#LivingWithYou
CHAPTER 4
Hindi pa tumitilaok ang mga manok ay gising na si Bryan. Nasa kusina siya at abalang piniprito ang hotdog na kakainin sa almusal. Kinasanayan na kasi niya na gumising ng maaga dahil ganun sila sa probinsya.
Nakasilay ang ngiti sa labi ni Bryan. Hindi maikakaila sa itsura ng mukha nito na maganda ang gising. Mahimbing din kasi ang kanyang naging tulog dahil na rin sa malambot na higaan. Naalala niya tuloy ang kanyang nanay na si Milagros dahil sa papag lamang na kama na may kumot ito nahihiga. Matigas ang higaan dahil gawa iyon sa kawayan.
Tinapos niyang iprito ang hotdog at sinunod naman niya ang bacon na nakita niya rin sa loob ng ref. Hindi niya madalas makita at lutuin ang mga ganitong klase ng pagkain pero alam naman niya kung paano ito iprito. May mga alam din siyang ibang luto dahil naturuan din siya ng kanyang ina kung paano magluto.
Mula naman sa hagdan ay pababa si Celine. Naaamoy na niya ang mabangong amoy ng pagkain na nanggagaling sa kusina at sa kanyang tingin ay may nagluluto doon.
Naglakad si Celine papunta sa kusina. Naabutan niya si Bryan na nagluluto.
“Ang aga mo naman nagising. Hindi pa sumisikat ang araw sa labas,” sabi ni Celine na ikinatingin kaagad ni Bryan saka ngumiti.
“Nasanay lang po.”
“Saka bakit ka nagluto? Dapat ako ang naghahanda ng almusal.”
“Ok lang po, Tita,” nakangiting sabi ni Bryan. Hinango na niya mula sa kawali ang luto ng bacon at nilagay sa strainer para masala ang mantika. Sinunod nitong isalang ay ang tirang kanin kagabi na gagawin niyang sinangag.
Napangiti naman si Celine. Pumunta ito sa tabi ni Bryan.
“Marunong kang magluto. Pwede ka nang mag-asawa,” pabirong sabi ni Celine.
Natawa naman si Bryan.
“Bata pa po ako. Saka tinuruan po kasi ako ni Inay ng mga gawain sa bahay kaya maning-mani na po sa akin ang mga ganitong gawain,” pagmamalaki nito.
Napatango-tango naman si Celine.
“Sige maiwan na muna kita diyan at maghihilamos lang ako saka magtotoothbrush,” pagpapaalam nito.
Napatango-tango naman si Bryan. Abala ito sa paghahalo ng kanin sa kawali.
Napangiti na lamang muli si Celine saka nagpunta sa banyo.
Mula naman sa malawak na kwarto ni Eros...
Nagising ang diwa ni Eros dahil na rin sa amoy ng mabangong pagkain na sa tingin niya ay nanggagaling sa kusina sa baba. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata, sumalubong sa kanyang tingin ang puting kisame. Naniningkit ang mga matang tumitig doon.
Ilang minuto si Eros na ganun lang ang ginawa bago nito naisipan na maginat-inat ng katawan habang nakahiga sa kama. Pamaya-maya ay bumangon na rin ito. Humikab saka inalis ang nakabalot na kumot sa katawan at umalis na sa ibabaw ng kama.
Napatingin si Eros sa bintana, mula sa labas ay nakikita niya ang papaliwanag pa lamang na kalangitan. Muli siyang napahikab.
Nag-umpisang maginat-inat pa si Eros ng katawan para tuluyang magising ang diwa niya. Inikot-ikot ang ulo saka mga braso pagkatapos ay dumapa ito sa sahig at nagsimulang mag-push ups.
“1... 2... 3...” nagsimulang magbilang habang nagtataas-baba ang katawan ni Eros. Tuwing umaga ay ganito ang ginagawa niya pagkagising niya. Konting exercise para mapanatili pa rin ang kagandahan ng katawan.
Nangingintab na sa pawis ang mukha at katawan ni Eros ng tumigil siya. Mga ilang minuto rin iyon at maraming taas-baba ang ginawa niya. Muli siyang tumayo at tinungo naman ang cabinet. Kumuha ng bimpo na siyang ipinunas sa sariling pawis sa mukha at katawan.
Pinatong ni Eros ang ginamit na bimpo sa kanyang study table saka naisipan ng lumabas ng kanyang kwarto at bumaba na.
Naabutan ni Eros si Bryan na naghahain sa mesa. Nangunot tuloy ang noo niya dahil mas maaga pa palang nagising ito sa kanya.
‘Marunong pala itong sumunod,’ sa isip ni Eros. Naalala niya kasi ang sinabi niya rito na dapat maaga itong magising dahil kundi ay hindi niya ito isasabay mamaya sa enrollment.
“Good morning!” masayang pagbati ni Bryan kay Eros nang mapatingin ito.
Nanatili namang nakatayo lamang sa bukana ng dining si Eros. Umagang-umaga ay poker face at hindi man lang binalik ang pagbati ni Bryan. Kahit nga ngiti wala e.
“Tara na anak at kumain na tayo. Si Bryan ang nagluto,” pag-aaya naman ni Celine na nakaupo sa upuan nito habang nakatingin sa anak.
‘Siya ang nagluto?’ sa isip ni Eros.
Napabuntong-hininga na lamang si Eros saka tinabihan ang ina sa mesa.
“Tara na Bryan at kumain ka na rin. Maaga pa kayong aalis ni Eros di ba para sa enrollment?” tanong ni Celine.
Napangiti saka tumango-tango si Bryan.
“Wait lang po at kunin ko lang ang orange juice,” paalam nito saka muling bumalik sa kusina para kunin ang pitsel ng juice at mga baso.
Muli nang bumalik si Bryan sa dining at pinatong sa mesa ang mga kinuha. Matapos iyon ay umupo na rin ito sa lagi niyang pwesto dito sa hapag-kainan.
“Wala palang maiiwan dito sa bahay mamaya,” pag-alala ni Celine. Papasok rin kasi ito sa trabaho mamaya. Isa itong research analyst sa isang tanyag na kumpanya na matatagpuan sa Taguig.
“Maaga na lang po kami uuwi mamaya,” sabi ni Bryan. Napatingin ito kay Eros na kumukha ng hotdog at bacon saka ilalagay sa sariling plato.
Napatango-tango naman si Celine saka ngumiti. Napatingin ito sa anak.
“Si Bryan ang nagluto ng mga ‘yan, Anak. Akalain mo kalalaki niyang tao ay ang galing na niyang magluto.”
Hindi naman sumagot o tumingin man lang si Eros sa ina. Tuloy lang ito sa ginagawang pagkuha ng pagkain.
Napangiti si Celine. Tiningnan nito si Bryan saka nagkibit-balikat. Napangiti na lamang din si Bryan.
Nagsimula nang kumain ang tatlo. Madalas ay si Bryan at Celine lamang ang nag-uusap dahil si Eros ay tahimik lang na kumakain. Wala naman itong naging reklamo sa luto ni Bryan.
“Ano, Anak? Ok ba ang luto ni Bryan?” baka kasi mapanis ang laway ni Eros kaya kinausap na ulit ni Celine.
Nakatingin naman si Bryan kay Eros.
“Prito at sinangag lang naman ang niluto niya kaya walang kamangha-mangha dun,” napapailing na sabi ni Eros at hindi man lang tumitingin sa mga kasama niya sa mesa.
“Anak naman-”
“Bilisan mong kumain at mag-ayos. Maaga tayong aalis,” utos ni Eros kay Bryan pero hindi pa rin ito tumingin.
“Opo,” sagot na lamang ni Bryan.
Napapangiti na lamang si Celine. Hindi naman sa kinukunsinti niya si Eros sa ugali nito, minsan ay pinagsasabihan niya rin ito pero naisip niyang binata na rin kasi ang kanyang anak kaya mahirap na din mabago. Isa pa, mabait naman ito ‘yun nga lang ay mahirap minsan pakisamahan ang pagiging suplado nito kaya dapat ay habaan ang pasensya.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - -
“Paano at papasok na ako. Dala mo na ba ang lahat ng requirements mo?” tanong ni Celine kay Bryan. Nasa sala sila. Naunang matapos mag-ayos si Bryan at sumunod si Celine na suot ang corporate attire nito at ayos na ayos ang itsura na lalong nagpaganda dito. Si Eros, nasa kwarto pa at ang tagal maghanda para umalis.
Tiningnan ni Bryan ang hawak niyang plastic envelop. Napangiti ito saka binalik ang tingin kay Celine.
“Opo, nandito na lahat,” sagot ni Bryan.
Napangiti naman si Celine.
“Mabuti naman. Sige at aalis na ako,” pagpapaalam nito. Napatango-tango naman si Bryan. “Hay mabuti na lang at parehas kayong nakapasa sa entrance exam at least may magbabantay na kay Eros. Bantayan mo siya,” pagpapaalala nito sa anak.
“Ok po Tita,” nangingiting sagot ni Bryan.
“Sige,” sabi ni Celine saka hinalikan sa pisngi si Bryan.
“Bye po Tita,” pagpapaalam ni Bryan.
Muling tumingin si Celine kay Bryan saka nag-wave goodbye bago tuluyang lumabas ng bahay.
Napangiti naman si Bryan. Naiwan na siyang mag-isa sa sala.
Napatingin si Bryan sa itaas.
“Ang tagal naman nun. Ako iyong sinasabihan niyang huwag kukupad-kupad pero siya itong hanggang ngayon ay wala pa,” inis na sabi nito. Umiling-iling pa.
Naupo na muna si Bryan sa sofa habang hinihintay ang prinsipe este si Eros.
Pamaya-maya ay nakarinig na ng mga yabag si Bryan na bumaba ng hagdan kaya napatingin siya doon.
Nakita niya si Eros na napatingin din sa kanya. Hindi maikakaila ni Bryan na hanep nga ito sa pormahan. Naka-navy blue long sleeve polo na medyo maluwag dito at bukas ang first two buttons. Naka-tuck in sa khaki ang kulay na pants nito na hapit sa mahaba nitong legs. Nakasuot ng topsider na sapatos na kulay dark brown. Ang buhok ay pataas ang ayos. Humahalimuyak rin ang bango ng ginamit nitong pabangong panlalaki.
Samantalang si Bryan, simpleng white tshirt na maluwag pa sa kanya ang suot pang-itaas, kupas na semi-fit na pantalon at rubber shoes na puti ang suot pang-ibaba. Ang messy ng ayos ng may kahabaan at itim na buhok at natatakpan ng bangs ang noo. Nadadala naman niya dahil sa gwapo niyang mukha pero mas angat pa rin si Eros.
Tuluyang nakalapit si Eros kay Bryan. Tiningnan ni Eros si Bryan mula ulo hanggang paa.
“Bakit ganyan ka makatingin?” nagtatakang tanong ni Bryan.
Umiwas nang tingin si Eros.
“Umalis na si Mama?” tanong nito.
“Kanina pa,” sagot ni Bryan.
“Tara na,” aya ni Eros saka nauna ng maglakad palabas ng bahay.
Napangiti na may kasamang pag-iling-iling na lamang si Bryan at sumunod kay Eros.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
“Umusog ka nga ng konti. Ang sikip-sikip na ng inuupuan ko sinisiksik mo pa ako,” naiinis na bulong ni Bryan kay Eros.
Nakasakay sila sa jeep at binabaybay ang daan patungo sa eskwelahan, sa bandang gitna sila nakaupo.
“Anong sinisiksik? Masikip na talaga at wala na akong iuusog,” bulong na sabi naman ni Eros. Naiinis na nga siya, dikit na dikit sila ni Bryan lalo na ang mga braso nila na hindi din maiwasang magkiskisan lalo na at umaandar ang jeep.
Napasimangot naman si Bryan. Punong-puno kasi ang jeep.
Napatingin naman si Eros sa katabi niyang matabang lalaki. Mas lalo tuloy siyang nainis dahil kung tatantyahin niya, halos dalawang upuan ang nasakop ng pwet nito at pinepwersa pa siyang umusog palayo para maging maluwag dito ang inuupuan.
“Bwisit kasi itong matabang ‘to,” naiinis na bulong ni Eros habang masama ang tingin sa lalaki na hindi naman siya naririnig dahil may headphone na nakasalpak sa tenga.
“Uy! Marinig ka niyan sige ka,” bulong na sabi ni Bryan. Napatingin din siya sa matabang katabi ni Eros. Natawa nga din siya dahil hindi na poker face si Eros, nakabusangot na ito.
“Hindi niya ako maririnig. Ang lakas kaya ng tugtog sa headphone niya. Rinig na rinig ko nga,” pabulong na sabi ni Eros.
Hindi naman alintana nila Bryan at Eros na napapatingin sa kanila ang iba pang pasahero, lalo na ang mga babaeng animo’y mga kiti-kiting kinikilig dahil sa kagwapuhan nila.
“Magtiis na lang tayo kasi mukhang malapit naman na tayo sa eskwelahan.”
Hindi na nagsalita si Eros sa sinabi ni Bryan. Napabuntong-hininga ito. Ano pa nga bang magagawa niya?
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
“Wow! Ang laki at ang lawak ng eskwelahang ito,” manghang-mangha si Bryan habang nililibot nang tingin at mga paa nila ang eskwelahan.
Pagkatapos nilang mag-enroll at ayusin ang lahat para wala na silang aalalahanin pa sa oras na magbukas ang school year ay naisipan ng dalawa na maglibot. Naglalakad sila ng sabay ngayon sa malawak na espasyo ng eskwelahan kung saan mula sa pwesto nila ay nakikita ang isang simbahan na halatang ilang libong taon na ang edad dahil sa itsura at klase ng istruktura nito. Halatang makaluma kasi.
“Ang sarap pang langhapin ng hangin,” sabi ni Bryan saka sininghot ang hangin.
Hindi maiwasang mamangha ni Bryan sa mga lugar na maraming puno at mga halaman. Malaking bahagi kasi ng eskwelahan ay luntian dahil na rin sa mga nakatanim na mga puno at halaman sa paligid at ang inaapakan ay mga maliliit na d**o na kung tawagin ay bermuda grass.
Nakatingin naman si Eros kay Bryan. Halata sa mukha ng kasama ang sobrang pagkamangha.
Hiwa-hiwalay din ang mga buildings dito na inookupa ng iba’t-ibang kurso sa kolehiyo. Ang building nila, medyo malayo sa kung saan sila naglalakad ngayon. Ang bawat gusali ay may kanya-kanya raw kwento at ang iba ay halatang itinayo pa noon dahil sa istura na makaluma pero halatang matitibay pa rin dahil naprepreserba ang angking ganda ng mga ito. Parang isang malawak na park ang eskwelahan.
“Wow! May garden pa!” pasigaw na sabi ni Bryan saka tinuro ang sinasabi niyang garden.
Sumimangot naman si Eros.
“Huwag ka ngang ganyan mamangha at napaghahalataan ka.”
Napatingin naman si Bryan kay Eros.
“Napaghahalataang ano?” nagtatakang tanong ni Bryan.
Umiwas nang tingin si Eros.
“Napaghahalataan kang ngayon ka lang nakapunta dito,” napailing-iling ito.
“Totoo naman na ngayon lang ako nakapunta dito,” sagot ni Bryan sa sinabi ni Eros saka umiwas nang tingin at muling inenjoy ang view ng eskwelahan.
Napailing-iling na lamang ulit si Eros.
“Uy! may ice cream,” sabi ni Bryan. Tiningnan nito si Eros. “Tara bili tayo,” aya pa nito saka muling umiwas nang tingin at pinuntahan si Manong sorbetero na nasa hindi kalayuan lang.
Nakasunod naman ang tingin ni Eros kay Bryan. Muli itong napailing-iling saka sinundan ito.
“Magkano po?” tanong ni Bryan.
“15 kapag ordinary cone at 20 kapag sweet cone,” sagot ng tindero.
“Ang mahal pala ng ice cream dito,” sabi ni Bryan.
Napangiti na lamang ang matandang sorbetero. Sa tingin niya kasi ay galing probinsya si Bryan kahit wala naman sa itsura na probinsyano ito.
Napatingin si Bryan kay Eros na nasa likod lang niya.
“Gusto mo ba?” tanong ni Bryan.
Napailing-iling lamang si Eros.
“Ok, sayang naman at ililibre sana kita,” sabi ni Bryan saka umiwas nang tingin kay Eros na pinamulsa na lang ang dalawang kamay.
“Isa po Manong. Sa sweet cone niyo ilagay.”
“Anong flavor?” tanong ni Manong.
“Lahat ng meron kayo,” sagot ni Bryan.
Napatango-tango si Manong sorbetero. Kumuha ng sweet cone si Manong saka nilagyan iyon ng ice cream na may flavor na mango, avocado, cheese at chocolate. Nakatingin naman doon si Bryan at ganun din si Eros.
‘”Ito iho,” sabi ni Manong saka inabot ang binili ni Bryan na kinuha naman nito.
Napangiti naman si Bryan.
“Salamat Manong,” sabi nito saka nagbayad.
Tinalikuran ni Bryan si Manong sorbetero at tiningnan si Eros na umiwas nang tingin sa kanya.
“Ayaw mo ba talaga?” tanong ni Bryan.
Napailing-iling lamang si Eros.
“Ok,” sabi na lamang ni Bryan. Sinimulan na niyang dilaan ang ice cream. “Ohhh! ang sarap!” akala mo ay iniinggit si Eros pero ganun lang talaga kumain ng ice cream si Bryan.
Mula naman sa periphial vision ni Eros ay nakikita niya si Bryan na kinakain ang ice cream. Ewan ba niya pero napapalunok siya sa tuwing didila ito sa ice cream. May iba sa pakiramdam niya kapag paulit-ulit na ginagawa iyon ni Bryan kaya naman tinalikuran na niya talaga ito at mabagal na naglakad palayo. Pakiramdam niya, natatakam din siya sa ice cream na dinidilaan nito.
“Uy! Iwanan daw ba ako!” sabi ni Bryan na hinabol sa paglalakad si Eros.
Sabay na ulit naglalakad sila Bryan at Eros. Patuloy pa rin sa pagkain si Bryan ng ice cream habang paminsan-minsan ay napapatingin naman si Eros. Napapailing pa nga ito kapag iiwas na ulit nang tingin.
“Na-miss ko tuloy si Manong sorbetero doon sa amin. Ang sarap din kasi ng ice cream niya kaya lagi akong bumibili,” sabi ni Bryan. “Saka mas mura pa.”
“Mahilig ka sa matatamis?” tanong ni Eros nang hindi tinitingnan si Bryan.
“Medyo, sa chocolates at ice cream.” sagot ni Bryan.
Napatango-tango naman si Eros.
“Oo nga pala. Mahal ba ang tuition dito sa school?” tanong ni Bryan. Hindi kasi binanggit sa kanya iyon ni Tita Celine niya.
“Kaya dapat pagbutihan mo ang pag-aaral at huwag mong sayangin ang pera ni Mama,” sermon ni Eros.
“Ibig sabihin mahal nga?” tanong muli ni Bryan.
Hindi sumagot si Eros. Nakatingin lamang ito sa dinaraanan nila.
Napabuntong-hininga naman si Bryan. Muling dumila sa ice cream.
“Mabuti at napapayag ka na pag-aralin ako ng Mama mo,” sabi ni Bryan.
“Hindi talaga ako payag,” sabi ni Eros. “Pero narealize ko na hindi ko naman pera ang gagamitin ni Mama para sa pag-aaral mo kaya wala akong karapatan para tumanggi sa kagustuhan niya.”
Napatango-tango naman si Bryan.
“Huwag kang mag-alala at pagbubutihan ko ang pag-aaral ko. Hindi ko bibigyan ng dahilan si Tita para madismaya saka pati na rin ikaw.”
“Huwag puro salita. Gawin mo,” sabi ni Eros. Tumango-tango na lamang si Bryan.
Napatingin si Eros kay Bryan. Nakita niyang nakangiti ito at napansin din niya ang ice cream sa kaliwang gilid ng labi nito.
“Para kang bata kumain. Ang dungis mo,” sabi ni Eros.
“Ha? May ice cream ba ako sa mukha?” tanong ni Bryan. “Saan? Dito ba?” sabay turo sa kanang pisngi.
Napailing-iling si Eros. Huminto ito sa paglalakad kaya huminto rin si Bryan. Kinuha nito ang panyo na nasa bulsa saka lumapit kay Bryan.
Bahagya namang napalayo si Bryan. Nanlalaki ang mga mata nito.
“A-Anong gagawin mo?” kinakabahang tanong ni Bryan. Hindi nga niya maintindihan kung bakit siya kinakabahan.
“Nakakapagod magturo-turo sa engot kaya ako na lang ang magpupunas,” sabi ni Eros saka bahagya itong yumuko, otomatiko namang napaatras ang itaas na bahagi ng katawan ni Bryan.
Hanggang sa ang lapit na ng distansya ng kanilang mga mukha. Nagkatitigan sa mga mata, panay kurap ang mga mata ni Bryan. Naamoy ang mabangong hininga ni Eros. Si Eros ang unang umiwas at tiningnan ang labi ni Bryan na mamula-mula at halatang malambot, napalunok na naman siya kaya kaagad na niyang ginawa ang dapat, gamit ang panyong hawak, pinunasan nito ang ice cream sa gilid ng labi nito.
Puno ng kaba ang dibdib ni Bryan, may ganun ding pakiramdam si Eros kaya kaagad na rin itong lumayo saka umayos ng tayo at umiwas nang tingin. Napabuntong-hininga.
Umayos na rin ng tayo si Bryan. Bumuntong-hininga at kinalma ang sarili. Umiwas nang tingin saka kumain ng ice cream na mabuti na lang at hindi niya nabitawan kundi sayang lang.
“Dapat kasi tinuro mo na lang,” sabi ni Bryan. Nakakaramdam ng hiya.
Hindi nagsalita si Eros. Muli itong naglakad at tinago ang panyo sa bulsa. Sumunod naman sa kanya si Bryan na nagtataka sa mga kakaibang kilos ni Eros.
Inubos na ni Bryan ang ice cream. Pati ang sweet cone ay kinain. Habang pinupunasan niya ang sarili gamit ang sariling panyo ay naramdaman naman niya ang pag-vibrate ng phone niya sa bulsa. Kinuha niya iyon at napangiti dahil nakita niyang tumatawag ang ina. Huminto siya sa paglalakad at sinagot ang tawag.
“Nay.”
Napahinto naman sa paglalakad si Eros. Napatingin kay Bryan.
“Kumusta ka na diyan anak?” tanong ni Milagros mula sa kabilang linya.
“Ok lang, Nay. Mabait si Tita Celine sa akin at ito nag-enroll ako at kasama ko si Eros,” sagot ni Bryan at tiningnan nito si Eros na nakatayo sa hindi kalayuan.
“Eros?” nagtatakang tanong ni Milagros.
“Yung anak po ni Tita Celine.”
“Ah... oo! ‘Yung binatang anak niya na si Eros,” napangiti naman si Bryan sa sinabi ng ina.
“Oo nga pala anak, next week na kita padadalhan ng pera. Iniipon ko pa kasi para medyo malaki-laki ang maibigay ko sayo.”
“Nay, ok lang. Huwag kayong magmadali.”
Nakatingin lamang si Eros kay Bryan na patuloy na kausap ang ina. Napabuntong-hininga ito.
Ilang minuto pa ang lumipas ay natapos na ang tawagan nila Bryan at Milagros. Ibinaba na ni Bryan ang tawag at nagmamadaling nilapitan si Eros.
“Tara na-”
“Yung cellphone mo, buhay pa pala ‘yan sa panahon ngayon?” tanong kaagad ni Eros.
“Ha?” nagtatakang tanong ni Bryan. Itinaas niya ang kanyang hawak na cellphone. “Ito ba ang tinutukoy mo?” tanong pa nito.
“Bakit? May iba ka pa bang cellphone na hawak bukod diyan?” tanong ni Eros. Bukod kasi sa pakikinig sa usapan ng mag-ina, isa sa nakatawag pansin kay Eros ay ang gamit na cellphone ni Bryan. Barphone na bihira na lamang niya makitang gamit ng tao sa panahon ngayon.
“Ano bang problema dito sa cellphone ko?” tanong ni Bryan.
Napailing-iling si Eros. Umiwas nang tingin saka muling nilagay ang magkabilang kamay sa bulsa at naglakad.
Sumabay naman sa kanya si Bryan.
“Uy! May problema ba sa cellphone ko?”
“Wala.”
“Eh bakit mo pinansin?”
“Tumahimik ka! Ang kulit mo!” sabi kaagad ni Eros.
Napanguso naman si Bryan. Napailing-iling rin ito.
“Hirap talagang espelengin nito,” bulong na sabi ni Bryan. Tinago ang cellphone sa bulsa.