#LivingWithYou
CHAPTER 3
Lumitaw na ang buwan at mga bituin sa madilim na kalangitan. Nakahain ang mga pagkaing inihanda ni Celine para sa kanilang hapunan ngayong gabi. Piniritong daing na may sawsawang kamatis, ginisang sayote at isang bandehadong kanin ang nakapatong ngayon sa mesa.
Ganun pa rin ang pwesto ng tatlo sa mesa. Sa kaliwa at nag-iisa si Bryan habang magkatabi naman sa kanan sila Celine at Eros. Kanya-kanyang kuha ng pagkain at lagay sa kanilang mga plato.
“Kumain ka ng marami Bryan.”
Napatingin naman si Bryan kay Celine saka tumango-tango.
“Salamat po,” ngumiti ito.
Kukuha ng daing na bangus si Bryan, tutusukin na sana niya ito ng tinidor na hawak pero natigil siya sa ere at nauna ang tinidor ni Eros. Inatras niya tuloy ang kamay na may hawak sa tinidor.
Napatingin siya kay Eros na nakatingin sa kanya. Sinasabi nang tingin nito na akin ang bangus.
“Anak, hayaan mo na ‘yan kay Bryan, marami pa naman,” sabi ni Celine na nakita ang ginawa ni Eros.
Hindi naman nakinig si Eros. Tuluyan nitong kinuha ang bangus saka nilagay sa plato niya.
Napangiti nang tipid si Celine at tiningnan si Bryan.
“Pasensya ka na sa kanya. Paborito kasi niya ‘yan,”
“Ok lang po,” sabi ni Bryan saka ngumiti. Kumuha na lamang ito ng ibang bangus na nakahain.
Nagsimulang kumain ang tatlo. Tahimik ang paligid.
“Oo nga pala, anak isabay mo na si Bryan sa enrollment. Parehas lang naman kayo ng school at kursong papasukan saka bagong salta dito si Bryan kaya baka maligaw siya,” pakiusap ni Celine sa anak na si Eros.
Napatigil sa pagkain si Eros. Tiningnan si Bryan na nakatingin rin sa kanya, next na tiningnan si Celine.
“Business Ad din ang kukunin niya?” tanong ni Eros.
“Oo anak,” sagot ni Celine. Napatingin ito kay Bryan. “Bakit nga ulit Business Ad ang kukunin mo Bryan?” tanong pa nito.
Napangiti si Bryan.
“Gusto ko po kasing maging negosyante balang araw at alam kong ang kursong napili ko ang siyang makakatulong sa akin para mangyari iyon-”
“Edi dapat entrepreneurship ang kinuha mo,” putol ni Eros na ikinatingin muli ni Bryan na napahinto sa pagsagot. Nakatingin ito sa kanya at as usual, poker face ang mukha.
‘Ano bang problema ng lalaking ito? Parang ang laki ng galit sa akin?’ magkasunod na tanong ni Bryan sa isipan.
Napangiti naman si Celine.
“Ok din naman na kurso iyon anak, marami siyang matutunan dun tungkol sa business.”
Hindi nagsalita si Eros. Muli na lamang nitong tiningnan ang pagkain at kumain ulit.
Tiningnan naman ni Celine si Bryan. Ningitian niya ito na ginantihan naman ni Bryan.
“By the way, since na nandito ka na Bryan sa bahay ay kailangan na makilala niyo ni Eros ang isa’t-isa ng mas mabuti.”
Nangunot ang noo ni Bryan, ganun rin si Eros na napatigil sa pagkain at napatingin sa ina.
“Bakit po?” nagtatakang tanong ni Bryan.
“Kasi nakatira kayo sa iisang bahay, alangan naman na magkasama kayo dito tapos para lang kayong estrangherong nagkakasalubong dito. Isa pa, this is your chance para maka-catch up sa isa’t-isa since na matagal rin kayong hindi nagkita,” sagot ni Celine.
“Hindi na kailangan ‘yan, Ma,” sabat ni Eros na muling ibinalik ang tingin sa pagkain at kumain.
Napatingin si Celine sa anak.
“Anak naman, alam mo konti na lang iisipin kong may kinikimkim kang galit kay Bryan dahil sa klase ng pakikitungo mo sa kanya.”
Napatigil muli si Eros sa pagkain. Napatingin kay Bryan sandali at tiningnan na ang ina.
“Hindi ako galit sa kanya. Hindi pa ba kayo nasanay sa pagiging ganito ko?” tanong nito.
Napangiti si Celine.
“Basta, you need to catch up. Sayang naman ang pagiging magkaibigan ninyo nung mga bata pa kayo kung hindi niyo ipagpapatuloy di ba? Matagal man ng nakalipas iyon pero hindi na maaalis ang nakaraan na minsan ay naging childhood friends kayo.”
Napailing-iling na lamang si Eros. Muling nagpatuloy sa pagkain.
Napatingin si Celine kay Bryan.
“You need to catch up on him ok?” tanong ni Celine.
Napatango-tango na lamang si Bryan saka ngumiti. Tiningnan nito si Eros.
‘Naging childhood friend ko ba talaga ‘to?’ tanong nito sa isipan. Hindi kasi siya makapaniwala. ‘Hay! Kung may magagawa lang ako hindi ko ito pakikisamahan eh,’ hiyaw pa ng isip niya. Kung ayaw nito sa kanya, ayaw niya rin dito.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
“Ano bang problema niya? Nakakainis na siya,” bulong na sabi ni Bryan sa sarili habang naghuhugas siya ng mga pinagkainan nila. Nagprisinta kasi siyang muli at kahit na ayaw ni Celine ang paghugasin siya ay wala rin naman itong nagawa dahil sa pamimilit na rin ni Bryan.
Dumidiin ang paghawak ni Bryan sa sponge na gamit niya at paghawak niya sa basong hinuhugasan.
“Akala mo kung sino. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Ang sungit-sungit.”
Naiinis siya sa pakikitungo sa kanya ni Eros. Inis na nga siya sa ginawa nitong paninilip sa kanya, dinadagdagan pa ang inis niya.
Teka... sinilipan ba siya?
Napabuntong-hininga si Bryan. Pinilit ngumiti.
“Huwag kang ma-stress sa kanya Bryan. Hayaan mo siya. Kailangan mong tiisin na makasama siya dahil sa iisang bahay lang kayo ngayon nakatira,” pagkausap pa nito sa sarili.
“Para kang tanga diyan – AY PUCHA!”
Gulat na gulat si Bryan at nanlalaki ang mga mata na nakatingin kay Eros na hindi man lang namalayan na nasa tabi na pala niya at kumukuha ng baso sa dish rack. Mabuti na lang at hindi niya nabitawan ang mga hawak niya lalo na ‘yung plato kundi tiyak na basag iyon at mananagot siya. Mukha namang hindi marunong magalit si Tita Celine pero siyempre kailangan pa ring mag-ingat lalo na at nakikitira lang siya.
“Bigla-bigla na lang lumilitaw ‘to. Nakakagulat tuloy,” bulong ni Bryan.
Napangisi naman si Eros. Pumunta ito sa ref at binuksan iyon. Kinuha ang pitsel saka sinalinan ng tubig ang hawak na baso.
“Gumising ka ng maaga bukas at ayoko nang kukupad-kupad.”
Nangunot ang noo ni Bryan.
“At bakit naman?” nagtatakang tanong ni Bryan.
Umiwas nang tingin si Eros. Napailing-iling.
“Kung ayaw mong sumabay sa akin sa enrollment ay huwag kang gumising ng maaga.”
“‘Yun pala,” tumatango-tangong sabi ni Bryan. Tiningnan ang ginagawa. Binaba na nito ang plato sa lababo at kinuha ang baso saka hinugasan. “Huwag kang mag-alala, hindi pa tumitilaok ang mga tandang sa labas ay gising na ako,” pagmamalaki nitong maaga siyang magising.
“Tandang?” nagtatakang tanong ni Eros.
Muling tiningnan ni Bryan si Eros. Nakakunot ang noo nito at salubong ang makapal na kilay.
“Yung manok na tumitilaok.”
“Ahhh!” sabi ni Eros na may kasama pang pagtango-tango. Uminom ng tubig.
“Yun lang hindi pa yata alam,” bulong na sabi ni Bryan ng umiwas siya nang tingin kay Eros.
“Bumubulong ka na naman,” sabi ni Eros. Parang tanga lang kasi sa tingin niya.
“Ano naman? Ikaw nga hindi ko pinapansin ang pagiging masungit mo,” sabi ni Bryan na muling tiningnan si Eros.
“Ako? Masungit?” tanong ni Eros.
Natawa si Bryan. Umiwas nang tingin.
“Nagtataka nga ako kung paano kita naging childhood friend kasi kung ngayon mo ako tatanungin, malabo na maging kaibigan kita dahil ganyan ka.”
Hindi nagsalita si Eros kaya naman tiningnan ito ni Bryan at nakita niya ang masamang tingin nito sa kanya.
“Bakit ganyan ka makatingin?” tanong ni Bryan. Hindi naman siya takot kay Eros pero siyempre, anak ito ng Tita Celine niya kaya may bahagi sa kanya na mataas pa rin ang tingin niya rito.
Ngumisi si Eros.
“Ako rin, nagtataka ako kung bakit kita naging childhood friend kasi kung ako ang tatanungin ngayon, hindi ko pipiliing maging kaibigan ka.”
Natawa si Bryan.
“Edi quits lang pala-”
“Kunsabagay, ang mga bata walang pinipiling kalaro kaya kahit sino na lang,” sabi kaagad ni Eros na pumutol sa sasabihin pa ni Bryan.
“Hmmmp!” inis na sabi ni Bryan saka umiwas nang tingin.
Muling binalik ni Eros ang pitsel sa refrigerator.
“Hoy! May nakita ka ba?” tanong ni Bryan na muling tiningnan si Eros. Once and for all magtatanong na siya kahit na medyo nahihiya rin.
“Maka-hoy ka naman! May pangalan ako,” inis na sabi ni Eros. “Saka anong nakitang ano?” tanong pa nito. Pinatong nito ang hawak na baso sa lababo, sa tabi ng mga hinuhugasan ni Bryan.
“Yung kanina sa banyo, nakita mo ba?” tanong ni Bryan.
Naalala ni Eros ang nangyari kanina. Napalunok tuloy siya sabay iwas nang tingin. Napansin pa ni Bryan ang pamumula ng tenga nito.
“Wala akong nakita at kung meron man, ano naman? Parehas naman tayong may ganun dahil lalaki tayo,” sabi ni Eros ng hindi tumitingin kay Bryan.
Nangunot ang noo ni Bryan.
“Talaga? Wala kang-”
“Wala nga akong nakita! Hays!” sabi kaagad ni Eros at mabilis na umalis.
Napanguso si Bryan.
“Wala nga siyang nakita pero bakit namumula ang magkabilang tenga niya?” tanong nito. Nagkibit balikat na lamang si Bryan saka ipinagpatuloy ang ginagawa. Hindi na niya iniisip ang nangyari dahil tinanggap na niya ang sagot ni Eros na wala itong nakita sa kanya.
Samantala...
“Hays! Wala nga akong nakita. Naaninag ko lang naman! Wala akong masyadong nakita!” inis na inis na sabi ni Eros habang naglalakad. Ginugulo pa ang buhok at parang batang nagmamaktol.
Kung bakit ba kasi tinanong-tanong pa ni Bryan, ‘yan tuloy bumalik na naman sa isipan niya ang nangyari.