Dazzle's POV
"Continuation."
Halos kalahating oras na kaming nakaupo dito ni Caspian na hindi pa rin kami nilalapitan o inaasikaso ni Candice, napatingin ako sa paligid at nagsimula ng mag-ingay ang mga tao na sa tingin ko ay magsisimula na ang party kaya muli akong napatingin kay Candice na nakatingin na pala sa akin.
"Babe." tawag ko at napatayo pa ako ngunit hindi niya ako pinansin kaya napaupo akong muli at sinundan na lamang siya ng tingin.
Nang magsimula ang party ay pinapanuod ko lamang si Candice na busy sa pakikipag-usap sa bawat table na pinupuntahan n'ya at masayang kinakausap ang bawat bisita n'ya.
Nagulat ako ng biglang lumapit sa kanya si Frank at hinalikan siya sa labi kaya agad akong napatayo at nakita ko din ang pagkagulat ni Caspian na nakaupo sa aking tabi.
Agad akong lumakad palapit sa kanila at nakikita ko ang mga mata ni Candice na tila ba ito natatakot o nangangamba.
"Frank, bitawan mo ang girlfriend ko!" asik ko sa kanya habang pinipigilan naman ako ni Caspian.
"Bro huwag dito, duon tayo sa labas at nakakahiya sa mga bisita lalong-lalo na kila Ninong." bulong n'ya sa akin. Biglang magsalita si Frank at hindi ko inaasahan ang kanyang sinabi.
"Girlfriend? Baliw ka bang pobre ka ha!? Aba naman at kasama mo pa pala 'yang tagapag-tanggol mo!" malakas n'yang ani sa akin na tila ba sinasadya niya itong iparinig sa lahat ng tao.
"Candice, sabihin mo sa kanya na magkasintahan tayo!" wika ko ng may galit at titig na titig kay Frank.
Malakas na tumawa si Frank kaya lahat halos ng bisita ay sa amin na nakatingin ngunit wala akong pakialam dahil ang gagong ito ay hina-harrass ang aking kasintahan.
"Hindi ka boyfriend ni Candice dahil ako ang tunay n'yang boyfriend! Pinasakay ka lamang namin para malaman namin kung gaano ka kauto-uto. Masyado ka na bang hibang para isipin na magkakagusto sa iyo ang girlfriend ko ha? Ang lahat ay isang laro lamang dahil ang katulad mong basura ay hindi pinahahalagahan." wika nya sabay hapit ng baywang ni Candice habang hindi naman ito makatingin sa akin na tila ba gusto niyang itulak si Frank palayo sa kaniya.
"Pi-Pinaglaruan mo lamang ako Candice? Ang lahat ng nangyari sa atin, ang lahat ng ipinakita at ipinadama mo sa akin, ang lahat ba ng iyon ay isang laro lamang para sa iyo?"
Nanginginig ang aking boses sa sobrang galit ko sa kanila. Akala ko ay kakaiba siya sa mga mayayaman na matapobreng lumalait sa akin ngunit mukhang nagkamali yata ako ng pagkakakilala sa kaniya.
"Ma-Magpapaliwa.. " nauutal n'yang ani at hindi pa rin makatingin sa akin ng hindi pinatapos ni Frank ang kaniyang sasabihin.
"Sa madaling salita niloko ka lamang namin, pinaniwala at ngayong araw ng kanyang kaarawan namin ito ipamumukha sa iyo! Naaalala mo ba ang sinabi ko sa iyo nuong nakaraang magkita tayo sa likod ng unibersidad ha? Ito na 'yon, ang araw na pinakahihintay namin ng aking mahal na kasintahan, ang mapait at masakit na katotohanan na ipamumukha namin sa iyo na isa ka lamang basura na hindi dapat pinapahalagahan." malakas na wika ni Frank sa akin at agad siyang sinuntok sa mukha ni Caspian na ikinabagsak niya sa sahig kaya lalong umingay ang buong paligid.
"Gago kayo ha!" asik ni Caspian at agad na naglapitan ang mga guard sa kinaroroonan namin habang ako ay tila ba itinulos sa aking kinatatayuan at masamang nakatitig lamang kay Candice na ngayon ay umiiyak na at hindi makatingin sa akin. Panay lamang ang iling ng kaniyang ulo habang umiiyak ito sa kaniyang dalawang palad. Sobrang sakit ng ginawa niya sa akin, akala ko ang lahat pati ang pagkakaloob niya ng kaniyang sarili sa akin ay isang pagmamahal ngunit ang lahat ay laro lamang pala para sa kanila.
"Anong kaguluhan ang nangyayari dito?" humahangos na paglapit ng mga magulang ni Candice ngunit hindi pa rin ako tumitinag sa kinatatayuan ko at mataman lamang akong nakatitig kay Candice.
Galit na galit na hinarap ni Caspian ang mga magulang ni Candice at ipinaliwanag sa mga ito ang mga ginawa nila sa akin, habang ako naman ay halos manlabo na ang aking mga mata dahil sa walang awat na pagdaloy ng aking mga luha.
"Pinaibig n'ya si Dazzle upang ngayong gabi ay ipamukha sa kaniya na ginago lamang nila ang aking kaibigan dahil ito ay isang mahirap lamang. Ginawa nilang katawa-tawa ang aking kaibigan sa harapan ng mga bisita ninyo! Kailan pa natutong mang-maliit si Candice ng kaniyang kapwa?" muli ay sambit ni Caspian at hindi pa rin ako nagsasalita dahil hindi ko maiproseso sa aking utak na ginago lamang pala ako ng babaeng minahal ko ng sobra.
"Candice, totoo ba ang sinasabi ng Kuya Caspian mo ha?" galit na ani ng ina ni Candice habang nakaharap na ito dito, ang mga tao ay sa amin na lahat nakatingin at pinagpipiyestahan ang lahat ng mga nangyayari.
"Mommy, I'm so sorry po kung..." hindi na natapos ni Candice ang kanyang sasabihin ng isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang mukha mula sa kaniyang ama na galit na galit na katitig sa kaniya.
"Kahit kailan ay hindi ka namin tinuruan maging ganyan, kahit kailan ay hindi ang pamilya natin ang mang-mamata ng mahihirap na tao. Baka nakakalimutan mo na ang mga ninuno natin ay galing din sa hirap at nagpursigi lamang upang maabot ang kanilang mga pangarap, katulad ng lalaking 'yan ay mahirap din lamang ang mga ninuno natin nuon. Sino ang nagbigay ng karapatan sa iyo upang paglaruan ang damdamin ng maliliit na tao ha Candice?" sambit ng kanyang ama habang si Candice ay sapo-sapo lamang ang kanyang pisngi at umiiyak ng nakayuko.
Gusto kong maawa sa kaniya ngunit puro galit lamang ang laman ng aking puso ngayon dahil sa ginawang pang-gagago nila sa akin. Naniwala ako sa mga kabutihang ipinakita niya sa akin at sa pagmamahal na pinagsaluhan namin ngunit ang lahat pala ay parte lamang ng kanilang maitim na plano laban sa akin.
"Ikaw Frank! Simula ngayon ay ayoko ng makikita pa ang pagmumukha mo sa pamamahay ko! Wala kang maidudulot na mabuti sa aking anak, ang pagiging matapobre ang sisira sa pagkatao ninyo. Matuto kayong lumingon sa inyong pinanggalingan baka nakakalimutan na ninyo kung saan kayo nanggaling." ani muli ng ama ni Candice na galit na galit dahil sa mga ginawa nilang panloloko sa akin.
"Humihingi ako ng paumanhin sa nagawa ng aking anak hijo." wika naman ng ina ni Candice sa akin ngunit wala na akong makapang kahit na ano sa aking puso.
Walang kaabog-abog na tumalikod ako sa kanila at binitawan ko ang hawak-hawak kong maliit na kahon na aking regalo para sana kay Candice, at pagkatapos ay tuloy-tuloy na akong lumabas ng malaking bakuran ng nakakuyom ang aking mga kamao at nagpipigil ng aking galit.
"Dazzle pakinggan mo muna ako." ani ni Candice ngunit hindi ko na siya nilingon pa dahil sapat na ang mga lumabas sa kanilang mga bibig upang malaman ko ang katotohanan. Sana ay hindi na lamang ako tumuntong sa lupa ng mga mayayamang tao na walang ibang hangad kung hindi ang tapakan ang maliliit na taong katulad ko.
"Dazzle, please let me explain." muli niyang sigaw ngunit tuloy-tuloy na akong lumabas at nararamdam ko ang mga titig ng lahat ng tao sa akin. Ang iba ay may panghuhusga at ang iba naman ay may pagkahabag dahil sa nangyari sa akin.
"Bro, you want to join me? Pupunta ako sa bar ngayon upang uminom, ang daming nangyari ngayong gabi kaya iinom natin 'yan." ani ni Caspian kaya napahinto ako at tumingin sa kanya.
"Thank you kanina bro, kailangan ko nga ng maiinom baka kasi makapatay ako ngayon." wika ko sa kanya at agad na akong sumakay sa aking taxi at sinundan ko na lamang ang sasakyan ni Caspian kung saan man ito tutungo.
Sobrang sakit ng ginawa sa akin ni Candice, gusto ko siyang saktan kanina ngunit hindi ko naman magawa. Ngunit hinding-hindi ko iiyakan ang katulad n'ya. Sobrang sakit ng ginawa nila sa akin, mahal na mahal ko s'ya at mas lalo ko pa siyang minahal ng inakala ko na lahat ng kabutihan at pagmamahal na ipinakita n'ya sa akin ay totoo, ngunit ang lahat lamang pala ay isang malaking huwad. Isang pag-papanggap upang paglaruan lamang ako.
Ano ba ang ginawa kong kasalanan sa kanila upang paglaruan nila ang pagkatao ko ng ganito?
Mortal na bang kasalanan sa mundo ang maging mahirap na tulad ko? Pinaniwala nila ako sa isang kasinungalingan.
Ipinapangako ko na isang araw ay babalikan ko kayo, gagantihan ko kayo at ipararanas ko sa inyo ang sakit na ginawa ninyo sa akin. Mas hihigitan ko pa kaysa sa mga ginawa ninyo sa akin. Pagbabayaran ninyo ang mga kalupitan ninyo sa akin.