Chapter 5

1160 Words
MABIGAT pa rin ang pakiramdam ni Noah nang magising siya kinabukasan. Ngunit wala siyang maalala na kahit alin man sa mga nangyari kagabi. He didn't even remember how he got home. Ang huli niyang natatandaan ay lumiko siya sa eskinitang papunta sa kanila. Kahit anong pilit niya ay iyon lang talaga ang pumapasok sa isip niya. "Magandang buhay, Kuya!" masayang bati sa kaniya ni Harlene. Nakasuot na ito ng uniporme. "Pagod na pagod ka siguro sa trabaho mo, Kuya, kaya tinanghali ka ng gising." "Magandang buhay din, bunso," mahinang tugon ni Noah sa kapatid habang iginagalaw-galaw ang balikat na sumasakit. "Oo nga, anak," sabi naman ni Nanay Fe na naghahanda na ng kanilang almusal. "Tulog na tulog ka na sa kuwarto mo kagabi kaya hindi na kita ginising para maghapunan. Akala ko babangon ka rin kapag nagutom ka. Pero hindi mo ginalaw ang pagkaing itinira ko sa'yo," dagdag pa ng ina at nilagyan ng kanin ang pinggan na nakatapat sa upuang para sa kaniya." Nagtataka na umupo si Noah. Wala rin siyang maalala na kahit ano kaya hindi siya makasagot. Pero siguro nga, sa sobrang pagod kaya nakatulog kaagad siya kagabi. Patunay ang masakit niyang katawan. Madalas naman iyong mangyari pagkadating niya sa bahay. Minsan nga, nagigising na lang siya ng madaling araw na kumakalam ang sikmura. Bagaman ramdam ni Noah na may ibang nangyari kagabi, hindi na lang niya iyon pinilit na alalahanin. Ayaw niyang sumakit ang ulo niya dahil may exam pa siya mamayang gabi. "Pagod na pagod nga ho ako kahapon, 'Nay, kaya siguro nakatulog ako habang nagpapahinga sa kuwarto." Ayaw na ni Noah na magulo pa ang isip ng kaniyang pamilya kaya nagdahilan na lang siya. "Kung gano'n, Kuya, kailangan mo pala ang power massage ko," paglalambing ng kaniyang kapatid. Pumuwesto sa likuran niya at hinilot-hilot ang kaniyang balikat. "For sure, mawawala ang lahat ng pagod mo dahil dito." "Kuh, utuin mo pa iyang kuya mo," pambubuko ni Nanay Fe kay Harlene. "Bakit kasi ayaw mo pang sabihin na kailangan mo lang ng pera sa katapusan para sa field trip n'yo." "Si Nanay talaga... Sinisira ang diskarte ko," kunwaring pagtatampo ng kapatid ni Noah. "Sasabihin ko naman po talaga kay Kuya. Dumidiskarte lang ako para makahirit ng mas malaking baon." "Nagtaka ka pa riyan sa anak mo, eh, kuhang-kuha niyan ang galing mo sa pambobola. Doon mo nga ako nadale, eh." Galit na binato ni Nanay Fe ng plastic na baso ang kanilang ama na katatapos lang maligo. "Damuho kang Berto ka. Ikaw itong panay ang bola sa'kin noon. Pinangako mo pa sa'kin noon na ibibigay mo sa'kin ang buwan basta pakasalan lang kita. Eh, nasaan na ba ngayon ang buwan na 'yon? Nandoon sa kalangitan, kitang-kita ko dahil sa butas-butas nating bubong." Humagalpak ng tawa si Tatay Berto; gayun din sina Noah at Harlene. Aliw na aliw sila sa asaran ng kanilang mga magulang. "Anong hindi kita binigyan? Ano pala ang tawag mo riyan?" Itinuro ng ama ang personalized calendar na may nakasulat na apelyido nila, at nakasabit sa dingding. "Regalo ko iyan sa'yo noong December, ' di ba? Labing dalawang buwan pa nga ang nariyan, eh. At may mga pangalan pa. Si Enero, si Pebrero, si Marso--" Naputol ang pang-aasar nito nang sabunutan ni Nanay Fe. "Huwag mo akong pilosopohin, Berto, kung ayaw mong sa labas ka matutulog mamayang gabi." "Ito namang lalabs ko, hindi na mabiro. Alam naman ng mga anak mo na ako talaga ang patay na patay sa'yo." Niyakap ng kanilang ama si Nanay Fe na pumapalag noong una pero bumigay din naman. Yumakap din ito sa asawa."Hindi bale. Papalitan natin ang mga yero na iyan kapag tumama na ako sa paluwagan." Noah smiled sweetly as he looked at their parents. Makikita na walang kupas ang pagmamahalan ng mga ito. Gusto niyang ganito rin sila ni Michelle kapag tumanda na sila. "Kailan nga pala ang deadline ng bayaran n'yo para sa field trip, bunso?" mayamaya ay tanong niya kay Harlene. "At magkano? Pati na rin ang gusto mong baon." Lumiwanag ang mukha ng kapatid. "Sa twenty seven po, Kuya. Sa thirty kasi ang field trip namin." Napakamot ito sa ulo. "At saka ikaw na ang bahala sa baon ko, Kuya. Kahit magkano. Ang importante ay makasama ako. Educational trip kasi iyon." "Tamang-tama dahil sasahod na ako sa twenty five. Basta ipangako mo sa'kin na magbe-behave at mag-iingat ka sa field trip n'yo." "Promise po, Kuya!" Tuwang-tuwa na yumakap sa kaniya ang kapatid. "Thank you, Kuya. I love you!" Napapangiti lang na tinapik-tapik ni Noah ang likod ni Harlene. "I love you din, bunso. Gagawin lahat ni kuya basta para sa'yo." "Hay... Sana ganiyan kayo habambuhay," maluha-luhang saad ni Nanay Fe. Katulad ni Tatay Berto ay natutuwa rin ito na makita silang magkapatid na nagmamahalan. Mayamaya ay nakita ni Noah si Lola Sabel na lumalabas sa tindahan nito. Dali-dali itong pinuntahan ni Noah para sunduin. Habang nasa labas ng bahay ay naramdaman niyang tila may mga matang nakamasid sa kaniya. But when he looked around he saw no one. Ipinagkibit na lang niya iyon ng balikat. Lagi namang ganoon ang pakiramdam niya. Hindi na lang niya pinagtutuunan ng pansin dahil hindi naman niya maramdaman na panganib iyon. MULA sa di-kalayuan ay alam ni Monica na naramdaman din ni Noah ang kaniyang presensiya. Gustong-gusto na niya itong lapitan para sabihin dito ang malaking problema na kinakaharap nilang lahat ngayon. Pero hindi pa ito ang tamang oras para malaman niya kung dapat ba niya iyong ipaalam kay Noah. At hanggang hindi pa sumasapit ang takdang panahon ay kailangan muna niya itong protektahan mula sa panganib na mararanasan nito bilang isang mortal. Katulad na lang sa isang halimaw na nakaengkuwentro nito kagabi. Hayok iyon sa dugo ng mga tao. Isang nilalang na hindi pa napapanahon para maalala ni Noah. Fortunately, Monica decided to visit Noah. Dahil kung hindi, siguradong nakagat na ito at naging halimaw na rin ang kasalukuyang katawan; katulad nang nangyari sa babaeng biktima kagabi. She already knew that would happen. Kaya pagkatapos niyang patulugin at ihatid si Noah sa bahay nito, hinanap niya ang naturang babae at pinatay bago pa man maghasik ng lagim sa mundo ng mga tao. Ipinagpasalamat din ni Monica na hindi nakilala ng halimaw ang totoong pagkatao ni Noah. Dahil mas lalo sana itong manganganib. At walang magagawa ang taglay nitong lakas kapag nagkataon. "Alam kong imposible kang matunton ng mga kalaban, Noah. Pero gusto ko pa ring makasiguro," kausap ni Monica sa hangin, gamit ang banyagang salita. Pagkatapos ay pumikit siya at iminuwestra ang mga kamay sa katawan ni Noah at nagsimulang bumigkas ng chant. "Gnaggnah asan milali ak gn noitcetorp lleps an oti ya gnalaw onis gnam nabalak gna malaakakam gn ootot gnom oatamgap." Pagkatapos niyang bigkasin ang chant na iyon ay naramdaman na ni Monica ang parte ng kaniyang kapangyarihan na lumukob sa pagkatao ni Noah. Habang nabubuhay siya at nanatili sa kasalukuyang katawan nito ang kapangyarihang iyon, hindi ito matatagpuan ng kahit sinong kalaban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD