"Anak, pagkatapos mong mag-aral ay mag-impake ka na ng mga damit at gamit mo. Piliin mo lang sana ang mga importante dahil malayo ang probinsya," saad ko sa anak ko na nagbabasa ng kanyang libro.
"Probinsya po?" tila nagtataka naman tanong ni Zandro.
"Zandro, uuwi na tayo kung saan talaga nagmula ang pamilya natin. Kung saan ako ipinanganak at nagkaisip." Paliwanag ko.
"Ma, bakit wala naman po kayong na kwento sa akin na mayroon po pala tayong probinsya? Kaya nga po nagtitiis tayo dito sa lungsod kasi po sabi ninyo wala po tayong ibang pupuntahan na lugar, hindi po ba?" sunod-sunod na tanong ni Zandro na nag paumid sa dila ko.
Tama naman kasi siya, hindi ko kailanman nabanggit na bukod dito sa siyudad ay mayroon pa akong ibang alam na lugar na pwede namin puntahan.
"Wala ba akong nabanggit?" painosente ko namang tanong ngunit alam kong kahit kailan ay hindi ko naman binanggit sa kanya ang tungkol sa bayan ng Guadalupe.
Nais ko na sana talagang ibaon sa limot ang bayan na 'yon. Kaya hindi ko na talaga kinukwento pa sa ibang tao na galing ako at ang buo kong pamilya sa isang malayong lugar.
"Kung ganun, kailangan ko na naman po na lumipat ng school?" malungkot na wika ng aking anak at saka marahan ng inililigpit ang kanyang mga binabasa na libro at isa-isa ng isinilid sa kanyang backpack.
Unang buwan pa lang naman ng pasukan.
Nasa dalawang linggo pa lang siyang pumasok sa paaralan. Nasa first year high school na ang anak ko. At tama si Tiyo Mario, kailangan kong unahin ang kapakanan niya. Kaya nga maaga pa lang ay pinag-isipan ko na ng mabuti at nagdesisyon na ako agad na uuwi na kami ng Guadalupe hangga't pwede pa siyang mag transfer ng ibang school. Dahil kung magtatagal pa kami dito ay sa hindi na nga magtatagal ay palalayasin na naman kami dito sa aming upahan.
"Zandro, pangako anak. Kapag umuwi na tayo roon. Hindi na tayo aalis para lumipat pa ng ibang bahay dahil wala ng masungit o kaya naman ay wala ng maingay na landlady na nagpapaalis sa atin kapag hindi na tayo nakakabayad ng upa. Libre ang tubig doon dahil may sariling poso ang bahay na titirahan natin. Malamig at preskong hangin ang malalanghap mo. Hindi mo na rin kailangan pa na mag palipat-lipat ng school maliban na lang kong tapos ka na ng highschool." Ang nakangiti ko namang hayag sa anak kong tila hindi makapaniwala sa narinig.
"Talaga po, Ma?! Mabuti naman po kung ganun. Kasi naapektuhan po ng malaki ang grades ko sa school sa tuwing lilipat tayo. Pero hindi naman po ako makapag reklamo kasi po alam ko naman pong wala rin po kayong magawa sa sitwasyon natin."
Sabi ko na nga ba.
Hindi lang nagsasalita ang anak ko tungkol sa sitwasyon namin.
Lalo tuloy akong binagbag ng awa para sa naging karanasan niya sa mga nakalipas na taon. Nasaksihan at narinig niya kung paano ako taasan ng boses at pahiyain ng mga taong sinisingil ako dahil sa mga patong-patong kong mga utang na hindi ko man lang mabayaran o kahit patubuan man lang.
Kung paano at ilang ulit kaming palayasin sa mga inupahan naming bahay kapag wala na talaga akong mailabas na pambayad. Hindi ko na rin mabilang sa mga daliri ko sa kamay at paa kung ilang beses kaming natulog sa lansangan na mag-ina.
Kaya ayoko man talagang balikan pa ang bayan ng Guadalupe ay wala na akong ibang pagpipilian kundi ang muling umuwi na at doon na muling manirahan alang-alang sa kapakanan ni Zandro.
Ilang araw at gabi rin akong walang maayos na tulog sa kakaisip kung ano ang dapat kung gawin. Ngunit napagtanto ko rin naman na wala naman akong dapat pang pagpilian pa.
Natatakot man ako sa pwedeng mangyari sa aming mag-ina sa pag-uwi namin sa Guadalupe ay mas natatakot naman ako sa kung anong posibleng mangyari sa aming mag-ina kapag nanatili kami dito sa siyudad.
Madaling kumita ng pera basta madiskarte ka lang. Ngunit marami namang bayarin na dapat unahin. Bahay, tubig, kuryente at pagkain namin sa araw-araw.
Samantalang kapag umuwi kami sa Guadalupe. May sarili na kaming bahay na hindi na kailangan ng one month deposit at two months advance na bayad bago ka tumira.
Ayon din kay Tiyo Mario, may poso nga sa loob ng bahay na pwedeng inumin ang tubig. Kaya malilibre na rin kami sa pagbabayad ng tubig. Kaya ang problema naming mag-ina ay ang bayarin sa kuryente at ang pagkain namin sa araw-araw.
Nagpadala naman ng konting pera si Tiyo Mario upang maging pamasahe naming mag-ina pauwi ng probinsya. Kaya dapat lang na maghanap agad ako ng trabaho bago pa maubos ang perang hawak ko. Bumili na rin ako ng kung ano-anong buto ng gulay sa tindahan ng mga halaman na malapit sa palengke kung saan ako namamasukan bilang tagahugas ng pinggan sa isang karinderya. Balak ko agad linisin ang malawak na bakuran ng bahay upang makapag tanim agad ng mga halamang pwedeng maging pagkain at pwede rin na ibenta.
At isa pa, mailalayo ko si Zandro sa kanyang Tatay. Hindi ako papayag na makuha niya sa akin ang anak ko. Ang kapal ng mukha niyang mang-angkin ng isang bata na pinabayaan niya lang noong hindi pa ito ipinapanganak.
"Ma, naimpake ko na po ang lahat ng gamit ko." boses ni Zandro ang nag pag gising sa akin mula sa malalim na pag-iisip kung ano ang pwedeng mangyari sa amin sa lugar na ayaw ko na sanang balikan.
Isang malaking backpack na kulay itim at pula ang kanyang ipinakita. Halos busog na busog ang bag sa kung anuman ang mga laman nito.
"Siguraduhin mong wala ka ng nakalimutan. Dahil hindi na tayo babalik dito sa squatter." Paniniguro ko naman na sagot sa kanya.
Isang bag lang din naman ang aking dadalhin na naglalaman ng aking mga damit at ng mga mahahalagang papeles naming mag-ina kagaya ng birth certificate at mga diploma.
"Wala na po, Ma. Narito na rin po ang mga form ko na kakailanganin sa pag-eenroll ko sa bago ko na namang school." sagot ni Zandro na tinapik-tapik pa ang bag na halos hindi na mabuhat.
"Kung ganun, matulog na tayo dahil maaga pa tayong aalis bukas at mahabang byahe pa ang ating lalakbayin patungo sa bayan ng Guadalupe."