"Inay! Natanggap ako!" Mangiyak-ngiyak kong ibinalita sa kanila nang makauwi na ako ng bahay kinagabihan na dala na ang mga pinamili ko.
Agad naman tumayo si Inang mula sa pagkakaupo mula sa mahabang upuan naming kahoy at tuwang-tuwa siyang sinalubong ako.
Hinawakan niya ako sa magkabilang braso. "Talaga, anak? May trabaho ka na? Tanggap ka na??" hindi pa makapaniwalang tanong niya sa akin.
Tumango ako. "Opo, Inay! Bukas na bukas din po umpisa na ng araw ko sa trabaho! Ito nga po oh! Namili na ako ng mga gagamitin ko!" Tuwa konh ipinakita sa kanya ang mga pinamili ko at nakibuklat na rin siya.
Sa tuwa niya ay nayakap niya ako at pareho kaming nagyakapan at nagtatalon sa labis na tuwa at lumapit din ang bunso kong kapatid na si Rex.
"Ate? May trabaho ka na?" tuwa nitong tanong kaya bumitaw ako sandali kay Inay at binalingan ko ito.
Ginulo ko ang buhok niya. "Oo Rex! Matutulungan ka na ni Ate sa pag-aaral!" Nayakap ko rin ito sa tuwa at gumanti rin naman siya ng yakap.
"Mabuti naman Ate! Kailangang-kailangan na kasi talaga natin eh. Salamat sa diyos natanggap ka," laking pasalamat nito dahilan para mas mapangiti ako.
"Sabi naman sa inyo may awa ang diyos hindi niya tayo pababayaan." Muli kong ginulo ang buhok nito.
Binalingan ko naman muli si Inay na bakas pa rin sa mukha ang kagalakan. "Inay, may ipangpapagamot na ako sa iyo... sigurado maganda kikitain ko sa kumpayang ito na napasukan ko, saka mabait ang magiging boss ko Inay! Pinahiram niya ako ng pera para makapagumpisa na ako bukas na bukas din!"
Natigilan naman ito sa huli kong sinabi at dumako muli ang tingin niya sa mga pinamili ko. "Pera ng boss mo ang ipinambili mo ng mga iyan?" tila may hindi siya nagustuhan.
"Pinahiram niya po ako ng pera nang makiusap ako sa kanya na baka p'wede sa isang araw na ako magumpisa pero 'di siya pumayag kaya nawalan ako ng pagpipilian kundi sabihin sa kanya na kailangan ko po muna dumilehensya pampanimula ko sa trabaho tapos ayon naawa sa akin kaya pinahiram niya ako ng pera para bukas na bukas din makapagumpisa na ako pero sa sahod ko babayaran ko rin ang ipinahiram niyang pera, iyon po ang usapan namin na hindi po ito bigay kundi hiram lang na kapag nakasahod na ako ay babayaran ko rin siya," mahaba kong paglalahad bilang agap dahil alam ko na agad ang nasa isip niya.
Ina ko siya kaya alam ko kapag ganito ang tonohan niya kaya naman inagapan ko na kaagad ng paliwanag dahil mas maigi na maagap kaysa naman kung ano pa ang kanyang isipin.
Sandali pang tumagal ang tingin niya sa akin at saka siya tumango-tango na lang. "Akala ko naman bigay sa iyo na mayroon kapalit," malaman niyang sinabi na ikinaawang naman ng bibig ko.
"Inay naman! Ganu'n ba ako sa tingin niyo? Saka nagmagandang loob lang naman po iyung tao dahil kailangan niya na rin po ako bukas na bukas din sa opisina kaya niya ako pinahiram. Pahiram na may saulian naman Inay," paglilinaw ko pa sabay napanguso.
"Siya! Siya! Sige na kung ganoon nga eh salamat diyan sa magiging boss mo. Pero ano nga bang posisyon ang ibinigay sa iyo?" saad niya na may tanong bilang pagiiba na ng usapan.
"Personal and executive assistant po. Ako ang palagi niyang makakasama saan man siya magpunta. Ako ang magaasikaso ng mga kailangan niya mapa-trabaho o mapa-personal man." sagot ko.
"Teka ate, hassle ata magiging trabaho mo? Mas maraming gawain ang assistant kaysa sa secretary. Pero hindi ba secretary ang apply mo?" si Rex.
"Hindi na uso ang magreklamo, Rex. Oo secretary ang apply ko pero assistant lang ang may bakanteng posisyon kaya iyon ang ibinigay ng boss sa sakin. Saka pasalamat na lang tayo dahil may trabaho na ako ngayon at ganap ko na kayo matutulungan ni Inay. Kaya-kaya ko ito, magtiwala lang kayo sa akin," magiliw kong sinabi sa kanila.
Gagawin ko lahat para sa kanilang pamilya ko at hinding-hindi ko sila pababayaan kahit magkanda kuba ako sa kakatrabaho walang problema sa akin basta makita ko lang sila na kahit papaano gumiginhawa at naibibigay ko ang kanilang mga pangangailangan.
Lumapit sa akin si Inay sabay ngumiti at hinawakan niya ako muli sa magkabilang braso ko at saka niya ako pinakatitigan.
"Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo sa pamilya natin, 'nak. Ang aga mo natutong nagbanat ng buto para lang makatulong ka sa akin, sa 'min ng kapatid mo tapos ngayon nagsakakit pa ako mas lalo mong binalikat ang lahat. Hiyang-hiya na ako sa iyo," mangiyak-ngiyak na sinabi niya.
Magaan akong ngumiti at hinawakan ko ang magkabilang pisngi ng aking magandang Inay.
"Lahat gagawin ko para po sa inyo, palagi kayong kasama sa mga pangarap ko. Palagi niyong iisipin na para ito sa inyo 'di bali nang mapagod kaya ko naman ipahinga ng isang buong gabi lang. Basta makita ko lang kayo na nasa maayos ay sapat na sa akin, sulit lahat ng pagod ko."
Wala na siyang nasabi pa at nayakap niya na lang ako ng mahigpit. Alam ko namang hiyang-hiya na sila sa akin pero 'di ko iyon iniisip, sila ang importante sa akin, sila na muna bago ako.
Sila ang nagsisilbing kalakasan ko sa araw-araw at ang pananalig sa maykapal. Kapag napapagod ako agad din nawawala kapag nakikita ko na sila ang nakikinabang sa lahat ng paghihirap ko. Basta patuloy lamang ako sa pagsusumikap para sa pamilya.
"Pasensya na 'nak, hindi lang mapigilan ni Nanay ang mag-drama kasi talagang ang hiya ko sa iyo ay abot-abot na," hinging paunmanhin niya.
"Sus naman itong si Inay! Walang hiya-hiya! Nanay kita, anak mo ako. Ako nga hindi ako nahiya sa iyo nang mamulat akong ginawa mo lahat para sa akin, para sa amin ni Rex kaya wala dapat kayo ikahiya sa 'kin dahil kagustuhan ko iahon ang pamilya natin sa kahirapan. Naniniwala ako basta ang tao ay masipag at determinado samahan pa natin ng hustong pananalig ay may pag-asensyo iyan. Pasasaaan ba giginhawa rin tayo." magiliw kong sinabi na puno ng ka-positibo-han.
Hindi ko ugaling sumuko, hindi ako tinatablan ng mga negatibong bagay na iyan sa paligid ko basta ang tingin ko diretso lang para sa pag-asenso, para sa pamilya.
Wala nang sinabi pa si Inay at masaya na lamang sila ni Rex na inaya ako sa hapag kainan para kumain na.
Pinagsaluhan namin ang tatlong itlog at tatlong tuyo na nakahain sa lamesa at pinaghatian na naming tatlo.
Napangiti ako. "Sa susunod palagi na tayong makapag-ulam ng mga masarap," saad ko na nangangarap na mapakain pa sila ng mga pagkaing hindi pa nila natitikman.
Natuwa bigla si Rex. "Talaga, Ate? Hindi ko pa alam ang lasa ng beef steak. Masarap kaya iyon?"
Natawa naman ako ganoon din si Inay na napailing na lang din sa ka-inosentehan ng kapatid ko. Kahit ako hindi pa naman ako nakakatikim ng steak na pang mayaman. Corn beef na nasa lata lang ang afford namin.
"Baka lang din iyon, Rex. Iisa lang ng lasa pinamahal lang sa restaurant na naghahain ng gano'n. Binudburan lamang iyon ng asin at nilagyan lang ng sanga ng rose mary at limang libo na agad ang halaga, bili ka na lang ng isang kilong baka ako na lamang magluluto masarap pa," si Inay na wari'y natikman na.
"Bakit Inay, nakatikim ka na ba no'n?" tatawa-tawa kong tanong sa kanya.
May ugali talagang pagkabida ang Inay ko at palagi niyang sinasabi na hindi hamak na masarap siya magluto at ilalaban niya ang lutong bahay niya.
Kay nga lang madalas walang lulutuin kaya palaging tuyo at itlog ang ulam namin sa mahal ba naman ng bilihin talagang magtitipid ka kaysa walang kainin.
"Oo. Minsan na rin akong nakapagtrabaho noon sa mga restaurant 'nak kaya alam ko mga kilusan ng chef at cook doon at kung anong luto iyon din ang pagkain namin," mayroong pagmamalaki niyang sagot.
Ang bibig ko ay napakurbang pa-O. "Hindi niyo nababanggit sa amin iyan. Ano naman trabaho niyo dati sa mga restaurant?"
"Waitress, iyon naman ang naging madalas kong trabaho noon hanggang sa nagbuntis na nga ako sa iyo at natigil na ako sa pagtatrabaho tapos ay napatira ako sa probinsya sa bahay ng Lola mo ilang taon ka na rin noong bumalik ako rito sa maynila," sagot niya na mayroong paglalahad.
Magkaiba kami ng ama ni Rex at ang kwento lang ni Inay ay nabuntis lang siya ng lalaking nakilala niya sa dati niyang trabaho tapos ay iniwan din siya matapos na may mangyari sa kanila at hindi naman daw niya alam na may mabubuo pala at iyon nga ay ako.
Hindi na siya nagabalang hanapin pa ang ama ko dahil isang gabing pagtat*lik lang naman daw ang nangyari sa kanila tapos pareho lang din ng senaryo sa ama ni Rex, isang gabing pagtat*lik lang din daw iyon hindi niya rin inaasahan na may mabubuo hanggang sa lumabas na nga ang bunso kong kapatid at pareho kaming walang kinagisnang ama.
Hanga rin naman ako sa aking ina na kinaya niya kami palakihin kahit na mag-isa lang siya at naniniwala ako na sa pagdating sa katatagan, sa kanya ako magmana.
Malakas ang fighting spirit ni Inay pagdating sa hamon ng buhay kaya siguro lumaki ako ng ganito katatag at walang bagay na sinusukuan. Pero iniyakan, marami.
Hindi naman mawawala iyung minsang mapagod at mapatanong sa sarili kung bakit ang hirap-hirap ng buhay para sa mga gaya naming mahihirap pero agad ko rin naman napagtatanto ang sagot.
Wala namang yumaman na tamad, walang yumaman na nakahiga lamang maghapon kung kaya hindi dapat ako nagrereklamo, dahil parte ang paghihirap ng ating ginagawang pag-usad.
Ang mahalga araw-araw tayong kumikilos at nangangarap na may paniniwala na balang araw makakamit din natin ang ating mga pangarap buhat ng ating mga pagsusumikap.