Chapter 7 New friends

1203 Words
Dazzle's POV Hindi na ako bumalik sa impyernong unibersidad na iyon at tinulungan na din ako ni Caspian na makapasok sa isa sa eskwelahan ng mga Zither upang maipag-patuloy ko ang aking pag-aaral dahil malapit na din naman akong magtapos. Malugod akong tinulungan ni George na makapasok sa kanilang eskwelahan at pagkatapos ay ako na rin ang kinuha nilang manager ng bar na pag-aari niya upang makatulong sa mga gastusin namin ng aking ina sa araw-araw. Nagpalit na din ako ng numero ng telepono dahil ayoko ng magkaroon pa ng kahit na anong kaugnayan pa kay Candice. Hinding-hindi ko siya mapapatawad sa lahat ng ginawa nila sa akin ni Frank. Malaki ang galit ko sa mga mayayaman ngunit si Caspian at ang kanyang mga kaibigan ay pinatunayan sa akin na hindi lahat ng mayayaman ay matapobre, mapang-lait, at matatayog ang tingin sa sarili dahil ang grupo ni Ryven James Vance ay may mga mabubuting puso at pantay-pantay ang tingin sa lahat. "Kamusta ka naman d'yan? Maghahapunan na kami, halika na at sumabay ka na sa amin." Wika naman ni Ryven sa akin ng pumasok ito sa aking opisina. "Naku sir, hindi na ho! Marami pa akong aasikasuhing mga dokumento na kailangan ni Sir George bukas." ani ko habang napapakamot ako ng aking ulo. "Sinabi naman sa iyo na wala kang tatawaging sir sa amin, Rye lang ang itatawag mo sa akin at mamaya na din 'yan, makapag-hihintay 'yan ngunit ang kumakalam na sikmura ay hindi, kaya tara na at nakahain na ang mga pagkain sa VIP Area na pinahanda namin. Saluhan mo kaming magkakaibigan dahil para sa amin ay kaibigan ka na rin namin." ani nya pang muli kaya wala na akong nagawa pa kung hindi ang tumayo at sumunod na lamang sa kaniya. Matapos ang masarap na hapunan at masayang kuwentuhan kasama sila ay bumalik din agad ako sa aking opisina ng may ngiti sa aking labi. Ngayon lamang ako nakaranas na ituring na isang kapamilya ng mayayamang tulad nila na ni minsan ay hindi ko naisip na mangyayari dahil na rin sa katayuan ko sa buhay. Sanay lamang ako na inaalipusta at minamaliit ng mayayamang kilala ko kaya nakakapanibago na may mga taong katulad nila. Pagkabalik ko sa opisina ay agad akong naupo sa aking upuan at ipinagpatuloy ko na ang naudlot kong gawain. Napasandal ako sa aking kinauupuan ng biglang pumasok sa aking isipan si Candice, napapikit ako at isa-isa kong inalala ang masasaya naming araw na magkasama, ang mainit na pinagsasaluhan namin sa tuwing pupunta kami ng Antipolo, ang lahat ng 'yon, ang akala ko ay totoo ang lahat ng 'yon. Hindi ako makapaniwala na isinuko niya sa akin ang kaniyang dangal para lamang sa isang laro. Hindi ako makapaniwala na magagawa niya sa akin ang lahat ng 'yon. Pero sa kanila na mismo nanggaling, sila na mismo ang nagsabi sa akin ng lahat ng 'yon sa harapan ng maraming tao. Hindi ko na napigilan pa ang pag-daloy ng aking mga luha at mabilis ko naman itong pinunasan. 'Hindi kita iiyakan Candice, ipinapangako ko sa aking sarili na hinding-hindi kita iiyakan.' Bulong ko sa aking sarili. Kinuha ko ang aking telepono at tinignan ko ang gallery nito, halos ang lahat ng larawan na nandirito ay puro mukha ni Candice. Kailangan ko na siyang kalimutan, hindi ko magagawa ito kung hindi ko aalisin ang lahat ng bagay na maaaring makapag-paalala sa akin sa babaeng minsan kong minahal ng higit pa sa buhay ko, ang babaeng gusto ko sanang iharap sa dambana sa oras na makapagtapos ako ng aking pag-aaral. Huminga ako ng malalim at sinimulan ko ng burahin ang bawat larawan ng babaeng sumira ng buhay ko, ang babaeng gagawin ang lahat, makita lamang akong nagdurusa. Pagkabura ko ng lahat ng kaniyang larawan ay ibinalik kong muli ang aking telepono sa aking bulsa at muli kong hinarap ang aking trabaho. Mabibining katok ang pumukaw sa akin at napatingin ako dito ng bigla naman itong bumukas. "Sir George, may kailangan ho ba kayo?" ani ko dito ng pumapasok na ito sa loob ng aking opisina. "Please don't call me sir." nakangiti niyang ani sa akin at pagkatapos ay naupo na ito sa aking tabi. Umayos naman ako ng pagkakaupo at hinarap ang aking amo, mukhang importante ang sadya n'ya dito kaya naman naghihintay lamang ako ng maaari niyang sabihin sa akin. "Ano ang plano mo pagkatapos mong grumaduate? Gusto mo bang sa kumpanya ko na lamang ikaw magtrabaho? Bibigyan kita ng magandang posisyon sa aking kumpanya." ani niya na ikinagulat ko kaya naman nanlaki ang aking mga mata at napatayo pa ako sa aking kinauupuan. "To-Totoo ho?" gulat na gulat kong ani dito na ikinatawa naman niya. "Huwag mo nga akong hino-ho, feeling ko tuloy ang tanda ko na samantalang nasa mis 20s lang naman ako." tumatawa niyang ani kaya naman napakamot na ako ng aking ulo at napangisi sa kaniya. Hindi ako makapaniwala na siya pa mismo ang lalapit sa akin upang alukin ako ng trabaho sa oras na makatapos ako sa aking pag-aaral, nakaramdam ako ng katuwaan dahil ito ang pinapangarap ko para sa aking ina, ang mabigyan ko siya ng magandang buhay. "Salamat! Maraming-maraming salamat sa iyo!" masaya kong ani dito habang hindi naaalis ang malaki kong ngiti sa aking labi. Bigla namang bumukas na muli ang pintuan ng opisina at iniluwa naman nito si Sir Ryven. "Mukhang nasabi mo na sa kaniya ang magandang balita, ang laki kasi ng pagkakangiti niya." nakangiting ani sa amin ni Sir Ryven. Para akong nasa alapaap, hindi ako makapaniwala na sobrang buti ng kanilang kalooban, na handa silang tumulong sa mga taong nangangailangan. "Salamat po sa inyo, napakabuti po ng inyong mga kalooban." ani ko sa mga ito na tinaasan ako ng kanilang kilay na ikinatawa ko naman. "Okay, salamat sa inyong lahat George and Ryven at sa lahat ng kaibigan ninyo na nagpapakita ng kabutihan sa akin." ani ko sa kanila kaya naman napangiti na ang mga ito at nakipag fist bump pa sa akin. Nagpaalam na din sila at bumalik na sila sa itaas habang ako naman ay sobrang saya at hindi pa rin makapaniwala sa aking mga narinig mula kay George. Sa wakas ay wala na akong iisipin pa dahil pagka-graduate ko ay may trabaho ng naghihintay sa akin. Masaya ako na muling hinarap ang aking trabaho, kaylangan ngayon pa lamang ay magpakitang gilas na ako, ayokong isipin nila na nannanamantala ako dahil hindi ako ganuong klase ng tao. Hindi na maalis pa ang ngiti sa aking labi kaya mas lalo tuloy akong ginanahang magtrabaho. Habang busy akong nagtatrabaho ay tumunog naman ang aking telepono kaya napatingin ako dito. Notipikasyon ito ng aking social media, nakita ko ang pangalan ni Candice kaya sa inis ko ay mabilis akong nagdeactivate ng aking social media at hindi na ako nag-abala pang tignan kung ano ang mensahe niya sa akin. Kung tutuusin ay hindi ko naman talaga kailangan ng social media, ginawa ko lang naman iyon dahil kay Candice. Pati nga ang profile picture ko duon ay si Candice ang naglagay at larawan namin ni iyon nuong magkasama kami sa Antipolo. Wala ng dahilan pa upang mag-usap kami, hinding-hindi ko na hahayaan pa na paglaruan pa nilang muli ang buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD