Kabanata 1
NAPUNO ang bulwagan ng mabilis na tugtog na nagmumula sa entabladong nakatayo sa malayong sulok kung saan naroon ang malapad na telibisyon. Sumasabay rito ang pinaghalong usapan ng mga taong nagkalat sa kalaparan ng bulwagan, nagsipagdalo ang bawat isang naroon sa pagpapakilala maliban sa kaniya na naliligaw lamang.
Nakapako ang lahat ng mata sa pinapalabas na bidyong pang-promosyon ng produktong mga sapatos, kahit na siya ay sa dako ng telebisyon din nakatingin nang malibang habang naghihintay. Wala naman siyang interes sa mga ganoong bagay ngunit dahil napilit siya ng dalawa niyang kaibigan napunta na lamang siya nang gabing iyon.
Iba ang sadya nilang magkakaibigan sa gusaling kinalalagyan ng bulwagan, nagtungo sila roon upang magnakaw habang abala ang lahat.
Naalis niya ang tingin sa bidyo nang makaramdam siya ng marahang tapik sa kanang balikat. Nang lingunin niya kung sino ang gumawa sumalubong sa kaniya ang mukha ng kaibigan niyang babae.
"Kanina ka pa?" ang naitanong ni Layla sa kaniya nang ibaba nito ang kaliwang kamay na siyang pinangtapik nito.
Nakuha pa nitong itali ang mahabang itim na buhok. Kapagkuwan ay pinantay ang pagkagusot ng itim na blusa, pinili pa nito iyon para bumagay sa pagpapakilala katulad ng suot niyang ternong walang kurbata.
"Hindi naman. Kararating ko lang din," pagsisinungaling niya sa mahina't walang sigla niyang tinig. Dahil ang totoo hindi pa man nagsisimula ang pagpapakilala nagtungo na siya upang ikutin sa labas ang kalaparan ng gusali.
Naghanap siya ng madadaanan kung sakaling maipit sila't kailangang tumakbo.
"Maghintay lang tayo nang kaunti. Pumaitaas na si Marlo," pagbibigay alam nito sa kaniya habang inaayos ang pagkabitin ng kumikinang nitong mahabang hikaw. "Saka tayo susunod matapos siyang tumawag."
"Kailan ba kayo titigil?" Inalis niya ang pagkabutones ng diyaket ng terno dahil nakararamdam siya ng init.
Mula pa kaninang pumasok siya roon naramdaman niya na ang kung anong init na bumalot sa hangin kahit nakabukas naman ang aircon. Pakiwari niya ay mayroong mangyayari sa kanila kung hindi pa sila aalis doon kung kaya sa huling pagkakataon kinausap niya ang kaibigang babae patungkol sa mangyayaring pagnanakaw.
"Iyan ka na naman," ang nakasimangot na saad ni Layla.
"Sinabi ko na sa iyong hindi maganda ang pakiramdam ko sa lugar ito. Hindi ko maalis sa isipan ko na mapapahamak kayong dalawa. Alam mong hindi ako nagkakamali sa mga kutob ko," paalala niya sa kaibigan sa mga salitang ilang ulit na niyang nasabi kahit nang nagbabalak pa lamang ang mga ito.
"Kaya ka nga namin isinama para kung tama ang hinala mo mayroong tutulong sa amin."
Gumuhit ang manipis na ngiti sa labi nito kaya nasapo niya ang kaniyang batok dahil sa namumuong inis sa kaniyang dibdib. Hindi niya na lamang sinabi na naiinis na siya sa lumalabas sa bibig nito.
"Siguraduhin niyong huli na ito. Pero kung uulitin niyo pa hinding-hindi na ako sasama sa inyo. Madadamay lang ako sa kapahamakang naghihintay sa inyo." Isinuksok niya ang dalawang kamay sa bulsa ng pantalon.
"Huwag kang mag-aalala. Huli na talaga ito. Para naman sa ampunan itong ginagawa natin." Hininaan nito ang boses sapat lang para marinig niya bago ito nagpatuloy sa pagsasalita. "Saka wala namang gaanong guwardiya sa itaas kaya magiging madali lang ang pagpasok sa kinalalagyan ng medalyon."
Pinagsalubong niya ang dalawang kilay sa narinig.
"Mas dapat kang mag-aalala kung wala. Sa tingin ko ay buo ang tiwala ng nagmamay-ari sa medalyon na walang magpapangahas na magnakaw," ang huling nasabi niya sa kaibigang babae bago tumunog ang cellphone nito.
Nang sagutin ni Laylya iyon mayroon siyang kung anong naramdaman na nakatitig sa likod niya. Hindi niya rin maiwasang bigyang-pansin ang kung anong puwersang pumipiga sa kaniyang ulo. Dahil dito lumingon siya ngunit wala naman siyang nakitang tao na sa kanila nakapako ang mga mata. Nakatingin pa rin ang mga tao sa telibisyon sa patuloy na pag-andar ng bidyong pang-promosyon.
"Halika ka na. Umakyat na tayo. Nagawan na ng paraan ni Paco ang mga camera," sabi ng kaibigan niya kaya ibinalik niya ang atensiyon dito.
Nais niya na sanang sabihin dito ang naramdaman ngunit nang maisip na ipipilit pa rin naman nito ang gusto pinili niya na lamang na manahimik.
Nagpatiuna sa paglalakad ang kaniyang kaibigan na babae kaya bumuntot siya rito habang umiiwas sa ibang mga taong nakatayo. Kahit na naglalakad lumilingon pa rin siya upang magbakasaling mahuli ng kaniyang mata ang nagpapakawala sa puwersang nararamdaman.
Unti-unti lamang nababawasan ang puwersa nang malapit na sila sa katapusan ng nagkalat ng mga tao. Ilang hakbang pa nga ay nakalampas na sila kaya nakahinga na siya nang maluwag.
Hindi tumigil ang kaibigan niya sa paglalakad na tinutumbok ang alkoba ng mga elebeytor. Nagbibigay ng hindi nagbabagong tunog ang suot nitong mataas na sapatos na umaalingaw-ngaw sa pangunahing pasilyo.
"Gaano ba kalaki ang halaga ng medalyon kaya gusto niyong nakawin?" ang naitanong niya sa pagliko nila sa maikling pasilyo kung saan naroon ang alkoba ng mga elebeytor.
Huminto ang babae sabay pindot sa elebeytor na nasa unahan. Habang hinihintay na bumukas ang dalawang sara tiningnan siya nito.
Lumingon sa kaliwa't kanan bago sumagot. "Katumbas ng buhay ng isang tao."
"Kung ganoon bakit walang gaanong bantay sa itaas. Hindi ka ba nagtataka?" sumunod niyang sabi.
"Hindi ko alam. Hindi na mahalaga kung bakit."
Matapos ng sinabi nito bumukas na rin ang dalawang sara ng elebeytor. Nauna pa rin itong pumasok.
"Ano bang alam mo tungkol sa medalyon?" pag-usisa niya nang pumasok siya kapagkuwan. Siya na ang pumindot sa buton na siyang nagpasara sa elebeytor.
Tumayo siya sa gawing kaliwa ng kaniyang kaibigan na nakatutok ang mata sa mga numerong umiilaw sa itaas ng dalawang sara.
Hinintay niyang magsalita ang kaibigan kaya hindi niya dinugtungan ang naunang nasabi. Nagsindi na rin siya ng sigarilyo upang pakalmahin ang sarili. Inilabas niya mula sa kanang bulsa ng pantalon ang pulang kaha kasunod ang pangsinding pilak ang kulay. Mabilis na nag-apoy ang pangsindi ng pisilin niya iyon kaya kaagad umusok ang sigarilyo.
"Wala namang gaano. Pero alam ko ang isang kuwento tungkol sa medalyon. Maaring totoo o puwede ring hindi." Pinagtagpo ng babae ang dalawang braso sa dibdib. Nanatili itong nakatingin sa unahan sa pagtaas ng elebeytor.
Humithit siya sa sigarilyo kasabay ng pagsuksok niya ng kaha at pangsindi sa bulsa ng pantalon. Ibinuga niya ang usok at muling nagsalita.
"Ano namang kuwento?" tanong niya rito.
Inipit niya sa dalawang bibig ang sigarilyo't pinanatili roon.
"Akala ko ba ay wala kang interes sa mga ganoong bagay pagkatapos itinatanong mo sa akin ngayon iyan," paalala ng babae. "Bakit?"
"Gusto ko lang malaman. Pakiwari ko ay nakita ko na ang medalyon. Hindi ko lang matandaan kung saan."
Hindi nahulog ang sigarilyo mula sa kaniyang dalawang bibig kahit nagsasalita siya.
"Kaya ba pumayag ka na ring sumama?" paniniguro ni Layla.
Ibinalik niya ang atensiyon sa babae sabay inalis ang sigarilyo sa bibig. Hindi niya nais na sagutin ang tanong nito dahil hindi niya alam kung ano ang tamang isasagot.
"Ano nga iyong kuwento?" pag-ulit niya sa naunang tanong dito para masagot na rin nito.
"Gusto mo ba talagang marinig?" paniniguro ng babae sa kaniya.
Tumango siya rito bilang kasagutan sa mabilisan nitong paglingon sa kaniya. "Magtatanong ba ako sa iyo kung hindi."
Huminga nang malalim ang babae sa lumabas sa kaniyang bibig.
"Isang hari ang nagmamay-ari ng medalyon sa sinaunang panahon," pagsisimula ng babae't tumuwid ito sa pagtayo. "Hindi siya naisulat sa kasaysayan kaya kahit pangalan niya walang nakaaalam dahil sa parehong dahilan kaya pinagawa niya ang medalyon. Naisipan niyang buuin ang medalyon bilang regalo sa kaniyang minamahal. Regalong hindi niya naibigay dahil namatay ang pagbibigyan niya."
"Dahil lang sa nagmahal siya kaya hindi siya naisulat? Hindi ba't wala namang masama roon para mangyari ang sinabi mo."
"Sa maling tao niya ibinigay ang kaniyang puso kaya maraming tao ang kinamuhian siya. Ang buong kaharian na pinamumunuan niya ang siya mismong nagpabagsak sa kaniya dahil lamang sa bagay na iyon. Matapos ang kamatayan ng kaniyang minamahal umalis na siya, nagpakalayo-layo't kailanman ay hindi na nakita pa."
"Mali bang magmahal noong unang panahon?"
"Hindi naman. Pero kung pagmamasdan mo ang kasaysayan isang pagkakamali ang mahulog ka sa kapwa mo lalaki. Mahigpit na pinagbabawal. Kamatayan kaya ang naging parusa."
"Ibig mong sabihin pinatawan ng kamatayan ang minamahal ng hari dahil sa naging relasyon nilang dalawa."
"Hindi ako sigurado kung kamatayn nga at kung nagkaroon sila ng relasyon. Pero hindi rin tama ang nangyari sa kanila."
"Dapat kasi pinigilan nila ang kanilang mga sarili," ang nakuha niyang sabihin. "Pinili sana nilang itago ang kanilang mga nararamdaman lalo na't alam nilang pinagbabawal ang relasyon sa pagitan ng dalawang lalaki sa kanilang panahon."
"Kapag nagmamahal ka kasi hahamakin mo ang lahat. Hindi mo kayang dektahan ang puso mo."
"Anong halaga ng pagmamahal kung kamatayan din lang naman ang dala sa iyo," hirit niya naman kaya nilingon na naman siya ng kaibigan niya.
Pinangliitan siya nito ng tingin. "Nasasabi mo iyan kasi hindi mo nararanasang magmahal. Palibahasa kasi isa kang bato. Nakalimutan mo na nga kung paanong ngumiti. Kailan ka nga ba huling naging masaya? Siguradong hindi mo na matandaan. Maiintindihan mo rin ang nangyari sa hari kung magmamahal ka na."
Napakibit-balikat siya sa narinig. "Malabong mangyari iyan," aniya sa babae.
"Huwag kang magsalita ng ganiyan baka pagsisihan mo. Magigising ka na lang isang araw na nagmamahal ka na."
"Paano naman mangyayari iyan gayong wala naman akong interes sa ibang tao." Napahithit siya nang mahaba sa sigarilyo sa pinagsasabi ng kaibigan niya.
"Kasi hindi mo natatagpuan ang taong magpapatibok sa natutulog mong puso," ang huling nasabi ng babae sa paghinto ng elebeytor sa ikalimampung palapag kasunod ng pagbukas ng pinto.
Nagsalubong ang dalawang kilay niya sa paghakbang nito palabas. Dumadating talaga ang mga ganoong pagkakataon na isinisiksik nito sa kaniya ang mga opinyon pagdating sa mga bagay-bagay kaya hindi iyon bago sa kaniya. Hindi na rin siya nagtagal sa loob, sumunod na rin siya rito na nagbubuga ng usok.
Ilang dipa mula sa nilibasan na elebeytor naghihintay ang kaibigan niyang si Marlo na purong itim ang kasuotan magmula sa sombrero hanggang sa sapatos sa harapan ng malapad na pinto. Sa paglapit nila rito ng babae hindi niya naman maiwasang pagmasdan ang kahabaan ng pasilyo.
"Anong ginawa mo doon sa bantay?" ang naitanong niya sa kaibigan kahit ilang hakbang pa ang layo niya rito.
"Wala naman. Bumaba iyong bantay. Hindi siya bumabalik kanina pa."
"Ganoon?" sabi niya rito.
Tumango ito bilang ganti. "Tumuloy na tayo. Hahanapin pa natin iyong pinagtataguan ng medalyon," sabi ni Marlo nang itulak nito ang pinto pabukas.
"Pumasok ka na?" ang naitanong ng kaibigan niyang babae sa pagpanhik nito sa loob.
"Oo. Huwag kayong mag-alala," ang buong tiwalang sabi ni Marlo. "Walang kung anong bitag o ano pa mang orasyon dito sa loob."
Isang tipikal lamang na opisina ang pinasukan ng kaibigan niya. Nilagyan iyon ng itim na mesa sa sulok kalapit ng mga bintana, sa dalawang tabi ay nakatayo ang mataas na estante ng libro. Sa harapan ng itim na mesa ay ang dalawang abuhing sofa na pinapagitnaan ang salaming maliit na mesa. Walang kung anong palamuti sa loob kaya nakayayamot pagmasdan ang kalaparan, abuhin pa ang kulay ng kabuuan niyon na nakadagdag lang ng kalungkutan.
"Baka naman wala rito ang medalyon. Nagkamali lang kayo ng nakuhang impormasyon," ang naisipan niyang sabihin.
Nabaling sa kaniya ang atensiyon ng dalawa niyang kaibigan. Imbis na pumasok nanatili siya sa labas lamang ng pintuan.
"Imposible," anang babae. "Sinigurado naming narito ang medalyon bago magpunta rito."
"Sabihin na nating narito. Pero hindi ba kayo nahihiwagaan? Hindi niyo ba naiisip na isang patibong ang pinasok niyo?"
Sa sinabing niyang iyon natahimik ang dalawa. Nagkatinginan pa ang mga ito't nag-usap sa pamamagitan ng tingin.
"Ano na ang gagawin natin?" ang naisatinig ni Marlo.
Pinaglipat-lipat ni Marlo ang tingin sa kanilang dalawa ng kaibigang babae. Bahagyang nag-isip si Layla samantalang siya naman ay naghihintay sa mangyayari.
Makalipas ang ilang sandali nagsalita na rin ang babae. "Hindi naman puwedeng umalis na lang tayo. Paano kung narito talaga ang medalyon?" wika ni Layla. "Kung aalis tayo masasayang lang ang pagkakataon."
"Itutuloy pa ba natin? Ano sa tingin mo Nikolai?" sabi naman ni Marlo.
Napapabuntong-hininga siya nang malalim para sa dalawa. "Bahala kayo. Maghihintay na lang ako rito sa labas," sabi na lamang niya. Umalis siya sa labas ng pintuan kapagkuwan ay tumayo sa dingding sa gilid niyon. Itinuloy niya ang paninigarilyo. Narinig niya na lamang ang pagkilos ng dalawa sa loob ng opisina sa paghahanap nila ng pinagtataguan ng medalyon.
Sa pagkaupos ng sigarilyo inihulog niya iyon sa sahig sabay dinikdik ng suot na sapatos.
Hindi rin siya nakatiis sa huli. Pumasok na rin siya sa opisina kung saan nadatnan niya ang dalawang kaibigan na abala sa paghahanap. Pinagbubuksan ni Marlo ang mga debuhista sa ilalim ng estante ng libro samantalang si Layla naman ay ang itim na mesa ang pinunterya.
Sa kaniyang paghakbang palapit sa mga ito napalingon siya sa estante ng librong nasa gawing kanan. Napatitig siya rito dahil sa naririnig na kung anong bumubulong. Dahil doon tumayo siya sa harapan ng estante na nakasuksok ang dalawang kamay sa bulsa ng pantalon.
"Siguro mayroong natatagong silid dito. Kailangan lang nating alamin kung paano mabuksan," ang nasabi ni Marlo sa patuloy nitong pagbukas ng mga debuhista.
Nang tumingala siya sa itaas ng estante napatitig siya sa librong ang pabalat ay kayumanggi na para bang kinakausap siya niyon. Naisipan niyang hawakan iyon, hindi niya naman iyon naalis ngunit naigalaw niya kasunod ng matinis na ingay.
Bumitiw siya sa libro nang mapagtanto niyang tumabi ang estante't inilabas ang bakal na pintong walang kung anong busol sa likuran niyon.
"Ito ba ang sinasabi mo?" aniya sa dalawa kaya natigil ang mga ito sa ginagawa.
Nabaling ang atensiyon ng mga ito sa kaniya't nagmadaling lumapit. Tumayo ang mga ito sa kaniyang tabi.
"Maasahan ka talaga," magiliw na saad ni Marlo kahit hindi pa naman nabubuksan ang bakal na pinto.
"Ang problema natin ngayon ay kung paanong mabubuksan iyan dahil wala namang kung anong buton," pagtukoy ng babae.
Walang sabi-sabing kinapa niya ang gilid ng bakal na pinto, nagulat na lamang siya nang biglang bumukas iyon kahit wala naman siyang ginagawa. Nagtago ang bakal na pinto sa gilid kaya napagmasdan niya ang makipot na pasilyo papasok ng pabilog na silid. Sa gitna ng silid na iyon ay natatanaw niya ang bilugang patungan kung saan nakalagay ang medalyong nakasilid sa salaming kahon. Hindi siya kumilos sa kinatatayuan dahil sa muli niyang naririnig na bulong, nagmumula iyon sa loob ng silid.
"Paano mo nabuksan?" takang tanong ni Layla sa pagpasok nito ng pasilyo kabuntot si Marlo.
"Hindi ko alam. Kusa lang siyang bumukas," sabi niya sa patuloy na paglalakad ng mga ito. "Sandali," pigil niya sa dalawa.
Huminto rin naman ang dalawa. "Bakit? Anong problema?" sambit ni Marlo nang lingunin siya nito.
"May nagsasabi sa akin na hindi kayo dapat pumasok," aniya sa dalawa. "Lumabas na lang kayo."
"Ano? Huwag ka namang ganiyan. Ito na iyon," sabi naman ng babae. "Malapit na naming makuha ang medalyon. Suportahan mo na lang kami. Pangako. Huli na ito."
Itinaas pa nito ang kanang kamay para mangako kaya napabuntong-hininga na naman siya nang malalim.
"Sige, kunin niyo na," aniya sa pag-alis niya sa bukana ng pasilyong papasok sa bilugang silid.
Naisipan niyang lumapit sa bintana dahil sa nagsisimulang sumamang panahon. Pinagmasdan niya ang labas dahil nagsisigaw ang kalangitan sa paulit-ulit na pagkidlat na siyang pumupunit sa kadiliman ng paligid, inaabot ang kalupaan para maiparamdam ang bagsik na ipinapataw. Sa haba ng dalang pagdagundong umaalingawngaw iyon sa kawawa niyang tainga. Sumasabay pa rito ang pabugso-bugsong ihip ng hangin na isinasayaw ang mga puno sa tabi ng kalsada.
Hindi rin matigil ang pagliliparan ng mga uwak na nangingiyak sa itaas ng mga kalapit na mga gusali kahit na gabi. Kumakabog ang kaniyang dibdib sa nasaksihan sapagkat hindi na magtatapos ang pagdaing ng kalikasan kahit na sumapit pa ang umaga.
Naalis niya lamang ang tingin sa senaryong kaniyang natatanaw sa paglabas ng dalawa mula sa makipot ma pasilyo.
"Umalis na tayo. Nakuha na namin. Kita mo wala namang nangyari sa atin," ang naisatinig ng kaibigan niyang babae. "Masyado ka lang talagang nag-aalala."
"Baka peke lang ito kaya hindi masyadong binabantayan. Tingnan mo naman ang kulay." Tinaas ni Marlo ang bilugang medalyon na may hawak dito. "Mukhang hindi rin naman espesyal."
Siya naman ay naitutok niya ang mata sa medalyon sa hindi niya malamang dahilan kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka. Pamilyar sa kaniya ang mukha ng medalyon na para bang mayroong nagsasabi sa kaniya na hindi iyon ang unang pagkakataong nakita niya ito sa malapitan, liban pa roon tila nararamdaman niya ang bigat niyon sa kaniyang kanang palad kahit hindi naman niya hawak. Hindi makikita ang ginintuang kulay niyon dahil sa nangitim ito nang bahagya. Dalawang dragon iyon na pumaikot nang pabilog, nasa pinakasentro ang mukha ng dalawang nilikha.
Hindi na nadugtungan pa ang sinabi ng kaibigan niya nang bigla na lamang bumaba ang mga matigas na bakal na harang sa pinto, maging sa ng mga bintanang salamin ay natakpan din.
Nasapo niya ang kaniyang noo dahil hindi siya nagkamali sa kaniyang hinala.
"Paano na tayo makaalis dito?" ang naisatinig ni Layla nang tingnan niya nang maigi ang harang na bakal.
"Dapat kasi nakikinig tayo kay Nikolai. Kita mo ang nangyari. Kasalanan mo ito," ang hindi napigilang sabihin ni Marlo dulot ng pagkadismaya. "Ikaw kasi ang madalas na masusunod. Palibhasa hindi ka niya matanggihan."
"Tumahimik ka nga. Huwag mo akong sinisisi," ganti naman ni Layla na nabahiran ng inis ang boses.
"Nag-away pa kayo," komento niya sa dalawa. "Mag-isip na lang kaya kayo ng paraan kung paano makalabas dito habang wala pang nagpupunta rito."
Hindi niya inalis ang tingin sa harang na bakal.
"Makakaya mo bang wasakin?" ang naitanong sa kaniya ng babae.
Kinatok niya ang bakal na hindi man lang gumawa ng kung anong tunog. "Ang mga ganitong harang ay mahirap wasakin mula sa loob. Kahit subukan pa nating tatlo wala pa ring mangyayari. Mas madali kapag mula sa labas siya wawasakin."
"Ibig mong sabihin mahuhuli tayo? Ayaw ko pang mamatay," ang naibulalas ni Marlo habang natahimik ang babae sa pag-iisip nito.
"Puwede tayong tumakbo sa oras na maitaas ang harang ," suhestiyon niya nang kumalma ang kaibigan. "Kung magiging marami ang naghihintay sa atin sa labas gumamit ka na lang ng pausok. Nagdala ka naman, hindi ba?"
Tumango ang kaibigan kapagkuwan ay naglabas ng tirgas mula sa likuran ng suot nitong diyaket. "Mayroon din ako ritong granada kung gusto mo," anang kaibigan niya.
"Huwag na iyang granada baka mamaya makapatay ka pa," aniya sa kaibigan kaya binalik na lang nito iyon sa likod ng diyaket.
"Ikaw ang bahala," sabi na lamang ni Marlo at ibinaling ang tingin sa babae. "Tumahimik ka diyan. Ano bang iniisip mo?"
"Nag-iisip nga ako ng ibang paraan," banat ng dalaga.
"Hindi na kailangan," saad ni Marlo na buo ang kompiyansa sa sarili. "Hindi mo ba narinig ang pinag-usapan namin ni Nikolai?"
"Narinig---"
Naputol ang sasabihin ng babae nang makarinig sila nang malalim na ungol sa estante ng libro. Mula nga sa mga libro ay nagsilabasan ang makakapal na itim na usok. Humugis lobo ang mga iyon na lima ang bilang. Paglapag ng mga lobo ay nangngingitngit pa rin ang mga ito.
Sa nasaksihan nagsitago ang dalawa sa kaniyang likuran. Hinayaan niya lamang ang dalawa at pinakatitigan ang mga lobo.
"Sinasabi ko na nga ba. Isang pagkakamaling nagpunta pa tayo rito," pagbibigay-alam niya sa dalawa. Doon niya lang naintindihan na mataas ang tiwala ng may-ari ng medalyon na hindi makalalabas ang mga katulad nilang nagnanakaw sa oras na makulong sila sa opisina na iyon.
Magkakasabay na nagsitakbo ang mga usok na lobo patungo sa kanila kaya humarang siya sa dalawang kaibigan upang maprotektahan ang mga ito. Sa pagtalon ng mga usok na lobo winasiwas niya ang kaniyang kamay sa harapan, lumabas mula sa manipis na hangin ang maitim na apoy, tumama iyon sa mga usok na lobo't nadala patungo sa bakal na harang. Pagtama ng usok sa bakal naglaho na rin ang mga lobo.
Hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na makapagsalita dahil sa biglang pagkawasak ng harang na bakal sa bintana kung saan tumama ang mga lobo. Nagsitalbugan ang mga piraso ng bakal patungo sa kanila kaya naiharang niya ang kaniyang kamay nang maprotektahan ang kaniyang mukha, maging ang dalawa niyang kaibigan ay ganoon din ang ginawa. Lumusot mula roon ang tatlong kataong natatakpan ang mga mukha ng itim ng maskarang bungo ng usa, ang katawan ng mga ito ay nababalot ng itim na balabal. Sa paglapag ng mga bagong dating sa sahig napaluhod na lamang siya sa pagbigat ng kaniyang katawan.
"Ibigay niyo sa amin ang medalyon," ang sabi ng nasa gitna.
"Bakit namin ibibigay sa iyo?" bulyaw ng babae. "Ikaw ang dahilan kaya nalagay kami sa sitwasyong ito. Alam mong hindi kami makalalabas sa oras na mahawakan namin ang medalyon. Kaya kami ang pinauna mo. Tama ako, hindi ba?"
"Hindi ka nagkakamali sa naisip mo," anang nakamaskarang nasa gitna.
"Paano naman kung hindi namin ibibigay?" paniniguro ng babae.
"Simple lang. Dito na kayo mamamatay."
Nagtinginan silang magkakaibigan para mag-usap sa pamamagitan ng tingin. Sinenyas niya ang kaniyang ulo kay Marlo kaya mabilis nitong iniling ang ulo. Inakala niyang maiintindihan siya nito ngunit nagkamali siya dahil balak nitong itapon sa nakamaskara ang medalyon kahit hindi naman iyon ang gusto niyang sabihin. Bago pa man nito magawa iyon nilapitan niya ito't kinuha ang tirgas na sa likuran ng suot nitong diyaket.
Sa pagbalik niya ng atensiyon sa mga nakamaskara tinapon niya sa harapan ng mga ito ang tirgas kaya kumalat sa opisina ang makapal na maputing usok. Kasabay niyon ang paglabasan pa ng panibagong nga usok na lobo mula sa libro na doble na ang bilang sa unang paglabas ng mga niyon.
Hindi niya hinintay na mayroong nagawa pa ang mga nakamaskara sa kanilang tatlo, hinila niya ang dalawang magkakaibigan sa kamay patungo sa bintana. Nang didikit na sila sa nakamaskarang nasa gitna yumuko siya sabay sipa sa ulo ng kaaway. Sa ginawa niya tumalsik ang nakamaskarang pinakalider, dahilan para magkaroon sila ng pagkakataon na makatakbo sa nawasak na harang.
Hindi na niya kailangang sabihin pa sa dalawang kaibigan kung ano ang gagawin. Nauna lamang siyang tumalon nang ilang segundo mula sa bintana patungo sa katabing gusali, sa likuran niya lamang ang dalawa. Naglaro sa kaniyang kasuotan ang tumatamang hangin. Nang makarating sa tuktok ng mas mababang gusali gumulong siya sabay tayo.
Binalikan niya ng tingin ang dalawa nang makitang mabibitin ng talon si Marlo. Sa paglapag ng babae hinabol niya ang kaibigang lalaki, hinuli niya ang nakalagay na kamay nito sa unahan. Sa kabuting palad nahawakan din naman niya ang kaibigan kaya hindi ito nahulog sa daan sa ibaba. Napaungol na lamang ito sa pagtama nito sa pader ng gusali. Hindi siya nag-aksaya ng pagkakataon, iniangat niya na ito bago pa ito dumulas sa kamay niya.
"Kamuntikan na ako roon," ang naisatinig ni Marlo nang makatayo ito sa dalawang mga paa. Humawak pa ito sa dibdib sa marahas na pagtibok ng puso nito.
"Hindi na dapat ako naniwala sa taong iyon," wika ng babae na nakapako ang mata sa umuusok na palapag. "Kung saan huli na natin ito doon pa tayo ipapahamak."
"Mabuti na lang talaga isinama natin si Nikolai. Dahil kung hindi patay talaga tayo panigurado," saad naman ni Marlo.
"Kaya nga nila ginawa. Marami na kayong alam sa kanila kaya naisip nilang mas magandang tapusin kayo para hindi niyo masabi sa iba ang mga nalalaman niyo," aniya sa dalawang kaibigan kapagkuwan ay nagpatiuna siya sa paglalakad. "Tara na habang mayroon pa tayong pagkakataon na bumababa."
Nagpatiuna siya sa paglalakad kaya napasunod na lamang ang dalawa niyang kaibigan, mabilis ang kanilang paghakbang na tinutumbok ang hagdanan.
"Napapaisip tuloy ako kung anong mayroon sa medalyon na ito," sambit ni Marlo habang tinitigan ang hawak na medalyon. "Ikaw na nga ang magdala nito," dugtong nito sabay pasa ng medalyon sa babae.
Sinalo naman iyon ni Layla kaya hindi iyon nahulog sa sahig. Tinitigan din iyon ng babae sa pag-alis niya ng nilagay na papel sa pinto ng hagdanan.
"Ngayong tiningnan ko mukhang ordinaryo nga lang naman siya talaga," ang naisatinig ng babae.
Nauna siyang pumasok ng hagdanan samantalang ang kaibigan niyang lalaki ay napalingon sa pinanggalingan nilang gusali. Mula sa nawasak na harang lumabas mula roon ang lalaking nakamaskara, naiwan ang dalawa nitong kasama sa loob.
"Nariyan na siya," bulalas nito't nagmadaling pumasok sabay sara sa pinto. Naitulak pa nito ang babae kaya nabitiwan ng huli ang medalyon.
Nahulog ang medalyon sa gitna ng mga hagdanan.
"Tingnan mo ang ginawa mo," ang naiiritang sambit ng babae na sinundan ng tingin ang medalyon. Nang ibalik nito ang atensiyon sa kaibigan masama na ang tingin nito.
"Bilisan mo na lang. Imbis na magalit ka diyan," hirit naman ng kaibigan niyang si Marlo.
Hinubad nga ng babae ang suot nitong sapatos para makatakbo ito nang maayos paibaba ng hagdanan. Nasa likuran lang sila ni Marlo nito. Ang kanilang mga mabibilis na paghakbang ay umaalingawngaw sa kataasan ng hagdanan.