Kabanata 6

4284 Words
"Ipaghahanda kita ng iyong pangpaligo nang makapaglinis ka ng sarili mo mahal na prinsipe," anang dama sa pananahimik niya. Nakatitig lang ito kasama ang alalay sa kaniya sa malalim niyang pag-iisip. Naputol ang pagtakbo ng kaniyang isipan sa sinabi nito. Ipinaling niya ang tingin sa dama. "Huwag na. Mukhang malinis pa naman ako," aniya sa dama. Tiningnan niya pa ang kaniyang sarili, inayos kapagkuwan ang suot na bahagyang nagulo sa ginawa ng malaking lalaki sa kusina sa likuran ng kainan. "Sigurado kayo?" marahang sabi ng dama na hindi makapaniwala sa kaniyang nasabi. "Bakit? Mali ba ang nasabi ko?" Itinaas niya ang kaniyang mga paa habang hinuhubad ang bota. Pinagtagpo niya ang kaniyang mga paa't pinatong ang mga kamay sa tuhod. "Masyado kayong malinis sa katawan. Nakapapanibago lang ngayon. Ni hindi mo nga gustong pinagpapawisan," anang dama nang itabi nito nang maayos ang bota sa tabi lamang ng tatlong baitang na hagdanan. "Hindi kayo nagiging komportable." Sa narinig niya mula sa dama mukhang isang nababaliw sa kalinisan ang nakaraang siya malayong-malayo sa kaniya na walang pakialam kung marumihan siya nang malala. "Maganda pa rin naman ang pakiramdam ko sa ngayon," aniya sa dama kasabay ng paghapo sa kaniyang tiyan. Lalo niya lamang naramdaman ang gutom dahil sa ilang kagat niya sa manok sa kainan. "Nagugutom lang ako." "Ipaghahanda ko kayo ng makakain," dali-daling sabi ng dama. Mabilisan itong umakyat ng portiko habang hinuhubad ang sandalyas. Nang madaanan nito ang mga nahulog na pangsapin pinulot nito iyon upang madala sa silid. Narinig niya na lamang ang mabilis na pagkilos nito sa kaniyang pagkatalikod. Sa pag-alis nga ng dama naiwan siya kasama ang alalay na hindi gumagalaw sa kinatatayuan na mistulang isang naging poste. "Maupo ka kaya," ang naisipan niyang sabihin. Nanlaki ang mata ng alalay sa narinig. "Hindi ko maaring sundin ang sinabi niyo," pagtanggi nito sa kaniya. Napapabuntong-hininga siya nang malalim. "Hindi ba maganda ang pakikitungo sa inyo ng dating ako? Kanina ko pa napapansin na binabatayan mo ang bawat kilos mo sa harapan ko," aniya sa alalay. Tiningnan lang siya nito na hindi nagsasalita. "Sagutin mo kaya ang tanong ko. Iyong totoo." "Pero Mahal na Prinsipe baka magalit ka na naman," alanganing sabi ng alalay. "Hindi ako magagalit. Kaya sabihin mo na. Hindi naging maganda ang pakikitungo ko sa inyo, ano?" "Tama kayo riyan," ang mabilis na sabi ng alalay kapagkuwan ay niyuko ang ulo. "Pagpansensiyahan mo na ako Mahal na Prinsipe " "Huwag mo na lang alalalahanin. Mula ngayon mag-iiba na kaya maupo ka na. Ako ang nahihirapan sa iyong tumingin." "Dito na lang ako Mahal na Prinsipe. Wala namang problema sa akin," muling pagtanggi ng alalay sa kaniya. Naipatong na lamang niya ang baba sa kaniyang kamao habang nakatingin dito. "Bahala ka na nga. Pero ano bang pangalan mo? Dapat alam ko dahil magkakasama tayo." Itinaas ng alalay ang tingin nito sa kaniya. "Sigurado kayo?" paniniguro nito. "Mali na naman bang itanong ko ang pangalan mo?" Iniling nito ang ulo. "Hindi naman Mahal na Prinsipe. Ni minsan hindi mo naman naitanong kung sino ako kahit naging alalay mo ako," sambit ng alalay. "Ngayon mo lang ginawa." "Ano nga ang pangalan mo?" pag-ulit niya sa naging tanong. "Tutal sa tingin ko naman ay magkaedad tayo tatawagin kita sa pangalan mo't ganoon din pagdating sa akin. Huwag mo na lang akong tawaging prinsipe, hindi ako komportable sa tuwing maririnig ko ang salitang iyon." "Ipagpaumanhin mo Mahal ns Prinsipe ngunit hindi ko masusunod ang gusto mong mangyari. Pero maaari mo akong tawagin sa pangalan kong Arnolfo." "Sige na nga. Mahirap nga namang baliin ang nakasanayan. Nakakalimutan kong isa nga naman pala akong maharlika. Maganda iyang pag-uugali mong may paninindigan. Kung saan-saan ka niyan dadalhin, Arnolfo." Matapos ng sinabi niya nabaling nila pareho ni Arnolfo ang atensiyon sa pagbukas ng tarangkahan. Pumasok doon ang binatang nakasama niya kagabi kaya nagsalubong ang kaniyang dalawang kilay. Kung nagpunta ito roon ibig sabihin niyon kilala nga siya nito at kilala niya rin ito na hindi niya lang matandaan dahil siya ang nasa katawan ng prinsipe. Isinara rin naman ng binata ang tarangkahan pagkapasok nito't naglakad patungo sa kanila. Ganoon pa rin ang suot nito mula nang nagdaang gabi. Pinatunayan lang ng pagyuko ni Arnolfo na kilala nga siya ng binata, binigyang kahulugan niyon ang pagtulong nito sa kaniya. Pinangliit niya ang kaniyang tingin sa binata habang iniisip kung sino ang bisita niya nang sandaling iyon, naisip niyang konektado ng isipan nila ng nakaraang siya ngunit wala namang pumapasok sa kaniyang utak. Dahilan para itigil niya na lamang ang pag-aalala. "Isa ka talagang sinungaling. Hindi ba't sabi mo patay na sila. Nagpunta ako rito para malaman kung alin ang totoo," sabi ng binata pagkahinto nito sa harapan niya. Samantalang ang kaniyang alalay ay lumayo nang paatras nang hindi nito marinig ang magigi nilang usapan Sinalubong niya ang tingin ng binata. "Hindi naman sila ang tinutukoy ko," aniya rito na ikinakunot ng noo nito. "Alam mo sinabi mo sanang kilala mo ako. Umakto kang hindi mo ako kilala." "Hindi ko ginawa ang sinabi mo," pagtatanggol nito sa sarili nito. "Wala rin akong sinabing hindi kita kilala. Ikaw nga itong nagpapanggap diyan na hindi mo ako kilala." "Para sabihin ko sa iyo hindi talaga. Hindi ako nasabi sa iyo na wala akong maalala," aniya sa binata. Mas mainam nga kunwaring nawalan siya nang maalala upang magiging maayos ang pananatili niya sa nakaraan na iyon. "Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo? Isa na naman ito sa kalokohan mo," paratang sa kaniya ng binata. "Nagpapanggap kang wala kang maalala para bigyan ka nang pansin ng mga nakapaligid sa iyo." Kumirot ang kaniyang dibdib sa matalim na mga salitang binitiwan nito. Sa palagay niya ay naramdaman iyon ng nakaraang siya kaya kahit siya'y ramdam niya rin dahil nga sa kaluluwa niya lang naman ang lumipat ng katawan. "Bahala ka sa gusto mong isipin," simple niyang sabi. "Wala namang halaga sa akin ang mga salita mo." Sa naging mga salita niya sinamaan siya ng tingin ng binata. Wala na rin namang nasabi ito sa pagbalik ng dama dala ang maliit na mesang kinapapatungan ng mga pagkaing inihanda para sa kaniya. Pagtama ng tingin ng dama sa binata iniyuko kaagad nito ang ulo kapagkuwan inilapag ang mesa sa tabi niya. "Anong araw ka naman balak bumalik ng palasyo?" naitanong sa kaniya ng binata kaya hindi niya maibaling ang buong atensiyon sa pagkain. Tiningnan niya nang tuwid ang mukha nito. Wala pa siyang balak na umuwi sa sinabi nitong palasyo. Hahanapin pa niya ang kaniyang kaibigan habang naroon sa bayan na iyon. Hindi rin niya naman puwedeng sabihin dito na iyon ang dahilan niya dahil sa itsura ng binata mukha itong matalino, maiintindihan nito kaagad na hindi siya ang prinsipe kung magkamali siya ng sasabihin. "Hindi ko alam," aniya sa binata na siya ring pag-atras ng dama na nakayuko ang ulo. Tumayo lamang ito sa tabi ng portiko kalapit ng kaniyang alalay na si Arnolfo, naghihintay lamang ang mga ito sa mga mangyayari't iuutos ng sino man sa kanila ng binata. Napapabuntong-hininga nang malalim ang binata na mahahalata sa pagtaas-baba ng balikat nito. "Kailan ka ba titino? Sakit ka talaga sa ulo. Alam mo ba iyon?" hirit sa kaniya ng binata. Sinalubong niya ang mapanuring mata nito kaya nagkasubukan naman sila sa pamamagitan ng tingin. Hindi niya nagugustuhan kung paano siya nito kausapin na para bang wala siyang gagawing maganda. "Ano iyang pinagsasabi mo? Makapagsalita ka parang kilalang-kilala mo ako. Ikaw ang hindi matino. Alam mo ngang may nangyari sa akin hindi pa rin maganda ang lumalabas sa bibig mo," banat niya naman dito. "Nasisiraan ka talaga ng ulo." "Sa ating dalawa ikaw ang nasisiraan ng ulo," banat niya naman sa binata. Sa inis nito sa kaniya kinuwelyuhan siya nito na ikinapiksi ng dama at ng kaniyang alalay. Inihawak pa ni Arnolfo ang malayang kamay sa espada. Handang-handa ito na hugutin iyon sa oras na mayroong gawin sa kaniya ang binata. "Kung hindi lang talaga ako nagpipigil tatamaan ka talaga sa akin," mariing sabi sa kaniya. "Tinatakot mo ba ako? Para sabihin ko sa iyo hindi ako natatakot." Hinawakan niya ang kamay nitong nakakapit pa rin sa kaniyag suot. Mayroon pa sana siyang sasabihin na iba na hindi niya naituloy sa pag-akyat ng kinain niya sa kainan, nag-iba ang takbo ng kaniyang tiyan dahil nasikmuraan ng malaking lalaki. Sa bilis niyon naisuka niya ang mainit-init na durog na tinolang manok sa dibdib ng binata. Dahil doon lalong nanggalaiti ito sa galit habang pinupunasan niya ng kaniyang bibig ng likod ng kaniyang kamay. "Kumukulo talaga ang dugo ko sa iyo," sabi ng binata sa kaniya nang itaas nito ang kamay para pigilan ang dama sa paglapit sa kanila. Natigil na lamang ang dama't paatras na bumalik sa tinayuan nito. "Wala akong pakialam," aniya sa binata. Mayroong nagsasabi sa kaniya na dapat din siyang magalit din dito. Hinubad na lamang ng binata ang nasukahang panglabas na kulay asul kaya naiwan ang puting pangloob ng kasuotan nito. "Lumakad na kayo matapos niyang kumain," sabi ng binata sa dalawang kasama niya. "Ipatingin niyo na rin siya sa manggagamot pagkarating niyo ng palasyo. Wala na talaga siya sa matinong kaisipan." Pagbitiw nito sa suot sa portiko bigla na lamang naisipan niyang tumawa para lalo pa itong magalit sa kaniya. "Nakatatawa ka," aniya sa binata kaya binigyan siya nito nang matatalim na tingin. "Mabuti pang umalis na lang kaysa ang makipag-usap sa baliw na katulad mo. Wala ka na ngang naalala hindi ka pa rin matino." Tinaas niya ang kaniyang kamay sa pagtigil niya sa pagtawa. Isenenyas pa niya ang kaniyang kamay para umalis na ito. Wala na ngang nagawa ang binata at tinalikuran na lamang siya nito. Nakuha niya pa itong ihatid ng tingin hanggang sa makalabas ito ng tarangkahan. "Hindi ka ba nasaktan, Mahal na Prinsipe?" ang tanong sa kaniya ng dama sa paglapit nito. Pinulot nito ang iniwang panglabas na kasuotan. "Hindi naman," aniya sa dama. "Makakain na rin ako nang mabuti." "Kumain kayo nang marami. Namumutla na naman kayo, pihadong ilang araw na naman kayong hindi kumain," sabi ng dama sa kaniya. Kaya naman pakiramdam niya ay ang gaan ng katawan niyang nangangayat at nanghihina. Tumango na lamang siya kaya umalis na ang dama para linisin ang nasukahan na damit. Binuksan niya kapagkuwan ang natatakpang mangkok, nagsalubong ang kilay niya nang makitang sabaw lamang iyon, mayroon namang halong mga gulay ngunit walang halong ano mang karne. "Iyan lang ang madalas mong kainin. Nasanay na ang tiyan mo diyan sa sabaw," pagbibigay-alam sa kaniya ni Arnolfo sa paglapit nito sa kaniya. "Babawi ako sa mga ganito?" Itinuro niya pa ang ibang pagkain na nasa maliit na platito. "Nakasanayan na ganiyan maghanda ng makakain ang mga maharlikang tulad mo kahit hindi naman magagalaw." "Sayang naman," aniya nang hawakan niya ang kutsara para humigop ng sabaw. "Mayroon din naman palang naidulot na maganda ang pagkawala ng memorya niyo," ang nasabi ni Arnolfo bigla. Inilihis niya ang tingin mula sa sabaw patungo rito. Hinigop niya muna ang sabaw na nasa kutsara bago magsalita. "Ano naman iyon?" "Hindi ka na natatakot na kausapin si Prinsipe Dermot." Doon niya na naintindihan kung bakit iba kung kausapin siya ng binata. Gusto nitong iparamdam sa kaniya na kahit pareho silang prinsipe mas nakatataas pa rin ito sa kaniya. "Bakit naman ako matatakot sa kaniya?" Binitiwan niya na lamang ang kutsara. Masyado siyang natatagalan sa paghigop gamit iyon. "Dahil siya ang may gawa ng pilat sa tainga mo," pagbibigay alam sa kaniya ni Arnolfo. "Sinubukan ka niyang patayin nang sampung taong gulang pa lamang kayo." Naibagsak niya mangkok mula sa kaniyang bibig dala ng pagkabigla. Sumagi tuloy sa isipan niya ang panaginip, marahil sinasabi ng nakaraang siya na mag-ingat siya sa binata dahil masyado itong masama, pinatay nga rin naman siya ng binata sa bangungot niyang iyon. "Hindi ba gawa-gawa mo lang ang sinabi mo?" Kumuha siya ng insalada na gulay na siyang kinain niya't muling uminom ng sabaw. "Totoo ang sinasabi ko. Alam ng lahat ng nasa palasyo ang nangyari sa inyong dalawa," patuloy na pagkuwento ng alalay sa kaniya. "Bakit naman niya ginawa iyon?" aniya kahit na mayroong laman ang bibig. "Walag nakakaalam ng eksaktong dahilan. Alalahanin mo baka matandaan mo." "Mahirap gawin iyang sinasabi mo." Kahit pilitin niya ang sarili wala siyang mababalikan dahil nga sa alala iyong ng nakaraang siya at hindi kaniya. Pinagpatuloy na lamang niya ang pagkain kaysa pakaisipin pa ang nalaman sa pagitan nila ng binata. "Siguro dahil sa estado niyong dalawa," sabi ni Arnolfo. "Pareho kayong prinsipe kaya likas na pag-aagawan niyo ang upuan ng hari kapag bumaba na ito sa posisyon. Pero ang alam ko wala ka namang interes sa pagiging hari dahil sigurado kang si Prinsipe Dermot ang susunod na hari." "Ibig mong sabihin magkapatid kami?" paniniguro niya dahil kung nag-aagawan sila sa posisyon magkadugo talaga sila. "Hindi. Kagaya ng sabi namin sa iyo anak ka man ng reyna pero hindi mo ama ang hari. Si Prinsipe Dermot naman kahit anak siya ng konsorte dugo't laman naman siya ng hari. Basta kapag makita niyo siya umiwas ka na lang katulad ng ginagawa mo bago ka mawalan ng alaala." "Babaliwalain ko rin naman ang mga nasabi mo. Hindi mahalaga sa akin kung anong mga nangyari at mangyayari pa sa loob ng palasyo," aniya nang tapusin na niya ang pagkain. Hindi niya nagustuhan ang lasa ng ibang nasa platito kaya hindi na lamang niya inubos. Pinahid niya ang kaniyang bibig ng manggas ng kaniyang suot dahil sa lumabis na butil ng sabaw. Nang maalala niya ang pana inilabas niya iyon mula sa kaniyang manggas. "Siyanga pala. Mayroon ka bang ideya kung saan makukuha ang panang ito?" "Saan niyo ito nakuha?" ani Arnolfo nang tanggapin nito ang inabot niyang pana. Pinagmasdan ng alalay niya iyon habang kumukunot ang noo. "Mayroong nagpakawala niyan nang habulin ko iyong isang magnanakaw," pagkuwento niya sa nangyari na hindi niya sinasabi ang tungkol sa kaibigan niya. "Huwag mong sabihing mayroong gustong pumatay sa iyo. Marahil tama nga si Prinsipe Dermot na bumalik tayo ng palasyo. Mas magiging ligtas ka roon." "Hindi ako aalis dito hanggang hindi ko nalalaman kung saan nanggagaling iyang pana," pagbibigay-alam niya sa alalay. "Ako na ang bahalang maghanap pero para magawa ko iyon kailangang naroon ka sa palasyo." Itinigil nito ang pagsuri sa pana na hindi na nito binalik sa kaniya. "Hayaan mo't hindi ako titigil nang maparusahan ang sumubok na saktan ka." "Sige. Dapat siguro pumasok ka sa loob at maghanda ka sa ating pag-alis," pagtataboy niya sa kaniyang alalay. "Hindi kita puwedeng iiwang mag-isa. Hintayin ko na lang ang ginang para siya na ang maghanda ng mga gamit mo." "Ikaw na. Mayroon pang ginagawa iyong tao. Wala namang mangyayari sa akin habang narito ako," pagdadahilan niya nang pabayaan siya ni Arnolfo. "Hindi naman ako aalis dito sa kinauupuan ko. Napagod ang katawan ko. Tinatamad akong gumalaw." Napabuntong-hininga na lamang nang malalim ang alalay indikasyon ng pagsugo nito. "Hintayin mo na lang kami rito. Mabilis lang akong maghahanda," aalanganing sabi ng alalay. Pinagmasdan siya nito nang tuwid, hindi nito gustong iwanan siya roon. Sa huli umakyat na rin naman ito ng portiko. Sinundan niya pa ito ng tingin sa paglalakad nito patungo sa kaniyang naging silid sa tahanan na iyon. Pinukolan pa siya nito ng tingin nang pumasok ito sa pinto. Winasiwas niya ang kaniyang kamay para tumuloy na ito kung kaya bagsak ang balikat nitong tumuloy ng silid. Sinigurado niyang hindi siya naririnig ni Arnolfo mula sa loob sa tahimik niyang panggalaw hanggang makatayo. Imbis na isuot ang bota binitbit niya muna iyon kapagkuwan ay mabilis na lumakad patungo sa tarangkahan. Maging ang paglabas niya ay dahan-dahan din nang ang tarangkahan ay hindi gumawa nang ano mang pagyangitngit. Isinara niya rin naman iyon at nagmadaling isuot ang bota. Matapos niyang maisuot ang bota sinalubong niya ang matandang lalaki na mayroong dala na mga panggatong sa likod. "Manong, puwede ba akong magtanong?" aniya sa matanda kaya napatitig ito sa kaniyang mukha. Tumugon ito sa kaniya ng isang tango kaya pinagpatuloy niya ang pagsasalita. "Saan ba rito iyong tanggapan ng opisyal?" dugtong niya. "Iyon ba?" anang matanda sa kaniya. "Oo. Saan ba iyon?" pagmamadali niya sa matanda. "Puwede pong pakibilisan baka maabutan ako rito sa labas." Kumunot ang mukha ng matanda sa sinabi niya ngunit lumingon pa rin naman ito. "Dumiretso ka lang." Nakuha pa nitong ituro ang kamay sa daan. "Kapag nakita mo iyong malaking puno akyatin mo iyong pataas na daan. Naroon ang hinahanap mo." "Maraming salamat," aniya sa matanda kapagkuwan ay nagtago siya sa likuran nang nakakarwaheng mga dayami. Ibinalik niya ang tingin sa tarangkahan kung saan kalalabas lang si Arnolfo. Tumingin ito sa kaliwa't kanan kaya lalo siyang nagtago sa likuran ng karwahe. Ang matandang kaninang napagtanungan ay nagpatuloy na rin sa mabagal nitong paglalakad. Sa paglalakad ng kaniyang alalay patungo sa direksiyon na binigay ng matanda umikot siya sa likuran ng karwahe pasalungat nito. Inilagay niya pa ang kaniyang daliri sa bibig nang patahimikin ang matanda na nakuha namang lumingon. Mabuti na lamang nagtuloy-tuloy din naman ito ng lakad at hindi sinabi kay Arnolfo na naroon lang siya sa likuran ng mga dayami. Bago siya umalis sa karwahe sinilip niya si Arnolfo kung naroon pa ito sa daan. Tinitingnan nito ang bawat taong nakasasalubong lalo na ang mga nakasombrero. Sa pagliko nito sa kanan umalis na siya sa kaniyang pinagtataguan. Lakad-takbo ang ginawa niya patungo sa kaniyang pupuntahan. Huminto pa siya saglit sa daang pinasok ni Arnolfo, natanaw niya pa itong hinahanap siya sa mga taong naglalakad sa daang iyon. Nang aakma itong lilingon sa kaniya tumakbo na siya. Bumagal lamang siya nang makita na niya na ang malaking puno na ilang kabahayan pa ang layo. Sa laki ng puno lumampas ang taas niyon sa bubongan ng mga kalapit na bahay. Itinigil na lamang niya ang kaniyang pagtakbo't naglakad habang pinagmamasdan ang mga tao. Ni minsan hindi niya pinangarap na magtungo sa nakaraan dahil ang buong akala niya ay hindi posible iyon. Kung alam niyang mayroon pa lang paraan noon pa sana niya ginawa nang mga panahong buhay pa ang kaniyang magulang. Nagsimula lang naman magulo ang kaniyang buhay nang mamatay ang mga ito. Kaya gusto niyang baguhin ngunit sa mas matagal na panahon siya dinala ng medalyon. Marahil iyon din ang gustong gawin ng pumatay sa kaniyang mga kaibigan, ang bumalik sa nakaraan. Marami nga rin namang mababago sa kasulukuyan kahit kaunti lamang ang nagulo sa nakaraan. Sa pag-iisip niya ay hindi niya namalayang nasa harapan na siya ng malaking puno. Pinagmasdan niya pa iyon bago niya inakyat ang paitaas na daan. Hindi pa man siya nangangalahati sa daan natanaw niya na ang tanggapan na napapaikutan ang mataas na pader na nabubongan ng mga laryo. Hindi rin naman kahabaan ang paitaas na daan na iyon kung kaya nga makalipas ang ilang sandali lamang nasa malapad na pintuan na siya ng tanggapan. Wala namang nakatayong nagbabantay roon sa labas kaya tumuloy-tuloy siya ng pasok. Pagkalampas niya sa pintuan pinagmasdan niya ang kalaparan ng lupa sa harapan ng opisina. Mayroon siyang nakikitang opisyal na nag-uusap kalapit ng hanay ng kulungang gawa sa malalaking bilugang kahoy. Hindi naman dito napako ang kaniyang tingin kundi sa lumapit ng opisyal sa kaniya. Nang pagmasdan niya ang mukha nito natandaan niyang ito ay ang opisyal na pilit na humabol sa kaniyang kaibigan. "Hindi ka puwedeng pumasok dito," babala ng opisyal sa kaniya. "Madali lang ako. Mayroon lang akong gustong itanong," aniya kaya napapakunot ng noo ang opisyal sa kaniya. "Tutal narito ka na lang din ikaw na lang ang tatanungin ko." "Ano naman iyon?" tanong din naman opisyal. "Mayroon ka bang ideya kung saan nakatira iyong magnanakaw na hinabol mo kanina?" Pinanliitan siya nito ng tingin na para bang mayroon siyang nasabing mali. "Kilala mo ba iyon?" "Hindi," pagsisinungaling niya. "Kung ganoon bakit mo itinatanong kung saan nakatira ang magnanakaw na iyon?" "Ninakaw niya kasi iyong kuwintas na mahalaga sa akin. Bigay iyon ng mga magulang ko. Kailangan kong mabawi," aniya na gawa-gawa niya lamang. Naniwala rin naman ang opisyal sa pagkalma ng mukha nito. "Walang nakaaalam kung saan nakatira ang magnanakaw na iyon. Paiba-iba iyon ng tirahan. Hayaan mo't kapag nahanap namin babawiin namin ang kuwintas na sinasabi mo kung hindi niya pa maibebenta." "Sana nga ay mahanap niyo siya," ang nadidismaya niyang sabi. Ang buong akala niya naman ay mayroon siyang makukuha tungkol sa kaibigan niya. Nag-aksaya lang siya ng sandali sa tanggapan na iyon kung kaya nga hindi niya na hinintay na mayroon pang masabi ang opisyal. Tinalikuran niya na lamang ito't naglakad papalabas ng malapad na pintuan. Imbis na lumakad paibaba ng daan inakyat niya pa lalo ang daan. Wala rin naman siyang ideya kung saan siya pupunta dahil nga hindi niya alam ang pinagtataguan ng kaibigan niya. Nais niya lang na maglakad-lakad. Sa hindi niya pagtigil narating niya ang mataas na pader na dating nagsilbing harang panglaban sa gustong umangkin sa bayan na iyon. Ang pader ang tanging naiwan ng labanan na umabot ang haba ng mahigit sampung dipa, ang ibang bahagi niyon ay matagal ng nawasak. Napapatingala siya taas niyon na mahigit dalawang palapag na bahay. Naisipan niya na lamang na umakyat sa bungi na rin nitong hagdanan. Bahagya pang dumudulas ang kaniyang suot na bota sa bawat baitang na nabalot ng lumot. Nakaakyat din naman siya na hindi siya nadudulas kaya nakatayo siya sa pinakatuktok niyon na kalahating dipa ang lapad, isinasayaw ng umiihip na banayad na hangin ang kaniyang kasuotan. Pinagmasdan niya nang maigi ang kalaparan ng bayan sa ibaba na nagbabasakaling makakita siya ng bahay na posibleng maging lungga ng kaibigan niya, iyon lang ang magagawa niya nang sandaling iyon. Ginawa niya na dahil wala rin namang mawawala sa kaniya. Sa kasamaang-palad wala naman siyang makita, halos buong-buo ang mga bahay, kung gusto niyang mahanap ang kaibigan kailangan niyang pasukin isa't isa ang mga bahay na pihadong mahihirapan siyang gawin. Hindi malayong mapagkakamalan din siyang magnanakaw kung tinitingnan niya ang mga bahay doon. Napabuntong-hininga na lamang siya nang malalim dahil wala siyang maisip na ibang paraan para mahanap ang kaibigan. Dala ng pagkadismaya napapatingin na lang siya sa ibaba ng pader na mabato, kung hahayaan niya ang sarili na mahulog siguradong mababasag ang ulo niya. Sa lapit niya sa gilid ng pader humalik ang unahan ng suot niyang bota sa hangin. Naalis niya lang ang tingin sa mabatong ibaba nang makarinig siya ng sigaw. Pagkalingon niya sa daan natanaw niya ang apat na kabayo, nag-iisa lang ang walang sakay na kabayo na hila-hila ni Arnolfo. Sa unahan ay ang itim na kabayo na kinasasakyan ng binatang si Dermot. "Bumaba ka na riyan Mahal na Prinsipe! Huwag mong ituloy ang binabalak mo!" sigaw ng dama na nakasakay sa huling kabayo. Nagkasabay na huminto ang mga kabayo sa pagtakbo't mabilisang bumaba si Arnolfo kapagkuwan ay nagsimulang umakyat sa hagdanan. Nakaiilang baitang pa lamang ang alalay niya nang sigawan niya ito. "Diyan ka lang! Huwag ka nang tumuloy!" bulyaw niya kay Arnolfo. "Pero Mahal na Prinsipe!" Nakamasid lang sa kanila ang binata at ang dama sa ibaba. "Huwag mo nga akong tawaging prinsipe! Sinasabi ko sa inyo hindi nga ako ang prinsipe na kilala niyo! Oo magkamukha kami pero hindi ako iyon!" Sa lakas ng pagsigaw niya lumilitaw ang litid sa kaniyang leeg. "Saka ano bang iniisip niyo? Wala naman akong binabalak na gawin." "Hindi kami naniniwala sa iyo! Ganiyan din ang sinabi mo pero umalis ka pa rin! Kaya ngayon wala ka nang maalala!" paninindigan ni Arnolfo kaya nasapo na niya ang kaniyang ulo para rito. Napapatingin pa siya sa ibaba sa pagbaba ng dama't humagulhol ito habang nakatingala sa kaniya. "Huwag mo namang ituloy ang pagpapakamatay! Bumaba ka na! Pangako hindi ka na namin tatawaging prinsipe basta bumaba ka na!" ang sigaw ng dama sa kaniya. Sa puntong iyon umakyat na si Dermot sa hagdanan. Nilampasan lang nito si Arnolfo sa tinigilan nito kaya napapakunot ang kaniyang noo. Pinagmasdan niya lang ito hanggang makatayo ito sa harapan niya na ilang hakbang ang layo. "Ano naman ba ang kailangan mo? Hindi ba't kinamumuhian mo ang prinsipe?" aniya sa binata. "Kung anu-ano naman ang lumalabas sa bibig mo," mariing sabi sa kaniya ng binata. "Katotohanan ang sinabi ko. Nalaman ko na sinubukan mo siyang patayin." "Makapagsalita ka parang may iba ka pang taong tinutukoy," ang nakuhang sabihin ng binata. "Dahil iyon naman talaga ang totoo. Hindi nga ako ang prinsipe na kilala niyo. Magkaiba kaming dalawa kahit na magkamukha kami't parehas pa ng pangalan." Tinitigan lang siya ng binata dahil hindi nito alam ang sasabihin. Pagkatataon niya iyon kaya tinuloy niya ang pagsasalita. Nalulungkot lang siya para sa prinsipeng siya na nabuhay sa panahon na iyon. "Dapat nga matuwa ka kung sakaling tumalon nga ako rito." "Para ano? Para bumaba ang tingin sa akin ng mga tao?" "Kaya naman umakyat ka rito. Mahalaga sa iyo ang posisyon mo bilang prinsipe. Iyon nga rin naman ang dahilan kaya kamuntikan mo nang mapatay ang prinsipe. Nagsasawa na akong makipag-usap sa iyo. Habang tumatagal nagsisimula na akong mainis sa iyo. Siguro dahil marami kang nagawang hindi maganda sa prinsipe. Nararamdaman ko ngayon ang sakit na naranasan niya." Nakuha niya pang dumagok sa dibdib kung saan naroon ang tumitibok niyang puso. Walang sabi-sabing lumakad na siya't binangga pa sa balikat ang binata. Iniwan niya na lamang itong natigalgalan at bumababa na siya ng hagdanan kasabay ang kaniyang alalay na si Arnolfo. Kung tumagal pa siya sa ibabaw ng padera mamamanhid ang balat niya sa lamig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD