#LivingWithYou
CHAPTER 5
Nasa kwarto si Bryan at abala siya sa pag-aayos ng hihigaan niyang kama nang marinig niyang bumukas ang pintuan kaya siya napatingin doon.
“Tita,” sambit ni Bryan. Sandali itong tumigil sa ginagawa at hinarap si Celine.
“Matutulog ka na ba?” tanong ni Celine.
“Maya-maya Tita. Magbabasa po muna ako. Papaantok,” sabi ni Bryan saka ngumiti.
Napatango-tango naman si Celine.
“Bakit Tita? May kailangan po ba kayo?” nagtatakang tanong ni Bryan.
“Kumusta ang pag-eenroll ninyo ni Eros. Naging maayos ba?” tanong ni Celine.
“Maayos naman po Tita. Tinulungan din ako ni Eros. Ang totoo po parang siya rin ang halos gumawa lahat kasi nasa likod lang niya ako,” nangingiting sabi ni Bryan.
“Mabuti naman kung ganun,” sabi ni Celine. Ngumiti ito. “Oo nga pala at may ibibigay ako sayo,” dugtong pa nito saka nilitaw na ang tinatago ng kamay nito mula sa likod.
Napatingin naman si Bryan sa hawak ng kamay ni Celine. Isang parihabang kahon na kulay itim.
Nagtatakang tiningnan ni Bryan si Celine.
“Ano po iyan Tita?” nagtatakang tanong ni Bryan. Wala kasing tatak o kung ano mang palatandaan ang kahon kaya hindi niya alam kung ano ba ang nasa loob.
“Kunin mo saka tingnan,” utos ni Celine.
Napatango-tango na lamang si Bryan saka kinuha mula kay Celine ang ibinibigay nito. Tinanggal ang takip ng kahon at halos lumuwa ang mga nanlalaking mata ni Bryan dahil sa gulat ng makita kung ano ang nasa loob ng kahon.
Napangiti si Celine.
“Nagulat ka ba?” tanong nito.
Dahan-dahang tiningnan ni Bryan si Celine.
“Para saan po ito?” tanong ni Bryan. Halata sa boses nito ang hindi pagkapaniwalang makakatanggap siya ng ganitong klaseng bagay.
“Nakita ko kasi ang gamit mong phone. Actually ok naman iyon pero naisip ko na papasok ka na sa school kaya dapat ang gamit mong cellphone ay ‘yung maganda at magagamit mo sa kahit saan at anumang dahilan,” sabi ni Celine. “Malaking tulong ‘yan sa pag-aaral mo.”
It’s a brand new touch screen cellphone na latest unit pa ang binigay ni Tita Celine.
“Pero Tita, nakakahiya naman po ito. Saka ok pa naman po ‘yung cellphone ko kaya hindi niyo na po ako kailangang bigyan pa nito,” nahihiyang sabi ni Bryan. Hindi nito alam kung magiging masaya ba siya o sobrang mahihiya. Sobra-sobra na rin kasi ang tulong ni Celine sa kanya.
Napangiti si Celine.
“Sabi ko nga pwede mong magamit ‘yan sa pag-aaral. Pwede ka diyang mag-research o di kaya ay manuod ng mga videos tungkol sa pinag-aaralan mo. Marami kang magagawa sa cellphone na iyan.”
“Pero Tita-”
“Kapag hindi mo ‘yan tinanggap magtatampo ako sige ka,” sabi kaagad ni Celine.
Muling tiningnan ni Bryan ang cellphone. Napangiti ito ng tipid saka muling tiningnan si Celine.
“Maraming salamat Tita,” malaki ang pasasalamat ni Bryan sa sobrang kabaitan ni Celine.
“Your welcome. Madali lang naman gamitin ‘yan, may manual sa loob ng kahon pero kung may hindi ka maintindihan ay magpaturo ka sa akin o di kaya ay kay Eros,” sabi ni Celine.
Napatango-tango si Bryan.
“Maraming salamat po ulit.”
“Okay, sige na at lalabas na ako. Matulog ka ng maaga,” sabi ni Celine.
“Okay po,” sabi ni Bryan saka napangiti.
Naglakad na palabas si Celine. Naiwan si Bryan sa loob ng kwarto. Muling tiningnan ang cellphone na kulay itim.
“Grabe ang ganda,” tuwang-tuwa na sabi ni Bryan. Hindi niya talaga inaasahan na magkakaroon siya at makakahawak ng ganitong cellphone.
Mula naman sa labas ng kwarto ni Bryan, huminto sa paglalakad si Celine. Napatingin ito sa pintuan ng kwarto ni Eros. Napangiti siya sa biglang naalala.
“Anak, bakit ka napatawag?” tanong ni Celine sa anak na si Eros. Break nito sa trabaho at saktong tumawag si Eros.
Nasa banyo naman ng school nung mga panahong iyon si Eros. Sandaling nagpaalam kay Bryan na iniwan niya sandali sa labas.
“Ibili mo Ma ng bagong cellphone si Bryan. ‘Yung latest,” sabi ni Eros.
“Ha? Bakit?” nagtatakang tanong ni Celine.
“Nakita ko ang phone niya at mga seniors na lang ang gumagamit ng mga ganun. Kailangan niya ng bago para kapag nag-aral na siya, hindi naman nakakahiyang ipakita sa iba ang cellphone niya,” sabi ni Eros. Napabuntong-hininga.
“Ganun ba Anak-”
“Yung latest Ma, okay,” paalala muli ni Eros.
“Ok... Ok.”
“ ‘Yun lang. Bye Ma.”
“Kahit papaano ay may natatagong kabaitan ka pa rin Anak,” natutuwang sabi ni Celine. Hindi niya napigilang mas mapangiti.
- - - - - - - - - - - - - - - - - -
Sa loob ng kwarto ni Eros, nakahiga siya sa kanyang kama. Nakaunan ang dalawang kamay sa ulo habang nakatitig ang mga mata sa kisame.
“Naibili kaya siya ni Mama?” tanong nito sa sarili.
Ewan ba niya, nababaliw na siguro siya kaya niya nagawa ang ganung bagay.
Pero hindi niya maitatanggi na mayroon sa loob niya ang gumaan dahil sa ginawa niyang iyon.
“At least hindi na siya mukhang kawawa,” sabi ni Eros sa hangin. Iyon kasi ang tingin niya kay Bryan kahit na ang itsura nito ay hindi naman ito mukhang kawawa.
Hindi na muling nagsalita pa si Eros. Nakatitig na lamang siya sa kisame. Pamaya-maya ay unti-unting bumigat ang talukap ng kanyang mga mata hanggang sa siyang mapapikit na dahil dinalaw na siya ng antok.