HINDI ako makapaniwala sa naging resulta ng kilikili ko matapos nilang gamutin. Walang bakas na ahit o bunot sa kilikili ko. Pumuti rin siya ng kaunti mabango na.
“Rain, kailangan mong alagaan ang hygiene mo para hindi ka maging mabaho,” wika ni Doktor Krisha.
“Doktora, paano kung tumubo ulit ‘yung buhok ko sa kilikili?”
Ngumiti siya. “I wax natin siya. Anyway, next week ay kailangan mong bumalik dito para ituloy ang session.”
“Wax? ‘yun ba ‘yung pampakintab ng sahig?”
Hindi maipinta ang mukha ni Sir Joseph, habang si Doktora ay nakangiti sa akin.
“Iba ‘yung floor wax sa wax na ginagamit sa kilikili.”
Tumango ako. “Okay, Doktora.”
“Gamitin mo lang ang deodorant mo everyday para tuluyan mawala ang amoy ng kilikili mo.”
Tumango ako. “Salamat, Doc.”
Nauna akong lumabas habang si Sir Joseph ay kausap si Doktora Krisha.
“Let’s go, Ulan!” sabi niya.
Wala akong imik nang sumakay ako ng kotse. “Sir Joseph, salamat sa kilikili makeover,” panimula ko.
“Tsk! Kadiri ka talaga! Kaya pala amoy putok ka ang kapal ng buhok mo sa kilikili. Tinalo mo pa ang buhok ng kilikili ng lalaki.”
“Hindi naman nakikita ‘yung buhok.”
“Rain, alam kong baboy ka, pero ‘wag mong dalhin dito ang ugaling baboy.”
“Aray! Ang sakit mo naman magsalita.”
“Para sa ‘yo rin ang sinabi ko. Hindi hadlang ang kahirapan para hindi ka maging malinis sa sarili.”
“Okay, Sir Joseph.”
“Simula bukas sasabayan mo akong mag-exercise.”
Nanlaki ang mga mata ko. Iyon na yata ang pinaka masamang balita na narinig ko.
“Huwag po, Sir Joseph.”
“Para kang inahing baboy, hindi tama sa edad mo at height ang katawan mo.”
“Papayat na lang po ako sa paglilinis ng bahay.”
“Basta, sasabayan mo akong mag-exercise.”
Napakamot ako sa ulo. “Kung minamalas ka nga naman,” bulong ko.
“May sinasabi ka?”
Umiling ako. “Wala po akong sinasabi.”
“Naririnig ko may binubulong ka.”
“Narinig n’yo pala bakit ang nagtatanong pa kayo?”
Tinitigan niya ako ng masama. “Ginagalit mo ba ako?”
Umiling ako. “Sorry, Sir Joseph.”
Tumahimik na ako. Nagsisimula na akong mainis sa amo kong sobrang sungit. Hindi ko alam kung ganito talaga ang ugali ng mga among lalaki.
Pumasok kami sa Mall ni Sir Joseph para bumili ng cellphone.
“Wow! Ang gaganda ng cellphone.”
“Pumili ka ng gusto mo,” wika niya.
“Miss, anong cellphone 'yung nasa five thousand lang?”
“Wala kaming five thousand na cellphone. Ang pinakamurang cellphone namin ay six thousand pesos.”
“Ay, sige ‘yon na lang po.”
“Sige, kukunin ko.”
“Rain, hindi maganda ang camera ng gusto mo at mababa ang capacity niya,” wika ni Sir Joseph.
“Anong ibig sabihin no’n, Sir Joseph?”
Bumuntong-hininga siya. “Miss!” tawag nito sa babae na nag-assist sa ‘kin kanina.
“Yes, Sir?”
“Kukuha ako ng ganitong model dalawa.”
“Hindi na po ‘yung tig-six thousand?”
Tumango siya. “Ito ang gusto ko.”
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang presyo ng cellphone na pinili ni Sir Joseph.
“Twelve thousand ang presyo ng isa.”
Kinalabit ko siya. “Sir Joseph, wala akong pambayad diyan,” bulong ko.
“Ako na muna ang magbabayad. Ikakaltas ko na lang sa sahod mo.”
Napangiwi ako. “Akala ko pa naman libre na niya sa akin ang cellphone.”
Kailangan ko talagang rumaket para hindi mabawasan ang pera na ipapadala ko sa pamilya ko.
“Oh, bayaran mo na lang kapag sumahod ka.” Sabay abot sa akin ng dalawang cellphone.
“Lubusin mo na ang kabaitan mo sa akin ngayong araw. Samahan mo akong ipadala sa kanila ang cellphone.”
“Okay, libre mo ko ng pagkain.”
Ang sarap mong sakalin.
Bukod tanging siya lang ang amo na nagpapalibre sa katulong niya.
“Okay, sige, ililibre kita.”
Ngumiti siya. “Good.”
Hindi ko alam kung matutuwa akong nakita siyang ngumiti sa akin. Hindi ako natutuwa na magpapalibre siya sa akin.
Kainis talaga!
“Bakit hindi mo tinitingnan ang cellphone mo na binili mo? Hindi ka ba excited?”
Sino ba matutuwa na may twenty-four thousand na utang dahil sa cellphone?
“Hindi ko alam kung paano gamitin. Magpapaturo ako mamaya kina Aling Josie,” sagot ko.
“Thirty thousand pala lahat ng babayaran mo sa akin.”
“Ano!” kulang na lang ay lunukin ko siya ng buhay.
“Card ang ginamit ko d’yan kaya may tubo na six thousand.”
“Tinalo mo pa ‘yung nag-five six sa amin.”
“May reklamo ka?”
“Ay, wala! Tuwang tuwa nga ako.”
“Mabuti naman.”
Animal ka!
Kung alam lang niya kanina ko pa siya pinatay sa isip ko. Wala pa akong isang buwan sa kanya, nagkautang na agad ako ng thirty thousand. Hindi na yata ako makakaalis sa kanila dahil sa laki ng utang ko.
“Dapat ka pa ngang magpasalamat dahil nilibre ko na ang underarm treatment mo.”
Inirapan ko siya, tapos hindi na ako umimik habang nasa biyahe kami.
“Nandito na tayo.”
Tumingin ako sa labas. “Saan tayo pupunta?” tanong ko.
“Sabi ko sa iyo libre mo ako.”
“Oo, wala naman tayo sa karinderya.”
“Hindi uso sa Manila ang karinderya.”
Kumunot ang noo ko. Nang pumunta ako dito sa Manila, marami kaming nadaanan ni Mang Garry na karinderia.
Bulag siguro si Sir Joseph.
“Let’s go, Ulan, gutom na ako.”
Hinila niya ako papasok sa loob. Pagpasok pa lang namin ay kinabahan na agad ako. Itsura pa lang ng loob ay siguradong mahal na ang pagkain. Tumayo ang balahibo ko sa lamig dahil sa lakas ng aircon.
Nang may lumapit na waiter ay bigla akong nanghina. Kapag may waiter, ibig sabihin nasa restaurant kami, ibig sabihin mahal ang pagkain.
Bumulong ako sa kanya, “Sir Joseph, sa bahay ka na lang kumain.”
“Gutom na ako baka hindi ako makapag-drive kapag hindi tayo kumain.”
Baka hindi na ako makauwi sa laki ng babayaran ko.
Hindi ko na siya napigilan nang sabihin niya ang order niya sa waiter. Para akong unti-unting nanghihina sa mga pangalan ng pagkain na binabanggit niya.
“Ulan, anong gusto mo?” tanong niya.
“Gusto ko ng umuwi.”
“Anong pagkain ang gusto mo?”
“Magkano ang freshwater?” tanong ko sa waiter.
“Thirty pesos po isang pitsel.”
“Wala na talagang libre rito sa Manila. Isang tubig kanal na lang, sanay naman akong maligo sa kanal.”
“Are you sure, Ma’am?” Natatawang tanong ng waiter.
Tumango ako. “Seryoso ako, pero sa order niya hindi ako seryoso.”
Ngumiti ang waiter sa sinabi ko, pero ang demonyo kong amo, gusto na akong gilitan ng leeg.
“Kung anong order ko, gano’n na lang din sa kanya,” sagot ni Sir Joseph.
Pagkalipas ng sampung minuto ay dumating ang mga order namin. Sobrang dami niyang order na pagkain. Halos mapuno na ang lamesa sa sobrang dami.
“Sir Joseph, huling hapunan na ba natin ‘to?”
“Kumain ka na lang ang daming reklamo.”
Paano ako makakain ng maayos kung ako ang magbabayad ng lahat ng ito.
“Bakit ang konti lang ng kinain mo?”
“Puwede bang ibalik kapag hindi naubos?”
“Kainin mo ‘yan o hindi ikaw pa rin ang magbabayad.”
“Tsk! Kainis!”
Nanggigil akong tinusok ang hilaw na karne.
“Bakit hilaw ang karne? Ibalik n’yo ‘to, Sir Joseph.”
“Tsk! Medium rare steak ‘yan.”
“Anong ibig sabihin ng medium rare steak?”
“Kumain ka na lang ang dami mong tanong,” irita niyang sagot.
Tinikman ko ang karne. “Hmm… masarap siya.”
“See. I told you.”
Hindi ko namalayan na marami na pala akong naubos na pagkain. “Ang dami kong nakain.”
“Lubusin mo ang pagkain, marami pang natira,” wika ni Sir Joseph.
Tinawag ko ang waiter para bigyan ako ng plastik. Pero imbes na plastik ang binigay sa akin. Binigyan kami ng magandang lagayan. Kinakabahan ko dahil baka babayaran pa namin ang lagayan.
Ang ganda ng plato at baso.
Lumingon ako sa paligid at nilagay ko sa bag ko ang kutsara at plano na ginamit ko.
“Hoy, Ulan!”
Nagulat ako sa sigaw niya. “Yes, Sir Joseph?”
“Bakit mo nilagay sa bag ang kutsara at plano?” Ibabalot ko para gawin souvenir.
“Ibalik mo ‘yan hindi ‘yan kasama sa babayaran mo.”
“Wala naman nakakakita.”
“Anong wala? Punong-puno ng cctv camera ang lugar na ‘to, bago ka makalabas haharangin ka nila at ikukulong.”
Natakot ako sa sinabi niya. “Dahil sa isang plato at kutsara makukulong ako.” Binalik ko ang plato at kutsara.
“Magbayad ka na.” Tinawag niya ang waiter.
Ilang sandali pa ay dumating na naman ang waiter at binigay sa amin ang babayaran namin.
“Oh, bayaran mo na.” Inabot niya sa akin ang bill.
Pagbuklat ko ng bill namin ay bigla akong nakaramdam ng hilo. “Thirty five thousand pesos!”
Sa lakas ng sigaw ko ay tumingin sa amin ang ibang customer.
“Oo, plus bibigyan mo ng tip ang waiter ng one thousand.”
Pinagpawisan ako ng malampot kahit sobrang lamig naman sa loob ng restaurant.
“Bayaran mo.”
“Ah— Sir Joseph, punta lang ako ng banyo.”
Kumunot ang noo niya. “Tatakas ka?”
Umiling ako. “Hindi po, natatae na kasi ako.”
“Bilisan mo.”
Tumayo ako at dumiretso sa banyo. “Kainis! Paano ko babayaran ang kinain namin? Kahit siguro maghugas ako ng pinggan hindi ko mababayaran ang bill namin.”
May pumasok na dalawang babae at naglagay ng makeup habang nakaharap sa salamin.
“Girl, magkano ang binigay mo sa pulubi kanina?” sabi ng isang girl.
“Wala akong coins kaya five hundred binigay ko. Nakakaawa kasi niya ang dungis niya.”
“One thousand ang binigay ko.”
Parang lumaki ang tenga ko sa narinig ko. “May naisip na ako.”
Lumapit ako sa janitor para manghiram ng gunting. Ginupit-gupit ko ang damit ko, tapos ginulo ko ang buhok ko at tinali ng plastik bag ang buhok.
Kinuha ko ang baso ng milk tea sa basurahan at iyon ang ginamit ko para lagayan ng pera. Paglabas ko sa cubicle ay umarte na akong parang pulubi. Sinadya kong maglakad ng pilay-pilay, pinaputi ko ang mata ko at ngumiwi. Lahat sila napatingin sa akin kaya lumapit ako sa kanila.
“Pa..li.. mos po ng five hun.. dred,” sinadya kong nanginginig ang boses ko.
“May God, paano nakapasok ang pulubi dito sa loob,” wika ng isang babae.
May babae na naglagay ng pera sa baso ko.
Uy, five hundred.
Isa-isa ko silang nilapitan. Ang iba ay hindi nagbigay sa akin. Tinawag nila ang janitor para palabasin ako. Natuwa naman ako dahil makakatakas ako kay Sir Caleb.
“Bawal pulubi rito!” sabi ng Janitor ng palabasin ako.
Nang pumasok sa loob ang janitor ay naglakad na ako papunta kung saan naka-park ang kotse ni Sir Joseph.
“Bahala si Sir Joseph, magbayad doon.”
Nang nasa parking area na ako hinanap ko ang kotse ni Sir Joseph. “Ay, sarado pa.”
Nagulat ako nang biglang bumukas ang bintana ng kotse at lumantad si Sir Joseph. Hindi maipinta ang mukha niya nang makita ako.
“S-sir Joseph!”
Pinagmasdan niya ang itsura ko. “Anong ginawa mo?”
“Ha?” Umiwas ako ng tingin sa kanya.
“Nabayaran mo ba ang bill natin?”
“Hindi n’yo binayaran?”
“Ikaw ang magbabayad.”
Napakamot ako sa ulo ko. “Grabe! Kailangan ko na talagang karirin ito. Balikan n’yo na lang ako rito mamaya kapag naka-ipon na ako ng pambayad sa kinain natin. Mamalimos muna ako.”
Halos bumulugta ako sa talim ng tingin niya sa akin. “Namamalimos ka kanina kaya ganyan itsura mo?”
Tumango ako. “Naka-One thousand na ako. Galante mga tao rito kaya dito ako mamalimos para may pambayad ako.” Tumalikod ako para ipagpatuloy ang pamamalimos.
“Rain!” sigaw niya.
Huminto ako. “Bakit, Sir Joseph?”
“Pumasok ka sa loob ng kotse bilisan mo!”
“Pero hindi pa tayo bayad?”
“Papasok ka ba o iiwanan kita rito at hindi na kita babalikan!”
“P-papasok na!”
Nagmadali akong pumasok sa loob ng kotse at pinaandar niya ang sasakyan niya.
“Sir Joseph, paano ‘yung bill natin?”
“Sino nagsabi sa iyong mamalimos ka sa loob ng restaurant?” pasigaw niya.
“Naisip ko lang, narinig kong nag-uusap ang dalawang babae kanina sa banyo. Sinabi nilang nagbigay sila ng malaki sa pulubi. Naisip kong maging pulubi na lang para makaipon ng pambayad.”
“Kung gaano kalaki ng katawan mo, kabaliktaran naman ng utak mong kasing liit ng munggo.”
“Ang sakit mo naman magsalita,” inis kong sagot.
Kanina pa niya ako nilalait at naiinis na talaga ako.
“Bawal mamalimos sa restaurant.”
“Ikaw ang may kasalanan kung bakit ko ginawa ang mamalimos. Ang takaw mo, hindi mo naman pala kayang ubusin lahat. Hindi naman ako mayaman para magbayad ng gano’n kamahal na pagkain.”
“Binayaran ko na ang bill natin. Idagdag ko na lang sa utang mo sa akin.”
“Bwiset talaga!”
“May sinasabi ka?”
“Ang sabi ko, ang bait mo.”
“Mabait talaga ako.”
“Kapag tulog,” bulong ko.
Kalahating araw lang kaming magkasama ni Sir Joseph pero parang isang buong taon. Puro inis ang naramdaman ko sa kanya. Sana lang hindi na ito maulit, baka tumanda ako ng maaga sa kunsumi sa kanya.