"Pasensya ka na iha, ang maliit na lupa at bahay lang sa Guadalupe ang tanging maitutulong ko sa inyong mag-ina. Wala naman kasi akong trabaho at umaasa na lang sa mga anak." Paghingi ng paumanhin ni Tiyo Mario.
Nabanggit ko kasi na kung pwede ay pautangin niya ako ng pera upang aking gawin na puhunan para makapag patayo ng maliit na negosyo para sa amin ng nag-iisa kong anak na lalaki na labindalawang taon na.
"Tiyo Mario, ako po ang dapat humingi ng pasensya. Dahil makapal po ang mukha ko sa panghihiram ng pera gayong ngayon na lang po tayo muling nagkita at nagkausap matapos ang halos dalawampung taon." sambit ko sa nakakatawang salita.
Umiling-iling si Tiyo Mario sa aking sinagot.
"Marga, nahihiya nga ako dahil ngayon ka lang humingi sa akin ng tulong ay hindi pa kita matulungan. Wala naman kasi akong pinagkakakitaan na dahil may edad na rin ako. Ang tanging naisip ko lang na pwedeng itulong ay ang ibigay na sayo ang lupa at bahay na ibinigay sa akin ng Lola Maria mo na naroroon sa Guadalupe."
Kunot ang noo ko sa narinig. Galing kay Lola Maria?
"May ibinigay na lupa sa akin si Nanay bago pa siya dapuan ng malalang sakit. May maliit na bahay na rin na nakatirik sa lupa na pinagawa nila ng iyong Lolo. Pinagawa nila yon upang kung sakaling magkaroon ako ng sariling pamilya ay doon kami manirahan. Ngunit hindi ko naman na tirahan dahil mayroon na akong sariling bahay ng panahong 'yon." Mga kwento pa ni Tiyo Mario.
"Mabuti po at hindi niyo ibinenta?" mula sa kung saan ay ang naging tanong ko.
Bahagyang nag-isip si Tiyo Mario.
"Bakit nga ba? Siguro dahil darating ang araw na tulad ng sitwasyon ngayon. Heto ka at humihingi ng tulong dahil wala na kayong makita pa na tirahan ng anak mo. At ang tanging maibibigay ko lamang na tulong ay ang ibalik sayo ang kabutihang ginawa sa akin ng Lolo mo na Tatay ng Tatay mo."
Siya nga naman.
Hindi siguro sumagi sa isipan ni Tiyo Mario ang ibenta ang lupang minana niya kina Lola at Lolo ay dahil darating pala ang araw na ito. Ang araw na hihingi ako sa kanya ng tulong dahil sa kawalan ng matutuluyan.
Ngunit babalik na nga ba ako sa Guadalupe?
Pero ayoko.
Ayoko na.
Bagamat naroroon ang masasayang alaala ng buong pamilya ko ay doon din naman nagsimula ang kalbaryo na nagpahirap sa aming buhay.
Ayoko na ngang banggitin pa ang pangalan ng bayan kung hindi lamang ito nakakabit sa aking pangalan.
Kung pwede nga lang na burahin na sa isang bahagi ng utak ko ang mga pangyayaring nangyari roon ay matagal ko nang pinatanggal at pinabura.
Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon.
Mayroon na akong anak na dapat pangalagaan.
Isa pa, wala na talaga kaming iba pang pupuntahan.
Wala naman kasi akong regular na trabaho na pinagkukunan ng pera upang makapamuhay kami dito sa lungsod.
Naaawa na rin ako sa anak kong si Zandro sa tuwing pinapaalis na kami ng kasera sa bawat bahay na inuupahan naming mag-ina.
Alam kong pagod na ang anak ko sa paulit-ulit naming paglipat ng bahay at lugar. Nababasa ko sa mga mata niya ang lungkot kapag kailangan niya ng iiwanan ang mga naging kaibigan at mga kaklase na napalapit na sa kanya.
Hindi man nagrereklamo at kumikibo ang anak ko. Nararamdaman ko naman bilang Nanay niya na gusto niya na rin kaming manatili sa isang lugar.
Kaya ano na ba ang gagawin ko ngayon?
Mukhang hinihila na ang mga paa ko ng kapalaran pabalik sa lugar na aking pinagmulan.
"Marga, alam kong nahihirapan kang magdesisyon dahil sa maraming masamang alaala ang Guadalupe sayo. Ngunit matagal na rin namang nangyari ang mga 'yon. Ibaon mo na lamang sa limot at mamuhay kayo ng normal ng anak mo." payo pa ni Tiyo Mario na tila nabasa ang agam-agam sa aking isip.
"Tiyo, sino ba naman ang nais pang bumalik sa lugar na itinuturing kayo ng buong pamilya mo bilang salot? " mapait kong tanong.
Gustong bumalik sa isipan ko ang samu't-saring alaala ngunit pilit kong binubura at tinataboy.
"Iha, kung anuman ang nangyari noon ay wala kang kasalanan. Biktima lang din ang mga magulang mo. Sadyang may mga tao lamang na naghahanap ng masisisi dahil hindi nila matanggap na nagkamali rin sila. "
Ayoko ng alalahanin pa.
Pero para naman akong pinaglalaruan ng tadhana.
Bakit binigyan niya ako ng pagkakataon kung saan wala na akong ibang pagpipilian?
"Sana nga po ganun lang kadali na ibaon sa limot ang mga masasakit na salita na natanggap namin noon. Sana nga po madali lang burahin ang mga alaalang nag-iwan ng trauma sa isipan ko. Sa totoo lang po, kahit ang pangalan ko ay ayoko ng banggitin upang huwag ko na lamang maalala ang lugar na 'yon." malungkot kong wika.
Narinig ko ang pag buntong-hininga ni Tiyo Mario.
"Ngunit hindi ka pa ba handang ipaglaban at panindigan na inosente kayo ng buong pamilya mo sa kanilang mga naging paratang?"
Tila naguluhan ako sa naging tanong ni Tiyo Mario.
"Harapin mo na ang takot na gumugulo at bumabagabag sa buhay mo Marga. Ito na siguro ang panahon para umuwi ka na sa lugar kung saan ka talaga dapat na naninirahan."
Ito na nga ba ang araw na dapat ko ng yakapin ang kinatatakutan ko sa buong buhay ko?
"Doon ay maaari kayong magtanim ng gulay o prutas na pwede ninyong mapakinabangan at pagkakitaan na mag-ina. Tama lang naman kasi ang sukat ng bahay para sa isang maliit na pamilya. Ngunit malawak naman ang nasasakupang bakuran. Kung hindi ako nagkakamali malamang na nasa five hundred hanggang seven hundred square meter ang lupang 'yon. Maganda pa ang lokasyon dahil tabi lang ng daan kung saan maraming dumaraan na mga tao. Kaya pwede kayong magtinda." nakangiting suhestiyon ni Tiyo Mario.
"Salamat po Tiyo. Pag-iisipan ko po ng mabuti ang suggestion ninyo." saad ko.
"Pag-isipan mo, iha. Isipin mo ang kapakanan at kinabukasan ng anak mo kung mananatili kayo sa ganyang buhay. Anak, ang takot ay hinaharap dahil hindi habang panahon ay kailangan mong umiwas o kaya naman ay lumihis ng daan huwag lang kayong magtagpo. Nawa'y malinawan ang iyong isipan at piliin ang mas nakakabuti dahil hindi na lang sarili mo ang dapat mong isipin." Muling naging payo ni Tiyo bago pa namin tinapos ang aming masinsinang pag-uusap sa video call.