MATAAS na ang araw nang mga sandaling iyon ngunit nararamdaman niya pa rin ang lamig ng panahon. Wala pa siyang suot na pangloob matapos ng panglabas na kulay berde kaya hindi nakalalaban ang init ng kaniyang katawan. Dumagdag pa rito ang pag-ihip ng hangin na siya ring dahilan kaya bumaba siya ng pader. Kung ganoon na ang lamig ng panahon kahit umaga palang naisip niya kung paano na lang pagdating ng gabi. Sa palagay niya nga talaga'y kailangang dagdagan pa ang suot niya dahil nga sa nag-iisang patong lamang.
Ang ginawa niya na lamang para hindi bigyang-pansin ang lamig ay ang ipagkiskis ang dalawang kamay sa isa't isa sabay lapat sa kaniyang mukha.
Sa paglapit niya sa kabayong kaniyang sasakyan bumaba ang dama upang salubongin siya nito. Inihanda nito ang balabal na kasing kulay ng kaniyang suot, wala iyong kung ano mang disenyong ginintuang burda nang magmukha lamang siya na ordinaryong mamayan.
Pinagmamasdan siya ng dama na puno pa rin ng pag-aalala sa mga mata.
Isinuot niya rin naman ang hawak nitong balabal nang makalimutan niya ang lamig kahit paano, bilang pagsaalang-alang sa nararamdaman nito. Inuna niyang sinuksok ang kanang kamay kasunod ang pangalawa, doon pa lang bumitiw ang dama. Sa pagbalik nito sa tabi ng sinakyang kabayo itinali niya nang maayos ang berdeng balabal nang hindi iyon bumukas.
Nang sandali ring iyong nakababa na rin ang binatang si Dermot. Hindi na naalis ang tigas sa mukha nito dahil sa inis sa kaniya sa itaas ng pader.
"Babalik na ba kayo?" ang naitanong niya na ang tingin sa binata.
Ito na lamang ang kinausap niya dahil ang dalawang nag-aalalay sa kaniya ay hindi magsasalita liban na lamang kung pinahintulutan ng prinsipe.
Hindi naman siya nagbibiro pero iyon nga ang naging tono niyon sa pandinig ng binata.
"Anong kami lang? Kasama ka," paalala nito sa kaniya.
Inilipat nito ang dalang espada sa kaliwa dahil ipanghahawak nito ang isang kamay sa tali ng kabayong itim na sasakyan nito, tumayo ito sa tabi niyon.
"Paano kung gusto kong magpaiwan?" hirit niya na siyang nagpasama na naman sa mukha ng binata. "Paano kung hindi ako pumayag."
Tinapunan siya nito ng nakabubutas na tingin na buong tapang niya rin namang sinalubong. Hindi niya maintindihan kung anong pinanggagalingan ng pagbabantay nito sa kaniya. Dahil katulad nga ng sabi sa kaniya ng alalay niyang si Arnolfo hindi maganda ang pakikitungo nito sa nakaraang siya; kinamumuhian siya ng mga nakapaligid sa kaniya lalong-lalo na nito; kamuntikan nga rin naman siyang mamatay ng binata.
"Wala kang magagawa," mariing sabi nito sa kaniya. "Kung kailangang itali ka para lang bumalik ng palasyo gagawin ko iyon sa iyo."
Inilapit ni Arnolfo sa kinatatayuan niya ang kabayo na hindi niya naman pinansin.
"Kung ganoon---"
Hindi na niya tinapos ang sasabihi pa sa pagkaripas niya ng takbo palayo sa mga ito. Hindi makasigaw ang dama sa kaniya sa pag-aalalang mayroong makarinig na ibang tao kung tatawagin siya nito bilang prinsipe. Samantalang ang kaniyang alalay na si Arnolfo ay napasunod din naman sa utos ni Dermot, sumakay ito ng kabayo nang madali siyang mahabol. Nasapo naman ng binata ang kaniyang noo sa init ng ulo nito, hindi na rin ito nagtagal sa kinatatayuan. Mabilisan na rin itong sumakay ng kabayo nang makasunod sa kaniya. Hindi siya lumingon sa mga ito sa pagkatakatak ng mga kabayo, inilagay niya ang buong atensiyon sa pagtakbo.
Nang makarating siya sa pababang daan pabalik ng tanggapan nag-iba siya ng direksiyon. Tumalon siya mula sa daan patungo sa gilid niyon, inilagay niya ang kaniyang mga kamay sa harapan nang maprotektahan ang kaniyang mga mata, lumusot ang katawan niya sa mga halaman na sumasabit ang kaniyang suot sa mga maliliit na sanga. Hindi naman siya napunitan kaya maayos pa rin naman ang kaniyang suot. Hindi siya tumigil kahit sa paglapag niya sa lupa na mayroong kasamang paggulong nang bahagya. Sa kaniyang muling pagtayo nang tuwid tinakbo niya ang dahilig habang umiiwas sa mga halaman at puno.
Nang makarinig siya ng pagkabali ng mga sanga doon na siya lumingon, tumatama ang mata niya sa tumatakbong si Dermot na masyadong mabilis. Hindi na maipinta ang mukha nito sa sama. Dahilan para lalo niyang bilisan ang pagtakbo sa paibabang lupa na iyon.
Ilang sandali pa nga ay natanaw niya na ang makipot na daan na ang kasunod ay ang mga kabahayan. Pagkarating niya sa katapusan ng binabaang kakahuyan tumalon siya patungo sa bubong na bahay. Naalis pa ang natapakan niyang laryo na nabasag nang mahulog sa lupa. Hindi siya nagtagal sa bubongan na iyon dahil alam niya ngang nakasunod lang sa kaniya ang binata. Umalis siya kaagad sa bubongan sa pagtalon mula rito patungo sa likod-bahay ng aliwan sa dakong iyon ng bayan. Nagbibigay ng hindi buong tunog ang suot niya tradisyonal sa kaniyang paggalaw.
Pagkatayo na pagkatayo niya nga roon sumalubong sa kaniya ang mga babaeng nagbibigay ng aliw na mahigit sampun ang bilang, nang sandaling iyon ay nagsasampay ang mga ito ng nilabhan habang nag-uusap patungkol sa mga kalalakihang naging kustomer nila sa dumaang gabi. Natigil nga ang pagdaldalan ng mga ito, nakatayo siya sa gitna ng mga sampayan kaya kita niya ang lahat ng mga babaeng naroon nga sa labas.
Iniligay niya ang kaniyang daliri sa bibig nang sabihing huwag magsumbong ang mga ito sa naghahabol sa kaniya na binata.
Ngumiti pa sa kaniya ang isa na pinakamalit sa kaniya nakasuot na kulay-rosas na palda.
"Puwede kang magtago sa silid namin," sabi ng babae sa kaniya na malapad ang ngiti.
"Ayos lang sa inyo?" ang naitanong niya sa babae.
"Oo naman." Humagikhik pa ito kasabay ng iba pa.
Sa paghakbang nga nito patungo sa mga silid sumunod na siya rito na lalong nagpahagikhik sa ibang mga babaeng nagbibigay ng aliw. Hindi rin naman kalayuan ang mga silid na nasa pahabang bahagi ng aliwan, sa gilid lamang iyon ng sampayan. Umakyat ang babaeng nagdala sa kaniya ng portiko na inaalis ang sapin sa paa. Binuksan kapagkuwan ang isa sa mga silid, tinulak nito ang pinto patungo sa tabi bago ito tumayo sa gilid niyon na nakayuko pa na para bang sinasabi niyong kilala siya nito kung sino siya. Hindi niya na lamang pinansin ang bagay na iyon dahil kailangan niya lang namang magtago sa humahabol sa kaniyang si Dermot.
Hindi na nga siya nagtagal sa labas. Nagmadali siyang hinubad ang suot na bota't umakyat na rin ng portiko. Napapalingon pa siya sa inakyatan niyang bubongan sa kaniyang pagpanhik ng silid bibit ang hinubad na bota. Nang nasa loob ng nga siya ay sinara na rin ng babae ang pinto na hindi na naalis ang ngiti sa mga labi nito.
Walang ano mang makikita na gamit sa loob ng silid na iyon kundi ang tukador lamang na nasa kaliwa at ang mahabang patungan na nasa kanan naman. Nang marinig niya ang pagtili ng mga babaeng nagbibigay ng aliw sa labas dahil sa biglaang pagtalon doon ng prinsipe napadikit na lamang siya sa pinto upang makiramdam. Sa punto ring iyon nanahimik naman ang mga babae kaya wala na siyang ibang marinig. Upang makita niya ang labas tinuro niya ang daliri sa pinto, nabutas ang papel na ginamit roon kung niya sinilip ang binata.
"Hindi ka puwedeng pumasok sa mga silid namin," anang babaeng kumausap din sa kaniya.
Kitang-kita niya kung paanong hindi binigyang pansin ni Dermot ang babae, tuloy-tuloy lamang ito sa paglapit sa silid. Hindi ito nag-abalang alisin ang suot na bota sa pag-akyat sa portiko. Inunan nitong buksan ang pinto sa dulo patungo sa pinagtataguan niya kaya ang mga babae ay nagbulungan dahil sa pagkadismaya.
Nang malapit na silid niyang pinagtataguan ang binata hinawakan ito ng babae sa balikat. Sa nangyari tumalim ang tingin ng binata, marahas nitong inalis ang kamay ng babae't itinulak ito kaya napaupo ang babae sa portiko.
"Subukan mo akong hawakan ulit sisiguraduhin kong mawawalan ka ng dalawang kamay," pagbabanta ng binata sa babae.
Napapayuko ng ulo ang babae sa takot. "Itigil mo na ang pagtingin sa mga silid. Hindi mo nirerespeto ang p********e namin," nakuha pang sabihin ng babae.
"Ang mga katulad niyo ay hindi dapat nirerespeto," matigas namang sabi ng binata.
Napapaatras na lamang siya nang ituloy ng binata ang paglapit sa silid na pinagtataguan niya. Naaninag niya ang selwate ng binata na humawak na sa pinto. Hindi nito naituloy nang dahil sa may-ari ng aliwan.
"Ginoo, hindi mo dapat ginagawa iyan," sabi ng may-ari. Mahahalata sa boses nito ang lumipas na mga taon.
"Gagawin ko ang gusto ko." Bumitiw din naman ang binata sa pinto.
Napabuntong-hininga siya nang malalim sa pagharap nito sa may-ari. Nalingunan niya pa ang kuwadradong salamin na nakapatong sa mahabang patungan. Sumalubong nga sa kaniya ang mukha na hindi masyadong malungkot. Pakiramdam niya tuloy hindi rin naging masaya ang prinsipe na kamukha niya sa nakaraan na iyon.
"Paano namang mangyayari may lalaki kaming itinatago sa mga silid? Tuwing gabi lang kami tumatanggap ng mga kustomer," anang may-ari sa binata. "Pakiusap naman huwag mo namang takutin ang aking mga alaga dito. Hindi nila magagawang magtago ng lalaki. Kung sino man ang hinahanap mo tumakbo na iyon."
Hindi na rin naman nagsalita ang binata ngunit lumakad na ito paalis ng silid. Nakahinga siya nang maluwag nang maaninag niya itong bumaba ng portiko. Nanahimik na rin naman ang mga babae't hinintay niyang makaalis ang binata. Dahil nga sa loob siya hindi niya nakitang sinabi pa ng may-ari ang daan sa binata para makalabas ito ng aliwan na hindi umaakyat sa bubongan.
Muli siyang nakiramdam sa pinto't tumayo nang tuwid nang bumukas na iyon. Pinakita niyon ang babaeng kumausap sa kaniya na mayroon na namang ngiti sa labi.
"Wala na siya. Sinamahan na ng ginang na makalabas," pagbibigay-alam ng babae sa kaniya. Lumabas nga siya ng silid na nakasunod ito ng tingin sa kaniya. "Sino ba ang lalaking iyon?" dugtong pa ng babae.
Hindi niya naman maaaring sabihin dito kung sino ang binata. Alam niya rin namang iba ang pagkatao nito kapag lumalabas ng palasyon.
"Hindi ko nga alam kung sino ba iyon. Gusto akong kunin kaya tumakas na ako bago pa mangyari," aniya nang isuot niya ang bota.
Tumango-tango ang babae sa narinig. "Mabuti na lamang dumating ang ginang dahil kung hindi mahuhuli ka na sana niya," anang babae sa pagbaba nito ng portiko. "Saan ka pupunta ngayon? Dapat umuwi ka na sa inyo nang wala nang mangyaring masama sa iyo."
Napatingin siya sa mukha ng babae sa naging tanong nito.
"Mayroon pa akong hinahanap." Bumaba siya ng portiko na hindi nakatingin sa ibang mga babaeng naiwan sa sampayan.
"Sino naman kung hindi mo mamasamain ang aking pagtanong," sabi naman nito sa kaniya.
Ibinaling niya ang atensiyon dito. "Kaibigan ko ang hinahanap ko."
"Sana mahanap siya kaagad."
"Iyon na nga ang problema. Hindi ko alam kung saan siya hahanapin," pagbibigay-alam niya sa babae. "Nagtatago iyon sa akin dahil nag-away kaming dalawa. Hindi ko na kasi nagugustuhan ang ginagawa niya ngayon. Balak kong kausapin para mabago ang isip," dugtong niya na lamang.
"Puwede kang magtanong sa akin kung gusto mo. Marami akong nalalaman dahil sa mga nagpupunta rito tuwing gabi."
Napaisip siya sa narinig sa babae ngunit hindi niya naman maaring sabihin dito na magnanakaw nga talaga ang kaibigan niya. "Napasama kasi siya sa mga nagnanakaw rito sa bayan. Nasilaw ng salapi," ang nakuha niyang sabihin nang magmukhang hindi talaga ginusto ng kaibigan niya ang magnakaw.
"Kung mga magnanakaw ang hinahanap mo. Mayroon silang lugar na lihim na madalas pinupuntahan para uminom at kung saan sila nakikipagpalitan ng mga nanakaw," wika ng babae nang pabulong. Nakuha pa nitong iharang ang isang kamay sa bibig na para bang maririnig ito ng ibang babae. "Subukan mong pumunta baka naroon ang kaibigan mo."
"Saan naman iyon?" pag-usisa niya naman dito.
Inalis ng babae ang kamay sa bibig kapagkuwan ay tumuwid nang tayo. "Malapit lang iyon dito. Pagkalabas mo dumiretso ka lang. Makikita mo na iyon kaagad. Kalapit iyon ng tulay," pagbibigay-alam nito sa kaniya.
"Kung ganoon aalis na ako. Maraming salamat," sabi niya sa babae sa kaniyang pagyuko ng ulo.
"Huwag mo na lamang isipin iyon. Balik ka na lang dito ulit pagkatapos magdala ka nang mga kakilala mo," ang magiliw nitong turan.
"Tatandaan ko iyang sinabi mo."
Muli siyang yumuko rito kapagkuwan ay tinalikuran na niya ito. Hindi na lamang siya umakyat nang bubongan. Lumakad na lamang siya sa bakuran ng mga nakatayong gusali roon na hiwahiwalay, nahanap niya rin naman ang daaj niya sa pagsunod sa ibang babaeng nakangiting tumitingin sa kaniya. Sa pinakagitna ng aliwan ay ang gusaling pinamalaki sa lahat na siyang pangunahing ginagamit sa pagtanggap ng mga kustomer. Umikot siya rito kaya nakasalubong niya pa ang ginang na may-air ng aliwan na iyon. Nakasuot ito ng makulay na damit na mayroong disenyong mga bulaklak, ang buhok nitong natatalian ay natutusukan ng dalawang aguhilya, dala nito ang nakatiklop na abaniko. Kumunot kaagad ang noo nito pagkakita sa kaniya. Kung kaya niyuko niya ang ulo para rito kapagkuwan ay nanakbo patungo sa tarangkahan. Napasunod na lamang ng tingin sa kaniya ang ginang na matalim ang mga mata. Kahit ang hardinero na pumuputol ng halaman sa harapang bakuran ay hinatid siya ng tingin hanggang siya ay makalabas.
KALAPIT nga ng tulay ang inuman na sinabi sa kaniya ng babaeng tagapagbigay ng aliw, isang palapag lamang iyon na natatakpan ng mababang pader. Sa kawalan ng dingding kahit sa labas makikita ang mga nag-iinuman na mga kalalakihan na nakaupo sa sahig. Sa harapan nito ay nakatali ang mga kabayo kaya bahagyang nangangamoy ang daan doon dahil sa mga hindi naalis na dumi. Kapansin-pansin na walang gaanong taong naglalakad sa dakong iyon ng bayan, kahit ang mga bahay na kalapit kung pagmamasdan ay parang walang nakatira.
Nagtuloy-tuloy lang siya ng lakad na lumalayo sa likuran ng mga kabayo hanggang makapasok sa tarangkahan. Pagkatayo niya nga roon pinagmasdan niya ang mga nag-iinuman doon na mula sa iba't ibang estado, ang karamihan sa mga ito ay mula sa mga malayang mamayan na nakaangat ang pamumuhay. Hindi rin mawawala ang mga mangangaso na masyadong malakas ang mga boses kahit malayo pa lang siya ay malinaw niyang naririnig ang tawa ng mga ito.
Nagtuloy-tuloy siya nang lakad habang iniikot ang paningin sa kalaparan ng inuman. Napapatingin sa kaniya ang ilan dahil sa kaniyang ginagawa. Hindi lang siya basta tumingin nilakad niya rin ang magkabilang dulo niyon nang hindi niya kailangang umakyat sa hagdanan.
"Bata, gusto mo bang uminom?" ang tanong sa kaniya nang isang mangangaso na ikinahinto siya sa paghakbang.
Nakaupo ito sa pinakagilid kaya malapit lamang ito sa kaniya, pinagmamasdan siya nito paibaba hawak ang isang alak na nakalagay sa puting sisidlan na gawa sa losa, mag-isa lamang ito nag-iinom sa bilugang mesa.
Nilingon niya naman ito kaya nakuha pa siya nitong ngitian kung kaya ang lumabas ang ngipin nitong nangingitim. Hindi niya nagugustuhan ang ayos nito; ang katawan nito ay nababalot ng balat ng hayop; magulong-magulo ang buhok nito na hindi na nadadaanan ng suklay.
"Hindi ako nagpunta rito para uminom," simple niyang sabi sa mangangaso.
Imbis na makinig sa kaniya ng mangangaso tinapon nito patungo sa kaniya ang sisidlan. "Inumin mo. Sa itsura mo kailangan mong uminom," sabi pa nito sa kaniya.
Hindi naman niya sinalo ang tinapon nitong sisidlan na ikinabasag niyon lupang napalamutian ng maliliit na bato.
"Sinabi ko na sa iyong wala akong balak uminom," paalala niya sa mangangaso.
"Sinayang mo ang alak," ang mariing sabi ng mangangaso. "Ako na nga itong nagmamagandang-loob tinanggihan mo."
"Alin ang pagmamagandang-loob? Nasisiraan ka ba ng ulo?" aniya sa mangangaso.
Tinapunan siya nito nang masamang tingin, ang kamay nitong isa ay mahigpit ang kapit sa mababang kahoy na harang.
Hindi niya na lamang ito binigyang-pansin. Pinagpatuloy niya ang pagmamasid sa inuman. Umalis lamang siya sa lupang nilalakaran nang marating niya ang hagdanang mahigit limang baitang ang taas. Naisipan niyang umakyat dahil hindi niya makita ang mga nag-iinom sa bandang gitna ng inuman.
Pag-alis niya ng paa sa huling baitang tumama kaagad ang mata niya sa kaibigan niyang naroon nga. Nakikipag-usap ito sa isang mangangaso pa na malaking ang pangangatawan, sa balikat ng mangangaso ay nakapatong ang balat ng tigre na nagsilbing balabal nito. Nakaupo ang dalawa sa mesa kalapit ng poste. Ibang-iba ang ayos ng kaibigan mula nang makita niya itong nagnakaw, maganda na kasuotan ang suot nito. Ang mukha pa nito ay nalinis na rin kaya maaliwalas na, maging ang mahaba nitong buhok ay maayos na nakatali sa itaas ng ulo.
Sa nakikita niyang tensiyon sa mukha ng kaibigan niya nalalaman niyang hindi nagiging maganda ang usapan ng mga ito. Nakuha pa nga ng kaibigan niya na ibayo ang kamao sa mesa, mabuti na lamang hindi natumba ang mga sisidlan, dahil kung hindi matatapon ang mga laman niyon.
Nang kuwelyuhan ng mangangaso ang kaniyang kaibigan lumakad na siya patungo rito na hindi pinapansin ang mga nakatingin sa kaniya.
Binitiwan din naman ng mangangaso ang kaibigan niya sa pag-inom nito ng alak na walang lagok-lagok.
"Nangako ka na ibibigay mo sa akin ngayon ang kailangan namin," anang kaibigan niya sa mangangaso.
Ibinaba ng mangangaso nang malakas ang sisidlan kaya gumawa iyon ng ingay. Pinunasan kapagkuwan ang gilid na mga bibig na napaikutan ng makapal na bigote at balbas. Sa lapit niya rito napansin niya ang mahabang pilat sa kaliwang pisngi nito.
"Hindi ko na kasalanan kung kulang ang perang ibinigay mo sa akin," sabi ng mangangaso na basag ang boses. "Hindi sapat para maibigay ko sa iyo ang gusto mo."
"Sa tingin ko eksakto lang ang binayad ko sa iyo. Tinaasan mo lang ngayon para dumami pa ang kita mo," pamimilit ng kaibigan niya.
"Hindi nagbabago kung magkano ang bayad sa akin." Hinawakan nito ang karne na sinubo nito nang buo kahit na malaki ang sukat niyon. Sa laki ng bibig nito nangunguya niya ang karne na walang kahirap-hirap.
"Nagsisinungaling ka," paratang ng kaibigan niya sa kausap. "Ibinigay ko na sa iyo ng pera ko pati ang pangbili namin sana ng pagkain."
"Hindi ako nagsisinungaling."
"Nakakainis naman! Hindi ka tumutupad sa usapan!" Napatayo na ang kaibigan niya sa inis nito.
Sa punto ring iyon nakalapit na siya sa mesa na kinalalagyan nito. Dahil sa nakatalikod sa kaniya ang kaibigan niya ang unang nakapansin sa paglapit niya ang mangangasong malaking ang pangangatawan.
"Ano bang kailangan mo?" ang naitanong sa kaniya ng mangangaso.
Nakatitig ito nang mariin sa kaniya habang pinag-aaralan ang kaniyang kabuuan.
"Itong kaibigan ko ang kakausapin ko," aniya kaya napalingon na sa kaniya ang kaibigan.
Kaagad na sumama ang mukha nito sa pagtama ng mga mata nito sa kaniya.
"Mukhang naliligaw ka sa ayos mo. Alam ba ng mga magulang mong aristokrata na narito ka. Alam mong hindi dapat magpunta ang katulad mo rito," komento ng mangangaso sa kaniya sa muli nitong pag-inom ng alak.
Sa narinig tiningnan niya ang kaniyang kabuuan. Nasabi niya tuloy dahil sa suot niyang balabal kaya ganoon ang nasabi ng mangangaso.
"Ninakaw ko lang ito. Bagay ba sa akin?" aniya na ang tinutukoy ay ang kaniyang suot na balabal. Kibit-balikat lamang ang nakuha niyang sagot mula sa mangangaso.
Naibaling niya rin ang atensiyon sa kaibigan mula sa mangangaso na muling sumubo ng karne.
"Ikaw na naman," mariing turan ng kaibigan niya sa kaniya. Hindi na naalis ang sama nf mukha nito. "Naghahanap ka ba ng away?"
"Hindi," sagot niya naman dito. "Doon tayo sa labas. Kailangan nating mag-usap."
"Bakit naman ako makikipag-usap sa iyo? Hindi naman kita kilala," sabi ng kaibigan niya't binaling nito ang tingin sa mangangaso. "Siguraduhin mong dala mo na ang kailangang ko bukas," dugtong nito para sa lalaki.
"Basta may pera ka bang maibibigay, walang magiging problema," sabi naman nang mangangaso kahit na mayroong laman ang bibig.
Tinalikuran na ng kaibigan niya ang mangangaso kapagkuwan ay lumakad na ito na mabibigat ang paghakbang. Hindi siya nito pinansin sa paglampas nito sa kaniya kaya napasunod siya kaagad dito bago pa maisipan na naman nitong siya ay takbuhan.
Hindi rin naman ito tumakbo ngunit malalaki ang naging paghakbang nito kaya sinabayan niya rin iyon nang makahabol siya rito.
Naabutan niya naman ito nang paibaba na ito ng hagdanan. Yumangitngit nang bahagya ang hagdanan sa bigat nilang dalawa. Inisang hakbang pa ng kaibigan niya ang huling tatlong baitang paibaba.
Sa kalagitnaan na sila ng mabatong lupa nang lingunin na siya nito.
"Huwag ma nga akong sinusundan," mariing sabi nito. Nagsalubong ang dalawang kilay nito dahil sa inis.
"Hindi ko masusunod ang gusto mo."
Naikumyos ng kaibigan niya ang kamao na nakapahinga sa tagiliran. "Ano ba talagang kailangan mo?" tiim ang bagang turan nito.
"Sinabi kong mag-uusap tayo," paalala niya rito.
"Para saan naman?" Hindi na naalis ang sama ng mukha nito.
"Tungkol sa mangyayari sa iyo sa hinaharap. Dapat mong itigil ang ginagawa mong pagnanakaw ngayon dahil madadala iyong hanggang sa susunod mong henerasyon," marahan niyang sabi nang maintindihan nito nang malinaw. "Kung hindi makikinig sa akin ang ikaw sa hinaharap ay mamamatay."
"Nagpapatawa ka ba? Paano mo naman nalaman ang bagay na iyon? Hindi ka naman isang manghuhula sa tingin ko," banat naman nito sa kaniya. Pinagpatuloy nito ang paglalakad na hindi hinihintay kung siya nga ba ang nakasunod.
Sinabayan niya ito sa paglalakad. Hindi naman siya nito tinataboy kahit nang makalabas sila ng tarangkahan.
"Dahil galing ako sa hinaharap. Saksi ako sa iyong pagkamatay."
Naglakad ito patungo sa kaliwa kung saan naroon ang malaking tulay. "Hindi ko alam kung nasisiraan din naman pala ng ulo ang mga katulad mo. Sa kalabisan ng pag-aaral mo kung anu-ano na lang ang naiisip mo. Huwag kang gumawa ng kuwento. Walang taong makakagawa ng sinasabi mo."
"Totoo ang sinasabi ko," pagbibigay niya ng diin sa mga naunang nasabi.
Ilang hakbang pa ay narating nila ang malaking tulay. Naglakad lamang ang kaniyang kaibigan sa gilid kaya iyon din ang ginawa niya.
"Sige, paniwalain mo ang sarili mo." Nilingon siya nito kahit na naglalakad. "Huwag mo akong idinadamay," dugtong nito sa muli nitong pagtuwid nang lakad.
Nahihirapan siyang paniwalain ito na isa nga rin naman nitong pag-uugali kahit sa hinaharap pa. Para maniwala ito kailangan ng patunay na siyang ididikdik sa isipan nito.
"Hindi ka talaga naniniwala. Ano bang gusto mong gawin ko para maniwala ka?" ang naisipan niyang itanong.
Huminto ito sa paghakbang kasabay ng malalim na paghinga na mahahalata sa pagtaas-baba ng balikat nito.
Pinagmasdan siya nito nang tuwid. "Mabuti alam mo. Kahit ano ang gawin mo hindi mo talaga ako mapapaniwala dahil imposibleng galing ka sa hinaharap."
"Sige, hindi na kita pipiliting maniwala. Pero ipangako mong maghahanap ka ng ibang trabaho para naman kahit papaano ay mabago ang isusulat ng mga tala para sa iyo."
"Sino ka naman para sundin ko? Magpapakita ka sa akin pagkatapos sasabihan mo ako nang ganiyan. Sa tingin mo madaling maghanap ng hanapbuhay sa panahon ngayon? Palibhasa sa itsura mo na galing sa marangyang pamumuhay hindi mo nararanasan ang magbanat ng buto kaya nasasabi mong maghanap ako ng ibang mapagkikitaan ng pera."
"Nagkakamali diyan," pagtama niya rito. Totoo ngang hindi marunong magbanat ng buto ang nakaraan siya ngunit ang siya ay kinalakihan na ang bagay na iyon. "Bata pa lamang ako naghahanap-buhay na ako. Iba ang nakikita mo sa akin ngayon. Hindi ako ito. Ordinaryong mamayan lang din ako na katulad mo. Iyong kailangang kumayod para mayroong panglaman sa tiyan."
Bahagyang naging kalmado ang mukha nito. Naalis ang tensiyon sa dalawa nitong mga kilay.
"Madali lang sa iyong sabihin na maghanap ng trabaho dahil hindi mo alam ang sitwasyon ko." Hinakbang na nito ang mga paa dahil masyado na silang tumatagal sa tulay.
Dumaan pa ang ilang mga nakakabayo sakay ang ilang mga aristokrata. Napapasunod rito ng tingin ang kaniyang kaibigan, naalis lang nang makalayo ang mga dumaan.
Naiintindihan niya naman kung bakit ito kailangang magnakaw. Nakikita niyang kahit sa nakaraan kailan nitong kumayod nang todo sa hirap ng buhay nito. Ipanganak itong mahirap, mamamatay na hindi masaya, mabubuhay ng mahirap.
"Ano bang sitwasyon mo? Sabihin mo sa akin baka makatulong ako," aniya kaagad nang sumagi sa isipan na isa nga rin naman siyang prinsipe sa nakaraang iyon.
Marami siyang magagawa sa pag-aakalang sa isang pitik lamang ng daliri niya, ang hindi niya alam ang siya sa nakaraan ay walang ano mang kapangyarihan kahit na dugong maharlika ito.
"Dapat itigil mo na iyang mga sinasabi mo dahil hindi mo alam ang kahulugan niyon."
"Sabihin mo na. Magtiwala ka sa akin. Wala akong gagawing masama. Mabuti rin naman akong tao."
Sa huling pagkakataon tumigil na ito sa katapusan ng tulay. Marahan siya nitong nilingon na nakaguhit sa mukha ang pagkadisgusto. "Ano ngayon kung ganoon ka? Hanggang dito ka na lang." Tinuro pa nito ang tulay para sabihing huwag siyang kumilos doon.
Tinalikuran siya nito sa huling pagkakataon sa paglalakas nito. Sa simula ay sinunod niya naman ito na huwag siyang sumunod ngunit sa pagsagi ng mukha nito nang mamatay na ito hinabol niya ito ulit.
"Doon muna ako sa tinitirahan mo. Wala akong matutuluyan." Sumabay siya sa kanan nito. "Masyadong malayo ang bahay namin dito. Aabutin ako ng dalawang araw bago makauwi."
Pinagmasdan siya nito nang tuwid mula ulo hanggang paa. "Nagbibiro ka lang, hindi ba?" tanong nito na hindi makapaniwala sa sinabi niya.
Nabaling ang tingin niya sa hindi kalayuan kung saan naglalakad ang ilang mga tao. Ang iba pa ay mayroong ginagawa sa gilid ng daan; isang ginang ang nagbibilad ng pinapatuyong sili; nagpapakain naman ng kambing ang isang matandang lalaki; nag-aayos ng karwahe ang panghuli. Lumitaw sa mga taong iyon ang iniiwasan niyang si Dermot na nakuha pang magtanong sa matandang babae na may dalang bayong na naglalaman ng halamang gamot. Nang aakama lilingon ang binata marahan niyang tinulak ang kaibigan niya para mabilis itong maglakad papasok sa unang kalye galing ng tulay.
"Hindi ako nagbibiro. Wala akong pera," wika niya sa kaibigan niya. "Tulungan mo na ako kahit ngayon lang."