Dazzle's POV
Maaga ako ng tatlumpong minuto ngayon dito sa bar kaya may oras pa ako para mag meryenda. Naisipan kong lumabas ng aking opisina at sa may harapan ako ng building tumambay at umupo ako sa bench na nakalagay sa harap ng bar malapit lamang sa parking lot.
Habang nandirito ako sa labas ng bar at kumakain ng dala-dala kong sandwich na binalot pa ni nanay ay isang tawag sa aking pangalan ang pumukaw sa masarap kong pag-nguya. Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses at agad ding nagbago ang reaksyon ng aking mukha matapos kong makita ang babaeng pilit kong iniiwasan at ayaw ng makita pa. Galit at pagkamuhi, 'yan na lamang yata talaga ang natitirang damdamin ko para kay Candice dahil sa ginawa nilang pang-gagago sa akin ni Frank.
"Daz." Tawag nya na ikinalingon ko.
Bigla akong nakaramdam ng galit ng makita ko si Candice na nakatayo hindi kalayuan sa akin. Biglang nanumbalik ang mga ala-alang pilit ko ng kinakalimutan. Mga ala-alang gumuho ng aking mga pangarap na sana ay kasama siya, mga ala-alang ni minsan ay ayoko ng balikan pa. Napakalaking pagkakamali na nagtiwala at umibig ako sa babaeng katulad niya.
"Anong ginagawa mo dito? Ang kapal din naman ng pagmumukha mo na magpakita pa sa akin matapos ninyo akong tarantaduhin ng boyfriend mong demonyo!" Asik ko sa kanya na may madilim na anyo at nagbabagang mga mata na nakatitig sa malungkot n'yang mukha. Nagi-guilty siguro dahil sa ginawa nila sa akin. 'Yan ang mga katagang paulit-ulit na binabanggit ng aking utak habang nakatitig ako sa malungkot n'yang mukha. Tsk ang galing talaga magkunwari ng babaeng ito pero hindi na niya ako maloloko pang muli. Hinding-hindi na Candice.
"Daz, pakinggan mo naman ako." Wika n'ya sa akin na unti-unting lumalapit sa kinatatayuan ko.
"D'yan ka lang Candice, ayokong mapalapit na muli sa isang katulad mo!" Galit kong asik sa kanya kaya napahinto siya sa kaniyang paglalakad at isa-isang nagtuluan ang kaniyang mga luha.
"Daz, patawarin mo sana ako kung naglihim man ako sa iyo, pero sana ay pakinggan mo muna ako, nakikiusap ako sa iyo Daz please." Wika n'yang umiiyak sa aking harapan.
"Hindi ko kailangan ang paghingi mo ng tawad, umalis ka na dahil ayoko ng makita pa ang pagmumukha mo Candice! Para sa akin ay matagal na kayong patay kaya nakikiusap din ako sa iyo, umalis ka na at baka kung ano pa ang magawa ko sa iyo na maaari kong pagsisihan." Wika ko sa kanya ng may matinding galit sa aking tinig.
Muli niyang inihakbang ang kaniyang mga paa papalapit sa kinatatayuan ko kaya mas lalo akong nakaramdam ng galit dito. Sapat na sa akin na ginago nila ako, kaya nga ako na ang kusang lumayo dahil ayoko ng magkaroon pa ng ugnayan sa kanila pagkatapos nandirito na naman siya at pilit na ginugulo ang buhay ko.
"Ang sabi ko d'yan ka lang kung ayaw mong makatikim ng lupit ng paghihiganti ko sa iyo." Galit kong ani sa kanya kaya napatigil ito sa kaniyang paglalakad palapit sa akin.
"Hey, kanina pa kita hinahanap babe, ano ginagawa mo at kausap mo 'yang hampaslupa na 'yan ha? Alam na ba n'ya na ikakasal na tayo pagkagraduate natin?" Maangas na ani ni Frank habang nakangising nakatitig sa aking mukha.
"Te-Teka lang, a-ano..." Hindi na natuloy ni Candice ang kanyang sasabihin at agad siyang siniil ng halik ni Frank sa aking harapan na lalo kong ikinagalit sa dalawang ito.
Para akong paulit-ulit na tinotorture sa ginawa nila sa aking harapan. Nagtiwala ako kay Candice, minahal ko siya unang tuntong ko pa lang sa unibersidad na 'yon at ngayon ay pinagsisisihan ko na nag-aksaya ako ng oras sa kaniya.
"Guard paalisin n'yo ang mga taong ito dito!" Asik ko at agad namang tumalima ang mga guard at habang papalayo sila ay nakita ko ang pagngisi ni Frank sa akin.
"Mga demonyo kayo! Hanggang dito ay ayaw ninyo akong tigilan! Tandaan ninyo ang sasabihin ko sa inyo ngayon, darating ang araw na luluhod kayo sa harapan ko at magmamakaawa dahil patitikimin ko kayo ng tunay na basura!" Galit na galit kong bulyaw sa kanila.
Matinding galit ang nararamdaman ko ngayon. Ano ba ang naging kasalanan ko sa mga ito at pinaglalaruan nila ako ng ganito?
"Daz, pakinggan mo ako, hi..." Hindi ko na tinapos pa ang kanyang sasabihin at nagsalita agad ako.
"Lumayas kayo dito Candice! Hindi n'yo kailangang ipamukha sa akin na ikakasal na kayo. LUMAYAS KAYO BAGO KO PA KAYO MAPATAY!" Galit na galit kong bulyaw sa kanila at agad din akong pumasok sa loob ng aking opisina at hindi na sila nilingon pa.
Pagkapasok ko sa aking opisina ay agad na pinagsusuntok ko ng pinagsusuntok ang dingding sa sobrang galit na aking nararamdaman hanggang sa tuluyang dumugo ang aking kamao. Mga hayop sila, nananahimik na ako at lumayo na sa kanila, bakit kailangan pa rin nila akong lapitan upang ipamukha sa akin ang mga kawalanghiyaan nila. Naramdaman ko ang pagpasok ng isang bulto sa aking opisina at mabilis na nilapitan ako ni George at hinawakan ang aking braso na tila ba pinipigilan ako sa kung ano man ang aking ginagawa.
"Shìt bro anong nangyayari?!" Mabilis na pag-awat sa akin ni George at binalot niya ng kaniyang panyo ang aking kamaong walang ampat na dumudugo.
"Akala ko ay hindi na ako maaapektuhan pa pero tang-ina ang sakit-sakit ng ipamukha nila sa akin na ikakasal na sila ni Frank. Ano ba ang ginawa ko sa kanila upang pahirapan nila ako ng ganito?" Napapaupo kong wika kay George habang umiiyak ako ng umiiyak na para bang bata na inagawan ng laruan.
"Kalimutan mo na siya, marami pang babae bro at hindi siya karapat-dapat sa iyo." Wika ni George sa akin habang pinapakalma ko na ang aking kalooban dahil ayokong mas lalong magalit habang nagtatrabaho ako.
Tinitigan ko ang aking kamay na nagdurugo na may balot ng puting panyo at napapailing na lamang ako, bale-wala ito kumpara sa sakit na ipinaparamdam sa akin ni Candice.
"Pinakuha ko na ang medical kit sa isang waitress para magamot agad 'yang sugat mo at pagkatapos ay magpahinga ka na lang muna d'yan. Aalis muna ako at may aasikasuhin ako sa opisina ko pero babalik din agad ako dito." Wika nya at agad ding umalis ng aking opisina.
Ang kakapal ng mga pagmumukha n'yong pumunta pa rito upang ipamukha lamang sa akin ang nalalapit nyong kasal mga hayop kayo. Balang araw ay makakaganti din ako sa inyo tandaan ninyo 'yan.
Pagkalinis ng aking sugat ay iginugol ko ang aking sarili sa pagtatrabaho upang mawaksi sa aking isipan si Candice, ngunit kahit yata ano ang aking gawin ay tila ba isa itong multo na paulit-ulit na lumilitaw sa aking balintataw.
"Fuuuuuck!" Mura ko at sumandal na ako sa aking swivel chair at hinilot-hilot ko ang aking sintido na nagsisimula ng sumakit.
Mabilis na lumipas ang mga oras at natapos din ako sa aking mga ginagawa kaya naghahanda na ako para sa aking pag-uwi.
Paglabas ko ng aking opisina ay nagpaalam na din ako sa mga natitira pang mga empleyado sa bar.
"Sige po sir ingat kayo sa inyong pag-uwi." Wika ng isang waiter na pinasalamatan ko dahil sa kanyang sinabi at pagkatapos ay mabilis na akong lumabas ng bar upang makauwi na agad.
Pagkarating ko ng aming munting tahanan ay masayang mukha ng aking ina ang sumalubong sa akin kaya naman isang yakap at isang halik sa kaniyang noo ang iginawad ko dito.
"Anak, buti naman at nakauwi ka na, may agahan na sa lamesa halina at kumain na muna tayo." Wika ng aking ina ng nakangiti sa akin.
Dahil nakakaramdam na rin ako ng matinding gutom ay mabilis akong nakarating ng kusina at pag-upo ko pa lamang sa silyang nakatapat sa maliit naming lamesa ay nagulat ang aking ina ng makita niya ang nakabenda kong kamao.
"Susmaryosep anak! Napaano 'yang kamay mo, napaaway ka ba anak?" Nag-aalalang ani sa akin ng aking ina habang tinitignan ang nakabenda kong kamay.
"Hindi po ako napaaway nay, huwag po kayong mag-alala at wala lang po 'yan." Ani ko sa aking ina at isang malungkot na ngiti ang sumilay sa kaniyang labi.
"Anak, ayoko ng napapa-away ka, kaya sana ay magsabi ka sa akin ng totoo kung ano ba talaga ang nangyari at nakabenda ang iyong kamay." Naiiyak na ani n'ya sa akin.
"Nay hindi po talaga ako napaaway. Hayaan po ninyo at ikukuwento ko din po sa inyo ang mga nangyari pero hindi po talaga ako nakipag-away." Wika ko upang mapanatag na ang kanyang kalooban.
Ipinagsandok ko ang aking ina ng makakain upang masimulan na namin ang aming pagkain dahil nakakaramdam na talaga ako ng matinding gutom at upang maiwasan ko na rin ang pag-uusisa sa akin ni nanay tungkol sa nangyari sa aking kamay.
Napangiti ako sa agahang nakahain matapos kong tanggalin ang mga takip nito kaya napatingin ako sa aking ina na may malaking ngiti sa aking labi. Alam na alam talaga ni nanay kung ano ang paborito kong kainin lalo na kapag pagod ako sa aking trabaho, kaya walang sabi-sabi na inumpisahan ko ng lantakan ang masarap na agahang naghihintay sa amin.
"Parehong-pareho kayo ng ama mo, mahilig din siya sa ganiyang klase ng agahan, lalo na kapag maraming kamatis at tuyo. Kahawig mo din ang ama mo anak, nakuha mo sa kaniya ang iyong mata at maging ang iyong kutis, sayang nga lamang at maaga siyang kinuha sa atin ng panginoon." Ani ng aking ina na bigla na lamang nalungkot.
"Gwapo din pala ang aking ama? Akala ko ako lang." Pagbibiro ko upang hindi na malungkot ang aking ina at nagtagumpay naman ako dahil bigla itong natawa at mabilis akong sinagot.
"Sobrang gwapo anak! Hanggang ngayon ay mahal na mahal ko pa rin ang iyong ama. Nga lamang ay maaga siyang binawi sa atin ng panginoon." Malungkot na naman n'yang ani sa akin kaya napabuntong-hininga ako at tinitigan ko ang magandang mukha ng aking ina.
"Ang lahat ay may dahilan nanay, sige na po nanay ubusin mo na ang pagkain mo, hindi na masarap 'yan kapag malamig na." Sambit ko upang hindi na maungkat pang muli ang nangyari sa aking ama, ayokong nakikitang lumuluha ang aking ng dahil sa sobrang kalungkutan.
Matapos ang masagana naming agahan ay agad ko ding niligpit ang aming pinagkainan at pagkatapos ay ako na rin ang naghugas ng mga pinagkainan namin.
"Nay may exam po ako mamaya kaya magrereview lang muna po ako sa aking silid." Wika ko sa aking ina.
"Matulog ka muna at anak mamaya pa naman ang klase mo upang kahit papaano ay makapag-pahinga ka naman." Wika n'ya sa akin kaya napatingin ako sa orasang nakasabit sa aming dingding.
"Sige po inay matutulog muna po ako ng dalawang oras at pagkatapos ay mag-rereview naman po ako pagkagising ko mamaya." Sambit ko at dumiretso na ako sa aking silid upang matulog at ng magkaroon naman ako ng sigla mamaya pagdating ko ng eskwelahan.