Nalalanghap ko na ang malamig na simoy ng hangin ng umaga kung saan humalo ang mabangong amoy ng mga halaman at ng mga ligaw na bulaklak.
"Anak, gising na. Narito na tayo at ilang sandali na lang ay hihinto na ang bus kung saan na tayo dapat na bumaba," mahinang tapik at bulong ko sa aking anak na tulog na tulog pa rin hanggang ngayon.
Gusto ko rin matulog sa haba ng aming naging paglalakbay. Ipinipikit ko naman ang aking mga mata ngunit hindi naman talaga ako dalawin ng antok kahit anong gawin ko.
Sa tuwing isasara ko kasi ang aking mga mata ay hindi maiwasan na makita na naman sa aking balintataw ang mapait na sinapit ng aking buong pamilya sa nakalipas na mga taon.
Kung hindi lang dumating sa buhay ko si Zandro ay baka hindi ko na kinaya pa ang sunod-sunod na naging dagok ng mga problema na dumating kung saan ako at ang anak ko na lang ang natira.
Nag-inat na ng kanyang mga braso ang nag-iisa kong anak ngunit nananatiling nakapikit pa rin ang kanyang mga mata. Humikab na rin siya at halatang kay sarap ng naging tulog sa aming naging biyahe.
Maalinsangan sa lugar na aming pinanggalingan kahit pa magbukas pa kami ng electric fan. Kaya madalas talaga na nagigising kami at naliligo na sa sariling pawis lalo na kapag buwan ng tag-init.
Malamang nga na manibago si Zandro sa magiging buhay namin dito sa probinsya sa nakasanayan niyang buhay sa siyudad kung saan nilisan na naming mag-ina.
Hindi ko na rin naman alam kung ano na nga ba ang dadatnan naming buhay sa uuwian naming bayan. Ngunit kailangan naming makibagay para mabuhay.
"Nasa ibang bansa na po ba tayo, Ma?" tanong niya habang nakamasid na sa labas ng bintana ng ordinary bus kung saan kami lulan ngayon.
"Malapit na tayong bumaba. At wala tayo sa ibang bansa, anak." Tugon ko at saka ko inipit sa likod ng aking tainga ang mga hibla ng mga buhok na nakawala sa pagkakatali ko at walang humpay na lilipad-lipad at humabambalang sa aking mukha.
"Ma, meron po kaya akong maging kaibigan dito?"
Kunot-noo ako sa narinig na tanong kay Zandro.
"Oo naman, anak. Mababait ang mga tao dito kaya hindi pwedeng wala kang maging kaibigan dahil mabait ka rin naman," sambit ko sa aking anak hindi inaalis ang kanyang paningin sa labas ng bintana.
Ibang-iba ang nakikita niya ngayon sa madalas na nakikita niyang tanawin sa lungsod.
Matataas na puno at mga damo ang natatanaw sa magkabilang side ng daan na tinatahak namin. Malayong-malayo sa mga nagtataasan na gusali na siyang nakasanayan na ng anak ko na makita.
"Ma, sana nga po ay hindi na tayo mapalayas sa lilipatan natin ngayon. Sana rin po ay huwag na tayong lumipat sa kung saan-saan pa na lugar. Nakakapagod na po kasi talaga."
Hinaplos ng awa ang puso ko sa narinig na hiling ng aking anak.
Mula ng wala pa siyang muwang hanggang ngayon sa kanyang edad sa kasalukuyan ay hindi na talaga mabibilang sa daliri niya sa mga kamay at paa kung ilang beses na nga naman kaming lumipat ng tirahan.
"Huwag kang mag-alala, anak. Tinitiyak ko sayo na hindi na tayo lilipat ng bahay kailanman. Dito na talaga tayo permanenteng maninirahan!" bulalas ko upang mabuhayan ng loob si Zandro.
Napaka simpe lang ng hiling ng anak ko ngunit hirap ko pang ibigay sa kanya. Iyon na rin ang naging dahilan kung bakit kahit ayaw ko ng magbalik sa lugar na ito ay pikit-mata na kong nagdesisyon na umuwi na.
Ilang sandali nga ay tumigil na ang bus sa aming destinasyon.
Pagbaba ng pagbaba ko pa lang ng sasakyan ay tila ba niyakap na ako ng malamig na simoy ng hangin.
Nagpamalas na ng kanyang angkin na kariktan ang lugar na kaytagal ko ng hindi nasilayan.
Ganito ba talaga ang pakiramdam ng muli kang magbalik sa iyong lupang sinilangan?
May mga nagbago ngunit ganun pa rin naman ang paligid.
Payak pa rin ngunit masasabi kong hindi na nahuhuli sa mabilis na pag-inog ng sibilisasyon.
"Ma, maglalakad lang po ba tayo? Wala po bang tricycle o padyak na pwedeng sakyan? Mabigat din po kasi ang mga dala-dala nating mga bag."
Ang totoo ay hindi ko alam ang isasagot sa anak ko.
Noon kasi ay hindi ko naranasan ang sumakay sa pampublikong sasakyan dahil merong sariling mga sasakyan ang mga magulang ko.
"Hindi ko alam anak. Pero kung sakaling may nag-alok sa atin ng sakay ay sasakay tayo. Ayon kasi sa pagkakatanda ko ay medyo malayo pa ang sinasabing bahay na siyang uuwian natin dito. Kaya kahit alam kong pagod ka sa biyahe ay dalian na nating maglakad para makarating na tayo agad." Payo ko kay Zandro.
May mga mangilan-ngilan na kaming mga tao na nakakasalubong sa daan ngunit hindi ko na alam kung kilala ko ba sila o kilala ba nila ako.
Sana lang ay hindi na nila ako makikilala pa. Mas gusto ko na nabura na ako sa isip nila kaysa makilala pa bilang si Marga.
"Ma, ganito po ang mga tao dito? Bakit po parang nakatingin silang lahat sa atin?" pabulong na tanong ni Zandro na sumabay sa paglalakad ko.
"Ang gwapo mo kasi, anak. Ngayon lang sila nakakita ng kasing gwapo mo kaya inaakala nila marahil na isa kang artista." Biro ko na lang na tugon.
Ganito naman ang eksena sa lahat ng lugar na hindi ka kilala ng mga tao sa paligid.
Instant celebrity ka na pagtitinginan ng lahat.
Nginingitian ko naman ang bawat tao na aming nakakasalubong. Ang mga mata ko nga lamang ang tanging kanilang nakikita dahil nakasuot ako ng face mask.
Ang totoo ay sinadya ko talaga na ikubli muna ang aking mukha. Hindi ko naman intensyon na magtago dahil kailangan kong maghanap ng trabaho para mabuhay kami ni Zandro.
Ngunit bigla akong kinabahan ng matanaw ang isang mataas na bahay na unti-unti na kaming lumalapit ng anak ko.
Isang bahay na namumukod tangi pa rin na mas mataas sa ibang bahay sa paligid.
Umiwas ako ng tingin dahil tila ba sumasakit ang aking lalamunan at gusto kong umiyak.
"Ma, ito po ang pinakamalaking bahay na nadaanan natin. Kilala niyo po ba ang may-ari?" maya-maya ay narinig kong tanong sa aking anak.
Nakalampas na kami sa malaking bahay ngunit muli ko itong lingunin.
Dumapo ang paningin ko sa pinaka itaas na bahagi nito.
Nasilaw ako sa sikat ng haring araw.
Ngunit maya-maya ay may isang bulto ng tao na humarang sa sinag ng liwanag na dahilan para muli ko ng ituon ang mga mata ko sa diretsong daan na tinatalunton namin ng anak ko.
.