.
“Hala Ma’am! Mas malaki pa sa akin ‘to nakakatakot,” biro ko sa kanila.
Ang seryoso kasi ng bagong empleyadang ito, pero mukha namang mabait. Natawa naman si Ma’am Chel sa sinabi ko, bago ipinakilala ang bagong trainee. “Sira, siya si Shenny,” aniya saka bumaling sa bagong empleyada. “Siya naman si Angie, ang magiging trainor mo.”
Tumango naman ang bago kong magiging anak. “Hello po,” nahihiyang ngumiti pa siya sa akin.
“Hello rin,” sagot ko naman sabay kaway sa kaniya.
“Oh, siya iiwan ko na kayo rito ha? Ikaw nang bahala kay Shenny,” bilin pa ni ma’am Chel sa akin.
“Okies!” maiksing sagot ko naman sa kaniya.
Iyon lang at iniwan na kami ni Ma’am Chel. Kaya naman inumpisahan ko na rin siyang interview-hin. Para naman maging magaan ang pagiging magkatrabaho namin.
“Saang company ka galing?” maya-maya ay tanong ko sa kaniya.
“Sa MS Kitchen restaurant po sa Greenbelt,” sagot naman niya sa akin.
“Ah okay. So familiar ka naman sa kusina?” tanong ko uli sa kaniya.
“Opo. Marunong naman po ako sa kusina. Cook din po ako sa dati kong pinagtatrabahuhan. Saka pagka-graduate ko po kasi hindi na ako naalis sa kusina,” sagot naman niya sa akin.
“Ayyy bakit?” tanong ko sa kaniya.
“Noong nag-o-OJT po kasi kami, ayaw akong ipamigay ng Chef ko sa mga taga dining kahit pa required iyon sa school namin. Malamya raw po kasi iyong ka-switch ko eh, baka raw magpa-cute lang sa kusina,” natatawang kuwento niya sa akin.
“Hala! Judgmental sila ganurn?” tanong ko pa sa kaniya.
“Hindi naman po. Well actually, pinagpalit naman nila kami ng mga isang araw lang. Tapos kinabukasan pinabalik din nila ako sa kusina. Nasugatan kasi ‘yong ka-switch ko, kaya ayun. Balik kusina ang beauty ko,” nakangisi pang kuwento niya sa akin.
“Ikaw talaga, favorite ka lang siguro ng mga Chef mo,” natatawang saad ko naman sa kaniya.
“Puwede rin naman po,” sagot pa niya ulit sa akin.
Natawa na lang ako sa sinabi niya. Mukha naman kasi talaga siyang may alam sa kusina. Kaya hindi malabong maging paborito ito ng mga Chef niya. Kinuha ko ang menu saka muling lumapit sa kaniya.
“Ituturo ko na lang sa iyo itong mga platings. Kasi marunong ka naman nang magluto, at sure ako na alam mo na ang tawag sa mga gamit dito sa kusina,” sabi kong muli sa kaniya habang inilalatag ang menu book sa harapan niya.
Mataman naman siyang nakikinig sa akin. Ipinaliwanag ko rin sa kaniya ang magiging trabaho namin. Mukha naman siyang madaling turuan, at may alam sa kusina kaya hindi ako nahirapan. Mabilis din namang kumilos kaya okay ‘tong bata ito. Sinabihan ko rin siyang maghiwa ng mga back ups namin dahil wala naman akong ibang maisip ipagawa sa kaniya.
“Chef, ano pa pong gagawin?” maya-maya’y tanong niya sa akin.
Mukhang tapos na siya sa ipinagagawa ko. Kaya naman nilingon ko siya at nag-isip. Wala na kasi talaga kaming gagawin eh.
“Sige bhe, linis ka na riyan sa puwesto mo. Para mamaya mabilis na lang tayong magsasara ng kusina,” sagot ko sa kaniya.
Agad naman siyang tumango at sumunod sa sinabi ko. Mahusay naman dahil pati sa paglilinis ay nasa standard din ito. Ultimo kaloob-looban ng fridge nilinis niya, at maayos na nakasalansan ang mga gamit sa loob.
Bandang quarter to eleven tapos na kaming maglinis, at naghihintay na lang kami nang closing ng café. Nalaman kong taga Fairview rin pala siya kaya naman natuwa ako kasi may makakasabay ako sa pag-uwi.
“Mabuti naman at may makakasabay pala ako sa pag-uwi, maliban kay Janice,” nakangiti kong saad sa kaniya.
“Oo nga po buti nga po pareho pala tayong pa-Fairview ang way, para hindi boring habang bumibiyahe,” sang-ayon naman niya sa akin.
“Teka, bakit parang ayaw mo na yata akong kasabay ah?” tanong naman ni Janice.
“Hindi naman sa ganoon friend. Ang ibig kong sabihin kapag off mo, tapos magkasabay kami ni Shen, eh ‘di may kasabay pa rin ako pauwi,” paliwanag ko sa kaniya.
“Hmp!” kunwa’y nagtatampo namang sabi nito sa akin.
“Arte-arte mo naman friend! ‘Wag ka nang magtampororot diyan. Love naman kita eh!” Paglalambing ko pa sa kaniya habang niyayakap ang isang braso niya.
“Ang cute ninyo,” sabi naman ni Shenny. Nakapangalumbaba pa ito sa harapan namin.
“Ito kasi si Janice matampuhin,” sabi ko naman sa kaniya.
“Oo na! Nagpapalambing lang naman ako eh,” nakangisi pang saad naman ni Janice sa akin.
“Girls, tara na!” Sabay-sabay naman kaming napalingon nang magsalita si Ma’am Chel.
Hindi namin namalayang oras na pala para umalis sa BSC. Sabay-sabay na rin kaming tumayo mula sa kinauupuan namin, at nagkani-kaniyang sukbit ng bag sa aming mga balikat, saka naglakad palabas ng BSC.
“Bukas si Ayen ang mid shift. Makikilala mo na rin ang isa sa makukulit din sa kusina,” nakangiting sambit ko sa kaniya.
“Ayyy, may mas kukulit pa pala sa iyo ate?” nakangising tanong naman niya sa akin.
“Bad ka!” sambit ko naman sa kaniya, sabay pabirong kinurot ko siya sa kaniyang bewang. Tatawa-tawa naman siya habang umiilag sa mga kurot ko. Habang si Janice ay bumubungisngis din sa tabi nito.
“Kayong dalawa pinagtutulungan niyo ako!” nakangusong saad ko sa kanila.
“Hindi naman po. Joke lang naman iyon!” sabi nito sabay yakap sa akin.
Imaginin niyo, malaking babae si Shenny, tapos niyayakap niya ako na super cute ang height. Mukha kaming mag-nanay. Iyon nga lang siya ang nanay ko ehehehe.
“Okay!” sabi ko na lang sa kanila saka ngumiti.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad hanggang sa sakayan ng bus. Agad din naman kaming nakasakay ng bus papuntang Master Mall. Then from there, sumakay kami ng papuntang Fairview. Magkakatabi kaming tatlo sa pantatluhang upuan. Ayaw kasi naming maghiwa-hiwalay eh.
Madami pa kaming napag-kwentuhan noong nasa loob na kami ng bus. Madaldal din naman pala siya, at saka makulit din kaya nakasundo ko siya agad. Magaling din siyang makisama at may sense kausap. kaya simula ng araw na iyon, palagi na kaming sabay umuwi. Iyon eh kung pareho ang duty namin.