NICOLE AYESHA'S POV
LUMIPAS ang dalawang araw ay narito pa rin ako sa ospital. Hindi ko pa rin maigalaw nang maayos iyong kanang paa ko, nakapatong ito sa dalawang unan na iniayos kanina ni Faye bago ito umalis. Habang naka-upo sa hospital bed ay pinagmamasdan ko iyon. Sinusubukan kong igalaw ngunit nasasaktan pa rin ako.
"Sure ka bang... okay ka lang dito?" nakangiting tanong ni mama at hinalikan nito iyong buhok.
Tinanguan ko lang ito bilang sagot at ibinaling ko na lang muli ang aking atensyon sa paa ko. Naka-compress bandaged iyon at kailangan ko pa rin magpagaling hanggang sa puwede na 'kong makalabas ng ospital.
"Nasa school pa si Nheia, baka ma-late 'yon nang punta rito dahil may practice pa sila ng sayaw sa Drum and Lyre. Sigurado ka bang okay ka lang dito?" sambit ni mama habang tinutulungan akong sumandal. Inilagay niya iyong isang unan sa likod ko at inalalayan niya akong makasandal ng maayos. "Babalik naman agad si Faye pagkatapos ng klase niya. Sinabihan ko na rin siya para may makakasama ka rito."
Akmang bubuksan ni mama iyong bottled water nang kuhanin ko iyon. "Ako na..." sambit ko. Ibinigay niya rin naman iyon. Ininom ko iyong tubig habang nakikinig sa kung ano mang pinagsasasabi niya.
"Anak, kapag nagkaro'n ng problema... tawagan mo 'ko agad, ha? O, 'di kaya sumigaw ka. May mga nurses naman sa labas para tulungan ka."
Paulit-ulit ko nang naririnig iyong mga katagang iyon. Kaya ko naman ang sarili ko at alam ko naman ang gagawin ko kung sakaling magkaproblema.
"Sige na, mauuna na 'ko. Kailangan pa ako sa farm para mag-assist. Tawagan mo 'ko, ha?"
Sa pangalawang pagkakataon ay hinalikan niyang muli iyong buhok ko. Pilit lang akong napangiti at pinanood ang paglabas nito sa pintuan. Napabuntong-hininga ako. Panibagong araw na naman na mag-isa ako sa silid na ito. Medyo nakakabagot.
Flower farm ang inaasikaso ni mama. Iyon ang matagal na naming business noong nabubuhay pa si papa. Madalas ako roon dati at tumutulong sa pag-aalaga ng bulaklak hanggang sa pagde-deliver ng mga iyon. Hindi akalaing hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy pa rin ni mama kung ano ang kinagawian namin noon. Masaya akong nalaman kong hindi pala napabayaan ni mama iyong farm.
May klase pa si Faye kaya naiintindihan ko kung bakit wala siya rito ngayon. Sa susunod na linggo pa ang Christmas break nila. Ganoon din si Nheia, naghahanda ang mga ito para sa Foundation ng University nila sa darating na biyernes. At ako naman ay narito lang sa ospital, nagpapagaling.
Napalingon ako sa gawi ng pinto, hindi pala iyon naisara ng mabuti ni mama. Napa-irap ako sa kawalan. Hindi pa naman ako sanay nang dinadaan-daanan lang ng kung sino-sino sa tapat ng kuwarto ko saka sumisilip pa. Paano ko naman 'to isasara?
Sinubukan kong umupo sa gilid ng kama. Dahil wala pa akong taklay, 'yong IV pole na muna ang hinila ko hanggang sa makarating ako sa bintana. Sumandal ako sa pader para kahit papaano ay hindi ako mahirapan. Binuksan ko iyong sliding window. Pagkabukas ko niyon ay agad kong nilanghap ang malamig na simoy ng hangin.
"I missed this feeling..." bulong ko sa sarili ko.
Sa tuwing ginagawa ko ang bagay na ito ay pakiramdam ko nare-relax ako at nawawala lahat ng problema ko kahit panandalian lamang.
Bumuntong-hininga ako at pinagmasdan ang paligid. Hindi maiwasang hindi mapa-isip. Kung hihinto ako sa pangangarera, anong gagawin ko sa buhay ko?
[Flashback]
Hindi ako matigil sa kaiiyak. Nakatingin lang ako sa labas ng bintana habang iniisip iyong pagkatalo ko sa Car racing contest kanina.
"Hija..."
Napalingon ako sa nagsalita. Si papa iyon na kapapasok lang sa kuwarto ko.
"Papa..." mangiyak-ngiyak na sambit ko. Nilapitan ako nito at saka niyakap.
"Okay lang 'yan. Para sa akin, ikaw ang panalo. You are the best among the rest, baby!"
Nagpunas ako ng mga luha. Humarap sa akin si papa at hinaplos ang magkabilang pisngi ko. "Anak, always remember this... do what makes you happy... and I'll support you. I'll be your cheerleader."
"I didn't win the race... proud ka pa rin po ba sa'kin?"
Tinanguan niya ako dahilan ng pagbuhos muli ng mga luha ko. "Of course. I am a proud dad. Seeing my daughter happy is priceless. Even though you didn't win the race, I am still and I am always be proud of you no matter what happens..."
"Thank you, papa!"
Hindi ko napigilang hindi mapayakap ng mahigpit kay papa. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko sinusukuan ang mga bagay na nagpapasaya sa akin. Madalas man akong mabigo, ngunit hindi dahilan iyon para huminto.
"Ayesha... Kung dumating man ang araw na bibitiwan mo ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo... Do the right thing! Proud pa rin ako! At habang buhay akong magiging proud sa iyo, anak!"
[End of flashback]
Wala sa sarili akong natawa. Kasabay nang aking pagtawa ay ang pgbagsak ng mga luha ko sa mga mata. Napayuko ako. Sariwa pa rin sa aking mga ala-ala ang mga bagay na iyon. Mga pangaral sa akin ni papa, hinding-hindi ko makakalimutan ang mga iyon. My dad is a good example of a Good Father. He never failed to give everything I wanted.
Siya ang kauna-unahang lalaking nagwasak ng puso ko. Ang daya niya!
Agad akong nagpunas ng mga luha. Hindi ito ang gusto ni papa. Gusto niya lagi akong matatag. Gusto niya kaya kong masulusyunan agad ang mga problema. Gusto niya 'kong maging masaya. And so do I. I want my dad to be happy.
Hinawakan ko iyong pole para sana bumalik na sa kama ko. Ngunit tila nangalay iyong kaliwang paa ko. Nakaramdam ako ng sakit, hindi ko kayang maglakad ng maayos.
"Nu-Nurse!" sigaw ko habang namimilipit sa sobrang sakit.
Hindi ko kayang magtagal sa ganitong posisyon. Habang tumatagal pala ay mas lalong sumasakit at nangangalay iyong kaliwang paa ko.
"Nurse!" sigaw ako ng sigaw ngunit tila walang nakakarinig sa akin. "Nurse!"
Humihigpit na ang pagkakahawak ko sa pole. Namimilipit na 'ko sa sakit ngunit wala pa ring tumutulong sa akin. Nakasiwang ng kaunti iyong pintuan kaya napapansin ko kung may dumadaan ba o wala.
"Tulong! Help!"
Unti-unti na akong nagpadausdos pababa sa sahig. Inalalayan ko iyong likod ko sa pader para kahit papaano ay hindi masaktan iyong injured foot ko. Hanggang sa mapa-upo na lang ako sa sahig. Gumaan ang pakiramdam ko. Akala ko matutumba na 'ko nang hindi ko inaasahan.
May napansin akong lalaking dumaan sa tapat ng kuwarto ko. Hindi na 'ko nagdalawang isip na sumigaw muli. Nagbabakasakaling marinig niya ako't matulungan. "Tu-Tulong! Tulungan niyo 'ko!"