ALICIA FAYE'S POV
AGAD kaming tumakbo kung saan bumangga si Nicole pati na iyong kalaban niya. Base sa karera nila kanina, tila 'yong lalaki ang nagkaproblema. Dito ko naisip na baka gusto lang iligtas ni Nicole 'yong lalaki kaya minabuti niyang siya ang maunang mabunggo sa puno at sa likod naman ng sasakyan niya 'yong lalaki.
'Yong kotse ko!
“Nics! Nics!” sambit ko sa pangalan niya.
Nang makalapit ako ay nakabukas ang bintana nito. Nakasubsob din ang mukha nito sa manibela at duguan ang noo.
“What are you guys looking at? Tumawag kayo ng ambulansya!” natatarantang sigaw ko.
Hindi na ako nagdalawang isip na tawagan si Tita Niña, ang mama ni Nicole. Ako ang kinakabahan ngayon. Hindi sana mangyayari ito sa kanya kung hindi ko ito inayang makipag-karera. Bakit ko pa kasi sinulsulan?
“He-Hello Tita?”
“Faye? Ikaw ba ito?” rinig kong sagot ni Tita sa kabilang linya.
Huminga ako ng malalim. “Yes po tita, ako nga po.”
“Kasama mo ba si Nicole? Okay lang ba siya? Nasa'n kayo? Mayroon kasi kaming hindi pagkakaintindihan kaya siya umalis. Gusto ko sana siyang kumustahin, nag-aalala kasi ako.”
Napatakip ako ng bibig. Hindi ko matanggal ang tingin kay Nicole habang isinasakay ito sa ambulansya.
“Ti-Tita... Si Nicole po... May nangyari sa kanya!”
“What?!” hindi makapaniwalang bulalas nito.
Nanginginig ako sa takot. “Naaksidente po siya!”
Narinig kong tila nanghina si tita sa kabilang linya. Sino ba namang gugustuhing maaksidente ang anak? At saka, kararating lang ni Nicole sa Pilipinas. Hindi ko naman akalaing mangyayari ito sa kanya.
Nicole, you're such a hardheaded one! Kahit ako nag-aya sa iyo, sana tinanggihan mo na lang ako.
'Yong kotse ko! Sira na!
Naka-upo ako sa labas habang hinihintay ang sasabihin ng doktor. Hindi pa ito lumalabas sa emergency room kaya hindi ako nakakasigurong maayos na ang kalagayan ni Nicole.
“Nicole! Nicole!”
Tumayo ako sa pagkakaupo ko sa waiting area nang dumating na si Tita Niña at ang anak nitong si Nheia.
“Tita...” sambit ko.
“Nasa'n ang anak ko?” Bakas sa mga mata nito at tono ng pananalita ang pag-aalala.
“I don't think she's stable, hindi pa po lumalabas ang doktor.”
“She's still in the emergency room?”
Tinanguan ko na lang ito bilang pagsagot.
“Oh, god!” Napa-upo si Tita at napahawak sa noo nito. Hindi naman siya pinabayaan ni Nheia para alalayan siya.
Kahit ako ay kinakabahan sa nangyari kay Nicole. Balewala ang kotse ko kung nasira man ito, ang importante ay ligtas si Nicole at walang magiging problema.
Nang makabili ako ng tubig sa canteen ng ospital ay binigyan ko ng isa si Tita Niña.
“Salamat...” mahinang aniya. Hindi maipinta ang mukha nito. Nag-aalala siya at gano'n din si Nheia.
Habang umiinom ng tubig ay napansin ko ang lalaking tumatakbo sa koridor. May mga kasama ito, tila nagmamadali at nag-aalala. Hindi ako sigurado kung sino ang pinuntahan niya. Pero naisip ko rin iyong lalaking nadisgrasya na kasama ni Nicole. Kung sino man ang lalaking iyon, sana maging maayos siya. Sana maging maayos sila ni Nicole.
KALILIPAT lang ni Nicole sa regular room. Salamat sa Diyos at hindi naman ganoon kalala ang nangyari sa kanya. Nagkaro'n lang naman siya ng injury sa kanang paa. Naipit daw kasi iyon nang tanggalin ito ng mga rescuer kanina sa kotse ko.
Naiwan si Nheia at Tita Niña sa labas dahil kinakausap pa nila iyong doktor. Dala ko ang ibang gamit ni Nicole kaya dadalhin ko na ang mga ito sa kuwarto niya.
Pinihit ko ang seradula at saka iyon itinulak. Laking gulat ko na lang nang makita kong naka-upo ito sa higaan habang nilalantakan 'yong isang lata ng cookies.
Juice ko po! Kaibigan ko ho ba talaga ang babaeng ito? Parang walang iniindang sakit, ah?!
Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa nakita kong ginagawa niya. “Ano ka ba naman, Nicole?! Umayos ka nga ng upo mo!” paninita ko sa kanya habang inaayos iyong mga gamit nito sa cabinet.
“Hindi mo man lang ba 'ko kukumustahin?”
Umiling ako. “Hindi na kailangan! Eh, mukhang balewala lang naman sa iyo 'yong aksidenteng nangyari sa iyo kanina!”
“Salamat, ah?! Napaka-bait mong kaibigan, Faye!”
“Ang sabihin mo... sadyang matigas lang 'yang ulo mo!”
Sa kalagitnaan ng pag-aayos ko ng mga gamit nito ay bigla na lang niya akong tinapunan ng cookies sa ulo. “Aahhh— nasisiraan ka na ba?!”
“Ikaw kaya ang nag-aya sa aking mangarera. At saka, nanghihinayang din ako sa papremyo, 'no!”
“Papremyo pa talaga 'yang nasa isip mo, ano?” Sinamaan ko na lang ito ng tingin at inayos 'yong buhok ko. Talaga naman itong si Nicole, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago. Siya at siya pa rin 'yong nakilala ko mula noon.
“Aray—ano ba?! Nagsasayang ka ng pagkain, ha?!” Napahawak ako sa ulo ko nang sa pangalawang pagkakataon ay inihagis na naman nito iyong cookies.
Hindi ito matigil sa katatawa. “Sorry na... kuhanan mo na lang po ako ng water, will you?”
“Pasalamat ka nasa ospital ka... kung hindi... naku! Kanina ko pa sinapok 'yang matigas na ulo mo!” inis na sumbat ko sa kanya sabay kuha niyong bottled water at ibinigay sa kanya.
“By the way... bago ko makalimutan. Huwag mo muna sanang ibalita kay mama kung anong nangyari sa akin. At saka, hindi naman gano'n kalala 'yong nangyari sa paa ko... sa tingin ko nga makakalabas na tayo ng ospital mamaya, eh!”
Umupo ako sa tabi niya. “Nicole, hindi mo man lang ba inisip ang mama mo na baka nag-aalala rin siya sa iyo? It's better na malaman ni Tita Niña na narito ka. So she could check on you, anak ka niya... Nicole...”
“Si Nheia ang anak niya...”
“Anak ka rin naman niya, Nicole...”
Sinusubukan ko itong kumbinsihin sa mga bagay na alam kong nahihirapan siya, lalo na sa pakikipag-ayos sa kanyang ina. Noon pa man ay mahirap na kay Nicole na tanggapin ang naging sitwasyon nila lalo na niyong mawala ang kanyang ama.
“I'm sorry, pero... I already contacted your mom. And she will be right here in a few minutes...” sambit ko.
“Bakit mo ba 'ko pinapangunahan lagi?”
Tumayo ako. “Naitanong mo pa talaga sa akin 'yan? Mag-isip ka nga! Kanina, halos hindi ako mapakali habang nakikita kang walang malay sa loob ng kotse. Sige nga... come to think of it!” Bumuntong-hininga ako. “Your mom has the right to know if you are in a good condition or not...” kinalma ko ang boses ko. Hindi makatutulong kay Nicole kung pagagalitan ko pa ito.
“Tss!” Sinungutan ako nito at saka nagkrus ng mga braso. Kasabay niyon ang pagsandal niya sa hospital bed.
Kahit kailan talaga, Nicole, pinapairal mo pa rin yang pride mo!