Chapter Three
Habang nakaduty sa opisina at nag-a-arrange ng mga dokumento si Yoko ay may biglang tumapik sa balikat niya.
"Hello, Yoko," rinig niyang sabi ng tumapik sa kanya.
Agad naman niyang nilingon ito at nakita niya ang isang lalaking halos kahawig ng boss niyang si Travis. Sa unang tingin ay aakalain mong ito ang boss niya, pero kapag mas tinitigan mo pa ito, mapapansin mong may pagkakaiba sa kanila.
"Ako 'to, si Troy," pakilala naman nito sa kanya. Marahil ay nakita nitong kunut na kunot ang noo niya.
"Ah? Hi, Sir Troy?" magalang na bati niya naman kaagad dito.
"Ayon na naman, natawag na naman na Sir. Alam mo bang sa ibang bansa, matatanda lang ang tinatawag nilang Sir do'n? Saka hindi naman nagkakalayo ang edad natin. Nakita ko sa resume mo 20 years old ka na, eh 22 pa lang naman ako," masiglang kwento nito sa kanya.
Napatango naman siya. So mas bata pala itong Troy kaysa sa boss niyang si Travis.
"So, ayon na nga. Kamusta ka naman dito? Kapag sinigawan ka ni Travis, sabihan mo kaagad ako. Ililipat kita sa kabilang building. Do'n ka na lang sa'min," dugtong na kwento nito sa kanya. Tila nagulat naman siya sa sinabi nito. Hindi niya mabasa kung nagbibiro lamang ba ito o seryoso eh.
"Naku, mabait naman si Travis. Saka minsan ko lang naman siyang makita rito. Salamat nga pala sa pagpili mo sa resume ko noon, ha? Nabanggit sa'kin ni Andrea," tugon niya rito. Tumango-tango naman ito sa kanya.
"Bakit kasi dito ka pa nag-apply eh. Pwede namang sa kabilang building ka sana nagwalk in noon," sabi pa nito sa kanya. Nginitian na lang naman niya ito. Inisip na lamang niya na nagbibiro lang ito.
"Nandito po ba kayo para kay Sir Travis? I mean, para kay Travis? Hindi pa kasi siya dumarating," tanong na lamang niya. Mabilis naman itong umiling sa kanya.
"Hayaan mo siya. Wala akong pakialam sa kanya. Sawang sawa na nga ako sa pagmumukha no'n sa bahay eh. Kinumusta lang talaga kita rito pero paalis na rin naman ako. Kapag may problema ka, text, tawag o chat ka lang sa akin. Nasa malapit lang naman ako," bilin pa nito bago paunti-unting lumalakad paalis. Nakita naman niyang papalapit si Andrea sa kanya pagkaalis ni Troy.
"Nakilala mo na rin pala si Boss Troy. Para silang kambal ni Boss Travis, 'no?" tanong ni Andrea sa kanya.
"No'ng una nga akala ko siya si Sir Travis eh. Pero kapag tinitigan mo, may pagkakaiba sa mukha at sa datingan nila eh," tugon niya. Humagikgik naman si Andrea.
"Mas mabait ang datingan ni Boss Troy kaysa kay Boss Travis. Huwag ka nang mahiya na magsabi. Alam ko naman na 'yan. Hahaha," nakatawang bulong nito sa kanya.
Napangisi na rin tuloy siya. Mukhang tama naman si Andrea. Mas maamo kasi ang mukha ni Troy kaysa kay Travis. Sakto namang biglang dumaan sa gilid nila si Travis. Kadarating lamang nito. Buti na lamang at hindi na rin siya nagkomento pa sa sinabi ni Andrea sa kanya, kung hindi ay baka narinig na nito ang usapan nila.
"It looks like you two are having fun? Ano ba ang pinag-uusapan ninyo? Care to share?" tanong ni Travis sa kanila. Bahagyang nanglaki ang mata niya at mabilis siyang napabalik sa pwesto niya. Narinig naman niyang sumagot si Andrea.
"Wala naman po, Boss Travis. Napadaan kasi kanina si Boss Troy. Mukhang nagkakilala na sila ni Yoko," tugon ni Andrea. Nakita niyang napatingin sa kanya si Travis. Nginitian na lamang niya ito at nag-iwas na ng tingin. Nagpanggap na lamang siya na abala sa ginagawa sa computer niya.
"Yoko, come see me in my office," rinig niyang tawag nito sa kanya.
Napatayo naman siya kaagad. Bakit naman siya nito ipapatawag? Papagalitan ba siya nito? Baka narinig nito kanina na pinagchi-chismisan nila ni Andrea ang pagkakaiba nila ng kapatid nitong si Troy? Mukhang lagot na siya. Tumingin siya kay Andrea at nagtanong kung bakit pero nagkibit balikat lamang ito sa kanya. Dumiretso na lamang siya sa loob ng opisina nito at kabadong-kabado na tumayo sa harapan ng lamesa ni Travis.
"Bakit po?" buong lakas loob na tanong niya rito. Hindi ito kaagad sumagot sa kanya dahil may tinatype ito sa harap ng macbook nito.
"Sabi ni Andrea wala ka raw pasok sa school niyo bukas hanggang sa isang araw?" tanong nito sa kanya. Tumango naman siya kaagad kahit medyo naguguluhan.
"Good. I will take you on some of our onsite projects, para magka-ideya ka sa mga ginagawa ng kumpanya namin. Baka naiinip ka sa mga admin tasks mo rito eh," paliwanag nito sa kanya. Nanglaki naman ang mga mata niya at agad siyang na-excite.
"Talaga po, Sir? Este, Travis pala. Naku, sige po. Nagsearch nga po ako last time about sa Maghari Empire, saka ko lang nalaman kayo rin po pala ang mismong nagha-handle sa pagconstruct ng mga projects," kwento niya rito. Nadala siya ng damdamin dahil sa excitement.
"Yes, and we also do more than that. But I can't tell you yet, confidential na ang ibang details. For now, you may go back to your seat. Bukas ng umaga tayo aalis para puntahan ang dalawang on going projects ng mga Maghari," sabi pa nito sa kanya.
Tumango naman siya at mabilis na tumalikod. Paglabas niya ng opisina ni Travis ay titig na titig si Andrea sa kanya. Mapagtanong ang mga tingin nito. Nilagpasan niya ito pero narinig niya itong sumitsit sa kanya.
"Psst. Bakla ka, ano'ng sabi ni boss sa'yo?" pabulong na tanong nito sa kanya.
Sumenyas siya na sa messenger sila mag-usap. Tumango naman ito. Kinwento niya ang sinabi ni Travis sa kanya tungkol sa pagpunta nila sa onsite projects. Narinig niyang napasinghap si Andrea mula sa pwesto nito. Nakita niyang tumayo ito mula sa pwesto nito at pinuntahan siya.
"Bakla, alam mo bang never pa akong isinama ni Boss Travis sa mga on going projects ng Maghari Empire? Sa buong dalawang taon ko rito, ha. Nice, mukhang good shot ka talaga sa kanya," bulong nito sa kanya habang halos magkapalit na ang mukha nila sa sobrang lapit nito sa kanya.
"Talaga ba? Ang weird naman? Baka kasi sobrang busy mo na sa mga pinapagawa niya kaya hindi ka na niya maisama?" tanong niya rito.
"May point ka riyan, Baks. Kung sa bagay, ang dami na nga kasi niyang pinapagawa sa akin. Buti nga nandiyan ka para kahit paano may napapasahan ako ng ibang utos niya. Hahahaha," humahalakhak na tugon pa nito sa kanya.
Kinabukasan ay maaga siyang pumasok sa opisina dahil ayon kay Travis ay 7am sila aalis. Wala pang ala siete nang dumating siya at laking gulat niya nang makitang naroon na sa opisina ang boss niya. Napakaaga nito? Akala niya noong una ay mali ang orasan niya at baka late na pala siya sa usapan pero hindi naman. Kaagad siyang kumatok sa opisina nito bago pumasok.
"Gusto mo po ba munang magkape?" tanong niya rito. Ingat na ingat siya sa salita niya. Hindi pa rin niya maiwasang hindi mag-po rito.
"Nah, I'm good. Ready ka na? Alis na ba tayo?" tanong nito sa kanya. Mabilis naman siyang tumango rito.
"Okay, let's go," dugtong na sabi nito. Niligpit nito ang laptop at binitbit na ang cellphone nito. Sumunod lang naman siya sa kung saan ito pupunta. Sumakay sila sa elevator at nakita niyang pinindot nito ang basement. Malamang ay doon nakapark ang sasakyan nito.
Nakita niyang 'yong raptor na naman pala ang dala nito. Napa-pikit na lang siya. Ang taas-taas pa naman ng sasakyang 'yon, tapos napakaliit niya. Palibhasa ay matangkad ito eh. Ilang beses siyang bumwelo ng talon para makasampa nang maayos at buti naman ay hindi siya nahulog. Nakita niyang nakatingin lang sa kanya si Travis na nakasakay na ngayon sa driver's seat.
"Ang taas, maliit lang ang mga bias ko eh," nakangiting sabi na lamang niya rito. Ngumiti lang naman ito sa kanya. Ini-start na nito ang makina at pinaandar na.
"Saan po 'yong project niyo na pupuntahan natin?" tanong niya sa boss niya.
"Sa Boni 'yong una, sa Bulacan 'yong sunod nating pupuntahan," tugon nito. Tumango tango naman siya at agad na nagsulat sa mini notebook na dala niya. Balak niyang i-take down notes ang lahat ng matututunan at mapapag-usapan ngayong araw. Para in case na may presentation sila sa school ay ma-i-share siya about sa business na ginagawa ng kumpanyang pinapasukan niya.
Mabilis silang nakarating sa Boni at pinasuot sila ng safety helmet bago sila papasukin sa construction site. Buti na lamang at nagsuot siya ng pantalon, t-shirt at sneakers kaya hindi siya hirap sa paglalakad sa buong site.
"We're currently around 50% of the development, and hopefully we will finish before May next year," paliwanag ng isang lalaki kay Travis. Mukhang ito ang Foreman. Agad naman niyang sinulat ang sinabi nito. Naglibot pa sila sa buong area at may iilan-ilang tao pang kinausap si Travis. Habang may kausap ito ay panay ang hila nito sa kanya. Pinapalapit siya nito sa kanya. Napansin rin kasi niyang kanina pa pala siya tinititigan ng ibang mga construction workers na naroon. Wala naman silang sinasabi o ginagawa, pero nakatitig lamang sila kay Yoko.
Nang matapos sila sa Boni ay halos tanghalian na rin. Nag-aya munang magdine in si Travis bago sila tumuloy sa Bulacan. Dalawang oras pa raw kasi ang byahe at siguradong traffic daw sa dadaanan kaya mas mainam kung kumain na muna sila. Wala naman siyang ideya sa restaurant na pinasukan nila. Sa opinyon niya ay mukhang mamahalin ang restaurant na ito at gusto na lamang nga sana niyang umatras. Kung siya ang tatanungin ay sa Jollibee na lang siya kakain. Mura na at siguradong marami pa siyang makakain. Pero wala na siyang nagawa at hindi na siya nagreklamo pa sa kasama, sagot daw naman kasi ni Travis ang tanghalian nila. Aangal pa ba siya? Alangan namang ayain niya itong kumain sa kung saan-saan? Siguradong hindi ito sanay kumain nang mumurahing pagkain lang.
Mabilis inihain ang pagkain sa lamesa nila. Halos nalula pa siya dahil hindi niya alam ang mga pagkain na inilapag. Marami iyon, at may mga gulay pa. Kung tatanungin ang opinyon niya, sasabihin niyang d**o ang tingin niya sa mga 'yon. Marahil para sa mga mayayaman ay masarap ang mga ganitong klase ng pagkain.
"Kung may makikipagrelasyon ba sa'yo, tatanggapin mo ngayon?" biglang tanong nito sa kanya. Hindi naman siya kaagad nakasagot dahil napaisip din siya.
"Hindi. Hindi rin naman ako nag-i-entertain ng mga sumusubok. Abala po ako sa pag-aaral at sa pagtapos ng oras ko sa OJT. Pwede siguro pagka-graduate ko? Pero hindi ko siya priority," paliwanag niya rito. Tumango tango naman ito sa kanya.
"Noted on that," simpleng tugon nito sa kanya.
Hindi naman na siya umimik pa. Ayaw na rin kasi niyang pahabain pa ang usapan nila tungkol sa gano'ng bagay. At ayaw rin niyang pag-usapan nila ang buhay niya o ang lovelife niyang wala namang kakulay kulay.
Madilim na nang makabalik sila sa opisina matapos nilang bisitahin ang construction site sa Bulacan kung saan kasalukuyan pa lamang hinuhukay ang lupa para gawin itong isang mall. Umakyat si Yoko sa floor nila para magtime out bago umuwi ngunit naabutan niyang naroon si Troy.
"Hi, Yoko. I heard from Andrea you were out with Travis today. How was the trip?" nakangiting tanong nito sa kanya. Bilang paggalang ay sinuklian niya rin ito ng ngiti.
"Ayos naman. Medyo malayo lang kaunti 'yong sa Bulacan. Marami rin akong natutunan ngayong araw," mabilis na kwento naman niya rito.
"Si Travis, hindi ba kayo sabay? Akala ko kasama mo siya?" tanong naman nito.
"Baka nasa basement pa, nauna na ako sa kanya kanina kasi para makapagclock out ako kaagad. Paano? Mauna na ako sayo ha? Babye," paalam na niya at tinalikuran na niya ito.
Nagmamadali siyang umalis dahil iniisip niyang baka mahirap sumakay ng van ngayong oras. Kanina pa nga siya chinachat nila Janice pero nagsabi na siya na mauna na ang mga ito dahil gagabihin siya ng uwi. Palabas pa lang siya ng building ay tanaw na kaagad niya ang kotse ng kanyang boss. Nagulat pa siya nang businahan siya nito dahil nilagpasan niya ito.
"Tara na, Yoko!" sigaw nito sa kanya. Napairap naman siya at patakbong lumapit sa kotse nito.
"Travis, magko-commute na lang ako," sabi niya kaagad dito.
"At bakit? Sumakay ka na, ihahatid na kita," pilit pa rin nito.
"Huwag na. Nakakahiya, boss kita tapos OJT niyo ako. Ano na lang ang iisiping ng mga tao kapag nakita nila tayo?" matapang na lahad niya rito.
"Eh di hayaan mo sila na isipin ang gusto nila. Sabi mo naman pagkagraduate mo i-entertain mo na ako. Di’ba?" tanong nito sa kanya. Nanglaki naman ang mga mata niya at napataas ang kilay niya. Wala siyang maalalang sinabi niya na gano'n.
"Ha? Bakit ikaw? Ang sabi ko lang hindi ko pa priority," pagtama niya sa sinabi nito.
"Eh di sige. Gawin mo na lang akong option, kung anuman ang gusto mong itawag ro'n. Sakay na, gabi na oh," tugon lamang nito sa kanya. Tila natulala siya sa mga sinabi nito. Hindi kaya nasaniban ang boss niya kaninang nagpunta sila sa construction site? Baka nakatapak ito ng nuno sa punso, puro putik pa naman kanina sa Bulacan.