Episode 1
Halos nagliwanag ang madilim kong kapaligiran ng makita kong may tumatawag sa aking gamit na android phone at rumihistro ang pangalan ni Tiyo Mario.
Ilang araw na rin simula ng mag send ako ng private message sa kanyang social media account na malamang ay ngayon niya lang nakita at nabasa.
Pinahid ko muna sa laylayan ng aking damit ang mga kamay kong nanlalamig dahil sa pinaghalong tuwa at kaba nag sa wakas ay makakausap ko na rin siya.
Maingat kong dinampot sa ibabaw ng plastic na bilog na lamesa ang luma at mumurahin kong cellphone na nagpapasalamat akong gumagana pa sa kabila ng ilang beses ko na itong naibagsak sa matigas na sementadong sahig na kung minsan pa ay tumatalbog-talbog bago magka hiwa-hiwalay ang bawat parte.
Basag-basag na rin ang harapan nitong screen ngunit mabuti na lamang at hindi naapektuhan masyado ang camera kaya na gagamit ko pa.
Madilim ang barong-barong na aming tinutuluyan ng aking nag-iisang anak. Wala kasi kaming kuryente. Bukod tanging emergency light na nabili ko sa halagang singkwenta pesos sa bangketa ang siyang nagbibigay ng mapusyaw na liwanag sa dilim sa loob ng aming pinagtagpi-tagping bahay.
Kailangan pa naming patayin ang ilaw kapag kami ay matutulog na upang hindi maubos ang charge ng battery nito. Bente pesos din kasi ang singil kapag pinacharged ko sa kapitbahay na siyang may supply ng kuryente.
Bitbit ang cellphone ay lumabas ako sa takot na baka maputol ang pag-uusapan namin ni Tiyo sa oras na humina ang connection. Malakas kasi ang sagap ng data connection dito sa labas ng bahay kaysa sa loob.
Pinindot ko na ang kulay green na makikita sa screen ng cellphone indikasyon na sinagot ko na ang tawag.
Ngayon nga ay kaharap ko na ang isang may edad na lalaki. Halos kulay abo na ang buhok, malalim na rin ang ilang guhit sa kanyang noo habang ang kanyang mga matang malabo ay mayroon ng salamin.
Bahagya pang naningkit ang mata ni Tiyo na tila kinikilala pa ang aking mukha.
Wala namang masyadong nagbago sa aking itsura. Alon-alon pa rin ang aking mahabang buhok na sabi nga ng iba ay tulad ng buhok ng mga babaeng Santa na madalas makikita sa mga simbahan. Bilugan pa rin ang hugis ng aking mga mata at matangos pa rin naman ang aking ilong. Hindi pa rin maputi ang kulay ng aking balat kahit ilang taon na kaming naninirahan dito sa lungsod. Ang tanging nagbago lang sa pisikal kong anyo ay ang height ko na salamat naman at umabot sa taas na 5'4 at ang edad ko na mula sa bata ay trentay tres años na ngayon.
"Tiyo Mario, kamusta na po?!" masigla kong tanong kahit pa ang totoo ay naiiyak ako dahil sa wakas ay nahanap ko na rin ang aking tiyuhin matapos ang ilang taong wala kaming komunikasyon sa kanya.
Nakatatandang kapatid ni Papa si Tiyo Mario. Ngunit hindi sila pareho ng apelyido na kahit sila ay magkapatid. Dahil anak sa pagkadalaga si Tiyo Mario ng aking Lola Maria. Halos binata na rin si Tiyo Mario ng ipinanganak si Papa kaya ganun kalayo ang agwat ng kanilang edad.
Lumaki sa kamag-anak ni Lola Maria si Tiyo Mario matapos niya itong iwan at magpakasal kay Lolo Isidro na siyang Tatay ng aking Papa Ildefonso.
Kung hindi ako nagkakamali ay halos dalawang beses ko lang nakita si Tiyo Mario dahil hindi naman sila close ni Papa kahit magkapatid pa sila sa Ina.
Una ko siyang nakita ng magdaos ng birthday si Lola Maria sa aming bahay at ang pangalawa naman naming pagkikita ay sa burol na ni Lola Maria na nangyari noong bata pa ako.
Mabait at palabiro si Tiyo Mario kaya naman napalapit ang loob ko sa kanya.
Wala na akong kahit anong naging balita sa kanya simula ng lisanin namin ni Papa, Mama at Ynez ang bayan ng Guadalupe.
At matapos nga ang ilang taon, heto na siya. Nakikita at makakausap ko sa pamamagitan ng video call sa social media.
"Ikaw na nga ba iyan, Maria Guadalupe?" mangha niyang tanong at pagbanggit pa sa napakahaba kong pangalan.
"Opo, Ako na nga po ito, Tiyo. Si Marga na po ito," mababakas ang tuwa sa sagot ko at sinabi pa ang pinaikling kong pangalan.
Marga na ang naging palayaw ko simula pa ng bata ako dahil sa masyadong mahaba ang tunay kong pangalan na Maria Guadalupe.
Malapad na ngumiti si Tiyo ng marinig ang aking tinig.
Matapos ang ilang taon ay ngayon ko lamang muling nasilayan ang kanyang mga ngiti na nagpapaalala kung gaano siya kabait sa aming dalawa ni Ynez noon.
"Marga, ang totoo niyan hindi ko alam kung saan ako magsisimula matapos kong mabasa ang lahat ng mensahe mo sa akin," wika ni Tiyo na may halong kalungkutan ang boses.
Ang totoo, ilang taon rin ang ginugol ko sa paghahanap kay Tiyo Mario sa lahat ng social media. Marami siyang kapangalan kaya naman nahirapan akong hanapin siya
Mabuti na lamang at kahit halos sampung taon pa lang ako ng huli kaming magkita ay natatandaan ko ang kanyang mukha dahil hindi naman sila nagkakalayo ng itsura ni Papa dahil pareho silang nahahawig ni Lola Maria.
"Wala akong masabi kung hindii patawad anak." Nabasag ang tinig ni Tiyo ng sabihin ang kanyang pangungusap.
Sumakit ang lalamunan ko at uminit ang gilid ng aking mga mata.
"Patawad dahil hindi ko kayo nadamayan. Lalo ka na, Marga. Maniwala ka anak, hinanap ko kayo pero ilang beses akong nabigo hanggang sa kailangan ko ng sumunod sa pamilya ko dito sa Guam."
Pumatak ang mgaa luha ko sa madamdaming hayag ng aking mabait na Tiyuhin. Ramdam ko ang katotohanan sa kanyang bawat kataga.
"Huwag niyo na pong isipin ang nakaraan, Tiyo. Ang mahalaga naman po ay muli tayong nagkaroon ng komunikasyon ngayon matapos ang ilang mga taon." Pinasigla ko ang aking boses upang gumaan ang paligid. Ayoko na rin namang pag-isipin pa si Tiyo Mario dahil baka mayroon na siyang iniindang sakit sa ngayon sa katawan lalo pa senior citizen na siya.
Napunta sa kung saan-saan ang kwentuhan namin ni Tiyo.
Tulad ng una kong pagkakakilanlan sa kanya. Isa siyang mabait at palabirong tao. Mayroon siyang anak na nurse na nakapagtrabaho sa bansang Guam at doon na nga nakabili ng mga properties. Kaya naman ng makapagtapos rin sa kani-kanilang mga kurso ang dalawa pang anak ni Tiyo Mario ay nagtungo na rin ng Guam at doon na rin nagkaroon ng stable na trabaho. Kinuha na rin sila ng kanyang asawa para roon na sila magsama-samang mag-anak at manirahan.
"Iha, total naman ay wala na kayong ibang pupuntahan kamo ng anak mo. Bakit hindi ka na lang bumalik ng Guadalupe?"
Tanong at suhestiyon ni Tiyo Mario kaya naman bahagya akong natigilan.