Sumalubong sa kanila ang silid na katamtaman lamang ang laki. Nakapalibot ang magandang desenyo na bamboo na pangunahing gamit pang-dekorasyon sa silid. Iniwan sila doon ng empleyado na muling humingi ng dispensa at nagpasalamat na rin ulit. Agad na kinuha ni Anj ang hiling nitong extra comforter at extra pillow.
"Sa'n ka pupunta?" pagtataka ni Teddy. Dala ni Anj ang maleta nito, comforter at unan kaya naman hirap na hirap ito sa dinadala. Gustuhin man ni Teddy na tulungan siya ngunit ayaw ni Anj.
Tumigil si Anj sa tapat ng pintuan ng banyo. "Dito ako matutulog."
Inakala pa ni Teddy na nagbibiro lamang ito ngunit nang sumimangot ang dalaga ay kanyang napagtanto na seryoso ito. "Ako na lang diyan. Dito ka sa kama." Ani Teddy sabay kuha ng unan sa kama at diretsong nagtungo sa kinaroroonan ng dalaga.
Mabilis na itinaas ni Anj ang kanyang kamay upang pigilan si Teddy sa kanyang gagawin. "Hindi pwede. Gusto ko dito." Pumasok agad si Anj sa loob ng banyo at sinara ang pinto.
Lumapit si Teddy sa pinto at pinakiramdaman ang dalaga. "Ikaw ang bahala." Anito. "Gusto ko lang malaman mo, hindi ako masamang tao." Dugtong niya.
Pangiwi na lang Anj nang marinig iyon mula kay Teddy. Nahihiya ito dahil sa kabila ng mga ginawang pagtulong sa kanya ng binata ay hindi parin niya ito magawang pagkatiwalaan. Mahigpit na bilin sa kanya ng kanyang umaong lola ay huwag na huwag magtiwala sa kahit na sinong pontio pilato.
Nilagay ni Anj ang comforter bilang higaan sa malaking bathtub at itinapon din doon ang unan na kanyang dala. Umupo ito sa saradong toilet seat at sunod na hinanap ang kanyang hand carry. Ngunit wala iyon doon dahil sa kanyang pagmamadali ay naiwan niya ito sa labas. Maingat na binuksan ni Anj ang pintuan ng banyo at ginawa ang lahat upang huwag makagawa ng ingay.
"Maghahapunan na. Gusto mo bang ipag-order na kita?" huwesyon ni Teddy na hawak-hawak ang menu.
"Mamaya na lang siguro. Busog –"
Natigil ito sa kanyang pagsasalita dahil nauna ang pagtunog ng kumakalam niyang tiyan.
"Make it two orders. Thank you." Ani Teddy sa kausap sa telepono at matapos ay binaba na rin niya ito.
Muling nag-ingay ang sikmura ni Anj na ikinatuwa naman ni Teddy. At para mabawasan ang hiya ni Anj ay nag-isip ito ng mapag-uusapan.
"By the way, Eddy pala ang totoo mong pangalan." Gumawa lang ng maliit na ingay si Teddy agreeing with Anj. "Ano ulit yung apelido mo? Tashley?"
"Tashler."
Napag alaman ni Anj na half pinoy half brit pala si Teddy kaya ganon ang apelido niya.
At habang naghihintay sa pagkain ay umupo na muna si Anj sa sofa hindi kalayuan sa kama kung saan nakaupo si Teddy. Sa kwentuhan ng dalawa , kahit papaano naging komportable na rin si Anj ngunit hindi parin nawawala ang pag-obserba nito sa kasama.
"Magbabakasyon ka rin ba sa Maldives?" Tanong ni Anj habang kinukutkot ang desenyo ng unan na hawak niya.
"Oo sana kung matutuloy pa." Sagot ni Teddy na naka pikit ang mga mata na nakasandal sa dingding. "Ikaw?"
"Ako? Nagpapakalayo-layo." Mariin ang bawat salita ni Anj. Rinig sa boses nito ang galit at depression ng dalaga.
"A broken hearted girl. That explains it." Ngumisi ito at naalala ang nakita sa eroplano.
Nakaupo si Teddy sa likuran ng dalaga. Kitang kita nito ang pag-iyak, pag lip sync at pagkumpas ng kamay ni Anj habang nakikinig sa music. Pinipigilan lang nito na matawa.
"Explains what?!" Taas kilay na tanong ni Anj folding her arms.
"Tears falling, lip singing," naubo si Teddy dahil sa kakapigil sa tawa nito.
"Ayan mabilis ang karma, pinagtatawanan mo kasi ako." Tumayo ito at binuksan ang bottled water na nakahanda sa side table roon at inabot kay Teddy. "You don't even know where I'm coming from!" Naiiritang sigaw ni Anj habang pinapalo ang unan kay Teddy. Muntikan pang matapon ang tubig na iniinom ng binata mabuti na lang at ma-ingat si Teddy.
Nilapag nito ang bottled water sa side table at pilit na pinigilan si Anj sa pagpalo nito sa kanya. Nagbuntong hininga si Anj at yumuko nang mahulog ang hand carry nito. Tumilapon ang mga laman nito kasama ang kanyang pitaka.
Bumungad sa kanya ang larawan ng kanyang dating kasintahan. Masaya ang kanilang mga ngiti. Ngiting nangyayari lamang sa tuwing haharap sila sa camera. Muling bumalik ang sakit sa damdamin ni Anj na dinulot sa kanya ng taong kanyang minahal.
Bilang lumukot ang mukha niya at bumasa ang kanyang mga mata. Lumalim at humaba ang bawat paghingang kanyang ginagawa.
Sinundan ni Teddy ang tingin kung saan nakapako ang mga mata ng dalaga. Isang masayang larawan ang kanyang nakita. Larawan na kanyang iniiyakan.
Humarap ito sa dalaga at sinabing,
"Hit me. Think of me as him."
Hindi nakatulog si Teddy dahil sa pagaalala nito sa kasama. Alam niyang hindi siya komportable doon kaya naman ganoon na lang ang pagaalala nito.
Tinignan nito ang relo na nakasabit sa dingding ng kwarto, alas kuwatro na ng madaling araw. Tumayo ito at hinawi nito ang kurtina sa bintana at tinignan ang mga ilaw ng mga sasakyan na dumaraan sa highway. Abala parin ang lugar kahit na madaling araw palang. Nakaramdam ng gutom ang binata, namili ito ng oorderin na agahan mula sa menu matapos ay tumawag na ito para sa order. At habang hinihintay ang pagkain nito, umupo ito sa kahoy na upuan.
Pinilit nitong iiwasan ang pagalala sa dalaga. Ngunit nakita nito ang kanyang sarili na minsan ididikit ang tenga sa pintuan ng banyo upang pakiramdaman ito. Pero mabilis din itong aalis sa tuwing makakarinig ng pagalaw sa loob.
Hanggang sa isang maliit na papel ang kanyang nakita sa ilalim ng kama. Lumapit ito rito at kinuha iyon. Isang larawan. At.larawan iyon ni Anj. Doon ay malaki ang kanyang ngiti na hindi pa nakikita ni Teddy sa loob ng maraming oras na nagkasama sila. Sa pagobserba nito, ilang detalye ang kanyang napansin.
Meron s'yang kamukha.. Teka, parang may hawig siya,
Napaurong ito nang makita niyang magkamukha si Anj at ang espesyal na babae sa buhay niya. May hawig sila lalo na kung sa bandang mata titignan si Anj, magkapareho ang tangos ng ilong nila maging ang kanilang panga. Napalunok si Teddy sa mga napapansin, biglang pumasok sa isip niya ang babaeng minahal niya.
Hindi mapaghiwalay si Teddy at ang babaeng pinaka mamahal niya. Tampulan sila ng tukso. Kulang na lang daw maging sila. Lahat ibinigay at ipinaramdam ni Teddy sa kanya na espesyal siya sa kanya. Ngunit bigla na lang nagbago ang lahat nang biglang umiwas ang babae sa kanya. Iniwan siya nito sa ere. Pero hindi siya sumuko, ipinaglaban niya ang pagmamahal niya para sa babae. Tumigil lamang siya nang magharap silang tatlo, at doon harap harapang hinalikan ng pinakamamahal niyang babae ang boyfriend nito. Iyon ang dahilan kung bakit nawasak ang mundo ni Teddy at tuluyan itong mawalan ng tiwala sa pag-ibig.
Mabilis na itinago ni Teddy ang larawan sa kanyang bulsa nang makarinig ng ingay mula sa banyo. Inakala nito na gising na ang dalaga kaya naman nagkunwari itong nagpapahinga lang sa kama. Nakahinga lang ito ng maayos nang hindi lumabas si Anj.
Bakit ba ngayon ko lang napansin na magka mukha sila? Kung ganon pala parang kasama ko na rin siya.
Napangiti si Teddy sa naisip niyang iyon. Habang tumataas ang araw naghahanda na rin ito para sa byahe nila papuntang Maldives.
Alas sais nang magising si Anj, napansin nitong wala na sa kama si Teddy. Agad niya itong hinanap dahil inakala nitong naiwan na siya ng eroplano. Pero nang magobserba ito sa paligid at nakita niyang nandoon pa ang maleta ni Teddy kaya umupo n muna ito sa sofa. Akma namang papasok sa kwarto si Teddy na may dala dalang kape at isang malit na paper bag na may lamang tinapay.
"Good morning!" Malaki ang ngiti ng binata nang makitang gising na si Anj.
"Morning. Ang ganda ata ng gising mo?" Nagtatakang tanong ni Anj habang kinukuha ang kape na inaabot sa kanya ng binata. Pilit na itinuon ng dalaga ang atensyon nito sa kape kaysa sa suot ng binata na pilit kinukuha ang tingin ng dalaga. Naka green hooded long sleeves ito, maong pants at rubber shoes. Simple lang ang pormahan ni Teddy ngunit iyon ang gusto ni Anj sa lalake.
"Hindi nga ako nakatulog eh, may inisip kasi ako." Ika ng binata na napakamot pa sa ulo nito kasabay ang malambing na ngiti.
"Pero ang saya mo? Siguro sumegway ka kagabe no?" Balik biro naman ng dalaga matapos ay hinablot nito ang dalang tinapay ng binata, na donut pala ang laman. Malambing parin na ngiti ang naging sagot ng binata na may kaunting kinang sa kanyang mata.
"Tigilan mo nga yang ngiti mo na yan. Nakakairita." Namumula pa ang mga pisngi ng dalaga nang magtama ang mga mata nila.
"Nga pala, sabi ng Airlines alas nuebe ang alis natin. Mag ready ka na. Hihintayin na lang kita sa baba." Ani Teddy saka nito kinuha ang kanyang maleta at naglakad palabas ng kwarto.
"Ba't hindi agad sinabi! Oras na! We have to be there two hours before the flight!" Tinapik pa niya sa likod si Teddy saka tumakbo papasok ng banyo.
Mabilis na naligo at nag handa si Anj para maka abot sa tamang oras. Hindi na nito nagawang maubos pa ang tinapay at kape na dinala para sa kanya ni Teddy. Nagmadali itong bumaba para abutan ang eroplanong magdadala sa kanya sa Maldives. Sa elevator na ang niya naayos ang pagkakasuot ng kanyang yellow colored flats pati pag ayos sa nalukot niyang pale plain orange maxi dress.
Hinanap agad niya si Teddy pagkababa ng elevator sa ground floor. Medyo madami ng tao kaya naman nahirapan ito. Pumunta na lang si Anj sa receptionist para itanong kung nakapag check out na si Teddy. Itinuro na lang ng receptionist si Teddy na nakaupo sa waiting area na nakatingin sa cellphone nito habang nakangiti.
"Uy Teddy halika na!" Tinapik ni Anj si Teddy sa balikat. "Sino yan? Gf mo?" Mabilis na tanong ni Anj nang masilip ang phone ng binata. Tumayo ang binata saka hinawakan si Anj sa beywang at inilapit sa kanya.
"Nagseselos ata ang misis ko." Anito na nagpa blush kay Anj.
"Hi-hindi kaya-a. Tsaka ano ba yan?! Wala namang taong nakakakilala sa'tin dito. Di naman kailangan yan." Bahagyang lumayo ang dalaga sa kanya. "Tayo na nga!" Ani Anj matapos ay naglakad ito palayo.
"Tayo na?" Sabi ni Teddy na may pagkapilyo sa tono nito.
"Ang sabi ko halika na!" Hindi lang namula ang pisngi ng dalaga, nag init din ang tenga nito kaya naman agad itong tumalikod sa binata at lumayo.
Hindi naman malayo ang byahe ng shuttle service mula sa hotel papuntang Airport kaya naman sakto lamang silang nakarating doon. Hindi nakalimutan ng dalawa na maging sweet sa harapan ng mga pasahero ng eroplanong sasakyan nila. Panay ang smile nang dalawa sa isa't isa, may mga pagyakap pang ginagawa si Teddy sa dalaga. Minsan ay nakakadampi ito ng mabilis na halik sa pisngi ni Anj.
"Nakakarami ka na ha." Pasimpleng sabi ni Anj habang patuloy na nakalapad ang ngiti kahit kunwari lang.
"Hon, kung ayaw mo na mademanda dahil sa pagsisinungaling, maki-ride ka na lang." Ani Teddy na pakunwaring niyayakap ang beywang ni Anj habang nakapila sila papasok ng eroplano.
"Gustong gusto mo naman eh no." Bulong ni Anj na nginitian lang ng binata.
Hindi naglaon nakapasok na rin si Anj at nakaupo na rin sa dati nitong pwesto. Naiirita ito kay Teddy dahil pakiramdam nito nanamantala siya sa sitwasyon. Pinunas pa nito ang kanyang pisngi gamit ang kanyang kamay. At para mabawasan ang inis ng dalaga, kinuha nito ang earphones ng cellphone niya at nagpatugtog ng malakas sabay pikit ng mata. Hindi nito alam na nakatayo na pala si Teddy sa likuran ng upuan niya at pinagmamasdan siya.
"Ay! Panot!" Nagulat si Anj dahil sa pagbukas niya sa mata niya bumungad sa kanya ang nakabaliktad na mukha ng binata na dumungaw mula sa likuran niya. "Mag usap nga tayo." Demanding na pagkasabi ni Anj.
Tumayo ang dalaga at nagtungo sa banyo ng eroplano agad namang sumunod sa kanya si Teddy. Hinintay muna nila na ma-solo nila ng lugar bago ibuhos lahat ni Anj ang pagkadismaya nito.
"Tigilan na natin 'tong pagpapanggap! Tutal mukhang wala naman silang pakialam!" Galit na bulalas ni Anj na pilit hinihina ang boses.
"Teka lang, kumalma ka nga."
"Pagkatapos mo 'kong bastusin doon gusto mo magkalma ako?!" Kinalabog ni Anj ang pinto ng banyo. Mabuti na lang at hindi ganoon kalakas ang naging tunog.
"Hindi kita binastos! Ginawa ko lang 'yon para hindi sila makahalata." Ani Teddy.