"Ang swerte mo alam mo ba? At least ikaw nakikita mo siya araw-araw. Siguro hindi mo nararanasan ang ma-miss siya kasi sa isang mansyon lang kaya nakatira," ang kinikilig na winika ni April kinabukasan sa school at oras ng kanilang free time.
Dahil sa scholarship na ipinagkaloob sa kaniya ng Del Carmen Foundation ay nakapag-aaral siya ngayon sa prestihiyosong eskwelahan na iyon sa kanilang bayan. Ang kailangan lamang niyang gawin ay i-maintain ang matataas na grades para maka-graduate sita sa kurso niyang AB-English kung saan nasa ikalawang taon na siya.
"Hindi naman madalas sa bahay si Vincent kasi palagi siyang nasa mga kaibigan niya," sagot ni Isla saka ipinagpatuloy ang pagpa-browse sa librong kinuha niya sa shelf.
Noon napalabing nangalumbaba si April. "Hindi ba ang girlfriend niya ngayon ay yung reigning Miss University natin? Si Tanya. Ang swerte niya kasi napansin siya ni Vincent, tayo kaya, kailan niya makikita?" tanong pa ng best friend niya.
Noon nakagat ni Isla ang pang-ibaba niyang labi saka nagbuntong hininga. Nakita na rin niya ng maraming beses si Tanya at totoo ang sinasabi ni April, napakaganda nito, mayaman at sexy kaya hindi imposibleng mapansin ito ni Vincent.
"Alam mo kung ako ang nasa katayuan mo at ipagluluto ako ni Vincent ng hapunan katulad ng ginawa niya sa'yo, baka ma-in love ako sa kanya. Ikaw ba, hindi ka ba nai-in love sa kanya?"
Hindi naging handa si Isla sa tanong na iyon kaya naman natagpuan na lamang niya ang kanyang sariling nakatitig kay April sa loob ng ilang sandali. "A-Anong sinabi mo?" iyon lang ang naisatinig niya sa halip.
Naiiling na natawa si April dahil doon. "Tinatanong kita, anong secret mo? Bakit masyado ka yatang immune sa charm ni Vincent kasi hindi ka manlang nai-in love o nagkaka-crush sa kanya?"
Sa tanong na iyon ay parang walang anumang nagkibit ng kanyang mga balikat si Isla. Ang totoo ay kabaligtaran ang sinabing iyon ni April. Matagal na siyang in love kay Vincent pero mas pinipili niyang ilihim na lamang iyon dahil natatakot siyang mahusgahan ng kahit sino sa kalaunan.
"Siguro kasi magkasama na kami simula pagkabata. Lumaki kami ng magkasama at iyon ang dahilan kaya parang nakikita ko siya bilang kuya ko," syempre kasinungalingan iyon, at iyon ang dahilan kung kaya ni hindi niya magawang titigan sa mga mata nito ang kaibigan niya.
Noon nagbuka ng bibig nito si April pero napigil ang anumang gusto nitong sabihin nang makita nito ang paglapit sa kanila ni Renz. Kaklase rin nila ito simula pa noong unang taon nila sa kolehiyo.
"Hi girls, kumain na ba kayo?" tanong ni Renz nang nakangiti.
Magkapanabay silang umiling.
"Hindi pa, sa totoo lang gutom na gutom na ako," pag-amin ni Isla.
Mabait na ngumiti si Renz. "Tara sa canteen, libre ko," alok nito.
"Wow ang bait mo naman Renz, as in sobrang bait!" si April iyon na malapada ang pagkakangiti na parang naka-plaster na,
"Oo nga, ang swerte naman namin kasi naging kaibigan ka namin," totoo iyon sa loob ni Isla.
Sa lola nito nakatira si Renz pero ang permenent address nito ay sa Antipolo City. Paupahang apartment ang pangunahing source of income ng mga magulang ng kaibigan nila kaya masasabi niyang mayroon itong magandang buhay at hindi gipit at nagkukulang sa pera.
Pinalaki ito ng mga lolo at lola nito. Magkakaibigan at magkakaklase silang tatlo pero higit siyang mas malapit kay Renz dahil magkatabi sila ng upuan. In other words, seatmate sila ng binata.
Wala pang masyadong tao sa canteen ang pumasok sila.
Agad na napansin ni Isla ang isang mesa ng mga male students at ang isa sa mga iyon ay si Vincent na nakita niyang nakangiti pang kumaway sa kanya. Tinanguan lang niya ito saka binigyan ang lalaki ng isang simpleng ngiti.
Kahit yata dulo ng pilik mata mo magagawa kong tukuyin. Sana pwedeng sa panaginip nalang ako mabuhay kasi doon pwede kang maging akin and at least nakikita mo ako at napapansin.
Sa isip niya ay iyon ang talagang gusto niyang sabihin saka minabuting magbawi na lamang ng tingin mula sa binata. Pero sa sulok ng kanyang mga mata, nakikita niyang sinusundan siya ng mga titig ni Vincent at iyon ang nagdala ng lihim na kasiyahan sa kaniyang puso.
"Grabe ang gwapo talaga niya!" ang kinikilig pang bulalas ni April na hindi na nagawang itago ang totoong nararamdaman. Noon naman tila nakabalik si Isla sa kasalukuyan.
Isang dulong mesa ang pinili nina Isla at April habang si Renz naman ang pumila para bumili ng kaniyang pagkain. Ilang minuto lang ang nakalipas pagkatapos ay isang pamilyar na mukha ang pumasok sa loob ng canteen. Na-curious siya kaya nagtanong siya kay April na nang mga sandaling iyon ay busy sa hawak nitong cell phone.
"April, tingnan mo, sino iyon lalaking kasama ni Tanya?" tanong niya sa kaibigan.
"So totoo pala ang chika tungkol sa cheating," bulong naman ni April.
"Cheating?" ang naguguluhan niyang tanong.
"Hindi ito maganda, oo nga pala, si Anthony iyan at classmates sila ni Tanya," ang tinutukoy ni April ay ang lalaking kasama ngayon ni Tanya.
Hindi nagtagal dahil nga panaka-naka nalang ang naging pagsulyap niya kay Vincent ay nakita niya ang binata nang galit na tumayo.
Mabilis na kumabog ang dibdib niya nang makitang nilapitan nito si Tanya at wala kahit anong salitang sinuntok ang lalaking ka-holding hands ng babaeng kung tutuusin ay nobya nito.
"Ano bang problema mo Vincent?" tili ni Tanya na inawat si Vincent na umakma pang sisipain si Anthony na nang mga sandaling iyon ay nakahiga na sa tiled floor ng canteen.
Hindi namalayan ni Isla pero huli na nang matagpuan niya ang sarili niyang nakatayo sa tabi ni Vincent habang hawak ang braso nito.
"Tapos na tayo Tanya! Break na tayo!" ang galit na galit na sigaw ni Vincent.
“Fine!” sagot ni Tanya na lumabas na ng canteen kasama si Anthony.
“V-Vince?” si Isla kay Vincent na nang mga sandaling iyon ay namumula ang mukha sa matinding galit.
“What?!” bulyaw ni Vincent sa kanya nang harapin siya nito.
Agad na nakaramdam ng matinding pagkapahiya si Isla nang galit na galit na hinila ni Vincent ang sarili nitong braso na hawak niya. Wala siyang kahit na anong nasabi at sa halip ay nanatiling sinusundan lang ng tingin ang papalayong bulto ng binata palabas ng canteen. Nakabalik lamang siya sa sarili niyang katinuan nang lapitan siya ni Renz saka iginiya pabalik sa kanilang mesa.