NAGSIMULA kaming maghanda ng pagkain. Iyong isang guwardiya at hardinero namin sa bahay ay nagtulungang buhatin iyong mesa patungo sa pool area kung saan ako nag-aagahan palagi. Si Faye naman ang bahala sa pag-aayos ng mga pinggan at iba pang utensils sa mesa.
“Dito na lang po 'yan, ate,” sambit ni Faye nang dalhin ng isang katulong iyong maliit na flower vase. Inilagay iyon ni Faye sa gitna ng mahabang mesa. “Oopss... dahan-dahan po ninyong ilapag para hindi mabasag...”
Si Faye ang bahala sa pag-set-up. Habang ako naman ay kasama si manang dito sa kusina. Nag-iisip ako kung anong puwede naming iluto at ihain sa mga kasama namin.
“Ahh, alam ko na po. Carbonara na lang ang iluluto ko,” pagpepresenta ko.
“Aba! Marunong ka pa lang magluto ng Carbonara. Siguro tinuruan ka ng mama mo kung paano iluto 'yan, 'no?”
Pilit ko lang na nginitian si manang. Umiling ako. Hindi naman si mama ang nagturo sa akin kung paano iluto 'yon, eh. “Hindi po manang, si Tita Olivia po ang nagturo sa akin kung paano magluto ng carbonara. Pinag-aralan ko ho 'yon noong nasa Canada pa po ako.”
“Ah, si Olivia. Naalala ko, magaling sa kusina ang babaeng iyon. Alam mo na, nakasama ko na ang mama at tita mo sa matagal na panahon. Sa tingin ko, mga dalaga pa sila noon.”
Tumangu-tango na lang ako at ngumiti. Mga dalaga pa lang sila mama at tita alam kong si manang Teresa na ang kasa-kasama nila. Naging pamilya na rin namin sila at ngayo'y rito na naninirahan sa bahay.
Nakakatuwa dahil nadatnan pa namin sila. Tumanda ng dalaga si manang Tere. Iginugol niya ang pagpapalaki kina mama at tita. Malay ko ba kung bakit hindi na nag-resign si manang.
“Manang, bakit nanatili po kayong maging yaya nina mama at tita? Bakit hindi po kayo naghanap ng ibang trabaho?”
Nginitian niya lang ako habang hinahalo nito iyong niluluto niyang sauce ng palabok. “Alam mo, hija. Napamahal na sa akin si Niña at Olivia. Hindi ko ba alam at hindi ko sila maiwan-iwan. Kaya hayan, napang-iwanan na ako ng panahon at hindi na nag-asawa.”
“Hindi po ba kayo nagsisisi sa pinili ninyo?” tanong ko habang hinihiwa iyong mga sangkap na ilalagay ko sa carbonara.
“Hindi ko pinagsisihan ang mga naging desisyon ko noon, hija. Hanggang ngayon, masaya pa rin ako kung anong ginagawa ko. Lalo na't nariyan ka na nagsilbing apo ko na rin kay Niña.”
Napangiti ako. “Manang naman, gusto kong maiyak sa kuwento ninyo, eh...”
Pareho kaming natawa ni manang dahil sa sinabi kong iyon. Binitiwan ko iyong kutsilyo at nilapitan ito.
“Ano ka bang bata ka?!” Natatawang aniya.
Niyakap ko ito sa likod at nagpasalamat. “Manang, salamat po sa pagtitiis ninyo sa pamilya namin. Saksi kayo sa kung ano mang pinagdaanan namin noon at mapa-hanggang ngayon. Babawi po ako sa inyo, manang.”
“Ano ka ba?! Matanda na 'ko, hayaan mo na lang ako na alagaan kita. Noon pa man responsibilidad ko na iyon. Okay na 'ko, at panatag na ang loob kong makita ko kayong masaya.”
Napahigpit ang yakap ko kay manang. “Salamat po talaga manang...”
“Walang anuman, hija.” Hinaplos nito 'yong braso ko. “Oh, tara na at tapusin na natin itong niluluto natin. Alam kong naghihintay na silang lahat sa labas. Pati na 'yong kaibigan mong matakaw sa pagkain. Ano nga ba ulit ang pangalan niyon? Ferel?”
Natawa ako dahil doon. “Faye po manang...”
“Bahala na... basta mayroong letrang 'F' sa pangalan niya...”
Natawa na lang ako at ipinagpatuloy ang ginagawa namin ni manang. Nagluto kami ng iba't ibang putahe. May Carbonara, palabok, shanghai, at may salad din. Ito ang kauna-unahang namalagi ako sa kusina. Masaya pa lang magluto.
“Hindi ganyan, hija.” Lumapit sa akin si manang at inayos nito iyong pagkakahawak ko sa sandok. “Ganito ang paghalo. Dahan-dahan pero sigurado.”
Nawili ako sa pagluluto. Ginagabayan ako ni manang. Marami na rin akong natutunan sa kanya. Sobrang saya!
“Tama na ho ba 'to, manang?” Ipina-check ko kay manang iyong gawa ko nang matapos ko itong mailuto.
Tinanguan niya ako. “Tikman ko nga...”
Kumuha ako ng kutsara at kumuha ng kaunti doon sa iniluto ko. Isinubo ko 'yon kay manang.
“Manang, ano po ang lasa? Matabang po ba? O nasobrahan po? Okay lang ba?” Hindi ako mapakali. Hindi ako sigurado kung tama ba ang ginawa ko.
Napansin kong medyo dismayado si manang. “Kumusta ho ang lasa? Bakit ganyan ho ang mukha ninyo?”
Mayamaya pa ay bigla itong napangiti. “Alam mo, puwede ka ng mag-asawa.”
“Manang naman, eh....”
Natawa na lang kami dahil doon. Akala ko hindi nagustuhan ni manag iyong luto ko. 'Yon pala thumbs up na. Nakakatuwa malaman na tama at pasado sa panlasa ni manang.
“Oh, tara na at dalhin na natin 'yan sa kanila. Malamang ay hinihintay na nila ang luto mo.”
Nginitian ko si manang. “Luto natin manang...”
Bitbit namin ni manang iyong mga luto namin patungo roon malapit sa pool area. Sinalubong kami nina Faye at mga kasambahay.
“Amoy pa lang panalo na!”
“Nakakagutom lalo, manang!”
“Magiging masaya 'to!”
“Ikaw ba nagluto niyan, Nicole? Ang bango!”
Inilapag na namin sa mesa iyong bitbit namin ni manang. “Oh, teka lang... teka lang... Mayroon pa sa kusina, kuhanin niyo na ang mga 'yon...”
Tinabihan ko sandali si Faye sa gilid habang pinapanood sila manang na mag-ayos. “Ano sa tingin mo?” tanong ko kay Faye.
“Tagumpay na naman ang good deed mo...”
Napangiti na lang kami pareho. Priceless ang ngiti nilang lahat. Hindi ko akalaing magiging matagumpay itong naisip kong plano para kahit papaano ay mapasaya sila.
“Hhmmm... carbonara. Manang ang bango po...” sambit niyong isang katulong.
“Aba! Carbonara ala Ayesha yata 'yan!” taas noong sagot ni manang Tere sa kanila.
Nakuha ko naman agad ang mga atensyon nila. Napangiti na lang ako dahil napansin nila iyong luto ko.
“Nagluluto ka pala? Hindi ako updated, ah!” sabay siko sa akin ni Faye.
“Oo naman, tinuruan ako ni Tita Olivia kung paano iluto 'yan.”
Dumating na ang iba pa naming mga katulong na galing sa kusina. Dala na nila 'yong ibang putahe at inilapag sa mesa.
“Sa tingin ko kumpleto na ang lahat. Bago tayo magsimulang kumain, gusto ko lang magpasalamat sa inyong lahat. Alam kong ang iba rito'y matagal nang kasa-kasama ng pamilya namin at ang iba'y baguhan pa lamang. Ngunit, sa tingin ko hindi basehan ang tagal ng pagtatrabaho upang hindi kayo pasalamatan. And also, thank you for always supporting my family. Hindi ganoon kadali ang pinagdaanan ng bawat isa. Humihingi rin ako ng pasensya sa mga taong nadadamay sa gulo. Pero ito lang ang masasabi ko, maraming maraming salamat po...” sambit ko sa kanilang lahat at sandali akong yumuko sa harap nila.
Agad silang nagpalakpakan dahil sa sinabi kong iyon. Hindi matatawaran ng kung ano mang bagay ang kabutihang ibinibigay nila sa pamilya namin. They deserve to be treated like they're part of the family.
“Ano pang hinihintay ng lahat? Kainan na!” sigaw ni Faye na ikinatawa ng bawat isa.
Nakatayo lang ako sa bandang gilid habang pinapanood silang kumuha ng kanya-kanya nilang pagkain.
Napansin kong papalapit sa akin si manang. Inilahad nito sa akin iyong pinggan na may pagkain kaya agad kong tinanggap iyon. Hahatiran pala ako ni manang.
“Salamat po manang...”
Hinaplos nito ang likod ko. “Maraming salamat din, hija. Sobra mong napasaya ang mga puso nila.”
Napangiti na lamang ako at patagilid na niyakap si manang. Wala ring katumbas ang pagmamahal ng isang lola. Para sa akin itinuring ko na si manang Teresa bilang lola ko, napakabait niya at maalalahanin.
I wish kasama namin si papa para makita niya kung gaano kami kasaya ngayon. At alam ko rin namang masaya na rin si papa kung nasa'n man siya.