PROLOGUE
Note: This story is a work of fiction. Names, characters, business, events and incidents are the products of the author's imagination. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
METTSA, 1721
-A habitat of Werewolves in the world of humans. This is located at the bottom of the mountain in Finland that is less accessible to humans. Where only a select few environmentalists can still come here to protect and preserve the woodland.
MALAKAS ang kaba sa dibdib ni Gertrud habang sinisikap na makalayo sa Mettsa. Parang gusto na niyang banggain ang malalaking punongkahoy na nababalot ng snow. At ang kaniyang mga paa ay halos hindi na sumasayad sa lupa na puro yelo na lang ang makikita, hindi dahil nilalamig siya kundi dahil sa sobrang bilis ng kaniyang pagtakbo.
Pinili ni Gertrud na hanggang beywang lang ang i-transform niya bilang lobo para mahawakan niya nang maayos ang kaniyang bitbit. Tinitiis niya ang matinding lamig na nanunuot sa mataas na bahagi ng kaniyang katawan.
Napatigil mula sa mabilis na pagtakbo si Gertrud nang marinig niya ang pag-iyak ng sanggol na kalong-kalong, si Hedvig, ang kaniyang nag-iisang anak. Marahil ay naramdaman din nito ang panganib na humahabol sa kanila kaya ang lakas ng bulahaw.
Punong-puno ng pagmamahal na hinaplos ni Gertrud ang maliit na pisngi ni Hedvig. "Huwag kang mag-alala, Poika. Hinding-hindi papayagan ni Aiti na may manakit sa'yo. I will protect you with my own life even if it means I will fight your isoisa."
Ang aiti ay Finnish word ng salitang "ina". Samantalang "lolo" naman ang ibig sabihin ng isoisa. At "anak na lalaki" naman ang poika. Hindi lahat ng Werewolves ay katulad nila na mga Finn. Pero dahil Finland na ang naging tirahan nila sa loob ng daan-daang taon, na-adopt na ng karamihan ang tradisyon at kultura ng mga Finn.
Habang hinahaplos ni Gertrud ang inosenteng mukha ni Hedvig ay unti-unti itong tumahan. "Poprotektahan kita, Poika, kahit ang ibig sabihin niyon ay malalayo ka sa'kin. Kakayanin kong mamuhay sa sakit at lungkot, basta mabuhay ka lang." Kumisap si Gertrud nang maramdaman niyang nabalong ng luha ang kaniyang mga mata. Nanginginig ang kamay na pinunasan niya ang maliit na pisngi ni Hedvig na napatakan ng kaniyang luha. "I... I'm sorry if I have to take you away from here, away from me. I hope that one day you will understand me, too."
Napahinto sa pagiging emosyonal si Gertrud nang may marinig siyang maliliit pero mabibilis na yapak. Mga anim na milya pa ang layo ng ingay na iyon. Pero dahil matalas ang senses nilang mga Werewolves kaya parang kay lapit lang niyon sa pandinig niya. Amoy na amoy din ni Gertrud ang nagmamay-ari ng mga yapak na iyon. Alam niyang hindi magtatagal ay maabutan na sila. Tumindi ang takot at pag-aalala niya para kay Hedvig.
Habang inaayos ang tela na nakabalot sa anak ay nagkulay-abo ang mga mata ni Gertrud para makita niya ang kabuuan ng madilim na paligid. Kung hindi lang dahil sa sinag ng buwan, puwede niyang sabihing umaga pa rin ngayon. Halos dalawang buwan na rin na hindi sumisikat ang araw. Buwan na lang ang madalas nilang basehan ng oras.
Olen pahoillani, Isa. I'm sorry, Father. But you can't kill my son.
Pagkatapos siguruhing maayos na ang pagkakahawak kay Hedvig ay ipinagpatuloy ni Gertrud ang matulin na pagtakbo. She almost ran with the wind. In addition to sharp senses, the Werewolves also have speed and agility. At lalo silang lumalakas at bumibilis sa ilalim ng bilog na buwan, kapag nagta-transform sila sa pagiging Lobo. Pero sa katulad ni Gertrud na may dugong Orihinal, may bilog na buwan man o wala, kaya niyang magpalit ng anyo ano mang oras na gugustuhin niya.
Nabuhayan ng loob si Gertrud nang matanaw niya ang hugis bilog na liwanag sa labas ng Mettsa. At hindi nagtagal ay nahagip ng kaniyang mga mata ang isang babae na kulay puti ang buhok na nakatayo sa gilid ng bilog na liwanag. She is wearing a black and blue princess-cut bodice with lacing on the bottom. Her body and shoulders are well protected by armor. May hawak naman na shield at espada ang mga kamay nitong nakatago sa gauntlets.
Agwena!
"Oh, Luojan kiitos!" Oh, thank God! Muling namasa sa tuwa ang mga mata ni Gertrud nang masigurong ang pisikal na katawan nga ng kaibigan niyang si Agwena ang nakikita niya. "Maraming salamat sa pagpunta mo, Agwena," natutuwang bungad ni Gertrud sa kaibigang mandirigma.
"Nabasa ko ang mensahe na ipinadala mo sa Varika," may matinding pag-aalala sa boses na sabi ni Agwena. "At hindi ako dapat na nandito, Gertrud. Dahil sa oras na dinala ko ang anak mo sa mundo namin, siguradong manganganib ang buong lahi ko. Hindi lang sa kamay ninyong Werewolves, Vampires at Witches, kundi pati na rin sa mga Black Kampflen. Siguradong hindi titigil si Aamon hanggang hindi nababawi ang anak n'yo."
"Parang awa mo na, Agwena. Ikaw na lang ang pag-asa namin ng anak ko. Mas nanganganib ngayon ang buhay niya sa Mettsa dahil papatayin siya ng ama ko. Hindi nila bubuhayin si Hedvig." Nagsusumamo na tinapik ni Gertrud si Agwena. "Kung sakali mang dumating ang araw na lulusubin ng ama niya ang Nevastus, asahan mong ibubuwis ko ang buhay ko para protektahan ang buong lahi n'yo. Alam kong hindi ko kaya ang mga katulad n'yong espiritu. Pero lalabanan ko si Aamon para sa inyo."
"Pero kailan mo kukunin sa'kin si Hedvig? Paano kung hindi ko siya mapalaki nang maayos? Paano kung manaig sa kaniya ang dugo ng isang Black Kampflen?"
Pinisil-pisil ni Gertrud ang kamay ng kaibigan. "May tiwala ako sa'yo, Agwena... May tiwala ako sa buong lahi mo. Alam kong may natural na pag-ibig at kabutihan sa inyong mga puso bilang mga Souron warrior. Alam kong hindi mo ako bibiguin."
"Pero anak pa rin ni Aamon si Hedvig, Gertrud. Balang araw ay posible siyang maging banta sa aming lahi." Ito ang unang beses na nakitaan niya ng takot at pagkabahala ang magiting na kaibigan. "Hindi ko kayang isugal ang buong Nevastus--"
Naputol ang pagsasalita ni Agwena nang bigla itong patigilin ni Gertrud. Muli niyang narinig ang mabibilis na yapak. Ilang milya na lang ang layo n'on sa kanila. Amoy-amoy na niya ang kalahi niyang Werewolves, lalo na ang kaniyang ama na si Adolf at nagsisilbing alpha ng kanilang pack.
Tumindi ang kaba sa puso ni Gertrud nang sunod-sunod na mag-alulong ang mga kalahi niya.
Puno ng pag-aalala na binalingan niya ang kaibigang Souron warrior. "Parang awa mo na, Agwena. Itakas mo na ngayon din si Hedvig. Sa mga kamay mo na lang nakasalalay ang buhay niya."
Hindi kumibo si Agwena. Pinakiramdaman nito ang paligid. Marahil ay naramdaman din nito ang nagbabadyang panganib. At alam ni Gertrud na hindi siya bibiguin ni Agwena. Dahil bukod sa likas itong mabait, halos isandaang taon na rin silang magkaibigan.
"Gusto kong malaman mo, Gertrud, na gagawin ko ito alang-alang sa pagkakaibigan natin. Hindi ko maipapangako, pero gagawin ko ang lahat para mapalaki sa kabutihan ang anak mo," mayamaya'y wika ni Agwena habang isinusuksok ang espada sa likuran nito.
Napaluha si Gertrud sa narinig. Kapagkuwan ay tinitigan niya ang inosenteng mukha ni Hedvig. "Masakit sa'kin ang ilayo ka sa piling ko, Poika. Sobrang sakit. Parang sasabog ang puso ko. But I have to sacrifice my heart for your life." Nabasag ang boses ni Gertrud nang umiyak ang anak na para bang naiintindihan ang sinasabi niya. "I... I love you so much, Hedvig. L-lagi mong tatandaan na bunga ka man ng kasamaan, pero para sa'kin, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko."
"Kailangan na naming umalis, Gertrud. Nararamdaman kong malapit na ang mga kalahi mo."
Bago niya inabot si Hedvig kay Agwena sa nanginginig na mga kamay, buong ingat at pagmamahal na hinagkan niya ang malambot na mga pisngi ng anak. "Ikaw na ang bahala sa kaniya, Agwena. Lagi mong ipaalala sa kaniya na mahal na mahal ko siya." Muli niyang tinapik sa balikat ang kaibigan. "Maraming salamat. Pangako, balang araw ay babawi ako sa'yo."
"Gertru--ud!"
Kaagad na nagkulay-abo ang mga mata ni Gertrud nang marinig ang dumadagundong na boses ng amang si Adolf. Mula sa sinag ng buwan ay nakita niya itong nakatayo mga ilang metro ang layo sa kanila. Katulad ni Gertrud ay anyong tao lang ito. But unlike her, his father's eyes were glowing red.
Hindi nagtagal ay sunod-sunod na dumating at humanay sa likuran ni Adolf ang mga lobo na kulay brown. Kulay-ginto naman ang mga mata ng mga ito. Sabay-sabay na umalulong ang mga ito nang makita sina Gertrud.
Iginalaw ni Gertrud ang mga kamay. At sa isang iglap ay lumabas ang matatalas at mahahaba niyang kuko. Inihanda na niya ang sarili para protektahan ang anak. Alam niyang sa ama pa lang ay wala na siyang laban. Ngunit kung kailangan niyang lumaban hanggang sa huling hininga, gagawin niya.
"Ibigay mo sa'kin ang anak mo, Gertrud!" muling sigaw ni Adolf. Punong-puno ng awtoridad ang boses nito. "Huwag mong ilagay sa kapahamakan ang buong lahi natin!"
"Kung kaya mong isakripisyo ang buhay ko para sa pagiging pinuno mo, puwes, hindi ako, Isa!" ganting sigaw ni Gertrud. Ang isa ay "ama" ang ibig sabihin. "Hindi ko isasakripisyo ang buhay ng anak ko para kahit kanino! I'm sorry, Isa. Pero kailangan kong unahin ang buhay ni Hedvig."
"Don't be so stupid, Gertrud!" Mababakas na sa boses ni Adolf ang matinding galit. "Ibigay mo na sa'kin si Hedvig kung ayaw mong pati ikaw ay malalagay sa panganib."
Binalewala ni Gertrud ang banta ng ama. Nag-unahan sa pagpatak ang kaniyang mga luha nang balingan niya ang kaibigan na Souron warrior. "S-sige na, Agwena, itakas mo na ngayon din si Hedvig!"
Tinapunan siya nito nang nag-aalalang tingin. "Mag-ingat ka, Gertrud, at paalam."
Nang lumapit si Agwena sa hugis bilog na liwanag, na nagsisilbing portal ng mga taga-Nevastus papunta sa mundo nila, narinig ni Gertrud ang tila unti-unting pagkadurog ng kaniyang puso.
Sa huling pagkakataon ay sinulyapan niya ang anak na noo'y bumubulahaw ng iyak. "Farewell, Hedvig... Until we see again, my Poika. Rakastan sinua niin paljon..." I love you so much...
Narinig ni Gertrud ang malakas na pagmumura ni Adolf. At parang sa isang kisap-mata lang ay nasa harapan na niya ito. Ni hindi gaanong gumuhit sa lupa na punong-puno ng snow ang matutulis nitong kuko sa paa. Gusto nitong pigilan si Agwena na pumapasok sa portal, kasama si Hedvig. Ngunit nahuli na si Adolf. Dahil sa isang iglap lang ay naglahong parang bula ang portal.
Napaigik si Gertrud nang maramdaman niyang bumaon sa balat niya ang mahahabang kuko ng ama.
"Isa kang traidor!" Kasabay nang mala-kulog na boses na iyon ni Adolf ay ang sunod-sunod na pag-alulong ng mga lobo. Siguradong katulad ng kaniyang ama ay galit din sila kay Gertrud.
"Isa lang akong ina na nagmamahal sa anak niya, Isa," depensa niya sa pagitan nang luhaang mga mata.
Sunod-sunod at marahas siyang kinalmot ni Adolf hanggang sa magdugo ang kaniyang katawan. Hindi nanlaban si Gertrud at hinayaan ang sarili na bumagsak sa malamig na malamig na lupa. Habang unti-unting pumipikit ang kaniyang mga mata ay tila naaninag niya ang nakangiting mukha ng anak.
Hedvig...