Dazzle's POV
Ngayon ang araw ng kaarawan ni Candice at mamayang gabi ay ang malaking party na gaganapin sa kanilang malaking tahanan.
Nagpaalam ako sa aking ina upang pumunta ng mall, wala pa kasi akong nabibiling kahit na anong regalo para sa aking kasintahan.
Masaya akong umalis ng bahay, habang naglalakad ako ay napatingin ako sa aking pitaka at napabuntong-hininga ako. May tatlong-libong piso ako sa aking wallet at hindi ko alam kung ano ba ang aking mabibili.
Alam kong ang lahat ng kaniyang bisita mamaya ay puro de kalidad ang regalong ibibigay nila at baka barya lang ang tatlong libo ko kumpara sa kaya nilang bilhin para kay Candice.
Mabilis naman akong nakarating sa mall at naghanap agad ako ng maaari kong mabiling regalo para kay Candice. Kung ano-anong boutique ang pinapasok ko makahanap lamang ako ng swak sa budget na pangregalo sa kaniya.
"Thirty-eight thousand pesos?" gulat kong ani sa sales lady na tila ba pinagtatawanan pa ako sa naging reaksyon ko habang nakatitig ako sa hawak kong kwintas. Jusko! Thirty-eight thousand pesos talaga ang halaga ng maliit na kwintas na ito? Kahit sa gutal ay hindi man lamang kakasya ang hawak kong pera, ano pa ba ang mabibili sa halagang tatlong libo ko?
"Kuya kung naghahanap po kayo ng mura ay sa labas po, may mga nagtitinda ng mas mura pero hindi ko lang alam kung ano ang kalidad ng mga ito. Dito po kasi sa loob ng mall ay makakasigurado po kayo na hindi kayo mapepeke." ani niya sa akin kaya naman mabilis kong ibinalik sa kaniya ang kwintas at napabuntong-hininga ako.
Naglakad-lakad muna ako sa loob ng mall at naghahanap ng isang bagay na swak lamang sa aking budget. Tinignan kong muli ang aking wallet at mayroon lamang akong three thousand pesos pagkatapos ay pamasahe ko pa pauwi.
Napadako ang aking tingin sa department store at pumasok ako dito, isang bracelet na silver na may palawit na maliliit na hugis bituin ang aking napili sa isang tindahan ng mga alahas na yari sa silver, simple lamang ito at nagkakahalaga lamang ito ng dalawang-libong piso at pwede pang ukitan ng pangalan o mensahe dito kaya agad ko itong binayaran at pinaukit ko ang mensaheng Dazzle & Candice Forever at pinabalot ko agad ito. Nakangiti ako habang papauwi na ako sa amin, sigurado akong magugustuhan ito ni Candice.
Nang makarating ako sa aming barong-barong ay dumiretso agad ako sa aking silid at binuksan ang aking cabinet at naghanap ng maaari kong maisuot sa party.
Isang polong puti na halos kupas na kupas na ang kulay at itim na pantalon ang aking napili na paparehasan ko na lamang ng rubber shoes na itim.
Pagkaligo ko ay agad kong pinalantsa ang aking susuotin at maingat na isinabit ito upang huwag magusot. Luma man ang aking kasuotan ay sisiguraduhin ko naman na magiging presentable ako sa harapan ng mga magulang ng aking kasintahan.
Napatingin ako sa aking ina dahil kanina pa ito nakangiti sa akin kaya nilapitan ko ito at niyakap ng mahigpit.
"Mag enjoy ka lang anak, at sana sa susunod na mga araw ay maisama mo na dito ang iyong kasintahan upang makilala ko naman ang babaeng nagpapatibok ng puso ng aking gwapong-gwapong anak." masayang ani ng aking ina na ikinatawa ko ng malakas.
"Si nanay talaga at binobola na naman ako!" tumatawa kong ani dito na ikinatawa na din niya.
"Aba naman, syempre anak! Sino pa ba ang magdadamayan at magpupurihan kung hindi tayo lamang din!" wika n'yang tumatawa pa rin.
"Hala sige na at maghanda ka na at malapit ng mag alas sais, baka mahuli ka pa sa kaarawan ng iyong kasintahan." wika n'ya at lumabas na ng aking silid.
Matapos akong magbihis ay nagmamadali na akong nagpaalam sa aking ina at sumakay sa taxi na pinapasada ko at mabilis na pinasibad ito upang makarating agad ako sa bahay nila Candice.
Sobrang saya ko ngayong gabi dahil sa wakas ay ipakikilala na ako ni Candice sa kanyang mga magulang kaya nga sinugurado kong presentable akong tignan upang hindi naman mapahiya ang aking kasintahan.
Nang makarating ako sa kanilang napakalaking bahay ay agad akong pumasok sa gate ngunit hinarang agad ako ng dalawang guard na nakabantay dito.
"Saan ka pupunta? Alam mo bang may malaking party diyan sa loob ng mansion at tanging mga bisita na may imbitasyon lamang ang maaaring makapasok dito?" wika ng guard sa akin. Nginitian ko ang mga ito at magalang akong nakipag-usap sa kanila.
"May imbitasyon ako sir at kasintahan ko ang may kaarawan ngayon." bigla silang natigilan sa aking inusal at pagkatapos ay mataman akong tinitigan mula ulo hanggang paa at bigla silang bumunghalit ng tawa na ikinagulat ko. Napatingin ako sa aking paligid at ang mga tao ay nakatingin na sa amin.
"Nagbibiro ka ba bata?" tumatawang ani pa rin ng guard sa akin habang hindi ito tumitigil sa malakas na pagtawa. Nakaramdam ako ng pagkairita dahil maging ang mga simpleng tao na katulad nila ay nagagawa nilang manglait ng kapwa nila mahihirap.
"Hindi ho! Girlfriend ko ho talaga si Candice!" sambit kong muli ngunit panay tawa lamang ang isinasagot nila sa akin.
"Naloloko na yata itong batang ito! Alam mo bata, gwapo ka at tisoy pero isa ka lamang mahirap at ang katulad mo ay hindi papatulan ni Senyorita Candice, at may kasintahan 'yan at sigurado akong hindi ikaw 'yon." sambit ng guard sa akin habang kumukumpas-kumpas pa ang kamay n'ya ng biglang may magsalita sa aking likuran.
"Papasukin n'yo 'yan dahil bisita yan ni Candice. Sa susunod huwag kayong manglalait ng bisita ninyo dito kung hindi irereport ko kayo sa ahensyang pinanggalingan ninyo. Nagkakaintindihan ba tayo" boses ni Caspian kaya tila nakahinga ako ng maluwag ng makita ko ito.
"Pasensya na ho sir Caspian!" sambit ng dalawang guard na kanina lamang ay nilalait ako mula ulo hanggang paa.
Napatingin ako kay Caspian ng may pagtataka sa aking mukha kaya mabilis naman nitong nakuha kung ano ang katanungang gusto kong itanong dito.
"Business partners ang ama ni Candice at ang dad ko. Ninong ko din si Tito Greg sa binyag kaya imbitado din kami ngayon dito. Ikaw? Ginulat mo ako ha! Buti at dumating ako kung hindi baka napatulan mo na ang dalawang guard na 'yon." natatawa n'yang turan sa akin.
"Pinagpapasensyahan ko na lang, inimbita kasi ako ng girlfriend ko, si Candice." nakangiti kong wika sa kanya.
"Wow, congrats bro! hindi ko alam na girlfriend mo pala 'yong masungit kong kinakapatid. I'm happy for you!" ani n'ya at hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa pinag-dadausan ng handaan.
Magkatabi kami ni Caspian sa upuan sa isang bilog na mesa ng mapansin ko si Candice na tila ba kinakabahan at iniiwasan ako.
Sinusundan ko lamang siya ng tingin at sa tuwing mapapatingin siya sa kinaroroonan namin ni Caspian ay hindi niya magawang tignan ako sa aking mga mata. Pakiramdam ko ay may bumabagabag sa kaniyang isipan na hindi ko maintindihan.
Muli itong napalingon sa amin kaya itinaas ko na ang aking kamay ngunit katulad kanina ay iniwasan na naman niya ako kaya nakakaramdam ako ng matinding pagkabahala dahil sa mga ikinikilos niya. Iniisip ko tuloy kung may nagawa ba akong hindi maganda sa kaniya.
"Mukhang iniiwasan ka ng girlfriend mo ha!" ani ni Caspian sa akin kaya napabuntong hininga naman ako at muli kong sinundan ng tingin ang aking kasintahan.
"Gusto mo bang lapitan ko na ito at papuntahin dito?" ani sa akin ni Caspian ngunit umiling lamang ako. Kung gusto niya akong lapitan ay hindi ko naman kailangang makiusap sa kaniya.
"Baka busy lang, marami kasi siyang bisita." ani ko naman dito na ipinagkibit-balikat na lamang niya.
Naninibago ako sa ikinikilos ni Candice, hindi ko alam kung may itinatago ba ito sa akin na kung ano kaya pilit niya akong iniiwasan. Baka naman ikinakahiya niya ako dahil wala akong maipagmamalaki sa aking buhay kung hindi ang pag-aaral ko lamang.
Huminga ako ng malalim at pinagmasdan ko ang hawak kong regalo at simple akong napangiti.
"Alam kong magugustuhan mo ito mahal ko." bulong ko sa aking sarili na ikinalingon naman ni Caspian at nginitian na lamang ako.