NANG gabing iyon, naghuhugas na ng mga platong pinagkainan si Isla nang marinig niya ang isang pamilyar na ugong ng sasakyan sa mismong garahe ng mansyon.
Nagsimulang kumabog ang dibdib niya. Alam niyang gagamitin ni Vincent ang kitchen door kaya naman inihanda na niya ang kaniyang sarili para doon at hindi nga siya nagkamali.
Agad na sa kanya natuon ang paningin ng binata nang makapasok ito ng kusina. Marahil dahil siyang mag-isa lamang ang naroroon kaya ganoon ang nagyari.
“Sir, good evening,” ang nahihiya niyang bati sa binata saka ito pilit na nginitian.
Narinig niya ang mahinang tawa na pinakawalan ni Vincent. "Sinabi ko naman sa iyo di ba, tawagin mo nalang akong Vincent, o kaya iyong nickname na ibinigay mo sa akin, kasi mas gusto ko iyon."
Nang ngumiti ito ay noon naramdaman ni Isla ang mabilis na pagkawala ng sakit na nararamdaman niya kanina. Kaya sa huli ay hindi rin niya napigilan ang sarili niyang ngumiti.
"Oo nga pala, Vince," aniya pang tumawa narin ng mahina.
“Isla, Miss Beautiful? Pasensya ka na kung nasigawan kita sa school kaninang hapon," si Vincent sa tono na napakalambing at totoong nanoot sa kaibuturan ng kaniyang puso at iyon ang nagbigay sa kanya ng hindi maipaliwanag pero masarap na klase ng kilabot.
Mabilis na namula si Isla sa sinabing iyon ng binata kaya naman minabuti narin niyang iwasan ang mga titig nito. "Kumain ka na ba ng hapunan?" ang naisipan niyang itanong saka kinuha ang isang malinis na cloth at nagpunas ng kamay.
Umiling ang binata saka siya tinabihan sa kaniyang kinatatayuan. "Sa tingin ko parang gusto kong kumain at mag-ulam ng tuyo ngayong hapunan?" bulong nito sa kanya.
Tiningala niya si Vincent. Ang height niya na five feet and six inches ay umabot lamang sa leeg ng binata. Napakalapit nito sa kanya kaya naman hindi naging mahirap para sa kanya ang makita kung gaano kaganda ang kislap sa mga mata nito habang nakatitig ito sa kaniyang mukha.
"Okay, sandali lang at ipaluluto kita ng tuyo. Maupo ka muna sandali," sagot ni Isla na itinuro ang kitchen island saka mataktikang dumistansya mula kay Vincent.
Pinanood ni Isla ang maganang pagkain ni Vincent ilang sandali lang pagkatapos niyon. Hindi pa niya mapigilan ang sarili niyang hangaan ang binata dahil sa husay nitong pagkain ng naka-kamay. Iyon ay kahit pa kung tutuusin, ipinanganak at lumaki ito na may gintong kutsara sa bibig.
"Ang sarap, nabusog ako ng husto," anitong inubos ang malamig na tubig sa baso nito.
Magkakasunod na tumango si Isla. "Ang dami mo ngang nakain," aniyang hindi naitago ang amusement sa kaniyang tono.
“Well I’m broken-hearted, you know, stress eating, that’s why,” sagot ni Vincent saka muling tumawa ng mahina.
Noon siya nakaramdam ng awa dahil sa ginawang pag-amin na iyon sa kanya ng binata. "I'm sorry to hear that, at isa pa, sorry din kung hindi kita mabigyan ng kahit anong advice. Wala pa kasi akong experience sa ganyan kaya ganoon," totoo sa loob niya ang kanyang sinabi.
"Hey, nagbibiro lang ako, okay? Siguro gusto ko lang kakaiba para ngayong hapunan kaya ganoon," paglilinaw ni Vincent sa iba pa nitong sinabi kanina. "Pero seryoso, sa ganda mong iyan tapos sobrang talino mo pa. Paanong nangyari na hindi ka pa nagkakaroon ng boyfriend kahit secret lang? Kahit minsan wala?" ang hindi makapaniwalang tanong ng binata.
Noon nahihiyang tumango si Isla. "Ayaw kasi ni Papa. Ang sabi niya sa akin makakasira lang ang mga iyon sa pag-aaral ko, at kapag ganoon ang nangyari siguradong mawawala sa akin ang scholarship ko, sa huli ay hindi na ako makakatapos ng college," pag-amin niya.
Tinitigan siya noon ni Vincent nang may paghanga. "Kung marami lang sana ang mga babaeng katulad mo, siguradong maraming lalaki ang magiging maswerte."
Noon minabuti ng dalaga na kumilos na para linisin ang kitchen island. "Sinasabi mo lang iyan kasi malungkot ka. For sure pagkatapos ng lahat ng ito hindi mo na naman ako makikita katulad ng dati," napangiwi si Isla nang mapagtanto niya ang pwedeng maging kahulugan ng sinabi niyang iyon kay Vincent.
Nakita niya ang matinding amusement sa mga mata ni Vincent nang sulyapan niya ito. "Hindi totoo iyon ah, nakikita kita, ang problema lang kasi, masyado ka pang bata."
"A-Ano?" ang lito at hindi nakatiis niyang tanong.
Sa puntong iyon ay muling umangat ang sulok ng labi ni Vincent. At sa nangingislap na mga mata ay humakbang ito at nagsimulang naglakad palapit sa kanya. “I promise to save all the best, for you,” anitong hinaplos ang kaniyang pisngi saka yumuko.
Natigilan si Isla at literal na hindi nakakilos nang maramdaman niya ang ginawang paghalik ni Vincent sa kanyang ulo. “Sweet dreams, sweetheart,” dagdag pa nito saka siya iniwan ng natutulala at walang masabi na kahit anong salita.
*****
SA university kinabukasan ay lubos na nasorpresa si Isla nang bigla siyang puntahan ni Vincent sa klase niya saka siya ini-excuse sa kanilang English Professor.
Sapat na dahilan lamang ang ginawang iyon ng binata para ulanin siya ng tukso ng mga kaklase niya lalo na si Renz na siyang naging pinaka-maingay kahit binigyan na niya ito ng warning look. Dahil doon ay hindi narin niya napigilan ang sarili niyang mapangiti at kiligin ng lihim.
“Hi,” si Vincent iyon na napakalapad ng pagkakangiti habang naghihintay ito sa labas ng kanilang classroom.
Noon itinulak pasara ni Isla ang pinto para mapigilan ang paglabas ng lamig ng aircon.
"H-Hello, may kailangang ka ba? Is everything okay?" hindi niya napigilan ang matinding pagkabog ng kaniyang dibdib lalo na nang ngumiti sa kanya ang binata.
Tumango lang muna si Vincent habang nanatili naman sa mga labi nito ang isang napakagandang ngiti. “I would like to invite you for lunch, later,” humihingi ng pahintulot ang tono ng pananalita ni Vincent.
Tinitigan niya si Vincent habang sa puso niya ay hindi parin siya makapaniwala sa kanyang narinig. "A-Ano? Gusto mong sabay tayong kumain ng lunch mamaya?"
Tumawa si Vincent sa nakita nitong naging reaskyon niya. “What kind of reaction is that?”
Noon nakaramdam ng pagkailang si Isla kaya minabuti niyang iwasan ang mga titig ng lalaki. "S-Sorry, ano kasi eh," aniya sa nanginginig na boses.
“What do you think?” ang binata ulit.
Noon minabuti ni Isla na itaas na ang kanyang ulo upang salubungin ang mga titig ng lalaki. "Nagbabaon kasi ako ng lunch. Ibig sabihin kung saan-saan lang ako kumakain. I mean kung saan ko magustuhan," ang nai-insecure niyang paliwanag.
“Really? I didn’t know that huh. Nowadays girls like you are truly rare and difficult to find,” Vincent said with a bright aura. “Anyway, nothing to worry, hindi problema sa akin ang ganoon. So, dito lang ako ah, hanggang matapos ang last subject mo bago ang lunch, hihintayin kita. Okay?"
Mabilis na nagprotesta si Isla sa sinabing iyon at gustong mangyari na iyon ni Vincent. "Naku huwag na! Hindi mo naman kailangan ang hintayin pa ako dito kasi pwede naman tayong magkita kung saan," suhetiyon niya.
Noon umangat ang isang kamay ni Vincent saka nito bahagyang kinurot ang kaniyang pisngi habang nasa mga mata nito ang matindi paring amusement para sa kanya.
"Sige na, bumalik ka na sa klase mo. Hihintayin kita dito."
Sa tono ng pananalita ni Vincent alam niyang hindi na siya mananalo makipagtalo man siya dito kaya sa huli ay pinili narin niyang sundin at gawin ang gusto nitong mangyari.