Chapter 1
My name is Dazzle Daze Hendrickson, ipinanganak na mahirap at lumaking mahirap. Tanging ang aking ina na lamang ang kinalakihan ko dahil hindi ko na nakilala pa ang aking ama, namatay ito sa isang trahedya nuong dalawang taong gulang pa lamang ako. Wala ang pangalan ng aking ama sa aking birth certificate, pero kilala ko naman siya sa kanyang pangalan dahil habang lumalaki ako ay ikinukuwento siya ng aking ina. Hindi ko man nakilala at nakasama ang aking ama ay puno naman ng ala-ala ang aking isipan ng imahe niya base na rin sa mga kwento sa akin ng aking ina.
Mahirap lamang ang buhay namin pero ang lahat ay kinakaya ko para sa aking ina. Nag-aaral ako ngayon sa isang mamahaling unibersidad dahil na din sa natanggap kong scholarship. Ngunit sa pagtuntong ko pa lamang sa unibersidad na 'yon ay ipinaramdam na agad sa akin ng kapwa ko mga estudyante kung saan ako nararapat na lumugar. Na ang isang mahirap na katulad ko ay hindi nabibilang sa katulad nilang mga anak ng mayayaman. Lahat ay tinitiis ko para sa aking mga pangarap, para sa buhay na gusto kong ibigay sa aking minamahal na ina. Hindi man naging maayos ang naging pag-aaral ko sa unibersidad na 'yon dahil sa mga estudyanteng katulad nila Frank, ay masaya naman ako na huling taon ko na ito at makakapagtapos na rin ako ng kursong Business Management.
Mahirap ang maging isang mahirap lalo na kung hindi ka tanggap ng mga tao sa iyong paligid. Kahit ano yatang kabutihan ang ipakita mo sa kanila, kung ang pag-iisip naman nila ay katulad nila Frank ay wala kang saysay sa mundong ito.
Nandito ako ngayon naglalakad sa hallway ng unibersidad. Hendrickson ang may-ari ng unibersidad na ito pero hindi ko sila kaano-ano. Tinanong ko nga sa aking ina kung sino si Mateo at Sandra Hendrickson na nag-mamay ari ng Unibersidad na pinapasukan ko, pero hindi rin daw niya kilala ang mga ito. Napatigil ako sa malalim kong pag-iisip ng marinig ko ang malakas na boses ni Frank.
"Daz, saluhin mo!" isang sigaw sa likuran ko ang nagpalingon sa akin. Pag-harap ko ay sabay hagis nila sa akin ng isang basurahan na punong-puno ng mabahong basura, kaya sa sobrang pagkabigla ko ay nasalo ko naman ito kasabay nga lang ng pagbagsak ko sa sahig.
Umugong ang malakas na tawanan sa loob ng hallway ng school. Ang lahat ay nakatingin sa akin at pinagtatawanan lamang ako. Hindi ko na lamang sila pinapansin upang hindi na lumala pa ang sitwasyon. Sanay na naman ako na lagi nilang kinukutya at ginagawang katawa-tawa sa eskwelahang ito. Sanay na ako na ang tingin nila sa akin ay isang mabahong basura na hindi nabibilang sa kanila.
"Pobre! Bagay lang sa iyo 'yan dahil nagpupumilit ka dito!" wika ng isang hindi kagandahang babae sa akin na animo ay clown sa dami ng kolorete sa kaniyang mukha. Kulang na lamang ay lagyan ng kamatis ang ilong niya at pwede na siyang mag-perform sa birthday party para kumita ng extra money.
"Dapat kasi ang ganitong klase ng school ay hindi tumatanggap ng mga scholar na galing sa iskwater para naman hindi tayo magmukhang cheap na students," ani naman ni Maxine, na nakapameywang pa sa aking harapan habang nakatakip ang ilong ng dalawang daliri na ang iba ay nakapilantik pa.
Si Maxine ay masasabi kong tunay na maganda ngunit sa ugali niya ay mas nanaisin mo pang maging matandang binata kaysa naman magkaroon ng kasintahan na katulad niya.
"Linisin mo 'yan pobre! Ganyan lang ang nababagay sa iyo, tagalinis ng basura." utos naman ni Frank habang ngumingisi at nakaturo pa ang kaniyang daliri sa basurahang nakakalat sa sahig.
Si Frank ay anak ng isang mayamang negosyante, at isa din siyang sikat na basketball player sa campus na ito. Ang pagiging sikat sa campus at ang pagiging anak ng mayaman ang nagpapalaki ng ulo ng payatot na ito. Kung makapag-suot nga ito ng muscle shirt ay akala mo naman may ilalabas na muscle, puro naman buto ang payatot nitong katawan.
Hindi na lamang ako kumibo at sinimulan ko ng linisin ang kalat na kung tutuusin ay hindi naman ako ang may gawa.
Habang dinadampot ko ang mga basura ay isang sipa na ikinasubsob ko sa basurahan ang natanggap ko sa mga alipores ni Frank at pagkatapos ay malalakas na tawanan na naman ang umugong sa hallway, sinabayan pa ito ng malakas na kantiyawan ng mga estudyante sa akin na akala mo ba ay ikinaganda at ikinagwapo nila ang pagiging masama ng ugali.
Tumayo ako at pinagpag ko lamang ang aking uniporme at pagkatapos ay itinabi ko ng muli ang basurahan sa gilid ng hallway.
"Hindi ka bagay dito! Ang dapat sa iyo duon sa eskwelahan kung saan nanduruon ang mga kauri mong basura!" sambit ni Maxine ngunit binale wala ko na lamang ito at nagtuloy na ako papuntang likuran ng campus kung saan ay madalas akong mapag-isa.
"Can I join you?" wika ng magandang tinig sa aking likuran na agad akong napatayo.
Laking gulat ko ng makilala ko ang boses nito at halos hindi ko malaman ang aking gagawin dahil hindi ako makapaniwala na si Candice ay nandirito sa harapan ko at kinakausap ako ngayon.
"Okay lang ba?" tanong n'yang muli sa akin at dahil sa aking pagkabigla ay hindi agad ako nakasagot, kaya ng tila ba mahimasmasan ako ay agad akong tumugon kahit na ba pakiramdam ko ay nalunok ko na ang aking dila.
Si Candice ay anak ng isang kilalang businessman dito sa Pilipinas at mayaman ang pamilya nila kaya nakaka-asiwang lapitan ang katulad niya, ngunit nandirito siya ngayon sa aking harapan kaya't hindi talaga ako makapaniwalang kinakausap niya ako.
Matagal na akong in-love sa kanya, mula ng magsimula akong mag-aral dito ay siya lamang ang tanging babaeng pumukaw sa natutulog kong puso, ngunit hindi ako magkaroon ng lakas ng loob dahil isa lamang akong pobre sa mata ng mga mayayamang tulad nila.
"Candice." sambit n'ya at nakangiting iniabot sa akin ang kanyang kamay. Napatitig ako sa kaniyang kamay at ang mga mata ko ay ibinalik ko sa maganda niyang mukha na matamis na nakangiti sa akin.
"Ha? Ah... eh... Da-Dazzle." nauutal kong ani na may alinlangan kung aabutin ko ba ang kanyang kamay o hindi.
Ngunit nabigla ako ng bigla n'yang hawakan ang aking kamay at siya na mismo ang nakipag-kamay sa akin ng may matamis pa ring ngiti sa kaniyang labi.
Hindi lang pala maganda si Candice dahil mabuti din ang puso nito. Nuong una takot akong lumapit sa kaniya at kahit na gaano ko siya kagusto ay hanggang tingin na lamang ang nagagawa ko dito.
Habang masaya kaming nag-uusap ay isang libro ang tumama sa aking ulo na nagpaigik sa akin at halos mahilo ako sa lakas ng pagtama nito sa akin.
"Hoy pobre! Ang kapal din naman ng pagmumukha mo at si Candice pa talaga ang kinakalantari mo ha." sigaw sa akin ng alipores ni Frank na bumato ng libro sa akin.
Mabilis na nilapitan ito ni Candice at isang malakas na sampal ang ibinigay nito sa pangit at payatot din na alipores ni Frank.
Nang makita kong balak gumanti ng gagong 'yon ay agad kong inilayo si Candice at itinago ko ito sa aking likuran.
"Subukan mo lang!" nagngangalit ang bagang na ani ko dito. Hindi agad ito nakakibo lalo na ng hinubad ko ang aking uniporme at sando na lamang ang natira, nakita ko ang paglunok niya ng laway habang pinagmamasdan ang maskulado kong katawan. Agad itong napaatras mula sa kinatatayuan niya kaya napapailing na lamang ako dito.
"Halika na Daz, huwag na nating pansinin ang hambog na 'yan, duwag naman 'yan." wika ni Candice kaya isinuot kong muli ang aking uniporme at masama kong tinitigan ang alipores ni Frank.
Paalis na kami ng dumating si Frank kasama pa ang ilang mga payatot din niyang alipores kaya nginisihan ko lamang ito at tuluyan na kaming umalis.
Habang papalayo kami ay nakikita ko ang nag-aapoy na mga titig sa amin ni Frank pero binale-wala ko na lamang dahil masaya akong kasama ko si Candice ngayon at hawak-hawak n'ya pa ako sa aking kamay. Matagal na akong may lihim na pagtingin kay Candice ngunit dahil na rin sa katayuan ko sa buhay, kahit kailan ay hindi ako gumawa ng hakbang upang malapitan siya.
Sa mundong ginagalawan ko ngayon ay pera ang sinasamba nila. Para sa kanila ang mahirap na katulad ko ay isa lamang patapon na nilalang pero nagkakamali sila dahil kahit mahirap lamang kami ng aking ina ay patutunayan ko sa kanila na mas mahalaga kami sa lipunan kaysa sa mga matapobreng mayayaman na katulad nila.