Dazzle's POV
Ilang linggo na lamang ay magtatapos na ako ng kolehiyo at hindi na ako makapag-hintay pa sa araw na 'yon dahil ang pagtatapos ko ang magbibigay ng bagong buhay para sa aking ina.
"Anak kumain ka na muna dito bago ka umalis at pumasok sa trabaho mo." Wika ng aking ina. Napangiti ako dito, napaka swerte ko dahil kahit salat man kami sa napakaraming bagay ay mayaman naman kami sa pagmamahal. Para sa akin ay enough na 'yon.
"Ayan na po nay, nagbibihis lamang po ako." Sambit ko at pagkatapos kong magbihis ay lumabas din agad ako sa aking silid.
Habang naglalakad ako patungo ng kusina ay napalingon ako sa pintuan na tila ba may nauulinigan akong mga taong nag-uusap at may biglang kumatok dito kaya napatingin ako sa aking ina.
"Nay may bisita po ba kayong inaasahan?" Nagtataka kong ani sa aking ina dahil sa totoo lang ay wala naman kaming kapitbahay na kumakatok sa aming pintuan, nasanay na ako na ang ilang kapitbahay namin ay basta na lamang pumapasok dito sa loob lalo na kapag inaasahan sila ni nanay.
"Wala naman anak, ikaw ba?" Balik n'yang tanong sa akin at kahit nagtataka ako ay agad kong tinungo ang pintuan at binuksan ito dahil baka isa ito sa mga kaibigan ni George pero imposible naman dahil hindi naman nila ako sinasadya dito.
"Sino ho kayo at ano ang kailangan nila?" Wika ko sa mga taong nasa harapan ng pintuan.
Napatingin ako sa likuran ng taong kausap ko, ganoon na lamang ang pagkagulat ko ng mapansin kong napakaraming lalaki ang mga nakasuot ng itim na suit at nakatayo sa mga itim ding sasakyan na tila ba pinoprotektahan nila ang taong kaharap ko ngayon.
"I'm looking for Mrs. Susana Hendrickson and her Son Dazzle Daze Hendrickson." Wika ng isang gwapong lalaking matipuno at nagtataka ako kung sino ba ang mga taong ngayon ay nasa aking harapan na may mga kasamang maraming lalaki na naka black suit.
"Anak, sino ba 'yang kumakatok sa pintuan ha?" Wika ng aking ina habang nasa kusina siya kaya mabilis kong ipinaalam sa kaniya na may taong naghahanap sa kaniya habang hindi ko inaalis ang pagkakatitig ko sa taong kaharap ko.
"Nay may naghahanap po sa inyo." Sambit ko na hindi ko pa rin inaalis ang aking mga mata sa lalaking matamang nakatitig din sa akin, napatingin akong muli sa labas at tinignan ko ang mga kalalakihang isa-isa ng lumalapit at tumatayo sa likuran ng lalaking kausap ko.
"Ano kamo anak, may naghaha.." Hindi na natapos ng aking ina ang kaniyang sinasabi ng tila ba natulos na lamang siya sa kaniyang kinatatayuan at nabitawan niya ang plato na kaniyang hawak-hawak kaya agad akong napatingin sa kanya na tila ba pilit kong inuunawa ang mga nangyayari ngayon sa aking harapan.
"Inay ano po ang nangyayari sa inyo?" Nag-aalala kong ani sa aking ina na tila ba natutulala, na nakatitig sa lalaking nakatayo sa aking harapan. Sino ba talaga ang lalaking ito at bakit ganoon na lamang ang pagkabigla ng aking ina ng makita siya at bakit ganito rin karami ang tila ba mga private bodyguards nito?
"De-Desmond?" Nauutal na ani ng aking ina at mabilis na nagtuluan ang kanyang mga luha at tila ba nauupos na kandila na nawalan ito ng malay kaya agad ko itong tinakbo upang saluhin sana, dahil na rin sa sobrang pagkabigla ko ay hindi agad ganoon kabilis ang aking pagkilos. Tinawag n'yang Desmond ang lalaking nasa harapan ko at Desmond din ang pangalan ng aking ama kaya napatitig ako sa mukha ng lalaking kaharap ko habang nakatitig siya sa aking ina na tila ba nangungulila ito sa kanya.
"Nay!" Sigaw ko.
"Susana..." Sigaw naman ng lalaking nakatayo sa aking harapan na mabilis na tinakbo ang pagitan nila ng aking ina at sinalo n'ya agad ito bago pa man ito bumagsak sa sahig.
"Susana, wake up my love!" Wika ng lalaki na ikinagulat ko ng tawagin nya ang aking ina na my love.
Tang-ina sino ang mga ito at bakit ganoon na lamang ang reaksyon ng aking ina ng makita ang lalaking ito na tila ba nakakita siya ng multo. Imposibleng ang aking ama ito dahil dalawang taon pa lamang ako ay pumanaw na ito.
"Sino ka ba? Bitawan mo ang aking ina!" Asik ko sa lalaking aking kaharap at agad kong kinuha sa kanya ang aking ina at inihiga ito sa lumang sofa.
"Nay gising!" Wika ko ng may pag-aalala. Ano ba talaga ang nangyayari at sino ang taong ito na tinawag ng aking ina sa pangalang Desmond?
"Let's take her to the nearest hospital son." Wika n'ya at agad akong napalingon sa kanya ng tinawag n'ya akong son. Napakunot ang aking noo sa kanyang tinuran, aaminin ko na tila ba may kung anong koneksyon kaming dalawa na aking nararamdaman. Tila ba nakararamdam ng kasiyahan ang aking puso ng tinawag n'ya akong anak ngunit alam ko din namang imposibleng mangyari 'yon dahil matagal ng patay ang aking ama.
"Hindi kita tatay kaya huwag mo akong tawaging anak!" Asik ko sa kanya ngunit tila ba ako natulos ng matitigan ko ang kanyang mukha. Biglang kumabog ang aking dibdib at tila ba may nag-uudyok sa akin na yakapin ko ang lalaking kaharap ko.
"Please, let me take her to the nearest hospital." Wika n'yang may pag-aalala sa kanyang mukha kaya napatango na lamang ako at binuhat kong muli ang aking ina at sumakay na kami sa napaka-gara niyang sasakyan, at ang lahat ng naka suot na itim na suit ay nakasunod lamang sa aming sinasakyan. Napalingon ako sa likuran habang binabaybay namin ang patungong hospital at namamangha talaga ako na parang mga robot ang mga naka suit na isa-isang nagsakayan sa kanilang mga sasakyan at pagkatapos ay sunod-sunod na nagsunuran sa amin habang tatlo namang sasakyan ang nasa unahan namin. Bawat isang sasakyan ay may sakay na apat hanggang limang katao. Ganoon karami ang taong nagbabantay sa taong nakaupo sa likuran ko habang naka-alalay sa aking ina sa pagkakahiga sa likuran ng sasakyang ito. Sino ang taong ito? Gaano ba ito kaimportante at ganoon na lamang ang seguridad ng mga taong nagbabantay dito.
Nakarating kami sa pinaka malapit na hospital at agad ding inasikaso ang aking ina ng mga doctor na tila ba isang reyna ang aking ina kaya nagtataka ako sa mga ikinikilos ng mga empleyado ng hospital sa amin. Sino ang Desmond na ito at bakit kapangalan n'ya ang aking ama? Bakit ganoon na lamang ang pagkagulat ng aking ina ng makita n'ya ang lalaking ito? Mga katanungang hindi ko alam kung paano ko masasagot.
Hindi rin nagtagal ay lumabas ang doctor sa emergency room at nginitian kami at pagkatapos ay magalang na yumukod sa harapan ng lalaking nagngangalang Desmond.
"She is okay now, ililipat na po siya sa pina-ayos ninyong kwarto at pwede na din po kayong pumunta roon." Wika ng doctor sa amin at muli na naman itong yumukod ng ulo sa harapan ng lalaking ito. Hindi ko na alam ang mga nangyayari, hindi ko na alam kung sino ang mga taong ito.
"Sino ka ba talaga?" Nakakunot noo kong tanong sa kanya dahil hindi na ako makapag-hintay na malaman kung sino ang taong ito.
"You'll find out soon, son." Wika n'ya sa malungkot na tinig at tinawag na naman niya akong son. Naguguluhan na talaga ako sa kanya, nakatitig lamang siya sa akin na tila ba nangungulila sa akin kaya nagtataka ako sa kanyang ikinikilos.
"Maaari na po kayong pumunta sa pribadong silid ni Mrs. Hendrickson." Wika ng nurse sabay yukod ng kanyang ulo sa amin na ipinagtataka ko.
"Follow me son!" Wika n'ya at agad din naman akong tumalima at sumunod sa kanya sa paglalakad patungo sa silid na kinaroroonan ng aking ina.
Pagkapasok namin ng pribadong silid ay napamangha ako sa aking nakikita, tila ba ito isang napakalaking presidential suite at nakaramdam ako ng takot kung paano ko ito mababayaran.
"Teka lang ho! Kung hindi n'yo ho mamasamain ay iuuwi ko na lamang ho ang aking ina. Sa tingin n'yo ho ba ay saan ako kukuha ng ipambabayad ko dito?" Seryoso kong wika sa kaniya.
"You don't have to worry about it, son." Sambit n'ya at magrereklamo pa sana ako ng marinig ko ang boses ng aking ina.
"Da-Dazzle, anak nasaan ako?" Wika n'ya na pilit idinidilat ang kanyang mga mata.
Agad akong lumapit sa aking ina at hinawakan ko ang kanyang kamay. Gusto kong maramdaman niya ang pagmamahal ko, gusto ko ding malaman kung ano talaga ang nangyayari at kung sino ang taong tinawag niyang Desmond.
"Nasa hospital ka po nay, pero huwag ka na pong mag-alala dahil sabi po ng doctor ay maayos na po kayo kaya anumang oras ay maaari na po tayong umuwi." Wika ko naman sa kanya.
Bigla na lamang napabalikwas ng bangon ang aking ina na ikinagulat ko at pagkatapos ay nagpalinga-linga ito na tila ba may hinahanap at bakas sa kaniyang mukha ang pagkasabik na hindi ko maintindihan.
"Si Desmond anak, nakita ko si Desmond kanina." Wika n'yang gulat na gulat at tila ba hindi makapaniwala. Ang kabog ng puso ko ay hindi ko na maintindihan, may kasabikan akong nararamdaman sa kung anoman ang matutuklasan ko ngayon.
"Desmond? Ang tatay ko ho ba ang tinutukoy ninyo ha nanay? Hindi ho ba at patay na ang tatay ko?" Wika kong naguguluhan habang nakatitig sa aking ina.
"I am still alive son, my name is Desmond Dark Hendrickson, your father." Turan ng nasa aking likuran kaya agad akong napaharap dito.
"Desmond ikaw nga! Paanong nangyaring buhay ka? Bakit hindi ko nalaman na buhay na buhay ka?" Wika ng aking ina na walang humpay sa pag-iyak habang nakatitig ito sa lalaking kausap niya na ama ko daw.
"Nang bumagsak ang sinasakyan kong helicopter ay naka survive ako ngunit nawalan ako ng mga ala-ala sa loob ng dalawampong taon. Nang magising ako sa hospital ay wala na akong maalala pa. Nang makita ko ang singsing sa aking daliri ay pinilit kong alamin kung kanino ako ikinasal, pilit kong inaalam kung sino ang aking pamilya ngunit bigo ako dahil ang aking abogado na kasama ko sa aksidente ay hindi nakaligtas kaya wala akong alam sa kung sino ba ang pamilyang naiwan ko. Pinahanap ko kung kanino ako ikinasal ngunit sa kasamaang-palad ay nakapribado pala ang ating kasal at hindi pa nairerehistro ang mga ito dahil ng umalis kami noon ay katatapos lamang ng ating kasal at dala namin ang dokumento. Kasamang natupok sa apoy ang mga dokumentong 'yon maging ang hawak kong sertipiko na nagpapatunay na may anak pala tayo. Wala akong maalala na kahit na ano kaya mula nuon ay hindi na ako tumingin pa sa ibang babae dahil ang gusto ko, kapag nagbalik na ang aking mga ala-ala ay mananatili akong tapat sa babaeng pinag alayan ko ng aking puso at apelyido. Isang linggo na ang nakaraan ng muling nagbalik ang lahat ng aking ala-ala kaya ang una kong ginawa ay ang pinahanap agad kayo, ngayon nga ay nandirito na ako sa inyong harapan upang muling magbalik sa inyong piling. Patawarin sana ninyo ako kung natagalan man ang pagbabalik ko." Mahaba n'yang paliwanag sa amin habang ang aking ina ay walang tigil sa kanyang pagtangis. Ako naman ay halos hindi makapaniwala sa aking mga naririnig, buong buhay ko ang akala ko ay patay na ang aking ama ngunit nandirito siya ngayon sa aming harapan at buhay na buhay.
"Patawarin ninyo ako kung inabot ng ganito katagal, hindi ko sinasadya, hindi ko ginustong mangyari ito." Wika pang muli ng taong kaharap ko na ngayon ay lumuluha na.
"Desmond, wala kang kasalanan sa mga nangyari, ang importante ngayon ay nandito kang muli." Umiiyak na turan ng aking ina.
"Siya si Dazzle, ang anak natin Desmond at binatang-binata na ito, dalawang taon lamang siya ng umalis ka para puntahan ang iyong mga magulang upang ipaalam sa kanila ang tungkol sa amin ng anak mo, ngunit nangyari ang aksidenteng inakala namin na ikinamatay mo dahil 'yun mismo ang kumalat sa lahat ng balita sa tv at sa tabloid." Umiiyak na ani ng aking ina at agad akong niyakap ng aking ama habang umiiyak.
"Anak ko, ang laki ng pagkukulang ko sa inyo ng iyong ina, ipinapangako ko babawi ako, ibibigay ko sa inyo ang lahat ng inyong karapatan bilang mga Hendrickson at ikaw anak ang tangi at nag-iisang tagapagmana ng lahat-lahat ng negosyo at ari-arian ng mga Hendrickson." Umiiyak na ani ng aking ama habang mahigpit akong yakap nito. Hindi ako makakilos, hindi pa rin ako makapaniwala na buhay na buhay ang aking ama.
Nang binitawan ako ng aking ama ay agad naman siyang lumapit sa aking ina na walang puknat sa kaniyang pag-iyak habang pinagmamasdan kami ng aking ama.
"Mahal ko, nandirito na akong muli. Kukunin ko na kayong dalawa at isasama ko na kayo, babaguhin ko ang pamumuhay ninyo at ibibigay ang mga karapatan ninyo bilang mga Hendrickson." Umiiyak pa ring ani ng aking ama at mahigpit na nakayakap naman sa aking ina.
"Salamat sa diyos at hindi ka niya tuluyang kinuha sa amin ng anak mo." Wika ng aking ina habang pinapanuod ko lamang sila. Naguguluhan pa rin ako, ibig bang sabihin ay ama ko ang pinakamayamang tao sa buong mundo at ako ang nag-iisa niyang tagapagmana?
"Halika dito anak gusto kong makilala mo ang iyong ama." Wika ng aking ina at lumapit naman ako sa kanila at nakaramdam ako ng kasiyahan sa aking puso ng pareho nila akong niyakap. Ito na ba ang magiging simula ng malaking pagbabago sa aking buhay?